Huwebes, Hulyo 30, 2020

HINDI PAGPAPAMALAS NG KAPANGYARIHAN

2 Agosto 2020 
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 1-3/Salmo 144/Roma 8, 35. 37-39/Mateo 14, 13-21


Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinadama Niya sa pamamagitan ni Kristo (Roma 8, 38-39). Sa kabila ng ating mga kasalanan at kahinaan, hindi titigil ang Diyos sa pagmamahal sa atin. Patuloy Niya tayong mamahalin at kakalingain. Oo, labis na nasasaktan ang Panginoong Diyos sa tuwing tayo'y nagkakasala laban sa Kanya. Kinasusuklaman Niya ang kasalanan. Siya'y nagagalit kapag nakakakita Siya ng taong gumagawa ng kasamaan. Subalit, hindi ito nangangahulugang nababawasan o tuluyang nawawala ang Kanyang pag-ibig para sa sangkatauhan. Ilang ulit mang magkasala ang sangkatauhan, nananatili pa rin ang pagmamahal at pagkalinga ng Diyos. Hindi ito nababawasan o naglalaho. 

Binibigyan ng pansin sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Linggong ito ang pag-ibig at pagkalinga ng Panginoon. Maraming ginagawa ang Diyos upang ipakita ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga. Isa sa mga ginagawa ng Panginoong Diyos upang ipakita ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga ay ang pagpapakain sa bawat isa sa atin. Pinapakain tayo ng Diyos dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Gaya ng nasasaad sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Pinakakain Mong tunay kaming lahat, O Maykapal" (Salmo 144, 16). Katunayan, binigyan ito ng pansin ni Hesus sa isang bahagi ng Ama Namin, ang panalangin na Kanyang itinuro. Ito ang mga salita sa nasabing bahagi ng panalanging iyon: "Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw" (Mateo 6, 11). Sa pamamagitan ng pagpapakain at pagkakaloob ng iba pang pang-araw-araw na pangangailangan, pinapatunayan ng Diyos na lagi Niya tayong minamahal at inaaruga. 

Inilahad ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa ang paanyaya ng Diyos sa Kanyang bayan. Inaanyayahan ng Panginoon ang Kanyang bayan na lumapit at makinig sa Kanya. May inaalok Siyang pagkain at inuming napakasarap. Tanging Siya lamang ang makakapagkaloob ng tunay na pagkain at inumin na napakasarap. Sa Kanya lamang nagmumula ang tunay na pagkain at inumin. Kung tutuusin, ginagawa ito ng Panginoon sa Banal na Misa. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, ibinibigay sa atin ni Hesus ang tunay na pagkain at inumin - ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo. Ang tunay na pagkain at inumin, ang Katawan at Dugo ng Panginoon, ay tinatanggap natin sa Banal na Pakikinabang (Komunyon). Ang tunay na pagkain at inumin ay nagmumula lamang sa Panginoon. Siya lamang ang makakapagbigay nito sa bawat isa sa atin. Mahahanap lamang natin ang tunay na pagkain at inumin sa presensya ng Panginoon. Bakit? Dahil Siya mismo ang tunay na pagkain at inumin. 

Sa Ebanghelyo, pinakain ni Hesus ang limang-libong katao. Sa pamamagitan ng himalang ito, pinatunayan ni Hesus na hindi lamang Siya isang guro mula sa bayan ng Nazaret na puno ng karunungan. Pinatunayan Niyang hindi Siya malayo sa mga tao dahil sa taglay Niyang karunungan at kapangyarihan bilang Diyos. Katunayan, ang dahilan kung bakit ginawa Niya ang himalang ito ay hindi upang ipamalas ang Kanyang kapangyarihan bilang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Ang milagrong ito ay ginawa ni Hesus dahil sa Kaniyang pag-ibig. Ipinakita Niya ang pagkalinga ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ng pagpapakain sa limanlibong tao dahil sa Kanyang pag-ibig. Dahil sa pag-ibig, kinalinga ni Hesus ang mga tao. 

Mayroong nagmamahal at umaaruga sa atin. Hindi Siya titigil sa pagmamahal at pagkalinga sa atin kailanman. Siya'y walang iba kundi ang Panginoong Diyos. 

Linggo, Hulyo 26, 2020

MANALIG SA KAPANGYARIHAN NG PAG-IBIG NG PANGINOON

29 Hulyo 2020 
Paggunita kay Santa Marta 
1 Juan 4, 7-16/Salmo 33/Juan 11, 19-27 (o kaya: Lucas 10, 38-42) 


"Ang Diyos ay pag-ibig" (1 Juan 4, 16). Ito ang mga salita ni Apostol San Juan sa wakas ng Unang Pagbasa. Ang Diyos ay puno ng pag-ibig. Siya ang bukal ng pag-ibig. Pag-ibig ang Kanyang ibinibigay at ibinabahagi sa lahat. Katunayan, iyan ang dahilan kung bakit dumating si Kristo Hesus sa daigdig. Dahil sa Kanyang pag-ibig para sa sangkatauhan, ang Panginoong Hesukristo ay naparito sa daigdig, ayon sa kalooban ng Diyos. Niloob ng Diyos na dumating sa mundo ang Panginoong Hesus upang iligtas ang sangkatauhan. 

Binibigyan ng pansin sa araw na ito na inilaan sa paggunita kay Santa Marta ang pag-ibig ng Diyos. Ang bawat isa sa atin ay binibigyan ng pagkakataon sa araw na ito na mamulat sa kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos ay tunay ngang makapangyarihan. Isinasalamin ng kapangyarihan ng Panginoon ang Kanyang pag-ibig. Ang pag-ibig at kapangyarihan ng Panginoong Diyos ay hindi magkahiwalay o magkaibang konsepto. Bagkus, ang dalawang ito'y magkaugnay. 

Itinuturo sa atin ng lipunan na bawal magpakita ng kalambutan o kahinaan. Kung gusto mong makamit ang respeto ng bawat isa, kung gusto mong bumango ang pangalan mo, hindi ka dapat magpakita ng kahinaan. Dagdag pa nila, ang pag-ibig ay para lamang sa mga mahihina at malalambot. Kung gusto mong magkaroon ng magandang reputasyon, kailangan maging matapang ka. Bawal ka magpakita ng kahit anong uri ng kalambutan o kahinaan. Hindi ka puwedeng umibig. Bakit? Para lamang iyan sa mga malalambot at mahihina. Agad kang ituturing na mahina kapag umibig ka. Hindi makakaganda o makakabuti sa iyong reputasyon ang pag-ibig. 

Subalit, ang aral na itinuturo sa atin ngayong araw na ito ay ang pag-ibig ng Diyos ay makapangyarihan. Ang pag-ibig ng Panginoong Diyos ay larawan ng Kanyang kapangyarihan. Ang pag-ibig ng Panginoong Diyos ay hindi tanda, sagisag, o larawan ng Kanyang kahinaan. Katunayan, pag-ibig ang dahilan kung bakit binuhay ni Hesus ang Kanyang kaibigan na si San Lazaro, ang kapatid nina Santa Marta at Santa Maria ng Betania. Sabi nga ni Hesus kay Marta sa isa sa mga kaganapan bago Niya binuhay si Lazaro na itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo na Siya ang "Muling Pagkabuhay at ang buhay" (Juan 11, 25). Ang muling pagbuhay Niya kay Lazaro ang nagpatunay nito. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ginawa Niya ito. Pag-ibig ang dahilan kung bakit binigyan ni Hesus si Lazaro ng buhay kahit na siya'y namatay apat na araw ang nakalipas. Sa pamamagitan ng himalang ito, namalas ang kahanga-hangang kapangyarihan ng Panginoon. 

Ano naman ang dapat nating gawin? Manalig tayo sa kapangyarihan ng pag-ibig ng Panginoong Diyos. Ito ang aral na matutunan natin mula kay Santa Marta. Sa Ebanghelyo, inihayag ni Marta ang kanyang pananalig sa Panginoong Hesukristo matapos Niyang ihayag na Siya ang Muling Pagkabuhay at ang buhay (Juan 11, 27). Manalig tayo sa kapangyarihan ng pag-ibig ni Kristo. Nararapat lamang ibigay kay Kristo ang taos-puso nating pananalig sa kapangyarihan ng Kanyang pag-ibig. Hindi tanda ng kahinaan ang pag-ibig ni Kristo. Bagkus, ang Kanyang pag-ibig ay isang salamin ng Kanyang kapangyarihan. 

Si Santa Marta ay nanalig sa kapangyarihan ng pag-ibig ng Panginoon. Kahit hindi niya maintindihan ang misteryong ito, pinili pa rin niyang manalig sa pag-ibig ng Diyos na tunay ngang makapangyarihan. Matuto rin nawa tayong manalig sa pag-ibig ng Panginoon, katulad ni Santa Marta. 

Miyerkules, Hulyo 22, 2020

HANAP-HANAP NG PUSO

26 Hulyo 2020 
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
1 Hari 3, 5. 7-12/Salmo 118/Roma 8, 28-30/Mateo 13, 44-52 (o kaya: 13, 44-46) 




Maraming mga masisikat na kanta tungkol sa nilalaman ng puso. Halos iisa lamang ang tinutukoy ng mga awiting ito. Ang lihim na pagtingin sa isang kinukursunada o labis na iniibig at pinahahalagahan. Dinadaan nila sa awitin ang paglalarawan ng kanilang mga nararamdaman. Ang kanilang kinukursunada o iniirog ang nilalaman ng kanilang mga puso. Ganyan sila magmahal. Sa bawat oras, sila ang hinahanap-hanap at pinananabikan. Sila ang tinitibok ng kanilang mga puso. 

Ano ba ang hinahangad ng iyong puso? Ito ang paksang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataon ng mga Pagbasa upang pagnilayan kung ano nga ba talaga ang hinahanap ng ating mga puso. Ano nga ba talaga ang pinakamahalaga sa ating mga puso? Ano ba talaga ang nais natin? 

Sa Unang Pagbasa, hiniling ni Haring Solomon sa kanyang panalangin sa Diyos na biyayaan siya ng karunungan tungkol sa kabutihan at kasamaan. Napakalinaw ang hinangad ni Solomon. Hinahangad ni Solomon na maging isang mabuting hari. Ang laman ng kanyang puso ay hindi salapi o kapangyarihan kundi ang kapakanan ng kanyang bayan. Nais ni Solomon na maging isang mabuti at maawaing hari. Nais niyang maranasan ang tulong at gabay ng Panginoon. 

Hindi lamang puso ng tao ang mayroong laman. Ang Puso ng Panginoong Diyos ay mayroon ring nilalaman. Ito ang binigyan ng pansin sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang laman ng Puso ng Panginoon ay yaong Kanyang mga itinalaga upang maging Kanya. Mahalaga para sa Diyos ang lahat ng Kanyang mga itinalaga upang maging Kanya. 

Sino ba ang mga maaaring italaga ng Panginoon upang maging Kanya? Tayong lahat. Ang bawat isa sa atin ay tinatawag ng Diyos. Tayong lahat ay binibigyan Niya ng pagkakataong maging Kanya. Ang bawat isa sa atin ay tinatawag at hinihirang upang maging Kanya. Tayong lahat ay may pagkakataong italaga ng Diyos upang maging Kanya. Bukas ang pintuan ng Diyos sa mga nais magpatalaga sa Kanya. 

Nais ng Panginoon na italaga ang bawat isa sa atin upang maging Kanya. Subalit, hindi Niya tayo pipilitin. Kung ayaw natin, hindi tayo pipilitin ng Diyos. Walang ibang magagawa ang Panginoong Diyos kundi igalang ang ating pasiya. Kung ang Diyos ay hindi mahalaga para sa atin, wala na Siyang magagawa. Hindi Niya isisiksik o ipipilit ang Kanyang sarili sa puso ng mga ayaw tumanggap sa Kanya. 

Sa Ebanghelyo, inihalintulad ni Hesus sa mga talinghagang Kanyang isinalaysay ang kaharian ng Diyos sa isang kayamanang nakabaon sa isang bukid, sa isang perlas na napakamahal, at sa isang malaking lambat na nakahuli ng maraming isda matapos itong ihagis sa dagat. Sa pamamagitan ng mga talinghagang ito, inialok ni Kristo ang kaharian ng langit sa bawat isa upang pahalagahan. Napakalinaw ng layunin ni Kristo sa talinghagang ito. Pukawin ang puso ng bawat isa upang sa gayon ay maakit sila at mapahalagahan nila ang Diyos. 

May tanong ang Panginoong Hesukristo para sa bawat isa sa atin. Ano ang laman ng ating puso? Ano ang hanap-hanap natin? Ano ang mahalaga para sa atin? Ano ang hanap-hanap ng ating mga puso? 

Panginoon ko, hanap-hanap Ka ng puso. Tinig Mo'y isang awit-paghilom. 
- Awit ng Paghilom (Arnel Aquino, SJ) 

Lunes, Hulyo 20, 2020

HINDI LAMANG TUNGKOL SA GANTIMPALA

25 Hulyo 2020 
Kapistahan ni Apostol Santiago 
2 Corinto 4, 7-15/Salmo 125/Mateo 20, 20-28 


Wika ni Hesus sa Ebanghelyo para sa araw na ito: "Ang hirap na babatahin Ko'y babatahin nga ninyo. Ngunit wala sa Akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa Aking kanan at sa Aking kaliwa" (Mateo 20, 23). Magandang bigyan ng pansin ang mga salitang ito ni Hesus sa Ebanghelyo. Sa mga salitang ito, maliwanag na itinuro ng Panginoong Hesus ang tunay na layunin ng pagsunod sa Kanyang mga utos at pananatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli. Itinuro ng Panginoong Hesus na hindi lamang tungkol sa mga gantimpala ang pagsunod sa Kanyang mga utos at pananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. 

Para sa Panginoon, hindi dapat tinitingnan ng bawat isa ang pagsunod sa Kanyang mga utos at pananatiling tapat sa Kanya hanggang sa katapusan bilang isang tiket sa langit. Oo, may gantimpala si Kristo sa mga mamumuhay nang may kababaang-loob at kabanalan hanggang sa huli. Oo, gagantimpalaan ng Panginoon ang lahat ng mga susunod sa Kanya at mananatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli. Pero, hindi dapat nakatuon ang pansin ng bawat isa sa gantimpala lamang. Hindi lamang ito tungkol sa gantimpala. Ang gantimpala ng Panginoon ay hindi dapat maging una o kaisa-isang dahilan ng pagsunod sa Kanya at pananatiling tapat sa Kanya. 

Ang tunay na layunin ng pagsunod sa Panginoon at pananatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli ay ihayag ang ating pag-ibig sa Kanya. Ang pamumuhay nang may kababaang-loob at kabanalan hanggang sa huli ay paghahayag ng ating pag-ibig sa Kanya. Iyan ang dapat natin isaisip. Iyan ang dapat maging dahilan ng ating pagsunod sa mga utos ng Diyos at pananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos at pananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas, nahahayag ang ating pagmamahal at pagsamba sa Kanya. 

Ito ang binigyang-pansin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa noong sinabi niyang siya at ang iba pang mga apostol ay "laging nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Kristo upang . . . mahayag ang Kanyang buhay" (2 Corinto 5, 11). Ito ang dapat maging mentalidad natin. Gawin ang lahat para kay Kristo upang ihayag ang Kanyang kadakilaan. Sa pamamagitan nito, ipinapakita natin na Siya'y tunay nating minamahal at sinasamba. 

Tulad ni Apostol Santo Santiago Mayor, mahihirapan tayong unawain ito sa una pa lamang. Pero, unti-unti rin natin itong mauunawaan at mamumulat sa katotohanang ito. Ang pamumuhay nang may kabanalan at kababaang-loob ay ginagawa upang mahayag ang ating pagmamahal sa Panginoong Hesukristo. Dahil sa ating pag-ibig sa Kanya, handa tayong talikuran ang ating mga sarili para sa lalong ikadarakila ng Kanyang Kabanal-banalang Ngalan. 

Biyernes, Hulyo 17, 2020

BINABAGO NG MINAMAHAL

22 Hulyo 2020 
Kapistahan ni Santa Maria Magdalena 
Awit ni Solomon 3, 1-4a (o kaya: 2 Corinto 5, 14-17)/Salmo 62/Juan 20, 1-2. 11-18 


Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagpapakita ng Panginoong Hesukristo kay Santa Maria Magdalena matapos ang Kanyang Muling Pagkabuhay. Sa sandaling ito, si Hesus ay naghatid ng pagbabago kay Santa Maria Magdalena. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, si Magdalena ay natagpuang umiiyak. Siya'y napuspos ng hapis at lungkot dahil ang bangkay ni Hesus ay nawawala. Akala niya noong una'y ninakaw ang bangkay ni Hesus. Subalit, nang magpakilala sa kanya ang Panginoon, ang kanyang puso ay napuspos ng tuwa. Ang hapis at lungkot ay tuluyan nang naging tuwa at galak dahil sa Muling Nabuhay na si Hesus. 

Naghahatid ng pagbabago ang Panginoon sa bawat isa dahil sa Kanyang pag-ibig para sa bawat isa sa atin. Tunay Niya tayong minamahal. Dahil sa pag-ibig na iyon, binibigyan Niya tayo ng pagkakataong baguhin ang ating mga sarili. Ganyan tayo ka-mahal ng Panginoon. Binibigyan Niya tayo ng pagkakataong magbago. Tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataon upang baguhin ang ating sarili para sa ating ikabubuti. Kabutihan ang idudulot ng pagbabagong kaloob ng Panginoon. 

Binigyang-pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Unang Pagbasa ang pagbabagong kaloob ng Panginoon. Sabi niya na ang mga nakikipag-ugnayan kay Kristo ay mga bagong nilalang (2 Corinto 5, 17). Ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon ay naghahatid ng pagbabago. Ang mga nais magkaroon ng malalim na ugnayan sa Kanya ay dapat maging handa sa pagbabagong kaloob Niya. Hindi maaaring makipag-ugnayan kay Kristo ang mga hindi tatanggap sa pagbabagong hatid Niya. Kung nais nating magkaroon ng isang malalim na ugnayan kay Kristo, dapat nating tanggapin ang pagbabagong kaloob Niya. 

Ang pagbibigay ng pahintulot kay Kristo na baguhin tayo ay isang pagpapahayag ng ating pagmamahal sa Kanya. Kung tunay nga natin Siyang minamahal, tulad na lamang ng halimbawa ng dalawang nagmamahalan sa Unang Pagbasa, hindi natin Siya hahadlangan sa paghahatid ng pagbabago sa ating buhay. 

Pagbabago ang alok ng minamahal nating Panginoong Hesus sa atin. Kung tunay nga nating minamahal ang Panginoong Hesus, ang inaalok Niyang pagbabago ay ating tatanggapin. Pahihintulutan natin Siyang baguhin ang ating buhay. 

Miyerkules, Hulyo 15, 2020

HABANG MAY BUHAY, MAY PAGKAKATAON PANG MAGBAGO

19 Hulyo 2020 
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Karunungan 12, 13. 16-19/Salmo 85/Roma 8, 26-27/Mateo 13, 24-43 (o kaya: 13, 24-30)


Ang mga Pagbasa ay tungkol sa mga pagkakataong ibinibigay ng Diyos sa bawat isa sa atin upang magbagong-buhay. Habang tayo'y nabubuhay dito sa daigdig, mayroon tayong pagkakataong magbago. Ang bawat isa sa atin ay binibigyan ng pagkakataon ng Diyos na baguhin ang ating mga sarili. Kahit na hindi tayo karapat-dapat sa biyayang ito, lagi pa rin Niya itong ibinibigay sa atin. Hangga't hindi pa tayo nalalagutan ng hinihinga, mayroon pa tayong pagkakataong baguhin ang ating buhay. Ang pagkakataong iyon ay patuloy na ibinibigay ng Diyos sa atin. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga tungkol sa mabuting binhi at masasamang damo sa triguhan. Sa halip na ipabunot agad ang mga masasamang damo, ipinasiya ng may-ari ng ubasan sa talinghagang ito ni Kristo na hayaan na lamang ang mga ito na lumago kasama ang mga mabubuting binhi hanggang sa anihan. Oo, ang masasamang damo ay hindi magiging mabuting binhi kailanman, pero hindi iyon ang aral na nais iparating ng Panginoong Hesukristo. Ang aral na nais iparating ng Panginoong Hesus sa talinghagang ito ay maawain ang Diyos. 

Kung paanong hinayaan ng may-ari ng ubasan sa talinghaga ni Hesus na lumago ang mga masasamang damo kasama ang mga mabubuting binhi, pinapahintulutan ng Diyos ang bawat isa sa atin na baguhin ang ating buhay habang mayroon pang panahon. Habang hindi pa tayo nalalagutan ng hininga, may pag-asa pa ang bawat isa upang magbagong-buhay. 

Tinalakay rin ang paksang ito sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inilarawan kung paanong binibigyan ng Panginoong Diyos ang bawat isa ng pagkakataong makapagsisi at magbalik-loob sa Kanya. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo kung paano tayo tinutulungan ng Espiritu Santo sa ating kahinaan (Roma 8, 26). Tinutulungan tayo ng Diyos na magbagong-buhay. Lagi Siyang handang tumulong sa bawat isa sa atin. 

Hindi kinikitil agad ng Diyos ang buhay ng bawat isa sa atin sa kabila ng ating mga kasalanan laban sa Kanya. Kung tutuusin, sa dami ng mga kasalanan natin laban sa Kanya, mayroon naman Siyang karapatang bawiin ang ating buhay agad-agad. Ilang ulit tayong nagkasala sa Kanya. Hindi na mabilang kung ilan na ang ating mga nagawang kasalanan. Subalit, sa halip na ikitil ang ating buhay agad-agad, patuloy Siyang nagbibigay ng pagkakataon sa bawat isa sa atin upang baguhin ang ating buhay. Tinutulungan rin Niya tayong baguhin ang ating buhay. 

Lunes, Hulyo 13, 2020

INAANYAYAHAN NIYA TAYONG MAGING KANYANG KAPAMILYA

16 Hulyo 2020 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen 
Zacarias 2, 14-17/Lucas 1/Mateo 12, 46-50 


Bundok del Carmen. Bundok ng Carmelo. Sa bundok na ito, naganap ang isang napakahalagang pangyayari na isinalaysay sa isa sa mga aklat sa Lumang Tipan, ang Unang Aklat ng mga Hari. Sa bundok na ito, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan laban sa diyus-diyusang si Baal. Pinatunayan ng Panginoon na Siya lamang ang tunay na Diyos. Pinatunayan ng Panginoong Diyos na si Baal ay isa lamang huwad na diyus-diyusan. Tinugon ng Diyos ang panalangin ni propeta Elias. Siya'y tumugon sa pamamagitan ng apoy. 

Tanging si propeta Elias lamang ang nanalangin sa Diyos samantalang ang diyus-diyusang si Baal ay may 450 propeta. Subalit, sa kabila ng dami ng mga propeta ng diyus-diyusang si Baal, walang nangyari sa kanilang panalangin. Napatunayang huwad at peke si Baal. Hindi na mahalaga kung gaano karami ang mga propeta ni Baal dahil hindi naman siya ang tunay na diyos. Ang tunay na Diyos ay walang iba kundi ang Panginoon na tumugon sa panalangin ni Elias sa pamamagitan ng apoy. 

Ito rin ang nais pagtuunan ng pansin ng titulo ng Mahal na Birheng Maria na ating ginugunita sa araw na ito. Iisa lamang ang Diyos. Iyan ang aral na itinuturo sa atin ng Mahal na Patrona ng Orden Carmelitana na walang iba kundi ang Mahal na Birhen ng Bundok del Carmen. Iisa lamang ang tunay na Diyos. Wala nang ibang diyos kundi Siya lamang. Ang Panginoon ay ang tunay na Diyos. Mayroong Tatlong Persona na bumubuo sa iisang Diyos - ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. 

Binigyan ng pansin sa mga Pagbasa ang pagiging malapit ng tunay na Diyos sa lahat. Kahit na Siya'y nasa langit, ang Kanyang Puso ay hindi malayo sa bawat isa. Malapit Siya sa bawat isa. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Zacarias na Siya'y maninirahan at mananahan sa piling ng Kanyang bayan (2, 14). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inilarawan Niya ang hangarin Niyang mapalapit sa bawat isa. Hindi Siya nagpapakalayo mula sa bawat isa. Bagkus, pinili Niyang maging malapit sa bawat isa sa atin sa kabila ng ating mga kasalanan bilang tao. Ito rin ang binigyang-pansin ni Hesus sa Ebanghelyo. Si Hesus ay nagsalita tungkol sa pagiging bahagi ng Kanyang pamilya sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Ang mga salita ng Panginoon sa Ebanghelyo ay isang paanyaya sa bawat isa sa atin. Maging bahagi ng Kanyang pamilya. Paano natin ito magagawa? Sa pamamagitan ng pakikinig at pagsunod sa kalooban ng Diyos (Mateo 12, 50). Maliwanag sa mga salitang ito ni Kristo ang Kanyang hangarin na ang bawat isa sa atin ay maging bahagi ng pamilya ng Diyos. 

Ang Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Bundok del Carmen, ay naging bahagi ng pamilya ng Diyos dahil sinunod niya ang kalooban ng Diyos para sa kanya. Ang responsibilidad ng pagiging Ina ng Diyos na nagkatawang-tao na si Kristo Hesus ay buong kababaang-loob niyang tinanggap at sinunod. Iyan ang dahilan kung bakit siya itinatampok at pinaparangalan sa araw na ito. 

Itinuturo sa atin ng Mahal na Birheng Maria, ang Birhen ng Bundok del Carmen, ang tunay na Diyos. Ang Diyos na nag-aanyaya sa bawat isa sa atin na maging bahagi ng Kanyang pamilya. 

Huwebes, Hulyo 9, 2020

MANGHAHASIK NA MAY HABAG AT PAG-IBIG

12 Hulyo 2020 
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 10-11/Salmo 64/Roma 8, 18-23/Mateo 13, 1-23 (o kaya: 13, 1-9) 


Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga tungkol sa manghahasik. Sa mahabang bersyon ng Ebanghelyo, ipinaliwanag ni Hesus sa mga apostol ang aral at kahulugan ng talinghagang ito. Ang binhi ay sumasagisag sa Salita ng Diyos habang ang iba't ibang uri ng lupa kung saan nalaglag ang mga binhi ay sagisag ng iba't ibang uri ng taong tumatanggap sa Salita ng Diyos. 

Madalas pagnilayan ang iba't ibang uri ng taong tumatanggap sa Salita ng Diyos sa tuwing napapakinggan ang talinghagang ito sa Ebanghelyo sa Misa. Ang paksa ng iba't ibang uri ng lupa sa talinghaga ng Panginoon na sumasaigsag sa iba't ibang uri ng taong tumatanggap sa Salita ng Diyos ay kadalasang binibigyan ng pansin sa pagninilay at pagsusuri ng bawat isa. Sinusuri at pinagninilayan ng bawat isa kung ano nga ba talaga ang halaga ng Salita ng Diyos sa kanilang buhay at kung paano nila ito tinatanggap. 

Pero, hindi lamang ang iba't ibang uri ng taong tumatanggap sa Salita ng Diyos ang nais bigyan ng pansin ni Kristo sa talinghagang ito. Bagkus, inilalarawan rin Niya sa talinghagang ito ang pagiging maibigin at mahabagin ng Panginoon. Ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at habag sa lahat sa pamamagitan ng paghahasik o pagpapalaganap ng Kanyang Salita. Hindi Siya magsasawa kailanman. Hindi Siya titigil sa pagpapalaganap ng Kanyang Salita. 

Ito ang dahilan kung bakit ang mga propetang tulad ni Isaias sa Unang Pagbasa ay hinirang ng Diyos. Ito rin ang dahilan kung bakit ang Diyos ay nagkatawang-tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ito rin ang dahilan kung bakit ang mga apostol tulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Nais ng Diyos na ang Kanyang Salita ay lumaganap sa iba't ibang bahagi ng daigdig. 

Batid rin ng Diyos na ang Kanyang Salita ay hindi tatanggapin ng lahat. Sabi nga ng Panginoong Hesukristo noong Siya'y tinanong ni Poncio Pilato na ang mga nasa panig ng katotohanan lamang ay makikinig sa Kanyang tinig (Juan 18, 37). Ang mga tumatanggap sa Panginoon at sa Kanyang Salita ay ang mga nasa panig ng katotohanan. Kaya naman, nakakapagtaka kung bakit pinili pa rin Niyang ihasik o ipalaganap ang Kanyang Salita sa lahat kahit alam naman Niyang may mga hindi tatanggap nito. Bakit nga ba Niya ipinagpapatuloy ito? Pag-ibig at habag. Ang habag at pag-ibig ng Diyos ang dahilan kung bakit patuloy Niyang ipinapalaganap ang Kanyang Salita, kahit alam Niyang hindi ito tatanggapin ng ilan. 

Ang Diyos ay patuloy na naghahasik ng Kanyang Salita. Hindi Siya magsasawa gawin ito kailanman dahil sa Kanyang pag-ibig at habag. 

Biyernes, Hulyo 3, 2020

MABABANG-LOOB

5 Hulyo 2020 
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Zacarias 9, 9-10/Salmo 144/Rma 8, 9. 11-13/Mateo 11, 25-30 


Sabi sa pambungad ng panalangin ni Hesus sa Ebanghelyo na inilihim ng Ama ang lahat sa mga marurunong at matatalino habang inihayag naman Niya ito sa mga may kaloobang tulad ng sa bata (Mateo 11, 25). Sa linyang ito, inilarawan ni Hesus ang pagiging malapit ng Diyos sa mga kababaang-loob. Ang mga may kababaang-loob ay kinalulugdan ng Diyos. Ang kababaang-loob ay tunay ngang kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon. Kapag Siya'y nakakakita ng mga taong nagpapakita ng kababaang-loob, labis Siyang natutuwa at nasisiyahan. 

Bakit nga ba kinalulugdan ng Diyos ang mga mababang-loob? Ano nga ba talaga ang mayroon sa mga may kababaang-loob na ikinasisiya ng Diyos? Mismong ang Panginoong Diyos ang nagpaliwanag sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo kung bakit ikinalulugod Niya ang mga mababang-loob. Sabi Niya sa Unang Pagbasa na ang tunay na hari na walang iba kundi Siya ay matagumpay na dumarating nang may kababaang-loob na nakasakay sa isang bisirong asno (Zacarias 9, 9). Sa halip na sumakay sa isang kabayo, Siya'y sumasakay sa isang bisirong asno. Ito'y tinupad Niya sa pamamagitan ni Kristo noong unang Linggo ng Palaspas kung saan Siya'y sumakay sa isang bisirong asno sa Kanyang maringal na pagpasok sa Herusalem. Ito rin ang inilarawan ng Panginoong Hesukristo sa huling bahagi ng Ebanghelyo kung sinabi Niyang Siya'y maamo at mababang-loob (Mateo 11, 29). 

Kaya naman, napaka-importante para sa bawat isa sa atin bilang mga Kristiyano ang pagkakaroon ng kababaang-loob. Ang Diyos mismo ay maamo at mababang-loob. Ikinatutuwa ng Panginoon ang mga nagsisikap mamuhay katulad Niya. Siya'y nasisiyahan sa mga nagsisikap mamuhay nang may kababaang-loob. Iyan ay dahil sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob, ipinapakita ng bawat isa ang kanilang pananalig at pagtanggap sa Diyos. Dahil sa kanilang pananalig at pagtanggap sa Diyos, pinili nilang mamuhay katulad Niya at para sa Kanya. Iyan ay tunay na kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos. 

Ano naman ang mapapala ng bawat taong magpapasiyang mamuhay nang may kababaang-loob? Ano naman ang mapapala ng bawat tao kapag ipinasiya nilang mamuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos? Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na magkakaroon sila ng buhay. Isang buhay na hindi mula sa daigdig na ito. Isang bagong buhay na kaloob ng Diyos. Kapag ang bawat isa'y namumuhay nang may kababaang-loob, tulad ng ninanais ng Panginoong Diyos, siya'y tunay na malaya. Ang mga may kababaang-loob ay tunay na malaya mula sa mga pita ng laman. Iyan ay dahil ang Espiritu Santo ay nananahan sa kanila. Ang Espiritu Santo ang tutulong sa kanila upang mamuhay nang may kalayaan. Ito ay dahil ang Espiritu Santo ay nananahan sa kanila. Ang Espiritu Santo ay nananahan sa mga may kababaang-loob. 

Mabuti ang idudulot ng pagkakaroon ng kababaang-loob sa ating buhay bilang mga Kristiyano. Kapag tayo'y namuhay nang may kababaang-loob, tayo'y kalulugdan ng Diyos. Kapag nagsumikap tayong maging kalugud-lugod sa Diyos, bibiyayaan Niya tayo ng buhay. Isang buhay na malaya mula sa mga pita ng laman. Isang buhay sa piling ng Diyos. Isang buhay na walang hanggan kasama ang Diyos sa langit. Ang lahat ng mga magsusumikap mamuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos ay makakatamasa ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit.