16 Hulyo 2026
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen
Zacarias 2, 14-17/Lucas 1/Mateo 12, 46-50
Larawan: Giuseppe Calì (1846–1930), Our Lady of Mount Carmel (c.1879). Parish Church of St. Cajetan of Thiene. Public Domain.
Ang magpapatunay na taos-puso ang ating pagdakila sa Panginoon ay ang ating mga salita at gawa. Sa aral na ito nakatuon ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Hindi nasusukat sa mga salita lamang ang pagiging taos-puso ng ating pag-aalay ng pagdakila sa Kaniyang Ngalan. Bagkus, ang pagiging taos-puso ng ating pagdakila sa Kaniya ay nasusukat rin sa pamamagitan ng ating mga gawa. Mapapatunayan nating taos-puso ang ating pagdakila sa Diyos sa pamamagitan ng mga salita at gawa.
Sa Ebanghelyo, inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno na ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ay bahagi ng Kaniyang pamilya. Para sa kanila, mas mahalaga ang higit na ikadarakila ng Diyos. Katunayan, ito ang pinakamahalaga para sa kanila. Lagi nilang pinagsisikapang mamuhay ayon sa mga utos, atas, at loobin ng Diyos nang sa gayon ay lalo pa nilang mabigyan ng higit na ikadarakila ang Kaniyang Ngalang Banal. Gaya ng buong linaw na nasasaad sa Salmong Tugunan na hango sa Magnificat, ang papuring awitin ng Mahal na Birheng Maria, pinupuri at dinarakila nila ang Diyos nang taos-puso bilang tugon sa mga kahanga-hangang bagay na Kaniyang ginawa upang ipamalas ang Kaniyang kadakilaan. Ang maluwalhating tagumpay ng Diyos laban sa diyus-diyusang si Baal sa Bundok del Carmen na kilala rin nating lahat sa tawag na Bundok ng Carmelo ay isang halimbawa nito (1 Hari 18, 38-39). Maaari ring idagdag ang Kaniyang pangako sa Unang Pagbasa. Darating Siya sa panahong itinakda Niya upang makapiling ang Kaniyang bayan.
Kasama ang Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Bundok del Carmen, buong galak nating handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ipagmalaki natin sa lahat na tunay ngang dakila ang Diyos. Lagi nating dapat isalamin sa kapwa-tao ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento