Sabado, Hunyo 6, 2026

ANG LAGING KUMAKALINGA SA ATIN AY DAPAT DAKILAIN

20 Hunyo 2026 
Sabado ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikaanim na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
2 Cronica 24, 17-25/Salmo 88/Mateo 6, 24-34 


Nakasentro sa pagiging mapagkalinga ng Diyos ang pagninilay ng Inang Simbahan sa araw na ito. Marahil ay maraming ulit tayong pinaalalahanan ng Inang Simbahan na kinakalinga tayo ng Diyos sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Subalit, ang aral na ito ay tunay ngang napakahalaga para sa atin. Hindi tayo pinababayaan ng Diyos. Lagi Niya tayong tutulungan at sasamahan. Kaya naman, ang bawat isa sa atin ay inaanyayahan ng Inang Simbahan na imulat muli ang ating mga mata, puso, at isipan sa kagandahan ng misteryong ito. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ng Poong Jesus Nazareno na wala tayong dapat ikabahala o ikapangamba sapagkat lagi tayong kinakalinga ng Diyos. Ang pagkalinga ng Diyos ay patunay na iniibig Niya tayo nang lubusan. Gaya ng nasasaad sa Salmong Tugunan, mananatili ang Kaniyang pag-ibig (Salmo 88, 29a). Hindi lamang ito para sa angkan ni Haring David, bagamat hango mula sa pangakong binitiwan Niya sa nasabing hari ng bayang Kaniyang hirang ang mga salita sa Salmong Tugunan. Para rin sa ating lahat ang nasabing pangako. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, niloob Niyang kalingain tayong lahat. Iyon nga lamang, gaya ng nasasaad sa Unang Pagbasa, nasa ating mga kamay ang pasiya kung tatanggapin ba natin ito o hindi. Nakakalungkot, nasasaad sa Unang Pagbasa na pinili ni Haring Joas na talikuran at itakwil ang Diyos.  

Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno, lagi natin dapat Siyang piliin. Dapat lagi nating handugan Siya ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ito ang nararapat na tugon sa Poong Jesus Nazareno na nagpasiyang lagi tayong kalingain dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin. Lagi natin Siyang piliin, dakilain, at sambahin nang taos-puso. 

Biyernes, Hunyo 5, 2026

PINAHAHALAGAHAN NG MGA DUMARAKILA SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

19 Hunyo 2026 
Biyernes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikalimang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
2 Hari 11, 1-4. 9-18. 20/Salmo 131/Mateo 6, 19-23 


Buong linaw na inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral sa mga tao na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo para sa araw na ito: "Sapagkat kung saan naroon ang inyong kayamananan, naroon din naman ang inyong puso" (Mateo 6, 21). Sa mga salitang ito nakasentro ang taimtim na pagninilay ng Inang Simbahan para sa araw na ito. Ipinapahayag natin sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa kung ano ang ating pinapahalagahan. Ang pinahahalagahan ng Inang Simbahan nang lubusan ay walang iba kundi ang Diyos. 

Sa mahabang salaysay ng mga kaganapang itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa, isinaylaysay kung paanong naibalik ang taimtim na pagsamba sa tunay na Diyos na walang iba kundi ang Panginoon. Pinatalsik at pinatay si Atalia na namahala sa Israel bilang reyna nito sa loob ng pitong taon. Habang namahala si Atalia bilang reyna, ang pagsamba sa diyus-diyusang si Baal ay kaniyang pinairal. Subalit, nagbago ang lahat ng ito nang sumapit ang ikapitong taon ng kaniyang pamumuno. Matapos pahiran ng langis ang prinsipeng si Joas, naghimagsik laban kay Atalia ang buong bayan. Nang si Atalia ay mapatay, naibalik sa Israel ang pagsamba sa Diyos. Nagpatotoo naman ang mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan tungkol sa kadakilaan ng Diyos. Walang diyos maliban sa Panginoon. Dapat Siyang pahalagahan at dakilain ng lahat. 

Ang sinumang nagpapahalaga sa Panginoong Diyos ay laging naghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Ito ang dapat lagi nating gawin bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang Kaniyang itinatag sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. 

Huwebes, Hunyo 4, 2026

KATANGIAN NG MGA DUMARAKILA SA DIYOS NANG TAOS-PUSO

18 Hunyo 2026 
Huwebes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikaapat na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista
Sirak 48, 1-15 (gr. 1-14)/Salmo 96/Mateo 6, 7-15 



Inilalarawan sa mga Pagbasa ang katangian ng mga dumarakila sa Diyos nang taos-puso. Ang mga naghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos ay may kababaang-loob. Dinarakila nila ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang kababaang-loob. Para sa kanila, wala sila kung wala ang Diyos sa kanilang buhay. Hindi nila nakakalimutan ang mga ginawa ng Diyos para sa kanila. Kaya naman, nalulugod sa kanila ang Diyos. 

Nakasentro sa pagdakila ng Diyos kay Propeta Elias ang Unang Pagbasa. Lagi Siyang dinakila ng Kaniyang tapat na lingkod na si Propeta Elias. Ginawa ito ni Propeta Elias sa pamamagitan ng pagtupad sa misyong ibinigay sa kaniya ng Diyos. Hindi niya ito ginawa upang ang kaniyang sarili ay iangat at dakilain. Bagkus, lagi niya itong ginawa upang ang Diyos ay dakilain. Dahil dito, si Propeta Elias ay dinakila rin ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pagpapadala ng isang karwaheng apoy na hinihila ng mga kabayong apoy upang iakyat siya sa langit. Ito ang dahilan kung bakit nagagalak nang lubos si Propeta Elias at ang iba pang mga tapat na lingkod ng Diyos, gaya ng sabi ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Sa Ebanghelyo, ang panalanging ating nakilala sa tawag na "Ama namin" ay itinuro ng Poong Jesus Nazareno. Ang kababaang-loob ay binigyang-diin sa bawat linya ng panalanging ito. 

Ang mga may kababaang-loob ay dumarakila sa Diyos nang taos-puso. Palagi nilang ipinagmamalaki ang Diyos na hindi nagpapabaya. Ipinapahayag nilang lubusan silang nananalig at nagtitiwala sa Kaniya. Dahil dito, namumuhay sila para sa Kaniya. Tapat sila sa Diyos na kanilang dinarakila. 

Miyerkules, Hunyo 3, 2026

PAGHANDOG NG TAOS-PUSONG PAGDAKILA

17 Hunyo 2026 
Miyerkules ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikatlong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
2 Hari 2, 1. 6-14/Salmo30/Mateo 6, 1-6. 16-18 


Kinalulugdan ng Diyos ang mga naghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Sa katotohanang ito nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Batid Niya kung ano ang nilalaman ng ating mga puso at loobin. Wala tayong maililihim sa Kaniya. Tayong lahat ay Kaniyang kilala. Nababatid rin Niya kung sino ang mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. 

Sa Unang Pagbasa, si Propeta Elias ay iniakyat ng Diyos sa langit. Nagpadala Siya ng isang karwaheng apoy na hila-hila ng mga kabayong apoy upang iakyat ang Kaniyang dakilang propeta na si Propeta Elias sa langit. Inihayag ng Diyos sa pamamagitan ng kahanga-hangang gawang ito kung gaano Siya nalulugod kay Propeta Elias. Dahil sa walang tigil na pagdakila ni Propeta Elias sa Kaniya sa pamamagitan ng pagtupad sa misyong ibinigay Niya sa lingkod Niyang ito bilang Kaniyang propeta, iniakyat Niya sa langit si Propeta Elias sa wakas ng kaniyang misyon at paglalakbay sa lupa. Gaya ng buong linaw na inihayag sa Salmong Tugunan, kinalinga Niya ang Kaniyang lingkod. Si Propeta Elias ay patunay nito. Hindi siya pinabayaan ng Diyos. 

Ang pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay nakatuon sa pagiging taos-puso sa pamamanata at pagdakila sa Diyos. Nais ng Diyos na maging dalisay, busilak, tapat, at taos-puso ang ating pasiyang dakilain Siya. Hindi mga alagad ng sining ang hanap ng Diyos. Bagkus, ang laging hinahanap ng Diyos ay walang iba kundi ang mga naghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniyang Ngalan. 

Hinahanap ng Diyos ang mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. Kapag ang ating mga puso at loobin ay Kaniyang titingnan, matutuwa kaya Siya sa makikita Niya? 

TAOS-PUSONG PAGDAKILA ANG NARARAPAT NA IHANDOG SA NAGPAKITA NG PAG-IBIG, HABAG, AT AWA SA ATIN

16 Hunyo 2026 
Martes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikalawang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
1 Hari 21, 17-29/Salmo 50/Mateo 5, 43-48 


Tiyak na hindi na natin mabilang kung ilang ulit na ipinaalala sa atin ng Simbahan ang aral na nais pagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Nakasentro ang mga Pagbasa sa halaga ng taos-pusong pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Ang Diyos ay dinarakila natin nang taos-puso sa pamamagitan ng ating taos-pusong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Kaniya. Binubuksan natin ang ating mga sarili sa Kaniya sa pamamagitan ng ating taos-pusong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Kaniya. Dahil dito, pinahihintulutan natin ang Diyos na dalisayin at gawing banal ang ating mga puso at loobin. 

Sa Unang Pagbasa, si Haring Acab ay nagpasiyang magsisi at magbalik-loob sa Diyos matapos ipahayag sa kaniya ni Propeta Elias ang pasiya ng Diyos na parusahan siya at ang kaniyang angkan. Bilang tugon sa taos-pusong pagsisisi at pagbabalik-loob ni Haring Acab, ipinasiya ng Diyos na kaawaan, kahabagan, at patawarin siya. Gaya ng isinalungguhit nang buong linaw sa Salmong Tugunan, hindi ipinagkait ng Diyos ang Kaniyang habag at awa kay Haring Acab. Nakasentro naman sa pag-ibig para sa mga taga-usig at kaaway ang pangaral ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Isa lamang ang nais Niyang ituro sa atin. Huwag ipagkait ang biyaya, habag, at awa ng Diyos sa mga taga-usig at kaaway. Lagi natin silang isama sa ating mga panalangin, gaano man kahirap itong gawin. Tandaan, kinaawaan at kinahabagan rin tayo. 

Lagi tayong kinaawaan, kinahahabagan, at iniibig ng Diyos. Kaya naman, dapat lagi nating buksan ang ating mga puso at loobin. Pahintulutan natin ang Diyos na baguhin at pabanalin tayo. Ibahagi at ipalaganap rin natin ang Kaniyang habag at awa. Hindi dapat sarilinin ang Kaniyang biyaya, habag, at awa. Hinahandugan natin ang Diyos ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng pagbubukas ng ating mga puso at loobin sa Kaniya at sa pagbabahagi ng Kaniyang biyaya, pag-ibig, habag, at awa. 

HINDI MGA BAYARAN ANG MGA DUMARAKILA SA DIYOS NANG TAOS-PUSO

15 Hunyo 2026 
Lunes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Unang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
1 Hari 21, 1-16/Salmo 5/Mateo 5, 38-42 


Hindi mga bayaran ang mga taos-pusong dumarakila sa Diyos. Nakasentro sa aral na ito ang mga Pagbasa. Kung tunay ngang taos-puso ang ating pagdakila sa Diyos, lagi natin Siyang pipiliin. Mananatili tayong tapat sa Kaniya, gaano man kahirap gawin ito dala ng mga hirap, tukso, at pagsubok sa buhay. Walang takot nating dadakilain ang Panginoong Diyos sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, kahit na nangangahulugang hindi tayo tatanggapin ng marami. 

Sa Unang Pagbasa, inutusan ni Reyna Jezebel sa ngalan ni Haring Acab na patayin sa pamamagitan ng pagbato si Nabat na taga-Jezreel. Hindi pumayag si Nabat na ibigay ang kaniyang ubasan na minana niya mula sa kaniyang mga ninuno kay Haring Acab. Kahit na maganda ang alok ni Haring Acab, hindi pumayag si Nabat. Ito ay dahil may utos na ibinigay ang Diyos tungkol sa nasabing usapin: "Hindi ninyo maipagbibili nang lubusan ang lupa sapagkat iyon ay Akin; pinatitirhan Ko lamang sa inyo" (Levitico 25, 23). Buo ang pasiya ni Nabat. Walang magaganap na negosasyon o transaksyon. Ang nasabing ubasan ay hindi ibebenta sa halagang handang ibigay ni Haring Acab. Dahil dito, walang awang ipinapatay ni Reyna Jezebel sa ngalan ni Haring Acab si Nabat. 

Inilarawan sa Salmong Tugunan kung ano ang kinalulugdan ng Diyos. Nalulugod Siya sa mga taong handang maghandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Lagi nilang pipiliin ang Diyos, gaano man kahirap gawin ito. Hindi sila natatakot dakilain Siya sa bawat sandali ng kaniyang paglalakbay sa lupa, kahit na nangangahulugang hindi sila tatanggapin ng marami. 

Nakasentro sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos sa pamamagitan ng mga salita at gawa ang pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Hindi nila pinapairal o ipinapalaganap ang karahasan. Bagkus, ang lagi nilang ipinapalaganap ay walang iba kundi ang kabutihan at kabanalan ng Diyos. Sa pamamagitan nito, buong galak at tuwa nilang ipinagmamalaki ang Diyos na kanilang dinarakila. 

Ang mga dumarakila sa Diyos nang taos-puso ay laging tapat sa Kaniya. Gaano man kahirap maging tapat sa Diyos dahil sa mga hirap, tukso, at pagsubok sa buhay dito sa daigdig, pipiliin pa rin nilang manatiling tapat sa Kaniya. Lagi nilang inihahayag sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa ang kanilang pasiyang handugan ng tapat at taos-pusong pagdakila sa Diyos. Hindi nila Siya ipagpapalit kailanman. 

Martes, Hunyo 2, 2026

LAGI SIYANG DINARAKILA NG KANIYANG BAYAN

14 Hunyo 2026 
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Exodo 19, 2-6a/Salmo 99/Roma 5, 6-11/Mateo 9, 36-10, 8 

Nakatuon sa dahilan ng paghirang ng Diyos sa Kaniyang bayan ang mga Pagbasa. Sa pamamagitan ng paghirang at pagtalaga sa Kaniyang bayan, ang dakilang pag-ibig ng Diyos para sa Kaniyang bayan ay nahahayag. Ang bawat isa sa atin na bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay bumubuo sa Kaniyang bayang naglalakbay sa lupa. Iba't iba man ang ating lahi, wika, bayan, at bansa, binubuo natin ang bayang binuklod ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Ang Unang Pagbasa ay nakatuon sa paghirang at pagtalaga ng Diyos sa bayang Israel bilang Kaniyang bayan. Sa pamamagitan nito, ipinahayag ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig na dakila para sa bayang Israel. Nakasentro naman sa dahilan kung bakit iniligtas tayong lahat ng Diyos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, iniligtas tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, hinirang at itinalaga ng Poong Jesus Nazareno ang mga apostol. Ang mga apostol ay hinirang at itinalaga upang sumaksi sa Kaniya pagdating ng araw. 

Tayong lahat na bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno ay hinirang at itinalaga bilang Kaniyang sambayanan. Bilang isang bayang binuklod Niya dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin, dapat lagi natin Siyang dakilain sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Mamuhay tayo para sa Kaniya. 

BUSILAK ANG PUSO NG MGA DUMARAKILA SA DIYOS

13 Hunyo 2026 
Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria 
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51 


Isa lamang ang dahilan kung bakit malinis ang Puso ng Mahal na Birheng Maria. Lagi niyang dinakila ang Diyos nang taos-puso. Ang kaniyang pagdakila sa Diyos ay taos-puso. Hindi siya napilitang dakilain ang Diyos. Ginawa niya ito dahil tunay nga niyang sinasamba, iniibig, pinananaligan, at sinasampalatayanan ang Diyos. Pinatunayan ng Mahal na Birheng Maria ang kaniyang pasiyang dakilain ang Diyos nang taos-puso sa bawat sandali ng kaniyang paglalakbay sa daigdig sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa at salita. Katunayan, patuloy pa rin niya itong ginagawa sa langit. 

Sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo, ang Batang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay hinanap ni San Jose at ng Mahal na Birheng Maria sa loob ng tatlong araw. Nang ang ikatlong araw ay sumapit, natagpuan nila Siya sa piling ng mga guro sa Templo. Hindi tumigil o huminto sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos ang Mahal na Birheng Maria dahil dito. Bagkus, patuloy niyang dinakila ang Diyos. Isinabuhay niya ang mga salita sa Unang Pagbasa at Salmong Tugunan. Ang Diyos ay hinandugan ng Mahal na Birheng Maria ng taos-pusong pagdakila, kahit na mahirap gawin ito, dahil nararapat lamang itong gawin.

Dalisay ang Puso ng Mahal na Birheng Maria dahil lagi niyang hinandugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila. Kung lagi nating dadakilain ang Diyos nang taos-puso sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig na ito, ang ating mga puso at loobin ay magiging malinis, busilak, at dalisay. 

DAKILAIN ANG KAMAHAL-MAHALANG PUSO

12 Hunyo 2026 
Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno (A) 
Deuteronomio 7, 6-11/Salmo 102/1 Juan 4, 7-16/Mateo 11, 25-30 

Ipinapaalala sa atin ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos. Tunay ngang dakila ang pag-ibig ng Diyos. Ang Diyos ay puspos ng dakilang pag-ibig para sa atin. Sa kabila ng ating pagiging makasalanan, ipinasiya pa rin Niya tayong ibigin. Hindi Niya itinigil o inihinto ang Kaniyang pasiyang ibigin tayo kailanman. Lagi Niya tayong inibig. Katunayan, ito ang natatanging dahilan kung bakit ang sangkatauhan ay Kaniyang iniligtas sa pamamagitan ni Jesus Nazareno nang ang takdang panahon ay sumapit. 

Nakatuon sa kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos ang mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Moises sa mga Israelita na ipinasiya ng Diyos na piliin, hirangin, at italaga sila upang maging Kaniyang bayan dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig. Ang Kaniyang pagpili, paghirang, at pagtalaga sa Israel bilang Kaniyang bayan ay isang patunay ng Kaniyang dakilang pag-ibig para sa kanila. Hindi napilitan ang Diyos na piliin, hirangin, at italaga ang mga Israelita. Bukal sa Kaniyang puso at loobin ang Kaniyang pasiyang gawin ito. Nakasentro rin sa dakilang pag-ibig ng Diyos ang pangaral ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa. Para kay Apostol San Juan, ito ang tanging dahilan kung bakit dapat tayong umibig. Dahil iniibig tayo ng Diyos, dapat rin tayong umibig. Kapag umibig tayo, gaya ng patuloy na ginagawa ng Diyos sa tanan, isinasabuhay natin ang mga salita ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Nagpapatotoo ang bawat isa sa atin tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos kapag ito ay ating gagawin. Sa Ebanghelyo, ang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa ng Diyos ay inihayag sa lahat nang buong linaw sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Laging handa ang Poong Jesus Nazareno na ipadama ito sa lahat ng tao sa pamamagitan ng walang tigil na pag-aaruga at pagkalinga sa Kaniyang kawan. 

Lagi nating dapat dakilain ang Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno. Hindi Siya tumitigil o humihinto sa pagpapamalas at pagpapadama ng dakilang pag-ibig na ito sa atin. Puspos ng dakilang pag-ibig para sa atin ang Kaniyang Puso. Bilang tugon sa dakilang pag-ibig na ito, ang Kaniyang Kamahal-Mahalang Puso ay dapat dakilain sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Sa pamamagitan nito, inihahayag nating iniibig rin natin Siya na puspos ng dakilang pag-ibig para sa atin, gaya ng sinasagisag ng Kaniyang Kamahal-Mahalang Puso. 

Sabado, Mayo 30, 2026

TAOS-PUSONG PAGDAKILA ANG HANDOG NG MGA NAGPAPALAGANAP NG KANIYANG PAG-IBIG

11 Hunyo 2026 
Paggunita kay San Bernabe, apostol 
Huling Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Puso ni Jesus Nazareno 
1 Hari 18, 41-46/Salmo 64/Mateo 5, 20-26 

Nakasentro sa pagpapalaganap ng dakilang pag-ibig ng Diyos ang mga Pagbasa. Sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng dakilang pag-ibig ng Diyos, hinahandugan natin Siya ng dalisay at taos-pusong pagdakila. Ang mga nagpapalaganap ng dakilang pag-ibig ng Diyos ay nagpapakilala sa Kaniya sa lahat ng tao. Ipinagmamalaki nila Siya sa lahat ng tao nang buong galak. 

Inilahad ang mga naganap matapos ang tagumpay ng Diyos laban sa diyus-diyusang si Baal sa Bundok ng Carmelo sa salaysay na tampok sa Unang Pagbasa. Ang ulan ay pumatak matapos ang mahabang panahon. Niloob ng Diyos na matapos ang tatlong taon ng tagtuyot at taggutom matapos magbalik-loob sa Kaniya ang mga Israelitang nagkasala laban sa Kaniya sa pamamagitan ng pagsamba sa diyus-diyusang si Baal. Bilang tanda ng Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, niloob Niyang umulan sa buong lupain. Hindi Niya ipinagkakait sa mga nagbalik-loob sa Kaniya ang dakila Niyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Sa Ebanghelyo, nangaral si Jesus Nazareno tungkol sa pagkakaroon ng dalisay at busilak na puso. Dinarakila ng mga may dalisay at busilak na puso at loobin ang Diyos dahil ipinapalaganap nila ang Kaniyang awa, habag, pag-ibig, at kagandahang-loob na tunay ngang dakila. 

Gaya ng inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "O Diyos, dapat Kang awitan, sa Sion ay papurihan" (Salmo 64, 2a). Dapat natin itong gawin araw-araw bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Kaniyang Simbahang naglalakbay sa lupa. Magagawa natin ito sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng Kaniyang dakilang pag-ibig. 

Ang Diyos ay dinarakila ng sinumang nagpapalaganap ng Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Ito ang dapat nating gawin bilang mga bumubuo sa Simbahang itinatag mismo ng Poong Jesus Nazareno. 

Biyernes, Mayo 29, 2026

ISA LAMANG ANG DIYOS NA DAKILA

10 Hunyo 2026 
Miyerkules ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikawalong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Puso ni Jesus Nazareno 
1 Hari 18, 20-39/Salmo 15/Mateo 5, 17-19 


Itinampok at inilahad ang mahabang salaysay ng pagtutuos nina Propeta Elias at ng mga propeta ng diyus-diyusang si Baal sa Bundok ng Carmelo sa Unang Pagbasa. Sa kabila ng haba ng salaysay ng nasabing kaganapan sa Lumang Tipan, isa lamang ang aral na isinasalungguhit nito nang buong linaw. Ang Panginoong Diyos lamang ay ang tunay na Diyos. Walang ibang tunay na diyos o bathala kundi ang Panginoon. Tanging Siya lamang ang dapat dakilain at sambahin ng lahat nang taos-puso. 

Marahil ay paulit-ulit na ipinapaalala sa atin ng Simbahan ang aral na ito. Subalit, ang aral na ito ay ang pinakamahalagang aral. Ang aral na ito ay hindi natin dapat limutin kailanman. Walang ibang tunay na diyos o bathala na dapat sambahin at dakilain ng lahat ng tao nang taos-puso kundi ang Panginoon. Kaya naman, laging ipinapaalala sa atin ng Simbahan ang aral na ito nang sa gayon ay hindi natin ito makalimutan. 

Buong linaw na inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na naparito Siya sa lupa upang tuparin ang Kautusan. Siya na nagbigay ng Kautusan sa Kaniyang hirang na lingkod na si Moises sa Bundok ng Sinai ay dumating sa lupa upang tuparin ang Kautusang tanging Siya mismo ang nagbigay. Mahahayag sa lahat ng tao sa lupa sa pamamagitan ng Kaniyang pagtupad sa Kautusan ang Kaniyang pagkakilanlan bilang tunay na Diyos. 

Nakasentro sa pagiging matulungin ng Diyos ang mga salita sa Salmong Tugunan. Sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig, ang Diyos ay laging kasama natin. Hindi Niya tayo pababayaan. Kaya naman, mapalad tayo sapagkat ang tunay na Diyos ay hindi pabaya. Lagi Niya tayong sasamahan at tutulungan. 

Walang ibang diyos o bathala maliban sa Panginoong Diyos. Tanging Siya lamang ay ang tunay na Diyos. Lagi natin Siyang sambahin at dakilain nang taos-puso. 

Huwebes, Mayo 28, 2026

ANG KALOOBAN NG ATING DINARAKILA

9 Hunyo 2026 
Martes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikapitong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Puso ni Jesus Nazareno 
1 Hari 17, 7-16/Salmo 4/Mateo 5, 13-16 


Nakasentro ang mga Pagbasa sa katotohanan tungkol sa kalooban ng Diyos. Walang sinuman sa daigdig ang makapagsasabing mayroon siyang kapangyarihan upang ang anumang kaniyang naisin at loobin ay mapangyarihin. Tanging ang Diyos lamang at wala nang iba pa ang mayroong kapangyarihang upang ang anumang Kaniyang nais, loobin, at hangarin ay mapangyayari. Ito ang aral na nais ipaalala ng Simbahan. 

Sa Unang Pagbasa, ang babaeng balo ay hindi naubusan ng harina. Nakapagluto ang babaeng balo mula sa Sarepta ng tinapay para sa kaniyang sarili, sa kaniyang anak, at kay propeta Elias. Isa lamang ang dahilan kung bakit - niloob ito ng Diyos. Kahit na sa unang tingin ay hindi sapat para sa tatlong tao ang harinang dala ng babaeng balo, niloob ng Diyos na magiging sapat para makapagluto ng tinapay para sa tatlong tao ang nasabing harina. Sa Ebanghelyo, inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno na ang Kaniyang mga tagasunod ay ang asin at ilaw ng sanlibutan. Ito ay dahil niloob Niyang mangyari ito. Sa Salmong Tugunan, ang mang-aawit na tampok ay nagsumamo sa Diyos na loobin Niyang pasikatin sa Kaniyang mga lingkod ang Kaniyang liwanag. 

Isa lamang ang nais ipaalala ng Simbahan sa araw na ito. Ang lahat ng mga maganda, mabuti, at banal ay mapangyayari dahil sa kalooban ng Diyos. Patunay lamang ito na tanging Siya lamang ang pinakadakila. Kaya naman, walang sinuman ang dapat mag-ambisyong makipagkumpetensya sa Kaniya. Bagkus, dapat handugan Siya ng taos-pusong pagdakila dahil ito ang nararapat. 

Miyerkules, Mayo 27, 2026

HINDI PABAYA ANG ATING DINARAKILA

8 Hunyo 2026 
Lunes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikaanim na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Puso ni Jesus Nazareno 
1 Hari 17, 1-6/Salmo 120/Mateo 5, 1-12 


Ang taimtim na pagninilay ng Inang Simbahan para sa araw na ito ay nakasentro sa pagiging matulungin at mapagpala ng Diyos. Para sa Diyos, hindi dahilan upang hindi tulungan at pagpalain ang bawat isas sa atin Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. Wala namang dahilan ang Diyos upang tulungan at pagpalain ang bawat isa sa atin dahil mga aba lamang tayo sa Kaniyang paningin, kung tutuusin. Subalit, sa kabila ng Kaniyang kadakilaan, ipinasiya pa rin Niyang tulungan at pagpalain tayo. 

Itinampok at inilahad ang simula ng pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa bundok sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo. Naglaan si San Mateo ng tatlong buong kabanta upang ilahad ang mga pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa bundok. Sa simula ng Kaniyang mga pangaral sa bundok, ang mga mapalad sa paningin ng Diyos ay buong linaw na inilarawan ng Poong Jesus Nazareno. Buong linaw rin Niyang inilarawan ang natatanging dahilan kung bakit ang mga taong Kaniyang inilarawan ay tunay ngang pinagpapala ng Diyos. Lagi silang tinutulungan ng Diyos. Dahil dito, ang mga taong ito ay mapapalad sa Kaniyang paningin. Mapapalad sila dahil lagi silang tinutulungan ng Diyos. Hindi nila isinasara ang kanilang mga puso at loobin sa Kaniya. 

Sa Unang Pagbasa, si Propeta Elias ay nagbitiw ng isang sumpa kay Haring Acab na tumalikod sa Diyos. Ani Elias, hindi uulan o magkakahamog hanggang sa sumapit ang panahong itinakda (1 Hari 17, 1). Hindi natakot si Propeta Elias kay Haring Acab dahil hindi siya pinababayaan ng Diyos. Lubos na nananalig si Propeta Elias na lagi siyang gagabayan, papatnubayan, tutulungan, at ipagsasanggalang ng Diyos na humirang at nagtalaga sa kaniya bilang propeta. Ang katotohanang ito ay isinalungguhit ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. 

Buksan natin ang ating mga puso at loobin sa pagtulong ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagbubukas ng ating mga sarili sa Kaniya, dinarakila natin Siya nang taos-puso. 

Martes, Mayo 26, 2026

SA BANAL NA EUKARISTIYA, IPINAPAMALAS NG ATING DINARAKILA ANG KANIYANG KABUTIHAN

7 Hunyo 2026 
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-Banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (A) 
Ikalimang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Puso ni Jesus Nazareno 
Deuteronomio 8, 2-3. 14b-16a/Salmo 147/1 Corinto 10, 16-17/Juan 6, 51-58 


"Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin" (Salmo 147, 12a). Ang mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan ay ang sentro ng taimtim na pagninilay ng Simbahang buong galak at ligayang nagbubunyi, dumarakila, nagpupuri, at sumasamba sa Poong Jesus Nazareno na nasa Banal na Eukaristiya. Lagi Siyang dumarating sa piling nating lahat na bumubuo sa Kaniyang Simbahang naglalakbay sa daigdig na ito sa anyo ng tinapay at alak sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya. 

Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagpakilala sa mga tao sa Ebanghelyo bilang tunay na pagkain at inuming nagbibigay-buhay. Sa Kaniyang presensya sa Banal na Eukaristiya nakasentro ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Isa lamang itong patunay na tunay ngang mapagpala, mabuti, maawain, mahabagin, at mapagmahal. Kahit na Siya ang pinakadakila sa lahat, ipinasiya pa rin Niyang ibigay sa atin ang buo Niyang sarili bilang pagkain at inuming nagbibigay-buhay. Hindi Niya ipinagdamot sa tanan ang buo Niyang sarili. Gaya ng ginawa ng Diyos sa salaysay sa Unang Pagbasa, ipinamalas at ipinadama Niya sa atin ang Kaniyang pag-ibig, biyaya, kabutihan, habag, at awa na tunay ngang dakila sa pamamagitan ng kusang-loob na pagbigay ng Kaniyang sarili sa Banal na Eukaristiya. 

Bilang tugon sa dakilang pag-ibig, kabutihan, biyaya, habag, at awang ipinamalas sa atin ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, sa Banal na Eukaristiya, dapat ihandog natin ang nararapat sa Kaniya sa bawat oras at sandali ng ating paglalakbay sa daigdig na pansamantala lamang. Handugan natin Siya ng taos-pusong pagdakila. Lagi natin itong magagawa sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Samabahin, dakilain, at purihin Siya na nasa Banal na Eukaristiya magpakailanman. 

Lunes, Mayo 25, 2026

TIYAKING PARA SA HIGIT NA IKADARAKILA NG DIYOS ANG ATING MGA SALITA AT GAWA

6 Hunyo 2026 
Sabado ng Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikaapat na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Puso ni Jesus Nazareno 
2 Timoteo 4, 1-8/Salmo 70/Marcos 12, 38-44 


Nakatuon sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos ang mga Pagbasa. Ito ang dapat nating gawin bilang tugon sa Kaniya na nagpasiyang ibigin, kahabagan, at biyayaan tayo. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ang higit na ikadarakila ng Kaniyang Ngalan ay dapat lagi nating isaisip sa bawat oras at sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Binyayaan, kinahabagan, at inibig Niya tayo nang taos-puso sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan. Dapat lamang natin Siyang handugan ng taos-pusong pagdakila. 

Sa Ebanghelyo, itinampok ng Poong Jesus Nazareno, ang Diyos na nagkatawang-tao upang iligtas ang tao sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay, ang babaing balo na naghulog ng dalawang kusing sa Templo. Nakita Niya kung paanong ipinasiya ng nasabing babaing balo na dakilain ang Diyos nang taos-puso sa kabila ng kaniyang karukhaan. Hindi niya ipinagkait sa Diyos ang nararapat, kahit na isa siyang dukha. Kahit na walang matitira sa kaniya, handa niyang ihandog ang lahat sa Diyos para sa lalong ikaradakila ng Kaniyang Kabanal-Banalang Ngalan. 

Ito ang aral na isinalungguhit at ibinahagi ni Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa. Sa kabila ng mga hirap, tukso, at pagsubok sa buhay sa lupa, ang Diyos ay dapat pa ring handugan ng taos-pusong pagdakila, gaano man kahirap itong gawin. Nakasentro rin sa aral na ito ang mga salita ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Huwag nating limuting dakilain ang Diyos nang taos-puso dahil ito ang nararapat na gawin. 

Lagi nating dapat dakilain ang Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa sa bawat oras at sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Anuman ang ating gawin at bigkasin, dapat nating tiyaking hinahandugan natin ang Diyos ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng mga iyon. 

Sabado, Mayo 23, 2026

NAGPAKUMBABA SA KABILA NG KANIYANG KADAKILAAN

5 Hunyo 2026 
Biyernes ng Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikatlong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Puso ni Jesus Nazareno 
2 Timoteo 3, 10-17/Salmo 118/Marcos 12, 35-37 


Ang ating dinarakila nang taos-puso bilang mga bumubuo sa Kaniyang Simbahan ay mayroong kababaang-loob. Ito ang katotohanang buong kataimtimang tinatalakay at pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito. Nais ng Simbahan na imulat tayong lahat sa kababaang-loob ng Diyos. Bagamat ang kadakilaan ng Diyos ay hindi mahihigitan o mapapantayan man lamang kailanman, ipinasiya pa rin Niyang maging mababang-loob. Kababaang-loob ang ipinasiya Niyang pairalin at ipamalas. 

Nakasentro sa kababaang-loob ng Diyos ang pangaral ng Poong Jesus Nazareno na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang tunay na Diyos ay napabilang sa angkan ni Haring David. Kahit na walang kapantay o katapat ang Diyos, ipinasiya pa rin Niyang maging anak ni Haring David na Kaniyang lingkod sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas. 

Inilarawan nang buong linaw sa Unang Pagbasa at sa Salmong Tugunan kung paano nating maisasabuhay ang ating pasiyang dakilain ang Diyos sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Mamuhay nang may kababaang-loob. Ang Diyos ay nalulugod sa mga mababang-loob. Dinarakila Siya nang taos-puso ng mga mababang-loob. 

Kung ang Diyos ay mababang-loob, kailangan rin nating maging mababang-loob. Lagi nating hinahandugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan nito. Ang Diyos ay lubos na nasisiyahan sa taos-pusong pagdakila ng mga mababang-loob. 

Biyernes, Mayo 22, 2026

PUSPOS NG PAG-IBIG ANG PUSO NG DAKILANG POON

4 Hunyo 2026 
Huwebes ng Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikalawang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Puso ni Jesus Nazareno 
2 Timoteo 2, 8-15/Salmo 24/Marcos 12, 28b-34 


Ang Diyos ay puspos ng pag-ibig. Ito ang katotohanang pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito. Katunayan, nakasentro ang mga Pagbasa sa nasabing katotohanan. Lubos na iniibig ng Diyos ang sangkatauhan. Dahil sa pag-ibig ng Diyos na tunay ngang dakila, tayong lahat ay iniligtas at pinalaya Niya mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Inilarawan sa mga Pagbasa kung ano ang dapat nating gawin sa pag-ibig ng Diyos na kusang-loob Niyang ipinakita at ipinadama Niya sa atin araw-araw. Ang pangaral ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay nakasentro sa pinakamahalagang utos. Buong linaw Niyang ipinaliwanag kung paanong magkaugnay ang taos-pusong pag-ibig para sa Diyos at ang taos-pusong pag-ibig para sa kapwa-tao bilang tugon sa tanong ng isa sa mga eskriba sa Kaniya tungkol sa pinakamahalagang utos. Isang dalanging mula sa puso ang itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan. Ang samo at hiling ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ay matutunan ang mga utos at aral na itinuturo ng Diyos. Sa Unang Pagbasa, ipinaalala ni Apostol San Pablo kay San Timoteo ang halaga ng katapatan sa mga utos at loobin ng Diyos. 

Kung paano tayong inibig ng Mahal na Poong Jesus Nazareno nang taos-puso, dapat rin nating ibigin ang kapwa. Ang Kaniyang dakilang pag-ibig ay dapat nating ibahagi at ipalaganap. Sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagpapalaganap ng dakilang pag-ibig ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, dinarakila natin Siya nang taos-puso. 

Huwebes, Mayo 21, 2026

DAKILAIN SIYA SA BAWAT SANDALI

3 Hunyo 2026 
Miyerkules ng Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Unang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Puso ni Jesus Nazareno 
2 Timoteo 1, 1-3. 6-12/Salmo 122/Marcos 12, 18-27 


Hindi isa lamang ang buhay. Tiyak na ikagugulat ng marami ang katotohanang ito. Ito ay dahil paulit-ulit na ipinapaalala sa atin na minsan lamang nabubuhay ang tao. Oo, minsan lamang tayo mabubuhay sa daigdig. Subalit, hindi ito nangangahulugang ang buhay natin ay isa lamang. Mayroong buhay sa kabila. Kaya naman, kapag ang isang tao ay pumanaw, sinasabi nating "sumakabilang-buhay" na siya. Lingid man ito sa kaalaman ng marami, ating ipinapahiwatig na mayroong buhay kasunod ng buhay sa daigdig kapag ang terminong "sumakabilang-buhay" ay ginagamit natin. 

Ang katotohanang ito ay buong linaw na isinalungguhit ng Poong Jesus Nazareno sa salaysay na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Ipinaliwanag Niya sa mga Saduseo na mayroong muling pagkabuhay sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo. Sa Kaniyang paliwanag, binanggit ng Poong Jesus Nazareno kung paanong nagpakilala ang Diyos kay Moises noong una Siyang nagpakita sa Kaniyang lingkod na dakila sa Bundok ng Horeb: "Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob" (Ehipto 3, 15; Marcos 12, 26). Hindi sa hukay magtatapos ang lahat. Oo, magtatapos rin ang buhay ng tao sa daigdig at ililibing sa hukay. Subalit, mayroong buhay sa kabila. 

Bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno na naglalakbay sa daigdig na ito nang pansamantala lamang, ano ang dapat nating gawin? Paghandaan natin ang buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit. Gaya ng inihayag sa Salmong Tugunan, ituon natin ang ating pansin sa Kaniya. Isentro natin ang ating buhay sa Kaniya. Lagi natin Siyang ipagmalaki, gaya ni Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa. Isabuhay ang taos-pusong pasiyang ito sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa daigdig. Kapag ito ang ipinasiya nating gawin, dinarakila natin Siya nang taos-puso. 

Ilaan natin ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig sa paghahanda ng ating mga sarili para sa buhay na walang hanggan. Dakilain natin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na puspos ng dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa tanan, na sinasagisag ng Kaniyang Kamahal-Mahalang Puso, sa bawat oras at sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. 

Miyerkules, Mayo 20, 2026

ANG BANAL NA SANTATLO AY ANG TUNAY NA DIYOS NA DAPAT DAKILAIN

31 Mayo 2026
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (A) 
Exodo 34, 4b-6. 8-9/Daniel 3/2 Corinto 13, 11-13/Juan 3, 16-18 


Hindi sumasamba sa tatlong magkaibang Diyos ang Simbahan. Isa lamang ang Diyos na taos-pusong sinasampalatayanan at sinasamba ng Simbahan. Sa Kaniya lamang inihahandog at iniuukol ng Simbahan ang taos-pusong pananalig, pananampalataya, papuri, pasasalamat, at pagsamba. Wala nang ibang tunay na bathala o diyos kundi tanging Siya lamang. Ang Simbahan ay laging dumarakila, sumasamba, naglilingkod, umiibig, tumatalima, nananalig, at sumasampalataya sa tunay na Diyos. Palagi itong ginagawa ng Simbahan dahil ito ang nararapat na gawin. 

Ang tunay na Diyos na taos-pusong sinasamba, dinarakila, pinaglilingkuran, iniibig, at sinasampalatayanan ng Simbahan ay mayroong Tatlong Persona. Magkaiba man ang Tatlong Personang ito sa Isa't Isa, ngunit ang Tatlong Personang ito ay iisa lamang sa pagiging Diyos na totoo. Oo, ang tunay na Diyos ay isa lamang. Subalit, ang tunay na Diyos na isa lamang ay mayroong Tatlong Persona. Kaya naman, sa tuwing ginagawa natin ang Tanda ng Krus, lagi nating sinasabi ay "Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo." Hindi natin sinasabi "Sa mga Ngalan..." kundi "Sa Ngalan..." upang ang misteryo ng Tatlong Persona sa Isang Diyos ay isalungguhit nang buong linaw. 

Nakasentro sa dakilang misteryo ng Banal na Santatlo ang mga Pagbasa. Hindi Niya inililihim o ikinukubli ang Kaniyang sarili sa atin. Bagkus, nagpapakilala Siya sa atin sa pamamagitan ng dakilang misteryong ito. Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ng Diyos na tunay nga Siyang maawain at mapagmahal noong bumaba Siya taglay ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan sa Bundok ng Sinai. Ang dakilang misteryo ng maawain at mapagmahal na Diyos ay nahayag sa tanan nang buong linaw sa pamamagitan ng Banal na Santatlo - Ama, Anak, at Espiritu Santo. Ito ang dakilang misteryong buong linaw na binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa mga taga-Corinto na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Tayong lahat ay naligtas mula sa kasalanan at kamatayan dahil niloob ito ng Banal na Santatlo, ang tunay na Diyos, gaya ng nasasaad sa Ebanghelyo. Kumilos ang Banal na Santatlo upang tubusin tayo dahil ang Banal na Santatlo, ang tunay na Diyos, ay maawain at mapagmahal.

Isinalungguhit sa mga salita sa Salmong Tugunan na hango mula sa papuring awitin ni Azarias (na kilala rin sa tawag na Abednego) kung ano ang nararapat na gawin. Ang Diyos ay dapat lamang handugan ng taos-pusong papuri, pagdakila, pasasalamat, at pagsamba. Nararapat lamang nating gawin ito sa bawat oras at sandali bilang tugon sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na Kaniyang ginawa para sa atin. 

Lagi nawa nating handugan ng taos-pusong pagdakila ang tunay na Diyos na tunay ngang maawain at mapagmahal walang iba kundi ang Banal na Santatlo. Ang bawat isa sa atin ay inibig at kinahabagan ng Banal na Santatlo. Kaya naman, bilang tugon at patunay ng ating taos-pusong pag-ibig para sa Banal na Santatlo, dakilain natin sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa ang Banal na Santatlo. 

Martes, Mayo 19, 2026

HINAHANAP NG ATING DINARAKILA

29 Mayo 2026 
Biyernes ng Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
1 Pedro 4, 7-13/Salmo 95/Marcos 11, 11-26 


Tatlong kaganapan ang itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Ang unang kaganapang inilahad sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo ay ang pagsumpa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa isang puno ng igos, bagamat hindi pa panahon ng igos noong mga sandaling yaon. Ang ikalawang kaganapang itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo ay ang paglinis ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Templo. Ang pagkatuklas sa patay na puno ng igos ay ang ikatlo at huling kaganapan sa Ebanghelyo. 

Magkaiba man ang mga kaganapang itinampok at inilahad sa Ebanghelyo, isa lamang ang itinuturo ng mga nasabing kaganapan sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo. Sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig, dapat nating ialay sa Poong Jesus Nazareno ang nararapat. Taos-pusong pagdakila ang dapat nating ialay sa Kaniya. Lagi nating dakilain Siya sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ang taos-pusong pasiyang ito ay dapat nating isabuhay. 

Nakasentro sa paghandog ng taos-pusong pagdakila sa Panginoong Jesus Nazareno ang pangaral ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa. Ito rin ang pinagtuunan ng pansin ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa, dapat lagi natin Siyang handugan ng taos-pusong pagdakila bilang tugon sa Kaniyang pasiyang ibigin tayo. 

Ano kaya ang makikita ng Poong Jesus Nazareno kapag tiningnan Niya ang ating mga puso at loobin? Makakita nawa Siya ng mga pusong dumarakila sa Kaniyang Banal na Ngalan nang taos-puso. 

Lunes, Mayo 18, 2026

SINO ANG DINARAKILA MO?

28 Mayo 2026 
Kapistahan ng Panginoong Hesukristo, Walang Hanggan at Dakilang Pari (A) 
Genesis 22, 9-18 (o kaya: Hebreo 10, 4-10)/Salmo 39/Mateo 26, 36-42 


Napapanahon ang tanong ng Simbahan para sa atin sa araw na ito. Sino nga ba ang ating dinarakila nang taos-puso? Ang tanong na ito na tunay ngang napapanahon ay kailangan nating isaalang-alang habang pinagninilayan natin ang walang hanggan at dakilang pagkapari ng Panginoong Hesukristo, ang Nazareno. 

"Handa Akong naririto upang sundin ang loob Mo" (Salmo 39, 8a at 9a). Nakatuon sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan ang mga Pagbasa. Isinasalungguhit nang buong linaw sa mga salitang ito ang pagiging masunurin ng Poong Jesus Nazareno sa kalooban ng Amang nasa langit. Gaya ng nasasaad sa salaysay ng pananalangin at pagdurusa Niya sa Halamanan ng Hetsemani, ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na dakilain ang Ama sa pamamagitan ng pagtupad sa Kaniyang dakilang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Ang Kaniyang pasiyang sundin ang kalooban ng Amang nasa langit ay isinalungguhit nang buong linaw sa pangaral ng nagsulat ng Sulat sa mga Hebreo na inilahad sa alternatibong Unang Pagbasa. Gaya ni Abraham, ang ama ng pananampalataya, sa salaysay na tampok sa Unang Pagbasa, dinakila ng walang hanggan at dakilang pari ang Amang nasa langit sa pamamagitan ng tapat at taos-puso Niyang pagtupad sa Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas. 

Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na wala tayong ibang dapat dakilain kundi ang Walang Hanggan at Dakilang Pari na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Subalit, nakakalungkot, mayroong mga dumarakila sa mga sakim, sa mga walang awang pumapatay ng mga inosente, sa mga sinalungaling o manloloko, sa mga mapang-api, at mga tiwali. Pinapalakpakan ang mga kumikitil ng buhay. Kung tutuusin, sila pa yaong mga nagsisimba sa tuwing sasapit ng araw ng Linggo. Tuwing Linggo lamang nila pinupuri, dinarakila, at sinasamba ang Diyos. Ang mga masikat na personalidad na walang awang kumikitil ng buhay ng mga inosente at nagnanakaw ay araw-araw nilang dinarakila. Magagalit pa nga sila sa mga magsasabi sa kanila na hindi mabuti ang ginagawa ng mga nasabing personalidad. Handa silang magbulag-bulagan at magbingi-bingihan para sa mga tanyag na panauhing ito. Kahit na walang takot na murahin at laitin ng mga panauhing ito ang Diyos, papalakpakan pa rin nila nang buong lakas. Nagbibiro lamang ang mga nasabing tanyag na panauhin, anila. 

Ang dapat nating dakilain nang taos-puso ay walang iba kundi si Jesus Nazareno. Sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa, handugan natin Siya ng taos-pusong pagdakila. Ito ang nararapat gawin.