Biyernes, Mayo 5, 2023

KATOTOHANAN TUNGKOL SA EBANGHELISASYON

13 Mayo 2023 
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Fatima 
Sabado sa Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 16, 1-10/Salmo 99/Juan 15, 18-21 

Screenshot: "LIVE: Feast of Our Lady of Fatima" [TV Maria and National Shrine of Our Lady of Fatima (Valenzuela City) Facebook pages], May 13, 2022

Ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan upang gunitain ang pagpapakita ng Mahal na Birheng Maria sa tatlong bata ng Fatima na sina Sor Lucia at ang magkapatid na sina San Francisco at Santa Jacinta Marto noong 1917. Sa araw na ito noong 1917, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay nagpakita sa tatlong batang ito sa Fatima. Ang nasabing aparisyon ay sinundan ng lima pang aparisyon hanggang sa 13 Oktubre ng taon ring yaon kung kailan naganap ang Himala ng Araw. Sa pamamagitan ng mga pagpapakitang ito, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naging tagapaghatid ng habag at pag-ibig ng Diyos. Isang pahiwatig nito ay ang kanyang pakiusap o hiling na ugaliing dasalin ng bawat mananampalatayang Katoliko ang Santo Rosaryo para sa kapayapaan sa buong daigdig. 

Tinalakay sa mga Pagbasang ito ang katotohanan tungkol sa pagiging tagahatid at saksi ng Mabuting Balita. Bilang Simbahan, inaatasan tayo ng Diyos na ipalaganap sa iba't ibang panig ng daigdig ang Mabuting Balita. Mayroon tayong responsibilidad na maging mga buhay na saksi ng dakilang pag-ibig, habag, at awa ng ating Panginoong Diyos na kusang-loob Niyang inihayag sa lahat ng mga tao sa pamamagitan ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Iyon nga lamang, hindi lahat ay magbubukas ng puso at loobin sa mensahe ng Banal na Ebanghelyo. 

Nagsalita ang mang-aawit ng Salmong Tugunan para sa araw na ito tungkol sa pag-ibig, kabutihan, habag, at awa ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit ang panawagan ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ay handugan ang Panginoong Diyos ng papuri at parangal sa pamamagitan ng masasayang pag-awit sa Kanya. Ang lahat ng mga pagpapalang kaloob ng Panginoong Diyos ay sumasalamin sa Kanyang kabutihan, pag-ibig, habag, at awa para sa atin bagamat tayo ay mga makasalanang hindi karapat-dapat sa mga pagpapalang ito. Katunayan, sa pamamagitan rin ng iba pang mga panalangin gaya na lamang ng Santo Rosaryo, mga Dalangin ng Banal na Awa (Chaplet of the Divine Mercy), at pati ang pinakamataas na uri ng panalangin na walang iba kundi ang araw-araw na pagdaraos ng Banal na Misa, ang Diyos ay ating binibigyan at inaalayan ng papuri, parangal, pasasalamat, at pagsamba. Sumaksi sa pag-ibig, kabutihan, habag, at awa ng Panginoon ang mang-aawit na itinatampok sa Salmong Tugunan para sa araw na ito sa pamamagitan ng kanyang awiting ito na may kalakip na paanyaya para sa ating lahat. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong tinanggap si Apostol San Pablo at ang iba pa niyang mga kasamang misyonero ng Simbahan sa iba't ibang bayang kanilang pinuntahan. Katunayan, sa isang pangitain sa wakas ng Unang Pagbasa, inihayag sa kanya ng Panginoong Diyos na pati ang mga taga-Macedonia ay naghahangad na mapakinggan at matanggap ang Banal na Ebanghelyo at maging mga bahagi rin ng tunay na Simbahan. Ito ang layunin ng Simbahan. Makilala ng tanan ang Panginoong Jesus Nazarenong Muling Nabuhay, mapakinggan ang Kanyang kuwento at pati na rin ang Kanyang mga mensahe, aral, at utos tungkol sa pagiging banal at kalugud-lugod sa Diyos, at maging bahagi ng Simbahan. Dahil dito, maging sa kasalukuyan, hindi tumitigil ang Simbahan sa pagiging saksi ni Kristo. 

Iyon nga lamang, hindi lahat ng mga tao sa mundong ito ang tatanggap ng anumang pagpapatotoo sa Banal na Ebanghelyo ng Poong Jesus Nazareno. Ang Poong Jesus Nazareno mismo ang nagsabi sa Ebanghelyo para sa araw na ito na ang mga apostol at ang mga susunod sa kanila sa Simbahan ay kapopootan ng sanlibutan sapagkat mayroon silang ugnayan sa Kanya. Tapat rin sila sa ugnayang ito katulad mismo ni Jesus Nazareno. Dahil sa kanilang ugnayan sa Poong Jesus Nazareno at ang kanilang taos-pusong katapatan sa Kanya, uusigin rin sila ng sanlibutan gaya ng pag-uusig sa Kanya (Juan 15, 18). Ito ang katotohanan tungkol sa atin bilang Simbahan. May mga sandaling makakaranas tayo ng pagtakwil at pag-uusig dahil tapat tayo kay Kristo. 

Para sa marami, mahirap tanggapin ang Banal na Ebanghelyo ng pagliligtas ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Mas madali para sa kanila na tanggapin at sundin ang ilang mga kilalang personalidad, lalung-lalo na ang mga kilalang personalidad sa pulitika. Hindi na nila susuriin kung mabuti o masama ang nais nilang ipalaganap. Basta na lamang nila tatanggapin at susundin ang mga iniuutos nila. Handa pa nga silang maging tagapagpalaganap at tagapaghatid ng mga utos at mensahe ng mga personalidad na ito, kahit na ang mga nasabing aral, utos, tagubilin, at mensahe ay wala namang idudulot na mabuti. Magbubulag-bulagan rin sila kapag nabisto ang pagiging abusado ng mga kilalang personalidad, lalung-lalo na yaong mga pulitikal na personalidad at pinuno. 

Mabuti pa yaong mga masisikat na personalidad, lalung-lalo na yaong mga pulitikal na personalidad, tatanggapin, susuportahan, papanigan, at susundin pa rin. Bagamat hindi naman sila nagpapalaganap ng kabutihan para sa tanan, kahit na mga abusado sila, susuportahan pa rin sila. Hindi sila uusigin at itatakwil. Subalit, ang mga tapat na lingkod ng Mahal na Poon na sumasaksi sa Kanya, hindi nila tatanggapin. Itatakwil at uusigin pa sila ng marami sa lipunan sa kasalukuyan. Isang patunay nito ang mga paring nagsasalita laban sa katiwalian. Kapag nagsasalita ang mga pari laban sa katiwalian, kahit wala naman silang binabanggit na pangalan, sila pa ang kikilalanin at tatawaging masama ng marami. Hindi ba masama ang katiwalian, pagnanakaw, at walang hustisiyang pagpatay sa mga inosente? Bakit kaya ipinapasiya ng marami na tirahin at usigin yaong mga tumitindig laban sa kawalan ng katarungan, lalo't higit yaong mga paring nagpapaalala na labag sa mga utos ng Panginoong Diyos ang mga gawaing ito na tunay nga namang kasuklam-suklam sa Kanyang paningin? 

Bagamat hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating pagiging mga makasalanan, niloob pa rin ng Panginoong Diyos na ipakita sa atin ang Kanyang awa, habag, pag-ibig, at kabutihan para sa atin. Ito ang dahilan kung bakit si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay naghandog ng Kanyang buhay sa Krus na Banal at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw para sa ating ikaliligtas. Ito rin ang dahilan kung bakit mula 13 Mayo hanggang 13 Oktubre noong 1917 ay anim na ulit na nagpakita sa tatlong bata sa Fatima ang Mahal na Inang si Mariang Birhen upang iparating ang kanyang pakiusap, mensahe, at hiling para sa lahat ng mananampalataya na laging dasalin ang Santo Rosaryo para sa ikapagkakamit ng kapayapaan, pagsisihan at talikdan ang kasalanan at magbalik-loob sa Diyos, at maging banal at kalugud-lugod sa Diyos. 

Dumating ang Panginoong Jesus Nazareno sa mundong ito upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Ito ang Mabuting Balitang ipinangaral at pinatotohanan ng mga apostol na patuloy pa ring isinasagawa ng Simbahan sa kasalukuyan. Mula Mayo hanggang Oktubre noong taong 1917, anim na ulit na nagpakita sa tatlong batang pastol sa Fatima ang Mahal na Inang si Mariang Birhen upang maging paalala ng awa, habag, kabutihan, at pag-ibig ng Diyos na labis-labis na nasusugatan dahil sa mga kasalanan ng tao. Ang mga mensahe, aral, at utos na ito ng Banal na Ebanghelyo ng Panginoon ay kusang-loob ba nating tatanggapin at susundin? Ipapalaganap rin ba natin ito, gaya na lamang ng ginawa ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa Fatima noong 1917, kahit mahirap? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento