Huwebes, Pebrero 21, 2019

ANG PINAKAMASAKIT NA KATOTOHANAN

6 Marso 2019 
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 


Sa rito ng pagpapahid ng abo, isa sa dalawang ito ang sasabihin ng pari sa mga mananampalataya habang nilalagyan ng abo ang kanilang mga noo: "Magbagong buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya," o kaya "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan." Ang unang opsyon ay hango sa unang pangaral ng Panginoong Hesus sa simula ng Kanyang ministeryo (Marcos 1, 15; Mateo 4, 17). Ang pangalawang opsyon naman ay hango sa pahayag ng Diyos kina Adan at Eba noong sinuway nila ang Kanyang utos (Genesis 3, 19). Sa pamamagitan ng paggamit sa mga salitang ito sa rito ng pagpapahid ng abo, ang bawat mananampalataya ay pinapaalalang maikli lamang ang buhay sa lupa. 

Magkakaugnay ang dalawang talatang sinasabi ng pari habang pinapahiran ng abo ang noo ng bawat mananampalataya. Isang bagay lang naman ang nais ipaalala ng dalawang talatang ito na sinasabi ng pari - mamamatay ang bawat tao. Darating ang panahon kung kailan mamamatay ang bawat isa. Walang imortal dito sa lupa. Ang lahat ng tao'y mamamatay. Masakit man sabihin ito, iyan ang katotohanan tungkol sa buhay dito sa daigdig. Pansamantala lamang ang buhay dito sa lupa. Wala na tayong magagawa kundi tanggapin at laging tandaan. "Memento mori," ika nga nila. Ibig sabihin noon, mamamatay ka rin balang araw. 

Kaya naman, ang panawagan ng Simbahan sa lahat sa unang araw ng panahong tinatawag na Kuwaresma, magbalik-loob sa Diyos. Ang panahon ng Kuwaresma ay inilaan para sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Ang bawat isa'y inaanyayahan at tinatawag na tumalikod sa kasalanan. Pumanig sa Panginoon habang mayroon pang panahon. Ang bawat isa'y binibigyan ng pagkakataong makapagbalik-loob sa Diyos. Ang pagkakataong ito ay hindi dapat sayangin at balewalain sapagkat ang buhay dito sa lupa ay pansamantala lamang. 

Ang paalalang ito ng Simbahan ay pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang kanyang mga sinabi ukol sa pakikipagkasundo sa Diyos at kung kailan ang takdang panahon ay sinasalamin ng panawagan ng Simbahan sa simula ng panahon ng Kuwaresma. Ipinakusapan ni Apostol San Pablo ang lahat ng mga Kristiyano sa Corinto at sa iba pang mga bayan at lungsod na magbalik-loob sa Diyos. At inihayag ni Apostol San Pablo sa huling bahagi ng Ikalawang Pagbasa, "Ngayon na ang panahong nararapat! Ngayon ang araw ng pagliligtas!" (2 Corinto 2, 7) May ugnayan ang pahayag na ito sa huling bahagi ng Ikalawang Pagbasa sa kanyang pakiusap sa unang bahagi nito. Itinuro ni Apostol San Pablo sa pahayag na ito na hindi dapat ipabukas ang ating pagbabalik-loob sa Diyos. Ngayon na ang tamang panahon upang magbalik-loob sa Diyos. Walang sinuman ang nakakabatid kung kailan magawawakas ang kanyang buhay dito sa daigdig. Habang may hininga pa tayo, pagsisihan natin ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Panginoon upang tayong lahat ay iligtas mula sa walang hanggang kaparusahan sa impiyerno. 

Sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagsalita laban sa kapaimbabawan. Para kay Hesus, ang kapaimbabawan ay hindi kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Hindi kinalulugdan ng Diyos ang mga nagpapanggap lamang. Bagkus, ang kinalulugdan ng Panginoon ay ang katapatan at kataimtiman. Kinalulugdan ng Panginoon ang tunay, tapat, at totoo. Ang ating pananalangin, pagsamba, at pamamanata sa Diyos ay dapat maging bukal sa ating kalooban. Iyan din ang panawagan ng Panginoong Diyos na inilahad ni propeta Joel sa Unang Pagbasa. Maging mataimtim, tapat, at totoo sa pagbabalik-loob sa Kanya. 

Ang pinakamasakit na katotohanan tungkol sa buhay dito sa lupa ay ipinaalala sa bawat isa sa atin sa simula ng Kuwaresma. Hindi tayo mga imortal, pansamantala lamang ang buhay dito sa lupa, mamamatay tayong lahat. Habang mayroon pa tayong hininga sa ating paglalakbay sa daigdig na ito, samantalahin natin ang pagkakataong ibinigay sa atin na makapagsisi't makapagbalik-loob sa Diyos. Nawa'y maging matapat sa ating pagbabalik-loob sa Diyos. Hinahanap ng Diyos ang katapatan sa ating pagbabalik-loob sa Kanya. Kapag nakita Niyang tayo'y matapat sa ating pagbabalik-loob sa Kanya, tayo'y Kanyang kalulugdan. At ang Kanyang habag ay ipapakita't ipadadama Niya sa ating lahat. 

Martes, Pebrero 19, 2019

LAMAN NG PUSO

3 Marso 2019 
Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 27, 5-8 (gr. 4-7)/Salmo 91/1 Corinto 15, 54-58/Lucas 6, 39-45 

Courtesy: ABS-CBN News

Parehas lang ang puntong nais pagtuunan ng pansin sa dulo ng Unang Pagbasa at sa ikatlo't huling bahagi ng pangangaral ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo. Sa mga talatang nabanggit, pinagtuunan ng pansin ang ugnayan ng mga salitang lumalabas sa bibig ng isang tao sa nilalaman ng kanyang puso't isipan. Ang mga katagang namumutawi mula sa mga labi ng bawat tao ay sumasalamin sa tunay na nilalaman ng kani-kanilang mga puso. 

Marami ang posibleng maging laman ng puso ng bawat tao. Maaaring maging isang sinisinta, kayamanan, tagumpay, at marami pang iba. Anuman ang nilalaman ng puso ng bawat isa, hindi maipagkakailang malakas ang impluwensiya nito sa kanilang buhay. Bukod sa pagbibigay ng inspirasyon, iniimpluwnsiyahan ng mga ito ang kanilang mga desisyon. Ang bawat isa'y naiimpluwensiyahan ng (mga) nilalaman ng kanilang mga puso na gumawa ng maraming bagay, lalung-lalo na ang mga hindi pa nila nagagawa. 

Ang problema dito, may mga pagkakataon kung saan gumagawa ng kamalian ang bawat isa dahil sa mga nilalaman ng kanilang mga puso. May mga pagkakataong gumagawa ng kamalian at kasamaan ang bawat tao dahil sa lakas ng impluwensiya ng mga nilalaman ng kanilang mga puso. Katunayan, ginagawa nilang sentro ng kanilang buhay ang mga bagay na ito. 

Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa pagkalupig ng kamatayan. Nagsalita siya tungkol sa Panginoong Hesukristo, ang nagtagumpay laban sa kamatayan. Dahil sa tagumpay ng Panginoong Hesukristo, ang kamandag ng kamatayan ay tuluyang nawala at napawi. Si Apostol San Pablo, na dating taga-usig ng mga unang Kristiyano sa Israel, ay nagsalita ngayon tungkol kay Kristo. Ipinangaral niya sa bawat lugar na kanyang napuntahan ang Mabuting Balita tungkol kay Kristo. Kahit batid niya malalagay sa panganib ang kanyang buhay, hindi siya tumigil sa pagsasalita at pangangaral tungkol kay Kristo hanggang sa sandali ng kanyang kamatayan. Sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol kay Kristo, pinatunayan ni Apostol San Pablo na si Kristo ang nilalaman ng kanyang puso't isipan. Pinatunayan niyang kay Kristo naka-sentro ang kanyang buhay. 

Kung hahayaan natin si Hesus na maging laman ng ating mga puso, kung hahayaan natin Siyang maghari sa ating buhay, hindi tayo mauudyok na gumawa ng kamalian at kasamaan. Bagkus, ang landas ng kabutihan at kabanalan ay ating tatahakin bilang pagsunod sa Kanyang kalooban. Ang Kanyang kalooban ay sumasalamin sa tunay na kaligayahan at magandang buhay na Kanyang inihanda para sa ating lahat sa kabilang buhay. Kung hangad nating makamit ang tunay na kaligayahan at ang buhay na walang hanggan na kaloob ni Hesus, tumalima tayo sa Kanyang kalooban. Isentro natin sa Kanya ang ating buhay. Paano natin gagawin iyan? Ipakita sa pamamagitan ng ating mga salita at kinikilos. Maging Kanyang mga saksi. Ating gamitin ang ating mga labi upang Siya'y purihin. Ating sundin ang Kanyang kalooban nang buong kababaang-loob. 

Tinatanong tayo - sino (o ano) ang laman ng puso natin? Sino (o ano) ang sentro ng ating buhay? Sino ang ating bukambibig? Si Kristo nawa ang maging ating kasagutan sa mga katanungang ito. 

Lunes, Pebrero 18, 2019

MALAKAS ANG LOOB NG MGA MAHABAGIN

24 Pebrero 2019 
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
1 Samuel 26, 2. 7-9. 12-13. 22-23/Salmo 102/1 Corinto 15, 45-49/Lucas 6, 27-38 

Screenshot courtesy of TV Maria and Quiapo Church Facebook Page

Sa Ikalawang Pagbasa, nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa dalawang Adan. Sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa dalawang Adan, ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ay kanyang inilarawan. Ang unang Adan ay nilikha mula sa alabok at hiningahan ng Diyos, tulad ng nasasaad sa aklat ng Genesis (2, 7). Ang unang Adan ay binigyan ng pagkakataong mamuhay sa Eden, ang paraisong nilikha ng Diyos sa simula ng panahon. Ang pangalawang Adan naman ay ang Panginoong Hesus. Si Kristo, ang Pangalawang Adan, ay ang Diyos na bumaba mula sa langit at naging tao tulad nating lahat, liban sa kasalanan, upang tayong lahat ay iligtas. Ang bawat isa'y binigyan ng Diyos ng pagkakataong mamuhay sa Kanyang piling sa langit sa pamamagitan ng pangalawang Adan na si Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo, ang mga pintuan ng kalangitan ay binuksan ng Diyos. May pag-asa na ang bawat tao na makapamuhay sa kaharian ng langit kapiling ang Panginoon sa katapusan ng buhay dito sa lupang ibabaw. 

Ang mga naging bunga ng mga desisyon ng dalawang Adan ay pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo sa ikalimang kabanata ng kanyang sulat sa mga taga-Roma. Wika niya sa bahaging yaon, "[K]ung paanong nagbunga ng kaparusahan sa lahat ang kasalanan ng isang tao, ang pakgamatuwid naman ng isang tao ay nagdulot ng kapatawaran at buhay sa lahat." (5, 18) Ang pagpasok ng kasamaan at kasalanan sa daigdig ay bunga ng pagsuway ni Adan sa kalooban ng Diyos. Siya ay binigyan ng kalayaang mamuhay sa paraisong nilikha ng Diyos noong nagsimula ang panahon, ang Halamanan ng Eden. Subalit, ipinasiya nina Adan at Eba na suwayin ang loobin ng Diyos. Dahil sa desisyon ng mga una nating magulang, ang kasalanan ay pumasok sa daigdig. Subalit, dahil sa habag at kagandahang-loob ng Diyos, dumating ang pangalawang Adan na si Kristo. Sa pamamagitan ng desisyon ni Kristo na manatiling masunurin sa kalooban ng Ama hanggang kamatayan, ang habag at kagandahang-loob ng Diyos na nagdulot ng kaligtasan sa sangkatauhan ay pumasok at ipinalaganap sa daigdig. 

Isang mahirap na aral ang itinuro ni Hesus sa Ebanghelyo. Inihayag ni Hesus sa Kanyang pangangaral sa Ebanghelyo na ang pagiging maaawain ng Diyos ay dapat tularan. Kung paanong ang Diyos ay naging mahabagin sa lahat, dapat rin maging mahabagin ang bawat isa sa kapwa. Ang aral na ito ay mahirap sundin, lalo na sa kasalukuyang kapanahunan kung saan ang karahasan at paghihiganti ay umiiral sa lipunan. Ang mga nagkasala ay hindi na binibigyan ng pagkakataong maranasan ang habag ng Diyos na dapat sinasalamin ng bawat isa. Bagkus, ito'y ipinagkakait sa kanila. At ang nakakalungkot, may mga pinunong humihimok ang lahat na gawin iyan. Kinukunsinti nila ang gawaing iyan. Mahirap sundin ang aral na ito ni Hesus sa mga ganyang sitwasyon. Mas madali pang maghiganti at gumawa ng masama laban sa nagkasala laban sa atin. Katunayan, likas pa naman sa ating pagkatao ang magtanim ng galit laban sa mga nagkasala nang mabigat laban sa atin. 

Bilang mga tao, tayong lahat ay nahihirapan sa pagpapakita ng habag sa mga may mabibigat na kasalanan laban sa atin. Kailangan nating lakasan ang ating mga loob upang ang pagiging mahabagin ng Diyos ay ating matularan, tulad ng itinuro sa atin ni Kristo. Subalit, mayroon ring mga taong naglalakas-loob magpakita ng habag sa mga nagkasala laban sa kanila, gaano mang kabigat ang mga kasalanang yaon. Kahit sila'y binigyan ng pagkakataong maghiganti laban sa mga nagkasala sa kanila, hindi nila sasamantalahin ang pagkakataong yaon upang makapaghiganti. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong si David ay naglakas-loob na magpakita ng habag kay Haring Saul. Sa kabila ng mga poot ni Haring Saul laban sa kanya, sa kabila ng kasamaang ginawa ng hari laban sa kanya, nakuha pa ni David na magpakita ng habag at kabutihan sa kanya. Hindi sinamantala ni David ang pagkakataong makapaghiganti kay Haring Saul, kahit nasa harapan na niya iyon. Ang habag at kapatawaran ay nanaig sa puso ni David. 

Kahit nanganganib ang kanyang buhay dahil sa mga banta ni Haring Saul, nanaig pa rin ang pagsunod ni David sa loobin ng Diyos. Kahit na si David ang hinirang ng Diyos upang maging kapalit ni Haring Saul bilang hari ng Israel, hindi niya sinubukang agawin ang trono habang nabubuhay ang kasalukuyang hari. Bagkus, ipinasiya ni David na gawin ang tama, gumawa ng mabuti, kahit mahirap man gawin iyon sa sitwasyon niya noon. 

Malakas ang loob ng mga mahabagin. Mahirap man gawin iyon, ipinasiya pa rin nilang magpakita ng habag sa mga nagkasala laban sa kanila, tulad ng iniutos ni Hesus. Kung pagpapasiyahan nating magpakita ng habag sa kapwa, lalung-lalo na sa mga nagkasala laban sa atin, mapapatunayan nating malakas ang ating loob. Ang Panginoong Hesus ay naglakas-loob na ibigin tayo. Naglakas-loob Siyang pasanin ang krus at ialay ang Kanyang buhay para sa atin. Kahit hindi tayo karapat-dapat na maranasan ang Kanyang pag-ibig at habag, ipinakita pa rin iyan sa atin ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Tulad ng Panginoong Hesus na naglakas-loob na bumangon mula sa Kanyang pagkasubasob sa daang patungong Kalbaryo, maglakas-loob tayong magpakita ng habag at pag-ibig sa kapwa. Walang duwag na umiibig, nananalig, at pumapanig kay Kristo. Ang mga umiibig, nananalig, at pumapanig kay Kristo ay may lakas at tibay ng loob. Napapatunayan ito sa pamamagitan ng pagtalima sa Kanyang utos. Isabuhay ang Kanyang mga aral, gaano mang kahirap gawin iyon. Ang pagka-mahabagin ng Diyos ay tularan, tulad ng itinuro ng pangalawang Adan na si Kristo Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Martes, Pebrero 12, 2019

SA KANYA TAYO MANALIG AT UMASA

17 Pebrero 2019 
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Jeremias 17, 5-8/Salmo 1/1 Corinto 15, 12. 16-20/Lucas 6, 17. 20-26 


Kapansin-pansin ang mga pagkakaiba sa mga salaysay ng pangangaral ni Hesus ukol sa mga mapapalad sa Ebanghelyo ni San Mateo at sa Ebanghelyo ni San Lucas. Sa salaysay ni San Mateo, ang Panginoong Hesus ay nangaral sa isang bundok. Sa mga sandaling iyon, hindi pa nabubuo ang Labindalawa. Marahil ay higit na sa apat ang mga tinawag ni Kristo, subalit hindi pa kumpleto ang Labindalawa. Walong katangiang inilarawan ng Panginoong Hesukristo ang naitala ni San Mateo. At hindi pa umalis ng Nazaret si Hesus sapagkat sa ika-13 kabanata pa isinalaysay ang 'di pagtanggap sa Kanya ng Kanyang mga kababayan. Sa salaysay naman ni San Lucas, iniwan na ni Hesus ang Nazaret dahil hindi Siya tinanggap roon ng Kanyang mga kababayan at inibig pa nga nilang ibulid Siya sa bangin. Ang Labindalawang apostol ay buo na sa mga sandaling iyon. At apat ang mga katangiang naitala sa salaysay ni San Lucas. Subalit, apat rin ang katangiang inilarawan ng Panginoong Hesus ukol sa mga aba o kawawa na hindi naitala sa salaysay ni San Mateo. 

Sa kabila ng mga pagkakaibang ito sa mga salaysay nina San Mateo at San Lucas, iisa lamang ang nais nilang pagtuunan ng pansin. At ito ay kung sinu-sino nga ba ang mga mapapalad sa paningin ng Diyos. Sino nga ba ang mga pinagpapala at binibiyayaan ng Panginoon? Iisa lamang ang sinasabi sa Ebanghelyo, sa Unang Pagbasa, at sa Salmo, ang mga umaasa't nananalig sa Panginoon ay tunay ngang mapalad. Ang mga katangian ng mga mapapalad ay inilarawan sa Ebanghelyo. Ang larawan ng halamang patuloy na namumunga ay ginamit upang ilarawan ang mga tunay na mapalad, mga nananalig at umaasa sa Diyos, sa Unang Pagbasa. 

Tanging sa Panginoong Diyos lamang nakasentro ang buhay ng bawat nananalig at umaasa sa Kanya. Buong puso't kaluluwa ang ibinibigay at iniaalay sa Kanya. Mga sarili'y ihahandog bilang pagpapakita ng pananalig sa Kanya. Ang lahat ng bagay ay ipinagkakatiwala sa Panginoon. Ang Panginoon na ang bahala. Nananalig na ang kalooban ng Panginoon ay may mabuti't magandang idudulot, tulad ng Kanyang hangarin para sa bawat isa. Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig, mananalig pa rin sa Panginoon. 

Ito ang ipinahiwatig ni Apostol San Pablo noong inilarawan niya ang kanyang misyon bilang apostol sa Ikalawang Pagbasa. Misyon nina Apostol San Pablo at ng kapwa niyang apostol at misyonero ang mangaral at sumaksi sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Ang Muling Pagkabuhay ni Kristo ang laman ng kanilang pangangaral sa bawat lugar na kanilang pinuntahan. Bakit nila ginagawa iyan? Upang patatagin at palalimin ang pananampalataya at pananalig ng bawat Kristiyano kay Kristo. Iyan ang layunin ng mga apostol sa kanilang pangnagaral ukol sa Muling Pagkabuhay ni Hesukristo. Paglakasin at palalimin ang pananampalataya at pananalig ng bawat isa upang maging tunay na mapalad sa paningin ng Panginoon. 

Hindi nawawalan ng pag-asa't pananalig sa Panginoon ang mga mapapalad. Ang mga tunay na mapalad sa paningin ng Diyos ay yaong mga patuloy na nananalig at umaasa sa Kanya, sa kabila ng lahat ng mga tukso't pagsubok sa buhay. Nakasentro sa Diyos ang kanilang buhay. Ang buo nilang sarili ay inihahandog nila sa Kanya. Ang kanilang pananampalataya, pananalig, at pag-asa sa Diyos ay hinahayaan nilang lumalim at tumibay. Pinahihintulutan nila ang Panginoon, ang sinasaksi ng Simbahan hanggang sa kasalukuyan, na tulungan silang patatagin at palalimin ang kanilang pananalig sa Kanya. 

Kung hangad nating maging mapalad sa paningin ng Diyos, ibigay natin ang buong puso nating pananalig sa Kanya. Sa Kanya lamang tayo manalig at umasa upang matanggap natin ang Kanyang pagpapala. Isentro natin ang ating buhay sa Kanya. Ipagkatiwala natin ang lahat sa Kanya. Iyan ang aral ng mga Beatitudo. Sa Diyos umasa't manalig upang maging tunay na masaya. Ang tunay na masaya, ang tunay na mapalad, ay yaong mga nananalig at umaasa sa Diyos.

Biyernes, Pebrero 8, 2019

KASAMA NATING MANALANGIN AT MAGPURI

11 Pebrero 2019 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes 
Isaias 66, 10-14k/Judith 13/Juan 2, 1-11 



Sa pambungad ng Unang Pagbasa, nanawagan si propeta Isaias sa bayang Israel na magalak. Ano ang dapat ikagalak? Ang katanungang ito'y binigyan ng kasagutan ni propeta Isaias sa mga sumunod na bahagi sa Unang Pagbasa. Katunayan, ang huling bahagi ng Unang Pagbasa ay ang pahayag ng Panginoong Diyos na inilahad ni propeta Isaias. Nasasaad sa mga sumunod na bahagi ng Unang Pagbasa na ang bayan ng Diyos ay pagkakalooban ng kaunlaran at kasaganaan. 

Ang panawagan ni propeta Isaias na magalak ay patuloy na umaalingawngaw sa kasalukuyang panahon. Ang lahat ay pinanawagan na magalak sapagkat tayong lahat ay mayroong Diyos na nakikinig sa atin. Ang Panginoon ay laging handang makinig sa ating mga hinaing at pagsusumamo. Maaari tayong lumapit sa Kanya upang itaas ang ating mga kahilingan at panalangin sa Kanya. Hindi malayo ang loob Niya sa atin. Ang Kanyang loob ay malapit sa atin. At ang ating panalangin ay tinutugunan Niya. Nababatid Niya kung ano ang ating kailangan at agad Niyang ito'y ibinibigay sa atin. Mayroon tayong Diyos na malapit sa atin at lagi tayong kinakalinga. Ito ang dapat nating ikatuwa sa bawat oras. 

Subalit, sa ating pananalangin sa Diyos, hindi tayo nag-iisa. Mayroon tayong mga kasama. Ang lahat ng mga anghel at banal sa langit, sa piling ng Panginoon, ay patuloy na nananalangin kasama natin. Ang ating kapakanan ay patuloy rin nilang ipinapanalangin araw-araw. At higit sa lahat, mayroon tayong Ina't Reynang laging nananalangin kasama natin at para sa atin. Siya'y walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria, ang Reyna ng lahat ng mga banal sa langit. Isa sa kanyang mga titulo ay ang titulong ginugunita sa araw na ito, ang Mahal na Birhen ng Lourdes. Ang Mahal na Ina ay nagpakita sa isang dalaga na si Santa Bernadette Soubirous sa isang bayan sa Pransiya na kilala bilang Lourdes noong ika-19 na siglo. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang himala ni Hesus sa isang kasalan sa Cana. Ito ang unang himala ni Hesus sa Kanyang pampublikong ministeryo. Sa isang kasalan naganap ang unang himala ng Panginoong Hesus. Subalit, kapansin-pansin ang papel na ginampanan ng Mahal na Birheng Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ang lumapit kay Hesus upang sabihin sa kanya na wala nang alak sa kasal. Hindi isang katulong ang lumapit kay Hesus kundi si Maria. Nakarating kay Hesus ang balitang ubos na ang alak dahil kay Maria. 

Ang salaysay ng himalang ginawa ni Hesus sa isang kasalan sa Cana, ang unang himalang Kanyang ginawa, ay nagsisilbing patotoo sa kapangyarihan ng panalangin ng Mahal na Birheng Maria. Ang kahilingan ng Mahal na Ina na tulungan ang mga ikakasal ay hindi tinanggihan ni Hesus. Ang tubig ay naging alak dahil sa kapangyarihan ni Hesus. Subalit, hindi lamang ang kapangyarihan ng Panginoong Hesus ang binibigyan ng pansin sa salaysay na ito. Bagkus, binibigyan rin ng pansin ang kapangyarihan ng panalangin ng Mahal na Inang si Maria. Iyan ang papel ni Maria sa salaysay na iyon. Siya ang nagbalita kay Hesus na naubusan ng alak para sa handaan. At tinupad ni Hesus ang hiling ni Maria, kahit hindi pa Niya oras. 

Huwag tayong magsawang lumapit sa Mahal na Birheng Maria upang hingin ang kanyang tulong sa pag-aalay ng ating mga panalangin at kahilingan sa Panginoon. Lagi siyang handa magbigay ng tulong sa atin sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga panalangin kay Kristo. Makapangyarihan ang kanyang pagtulong sa ating lahat. Ang bawat isa'y tinutulungan niya sa pamamagitan ng kanyang pananalangin para sa atin at kasama natin. At huwag nating kakalimutan na ang Mahal na Ina ay lagi nating kasamang manalangin at magpuri sa Diyos.

Mahal na Birhen ng Lourdes, ipanalangin mo kami.


Lunes, Pebrero 4, 2019

TAWAG SA BOKASYON

10 Pebrero 2019 
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Isaias 6, 1-2a. 3-8/Salmo 137/1 Corinto 15, 1-11 (o kaya: 15, 3-8. 11)/Lucas 5, 1-11


Pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa ang pagtawag ng Panginoon. Hindi na bago ang larawan ng pagtawag ng Panginoon. Kahit noong kapanahunan ng Lumang Tipan, ang Panginoon ay tumatawag ng mga indibidwal para sa isang napakahalagang bokasyon. Paano naging propeta ang mga katulad nina Isaias at Jeremias? Tinawag sila ng Panginoon. At nang tinawag sila ng Diyos, saka pa lamang nila natanggap ang bokasyong ibinigay sa kanila. At sa Bagong Tipan, ang Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ay tumawag ng labindalawang lalaki upang maging Kanyang mga alagad. Hanggang sa kasalukuyan, tinatawagan pa rin ng Panginoon ang bawat isa para sa bokasyong Kanyang inilaan. 

May nagsisimula sa pagtawag ng Panginoon. Ang pagtawag ng Panginoon ang hudyat ng simula ng bokasyon. Ang tawag ng Panginoon ay sumasalamin sa bokasyong inilaan Niya para sa bawat isa. Mayroon Siyang inilaan para sa bawat isa sa atin. Mayroon Siyang magandang hangarin para sa bawat isa sa atin. Iyan ang dahilan ng bokasyon. Ang bokasyong inilaan ng Diyos para sa bawat isa ay ang buhay na hangad Niya para sa atin. At ang tangi Niyang hinahangad o ninanais ay ang ating ikabubuti. Kaya, may mga bokasyong inilaan ang Panginoong Diyos para sa bawat isa. Alam Niya na ang bokasyong inilaan Niya para sa bawat isa ay makakabuti para sa bawat isa. Walang ibang hinahangad ang Panginoong Diyos kundi ang ating kabutihan. 

Isinalaysay ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa kung paano siya tinawag ng Diyos upang maging Kanyang tagapagsalita sa Kanyang bayan. Sa pamamagitan ng mga propeta tulad ni Isaias, ipinapaabot ng Diyos ang Kanyang mensahe sa Kanyang bayan. Tinawag at hinirang ng Panginoong Diyos si Isaias sa pamamagitan ng isang katanungan. Ang Panginoong Diyos ay nagtanong, "Sino ang Aking ipapadala? Sino ang Aming susuguin?" At ang tugon ni Isaias, "Narito po ako. Ako ang isugo N'yo." (6, 3) Ang Diyos ay nagpakita kay Isaias sa isang pangitain. Sa pangitaing iyon, tinawag ng Panginoon si Isaias sa pamamagitan ng isang tanong. At tinugunan ni Isaias ang tawag ng Panginoon. At sa kanyang pagtugon, inihayag ni Isaias ang kanyang pagtanggap sa bokasyong ibinigay ng Panginoon. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kanyang bokasyon bilang apostol. Bilang apostol, siya'y iniatasang magpatotoo tungkol sa pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na inihayag sa pamamagitan ni Hesus. Si Hesus ay dumating sa daigdig bilang tao katulad natin, maliban sa kasalanan. Ang ating pagkatao ay buong kababaang-loob Niyang niyakap at tinanggap upang tayong lahat ay iligtas. Tayong lahat ay Kanyang iniligtas sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Iyan ang Mabuting Balita. Ang mga apostol ay iniatasang mangaral at magpatotoo tungkol sa Mabuting Balita. Ang misyon ng mga apostol ay ipinagpapatuloy ng Simbahan sa kasalukuyang panahon. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagtawag ni Hesus sa mga una Niyang apostol. Mga mangingisda ang mga unang apostol ng Panginoong Hesus - sina Apostol San Pedro, San Andres (hindi binanggit ni San Lucas ang kanyang pangalan sa kanyang salaysay pero ang kanyang pangalan ay binanggit nina San Mateo at San Marcos sa kanilang salaysay), Santiago, at San Juan. Tinawag ng Panginoong Hesus ang apat na ito matapos makahuli ng napakaraming isda sa lawa. Tinawag ang apat na ito upang maging mga mamamalakaya ng mga tao. Iyan ang kanilang bokasyon bilang mga apostol ni Hesus. Sila'y magsisilbing saksi ng Panginoong Hesus sa iba't ibang bahagi ng daigdig (Mga Gawa 1, 8). 

Ang pagtawag ng Panginoon ay pagtawag sa bokasyon. May tawag ang bawat isa mula sa Panginoon. Tinatawag ng Panginoon ang bawat isa na maranasan ang buhay na Kanyang niloloob. Iyan ang layunin ng bokasyon - mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kaya nga, anuman ang ating bokasyon, iyan ay para sa ating ikabubuti sapagkat iyan ang kalooban ng Panginoon para sa atin. Kaya naman, tulad ni Isaias sa Unang Pagbasa, tulad ng Mahal na Birheng Maria, tulad ng mga apostol at ng lahat ng mga banal, tanggapin nawa natin ang bokasyong bigay ng Diyos. Tumalima nawa tayo sa Kanyang kalooban. Ibigay nawa natin ang ating "Oo" sa tawag ng Panginoon na may inihandang bokasyon para sa bawat isa sa atin. 

Sabado, Pebrero 2, 2019

NANG DAHIL SA PAG-IBIG

3 Pebrero 2019 
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Jeremias 1, 4-5. 17-19/Salmo 70/1 Corinto 12, 31-13, 13 (o kaya: 13, 4-13)/Lucas 4, 21-30 



Nangaral si Apostol San Pablo tungkol sa pag-ibig sa Ikalawang Pagbasa. Ang misyon ni San Pablo bilang apostol ay magpatotoo tungkol sa pag-ibig ng Diyos na ipinamalas Niya sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ang misyon na ito ay ibinigay ng Panginoong Hesus sa mga apostol bago ang Kanyang maluwalhating pag-akyat sa langit. Ang misyon na ito, na sinimulan ng mga apostol noong araw ng Pentekostes, ay ipinagpapatuloy ng Simbahan sa kasalukuyang panahon. 

Ang aral at mensahe ng Mabuting Balita ay nakaugat sa pag-ibig. Ang pag-ibig na nagmumula sa Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos na naghatid ng kaligtasan sa lahat sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Ipinasiya ng Diyos na ipadala sa daigdig si Hesus, ang Kanyang Bugtong na Anak, upang tayong lahat ay tubusin. Ang pag-ibig ng Diyos para sa lahat ay napatunayan sa pamamagitan ng pagkakaloob kay Kristo. Iyan ang buod ng Magandang Balita na sinasampalatayanan ng Simbahan mula noon hanggang ngayon. At walang sawang ipinapalaganap, ipinapangaral, at pinatotohanan ng Simbahan ang Mabuting Balitang ito hanggang sa kasalukuyan. 

Subalit, hindi ito tinanggap ng lahat ng nakarinig nito. Mayroong mga hindi tumanggap sa aral at mensahe ng Mabuting Balitang ito. Ito ang ipinahihiwatig sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Sa Unang Pagbasa, ang Diyos ay nagsalita kay propeta Jeremias tungkol sa magiging misyon niya bilang propeta. Ang misyong ibibigay sa kanya ng Panginoon ay hindi magiging madali. Sasalungatin siya ng lahat ng kanyang mga tagapakinig. Subalit, sa kabila nito, ipinangako ng Diyos kay Jeremias na siya'y magtatagumpay. Ang pangakong ito ng Panginoong Diyos ay nagdulot ng lakas ng loob kay Jeremias. At sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo, ang mismong Pangalawang Persona ng Kabanal-banalang Santatlo na si Hesus ay hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. 

Hindi naging madali ang buhay ng mga lingkod na hinirang ng Diyos sa Lumang Tipan at sa Bagong Tipan. Ang mga propetang tulad ni Jeremias ay hindi tinanggap ng kanyang mga kababayan dahil sa hatid niyang mensahe mula sa Diyos. Bagamat galing sa Diyos ang kanyang inihatid sa kanila, hindi pa rin ito tinanggap. Ang mga apostol katulad ni Apostol San Pablo ay hindi rin tinanggap ng ilan sa mga bayang kanilang pinuntahan noong sila'y nabubuhay pa. May mga taong mula sa iba't ibang mga lugar na kanilang pinuntahan na hindi tumanggap sa kanila dahil sa kanilang pagsaksi kay Kristo. Dahil diyan, nakaranas sila ng pag-uusig. 

Kahit mismong si Hesus ay nakaranas ng pagtanggi. Naranasan ni Hesus na matanggihan ng kapwa. Alam ni Hesus ang pakiramdam ng mga tinanggihan o hindi tinanggap. Alam Niya ang sakit dulot ng hindi pagtanggap ng kapwa sa puso't damdamin ng bawat tao. Ang matindi pa dito, naranasan pa ito ni Hesus sa piling ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Sa piling ng Kanyang mga kababata. Mula sa mga taong nakilala at nakasama pa Niya noong kabataan Niya. Napakasakit ito para sa Panginoong Hesus. Labis Siyang nasaktan sa 'di pagtanggap sa Kanya ng Kanyang mga kababayan. Labis rin Siyang nasaktan dahil hinangad nilang ibulid Siya sa bangin. Hindi pa makuntento sa pagpapalayas sa Kanya. 

Sa pamamagitan ni Hesus, ang Diyos ay naging mahina. At dahil sa kahinaang ito, madali Siyang tablan ng lahat ng uri ng sakit dito sa daigdig. Hindi lamang Siya tinablan ng mga pisikal na sakit kundi pati na rin ang mga emosyonal na sakit. Ang lahat ng mga pisikal at emosyonal na sakit ay tiniis ng Panginoon. Kahit na Siya'y Diyos, kahit na Siya ang bukal ng kabanalan at kapangyarihan, kahit hindi Siya nagkasala kailanman, pinahintulutan ng Panginoon na Siya'y tablan at tamaan ng iba't ibang uri ng sakit na kilala sa daigdig. 

Bakit nga ba ipinasiya ng Panginoon na gawin iyon? Dahil sa pag-ibig. Dahil sa pag-ibig, pinili Niya tayong damayan at samahan sa bawat sandali ng ating buhay. Dahil sa pag-ibig, pinahintulutan ng Mahal na Poon na maging tao katulad natin, liban sa kasalanan. Dahil sa pag-ibig, niloob Niyang maranasan ang mga naranasan natin sa buhay, lalung-lalo na ang mga karanasang nagdulot ng sakit sa ating mga puso't damdamin. Iyan ang pag-ibig ng Panginoon. Iyan ang Magandang Balita.