Sabado, Pebrero 2, 2019

NANG DAHIL SA PAG-IBIG

3 Pebrero 2019 
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Jeremias 1, 4-5. 17-19/Salmo 70/1 Corinto 12, 31-13, 13 (o kaya: 13, 4-13)/Lucas 4, 21-30 



Nangaral si Apostol San Pablo tungkol sa pag-ibig sa Ikalawang Pagbasa. Ang misyon ni San Pablo bilang apostol ay magpatotoo tungkol sa pag-ibig ng Diyos na ipinamalas Niya sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ang misyon na ito ay ibinigay ng Panginoong Hesus sa mga apostol bago ang Kanyang maluwalhating pag-akyat sa langit. Ang misyon na ito, na sinimulan ng mga apostol noong araw ng Pentekostes, ay ipinagpapatuloy ng Simbahan sa kasalukuyang panahon. 

Ang aral at mensahe ng Mabuting Balita ay nakaugat sa pag-ibig. Ang pag-ibig na nagmumula sa Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos na naghatid ng kaligtasan sa lahat sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Ipinasiya ng Diyos na ipadala sa daigdig si Hesus, ang Kanyang Bugtong na Anak, upang tayong lahat ay tubusin. Ang pag-ibig ng Diyos para sa lahat ay napatunayan sa pamamagitan ng pagkakaloob kay Kristo. Iyan ang buod ng Magandang Balita na sinasampalatayanan ng Simbahan mula noon hanggang ngayon. At walang sawang ipinapalaganap, ipinapangaral, at pinatotohanan ng Simbahan ang Mabuting Balitang ito hanggang sa kasalukuyan. 

Subalit, hindi ito tinanggap ng lahat ng nakarinig nito. Mayroong mga hindi tumanggap sa aral at mensahe ng Mabuting Balitang ito. Ito ang ipinahihiwatig sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Sa Unang Pagbasa, ang Diyos ay nagsalita kay propeta Jeremias tungkol sa magiging misyon niya bilang propeta. Ang misyong ibibigay sa kanya ng Panginoon ay hindi magiging madali. Sasalungatin siya ng lahat ng kanyang mga tagapakinig. Subalit, sa kabila nito, ipinangako ng Diyos kay Jeremias na siya'y magtatagumpay. Ang pangakong ito ng Panginoong Diyos ay nagdulot ng lakas ng loob kay Jeremias. At sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo, ang mismong Pangalawang Persona ng Kabanal-banalang Santatlo na si Hesus ay hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. 

Hindi naging madali ang buhay ng mga lingkod na hinirang ng Diyos sa Lumang Tipan at sa Bagong Tipan. Ang mga propetang tulad ni Jeremias ay hindi tinanggap ng kanyang mga kababayan dahil sa hatid niyang mensahe mula sa Diyos. Bagamat galing sa Diyos ang kanyang inihatid sa kanila, hindi pa rin ito tinanggap. Ang mga apostol katulad ni Apostol San Pablo ay hindi rin tinanggap ng ilan sa mga bayang kanilang pinuntahan noong sila'y nabubuhay pa. May mga taong mula sa iba't ibang mga lugar na kanilang pinuntahan na hindi tumanggap sa kanila dahil sa kanilang pagsaksi kay Kristo. Dahil diyan, nakaranas sila ng pag-uusig. 

Kahit mismong si Hesus ay nakaranas ng pagtanggi. Naranasan ni Hesus na matanggihan ng kapwa. Alam ni Hesus ang pakiramdam ng mga tinanggihan o hindi tinanggap. Alam Niya ang sakit dulot ng hindi pagtanggap ng kapwa sa puso't damdamin ng bawat tao. Ang matindi pa dito, naranasan pa ito ni Hesus sa piling ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Sa piling ng Kanyang mga kababata. Mula sa mga taong nakilala at nakasama pa Niya noong kabataan Niya. Napakasakit ito para sa Panginoong Hesus. Labis Siyang nasaktan sa 'di pagtanggap sa Kanya ng Kanyang mga kababayan. Labis rin Siyang nasaktan dahil hinangad nilang ibulid Siya sa bangin. Hindi pa makuntento sa pagpapalayas sa Kanya. 

Sa pamamagitan ni Hesus, ang Diyos ay naging mahina. At dahil sa kahinaang ito, madali Siyang tablan ng lahat ng uri ng sakit dito sa daigdig. Hindi lamang Siya tinablan ng mga pisikal na sakit kundi pati na rin ang mga emosyonal na sakit. Ang lahat ng mga pisikal at emosyonal na sakit ay tiniis ng Panginoon. Kahit na Siya'y Diyos, kahit na Siya ang bukal ng kabanalan at kapangyarihan, kahit hindi Siya nagkasala kailanman, pinahintulutan ng Panginoon na Siya'y tablan at tamaan ng iba't ibang uri ng sakit na kilala sa daigdig. 

Bakit nga ba ipinasiya ng Panginoon na gawin iyon? Dahil sa pag-ibig. Dahil sa pag-ibig, pinili Niya tayong damayan at samahan sa bawat sandali ng ating buhay. Dahil sa pag-ibig, pinahintulutan ng Mahal na Poon na maging tao katulad natin, liban sa kasalanan. Dahil sa pag-ibig, niloob Niyang maranasan ang mga naranasan natin sa buhay, lalung-lalo na ang mga karanasang nagdulot ng sakit sa ating mga puso't damdamin. Iyan ang pag-ibig ng Panginoon. Iyan ang Magandang Balita. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento