Miyerkules, Marso 20, 2019

KARANASAN NG KADAKILAAN NG DIYOS

7 Abril 2019 
Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K)
Isaias 43, 16-21/Salmo 125/Filipos 3, 8-14/Juan 8, 1-11 


"Gawa ng D'yos ay dakila kaya tayo'y natutuwa." (Salmo 125, 3) Ang mga salitang ito sa Salmong Tugunan ang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Inilalarawan sa mga Pagbasa kung paanong ipinakita ng Diyos ang Kanyang kadakilaan sa lahat. Ang lahat ng mga gawa ng Diyos ay tunay na dakila. Kamangha-manga sa paningin ng bawat tao ang lahat ng Kanyang mga gawa. Ang lahat ng mga gawa ng Diyos ay hinding-hindi mapapantayan o mahihigitan ninuman. 

Sa unang bahagi ng Unang Pagbasa, inilarawan ni propeta Isaias ang mga gawang ginawa ng Panginoong Diyos para sa bayang Israel noong inalis Niya sila mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Inilarawan kung paanong hinati ng Diyos ang tubig ng Dagat na Pula (na kilala rin bilang Dagat ng Tambo) upang makatawid ang mga Israelita at kung paano Niyang nilupig ang hukbo ng mga Ehipsiyo (43, 16-17). At sa ikalawang bahagi ng Unang Pagbasa, inilahad ni Isaias ang pahayag ng Diyos kung saan inihayag Niya kung paano Niya ipapamalas ang Kanyang kadakilaan. 

Nagbigay ng patotoo si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kanyang karanasan ng kadakilaan ng Diyos. Dahil naranasan niya ang kadakilaan ng Diyos, wala na siyang ibang hinangad kundi si Kristo. Ang kanyang karanasan sa daan patungong Damasco at ang pagtawag sa kanya ni Kristo ang nagbago ng kanyang buhay. Mula sa pagiging tagausig ng mga sinaunang Kristiyano, siya'y nagtitiis ng hirap at pagdurusa alang-alang kay Kristo. Ang lahat ng iyon ay kanyang tiniis dahil sa Panginoong nagbago ng kanyang buhay. Gaya ng kanyang nasabi sa wakas ng Ikalawang Pagbasa, "Nagpapatuloy nga ako tungo sa hangganan upang kamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang buhay na hahantong sa langit." (3, 14) 

Isinalaysay sa Ebanghelyo kung paanong naranasan ang babaeng nahuling nakiapid ang kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Naranasan niya ang kapatawarang hatid ni Hesus. Matapos sagutin ng Panginoong Hesus ang tanong ng mga eskriba at mga Pariseo, na ang layunin ay subukin Siya upang makahanap sila ng maipapaaratang laban sa Kanya, pinatawad Niya ang babaeng ito. Silang dalawa ay natira roon dahil umalis ang mga eskriba't mga Pariseo nang marinig nila ang sagot ng Panginoon. Hindi ipinagkait ng Panginoong Hesus sa babaeng ito ang Kanyang awa't kapatawaran. Nagbago ang buhay ng babaeng ito matapos niyang maranasan ang kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Tunay ngang dakila ang ginawang pagpapatawad ni Hesus sa kanya. 

Ang Diyos ay may kapangyarihan baguhin tayo. Tinutulungan Niya ang bawat isa na baguhin ang sarili. Iyan ang layunin ng Diyos sa pagpapamalas ng Kanyang kadakilaan. Ipinapamalas Niya ang Kanyang kadakilaan sa lahat upang himukin at tawagin ang lahat na magbago. Hangarin ng Diyos na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya ang bawat isa matapos nilang masaksihan at maranasan ang Kanyang kadakilaan. Iyan lamang ang nais ng Panginoong Diyos para sa bawat isa na Kanyang iniibig at kinahahabagan. Bumalik at pumanig tayo sa Kanya. 

Tulad nina Apostol San Pablo at ng babaeng nahuling nakiapid na pinatawag ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo, himukin nawa tayo ng ating mga karanasan ng kadakilaan ng Diyos na baguhin ang ating sarili para sa ating ikabubuti. Magsisi't magbalik-loob tayo sa Diyos sapagkat iyon ay kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Ibukas natin ang ating mga sarili sa Diyos at pahintulutan natin Siyang tulungan tayong tuparin ang Kanyang kalooban. 

Linggo, Marso 17, 2019

ANO ANG DAPAT IKAGALAK?

31 Marso 2019 
Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Josue 5, 9a. 10-12/Salmo 33/2 Corinto 5, 17-21/Lucas 15, 1-3. 11-32 


Ang panahon ng Kuwaresma ay nakalaan sa pagsisisi't pagbabalik-loob sa Diyos. Sa pamamagitan ng taos-pusong pagtitika at panunumbalik sa Panginoon, inihahanda natin ang ating mga sarili para sa pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesukristo. At ang paghahandang ito'y tumatagal nang apatnapung araw. Kaya nga, ito'y tinatawag na "Kuwaresma." Apatnapung araw na maghahanda ang bawat binyagang Krstiyano para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay, ang pinakamahalaga't pinakadakilang kapistahan sa kalendaryo ng Simbahan. 

Subalit, habang ang lahat ng Kristiyano ay nagsisisi't nagbabalik-loob sa Diyos nang buong kataimtimban sa loob ng apatnapung araw ng Kuwaresma, may araw na inilaan ang Simbahan para magalak. At iyon ay ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma na kilala rin bilang "Linggo ng Laetare." Ang salitang "Laetare" ay nangangahulugang "Magalak." Iyan ang panawagan ng Simbahan sa bawat isa sa Linggong ito. Pero, bakit nga ba? Ano nga ba ang dapat nating ikagalak? Kung tutuusin, panahon pa rin ng Kuwaresma. At batid nating isang panahong nakalaan sa pagsisisi't pagbabalik-loob sa Diyos nang buong kataimtiman ang panahong ito. 

Tunay ngang nakalaan sa pagsisisi't pagbabalik-loob sa Diyos ang panahon ng Kuwaresma. Ang bawat isa'y binibigyan ng pagkakataon sa loob ng apatnapung araw na ito na manumbalik sa Diyos. Subalit, itinuturo sa atin ng Simbahan kung bakit dapat tayo magalak, kahit tayo'y nagpepenitensya sa panahong ito. Itinuturo sa atin ng Simbahan sa araw na ito na ang Panginoon ang dapat maging sanhi ng kagalakan nating lahat. Kapag ang Panginoon ang sanhi ng ating galak, magiging tunay tayong masaya. Tunay ang galak na hatid ng Panginoon.

Iyan ang pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong ipinagdiriwang ng mga Israelita ang Paskuwa. Ipinagdiriwang nila ang kapistahang ito nang may galak sa kanilang mga puso dahil ginunita nilang lahat bilang isang sambayanan ang ginawa ng Diyos para sa kanila. Silang lahat ay pinalaya ng Diyos mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Iyan ang dakilang gawa ng Diyos na kanilang ginugnita sa pagdiriwang ng Paskuwa. Sa pamamagitan ng paggunita sa gawaing ito, ginugunita nila ang kahanga-hangang awa ng Diyos. Ang awa ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga ang sentro ng kanilang pagdiriwang. 

Sa Ikalawang Pagbasa, ipinaalala ni Apostol San Pablo sa lahat ng mga Kristiyano, lalung-lalo na sa mga nasa Corinto, ang ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo na naghahatid ng kagalakan. Sabi ni Apostol San Pablo na sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang bawat isa'y itinuring ng Diyos bilang Kanyang kaibigan at pinagkalooban ng kapatawaran ng kasalanan (5, 19). Kaya, nararapat lamang na magalak ang bawat isa sa bawat oras. Ang bawat isa'y may pagkakataong magbalik-loob sa Diyos habang nabubuhay pa tayo dito sa daigdig. Ito ang dahilan kung bakit dapat magalak ang lahat ng mga Kristiyano sa lahat ng oras. 

Ang Talingahaga ng Alibughang Anak na isinalaysay ng Panginoong Hesus ay inilahad sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng talinghagang ito, ipinaalala ni Hesus na ang Diyos ay puspos ng awa para sa lahat. Iyan ang naghahatid ng kagalakan sa lahat - ang awa ng Diyos. Iyan ang Magandang Balita. Ang Diyos ay puspos ng awa para sa lahat. Lagi Siyang handang ipagkaloob ito sa sinumang humihingi nito. Ang bawat isa ay may pagkakataong humingi ng awa mula sa Diyos habang nabubuhay at naglalakbay sa lupa. Iyan ang dapat ikatuwa nating lahat. 

Kahit nasa loob pa rin ng panahon ng Kuwaresma, nananawagan ang Simbahan sa lahat na magalak. Ano ang dapat nating ikagalak? Ang awa ng Diyos. Ang Diyos ay puspos ng awa para sa lahat. Binibigyan tayo ng pagkakataon na bumalik sa Kanya habang may hininga pa tayo dito sa lupa. Iyan ang dapat nating ikagalak - mayroon tayong Diyos na puspos ng awa para sa ating lahat.

Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Magalak tayong lahat sapagkat tayong lahat ay binibigyan ng Diyos ng pagkakataong magsisi't magbalik-loob sa Kanya. Habang may panahon pa, samantalahin natin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Panginoon na bumalik at makipagkasundo sa Kanya. Ito'y nagpapatunay na tayong lahat ay hindi sinusukuan ng Panginoon. Kaya naman, magalak tayo sapagkat hindi tayo susukuan ng Diyos habang may hininga pa tayo. Tayong lahat ay patuloy Niyang binibigyan ng pagkakataong magsisi't magbalik-loob sa Kanya. 

Huwebes, Marso 14, 2019

PALATANDAANG BIGAY NG DIYOS

25 Marso 2019 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38 


Sa Unang Pagbasa, inilahad ang ipinangakong palatandaang ibibigay ng Diyos. Ang palatandaang ito ay ibibigay ng Diyos pagdating ng takdang panahon. Isang sanggol na lalaki, na tatawaging Emmanuel, ang ipaglilihi't iluluwal ng isang dalaga mula sa kanyang sinapupunan (7, 14). Tinupad ng Diyos ang pangakong ito noong sumapit ang panahong Kanyang itinakda sa pamamagitan ni Kristo Hesus. At ang Mahal na Birheng Maria ang dalagang nagluwal sa Kanya.

Inilarawan sa Salmo at Ikalawang Pagbasa ang misyon ni Kristo. Siya'y naparito sa daigdig upang tuparin ang kalooban ng Ama. Ang kaligtasan ng sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo ay niloob ng Ama. Kahit hindi naman Niya kinailangang gawin iyan, ipinasiya pa rin ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Bugtong na Anak Niyang si Hesukristo. Ang Pangalawang Persona ng Kabanal-banalang Santatlo ay pumanaog sa sanlibutan bilang tao tulad natin, maliban sa kasalanan, upang tubusin ang sangkatauhan. 

Ang kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo, ang pagbabalita ng Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria, ay isang napakahalagang sandali sa kasaysayan ng kaligtasan ng sangkatauhan. Inihayag ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang pagsang-ayon at pagtalima sa kalooban ng Diyos sa sandaling iyon. Kahit hindi niya lubusang maunawaan ang kalooban ng Diyos, tinanggap pa rin niya ito nang buong kababaang-loob at pananalig sa Diyos. Ito ang nagsilbing daan para sa katuparan ng pangakong pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesus. 

Kaya naman, isang napakahalagang araw sa Kalendaryo ng Simbahan ang maringal na pistang ito. Ang pagtanggap ni Maria sa kalooban ng Diyos ay nagsilbing daan para sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Si Maria ay hinirang ng Diyos upang maging ina ni Hesus. Bagamat isa itong napakahirap na responsibilidad para sa kanya na hindi rin niya maunawaan nang lubusan, ito'y tinanggap niya pa rin. At sa pamamagitan ng kanyang pagtalima, ang Mahal na Birheng Maria ay nagbigay ng daan para sa katuparan ng kalooban ng Diyos. 

Sa pamamagitan ng kanyang pagtanggap at pagtalima sa kalooban ng Diyos, nagbigay ng daan ang Mahal na Birheng Maria para sa katuparan nito. Ang pangakong pagtubos ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo ay natuloy rin sa wakas dahil sa pagsang-ayon at pagtalima ng Mahal na Inang si Maria. Si Maria ay pumayag na gumawa ng daan para sa Diyos na darating upang tuparin ang Kanyang pangakong pagtubos sa lahat sa kanyang sinapupunan. At ang ipinangakong Tagapagligtas at Emmanuel na si Hesus ay kaniyang iniluwal mula sa kanyang sinapupunan pagdating ng takdang panahon. 

Ang katuparan ng ipinangakong palatandaang ibinigay ng Diyos ang ginugunita sa espesyal na araw na ito. Ang Panginoong Hesus ang palatandaang ibinigay ng Diyos noong dumating ang takdang panahon. At Siya'y ipinaglihi mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria. Sa pamamagitan nina Hesus at Maria, natupad ang pangakong inihayag ng Diyos sa Lumang Tipan. 

Miyerkules, Marso 13, 2019

DINGGIN ANG KANYANG PANAWAGAN

24 Marso 2019 
Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Exodo 3, 1-8a. 13-15/Salmo 102/1 Corinto 10, 1-6. 10-12/Lucas 13, 1-9 


Photo credits: LUMO project (www.LumoProject.com)

Sa Ebanghelyo, inilahad ni San Lucas ang panawagan ng Panginoong Hesus sa lahat na magsisi't magbalik-loob sa Diyos. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng isang babala at ng isang talinghaga. Isa lamang ang mensaheng nais iparating ng Panginoong Hesukristo sa lahat - pagsisihan, talikdan, at itakwil ang kasalanan at manumbalik sa Diyos habang may panahon pa. 

Ang panawagang ito ni Hesus ay sumasalamin sa Kanyang awa't habag para sa lahat. Sa panawagan ni Hesus sa kabuuan ng Ebanghelyo, nakita kung gaano Niya kinahahabagan at iniibig ang lahat. Nais ng Panginoon na ang bawat isa'y maligtas, hindi mapahamak. Nais ng Diyos na makinabang ang bawat isa sa Kanyang awa't pag-ibig. Nais ng Diyos na mamuhay ang bawat isa sa Kanyang piling sa langit. Nais ng Panginoon na maranasan ng bawat isa ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa kalangitan. Ito ang dahilan kung bakit nanawagan Siya sa lahat na magsisi't magbalik-loob sa Kanya. Hangad Niyang makasama ang lahat sa langit. 

Ito ang pangunahing dahilan kung bakit dumating si Hesus sa sanlibutan. Kahit na hindi naman kailangang gawin iyon, si Hesus ay dumating sa daigdig upang ihayag ang Kanyang habag at kagandahang-loob para sa lahat. Kung paanong ipinakita ng Diyos ang Kanyang habag para sa bayang Israel sa pamamagitan ng paghirang at pagsugo Niya kay Moises upang palayain sila mula sa pagkaalipin sa Ehipto, tulad ng nasasaad sa salaysay sa Unang Pagbasa at nabanggit ni Apostol San Pablo sa kanyang pangangaral sa Ikalawang Pagbasa, ipinakita ng Diyos ang habag Niyang walang kapantay para sa lahat sa pamamagitan ni Kristo.

Kaya naman, ang mga salita sa Salmo ay naangkop sa temang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. "Ang ating mahabaging Diyos ay nagmamagandang-loob." (102, 8a) Ang mga kaganapang itinampok sa mga Pagbasa ay ilan lamang sa mga sandaling ipinamalas ng Diyos ang Kanyang habag at kagandahang-loob. Subalit, hindi mahihigitan ng mga ito sa naganap sa bundok ng Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Ang Diyos na nagkatawang-tao na si Kristo Hesus ay kusang naghain ng buhay sa krus para sa kaligtasan ng lahat. Ang ginawang paghahain ng sarili ni Hesus sa Kalbaryo ang pinakadakilang larawan ng habag at kagandahang-loob ng Diyos para sa lahat. Dahil sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, ang Kanyang Misteryo Paskwal, ang lahat ng tao'y naligtas. 

Tayong lahat ay iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus upang makapiling natin Siya sa langit sa katapusan ng ating buhay dito sa lupa. Kaya naman, habang ang bawat isa sa atin ay naglalakbay dito sa lupa, dinggin natin ang panawagan ng Panginoon. Tayong lahat ay tinatawag ng Panginoon na magsisi't magbalik-loob sa Kanya habang may oras pa tayo. Kung ang panawagang ito ng Panginoon ay ating diringgin, inihahayag natin ang pagtanggap natin sa biyaya ng kaligtasang kaloob Niya. Ang sinumang tumanggap sa biyaya ng kaligtasang kaloob ng Panginoon sa lahat ay pagpapalain at isasama Niya sa Kanyang kaharian sa langit. 

Lunes, Marso 11, 2019

HANDANG TUPARIN ANG KALOOBAN NG DIYOS

19 Marso 2019 
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen 
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a)  


Tanging sa mga unang kabanata ng Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas lamang mahahanap ang pangalan ni San Jose. Hindi mahahanap ang kanyang pangalan sa Ebanghelyo ni San Marcos sapagkat ang nasabing Ebanghelyo ay nagsimula sa pangangaral ni San Juan Bautista sa ilang. Malaki na si Hesus sa mga sandaling iyon. Tahimik si San Marcos tungkol sa buhay ng Panginoong Hesus bilang kabataan. Hindi rin mahahanap ang kanyang pangalan sa Ebanghelyo ni San Juan. Sinimulan ni San Juan ang kanyang Ebanghelyo sa pamamagitan ng isang animo'y tula tungkol kay Hesus bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. 

Sa mga unang kabanata ng Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas kung saan ang kanyang pangalan ay nababanggit, matutuklasan ng bawat isa na ni minsan ay nagsalita si San Jose. Lagi siyang tahimik. Hindi siya nagsalita kahit kailan. Kung mayroon man siyang sinabi, hindi ito naitala sa Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas. Dalawang halimbawa nito'y ang mga tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa solemneng araw na ito. Isa sa dalawang salaysay na ito ang maaaring pagpilian - ang isa'y mula sa unang kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo at ang isa nama'y mula sa ikalawang kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas. Ang mga kaganapan bago isilang ang Panginoong Hesukristo ay inilahad sa salaysay mula sa Ebanghelyo ni San Mateo. Ang paghahanap ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose sa Batang Hesus sa Herusalem ay itinampok sa salaysay mula sa Ebanghelyo ni San Lucas. 

Kapansin-pansin sa mga salaysay na ito kung paanong si San Jose ay nananatiling tahimik sa harap ng mga pagsubok sa buhay. Gaano mang kakumplikado ang bawat sitwasyon sa mga tampok na salaysay, nanatili siyang tahimik. Si San Jose ay inilarawan nina San Mateo at San Lucas bilang isang taong tahimik sa harap ng mga kumplikasyon sa buhay upang ilarawan ang katatagan ng kanyang pananalig sa Diyos. Dahil sa kanyang matatag na pananalig, si San Jose ay laging handang tumupad at sumunod sa kalooban ng Diyos. Ang mga may matatag na pananalig sa Diyos tulad ni San Jose ay tahimik sa harap ng mga kumplikasyon sa buhay dahil ang lahat ng bagay ay kanilang ipinagkatiwala sa Diyos. Ang Diyos ang magbibigay ng solusyon sa lahat ng mga problema sa buhay. 

Mas madetalye ang tampok na eksena sa salaysay ni San Mateo. Napakalaki ng problemang iniharap ni San Jose. Ang Mahal na Birheng Maria ay natagpuang nagdadalantao nang hindi pa kasal. Naguguluhan na si San Jose sa mga sandaling iyon. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin. Kahit may napag-isipan siyang gawin, hindi siya nakakasiguro kung iyon nga ba talaga ang dapat gawin. Kaya, itinulog na lamang niya. At sa kanyang panaginip, inilahad sa kanya ng isang anghel ang solusyong bigay ng Diyos. Bagamat ang solusyon ng Diyos sa problema ni Jose ay hindi tulad ng kanyang naisip na solusyon, hindi nagdalawang-isip si Jose na tanggapin at sundin ang solusyong ito ng Diyos. Ipinakita ni San Jose na handa siyang sumunod sa kalooban ng Diyos, kahit iba ito sa kanyang naiplano. 

Si Haring David ay nanalig sa pangako ng Panginoong Diyos na inilahad ng propetang si Natan sa Unang Pagbasa. Si Abraham ay nanalig sa pangakong binitiwan ng Diyos sa kanya. Kaya naman, ang kanyang halimbawa ay itinampok ni Apostol San Pablo habang siya'y nangaral tungkol sa pananalig sa Diyos sa Ikalawang Pagbasa. Tulad ng dalawang dakilang taong ito mula sa Lumang Tipan, si San Jose ay nagpakita ng kanyang pananalig sa Diyos. Inihayag ni San Jose ang kanyang matatag na pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang katahimikan at kahinahunan sa mga kumplikadong sitwasyon sa buhay. 

Bakit laging tahimik si San Jose? Lagi siyang tahimik sapagkat matibay ang kanyang pananalig sa Diyos. At dahil sa tibay ng kanyang pananalig, lagi siyang handang tuparin kung ano ang loobin ng Diyos. At sa Diyos niyang ipinagkatiwala ang lahat ng nauukol sa kanya. 

Huwebes, Marso 7, 2019

KALIGTASANG IPINANGAKO

17 Marso 2019 
Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Genesis 15, 5-12. 17-18/Salmo 26/Filipos 3, 17-4, 1 (o kaya: 3, 20-4, 1)/Lucas 9, 28b-36 


Katulad ng pagtukso kay Hesus sa ilang na laging isinasalaysay sa Ebanghelyo tuwing sasapit ang Unang Linggo ng Kuwaresma, ang Ebanghelyo tuwing sasapit ang Ikalawang Linggo ng Kuwaresma ay laging tungkol sa Pagbabagong-Anyo ni Hesus. Katunayan, dalawang beses sa isang taon mapapakinggan ang salaysay na ito sa Ebanghelyo. Ang unang beses ay tuwing Ikalawang Linggo ng Kuwaresma at ang pangalawang beses ay tuwing ika-6 ng Agosto kung saan ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon. Subalit, ilang beses mang ulitin ang salaysay na ito, makakapulot pa rin ng aral ang bawat makikinig nito. Maaaring ito'y isang bagong aral o di kaya isang aral na napulutan dati-rati pero nakalimutan. Katunayan, isang napakagandang panahon para pag-aralan muli ang mga nakalimutang aral o di kaya makapulot ng bagong aral ang panahon ng Kuwaresma. Isa itong napakagandang gawain upang maihanda natin ang ating mga sarili para sa dakilang pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. 

Ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesukristo ay isang pagsulyap sa mga importateng pangyayaring magaganap. Ipinasulyap sa sandaling ito sa buhay ng Panginoong Hesus kung paanong matutupad ang pangakong pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan Niya. Siya'y magbabata ng maraming hirap at kamatayan sa krus ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw. Ito ang mga yugtong bumubuo sa tinatawag na Misteryo Paskwal. Sa pamamagitan ng Kanyang Misteryo Paskwal, ililigtas ni Kristo ang sangkatauhan. 

Mahahanap sa mga sinotikong Ebanghelyo ang salaysay ng Pagbabagong-Anyo ni Hesus. Subalit, tanging si San Lucas lamang ang nagsulat tungkol sa pinag-usapan nina Hesus, Moises, at Elias sa mga sandaling iyon. Ayon sa salaysay ni San Lucas, ang nalalapit na Pasyon ni Hesus ang paksa ng Kanyang usapan nila Moises at Elias sa mga oras na iyon. Sa pamamagitan nito, inilarawan ni San Lucas kung gaano kahalaga ang Mahal na Pasyon. Sa pamamagitan ng Pasyong Mahal ni Hesus, ang pangakong pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan ay matutupad. Iyan ang nais bigyang-diin ni San Lucas sa kanyang salaysay ukol sa Pagbabagong-Anyo ni Hesus na itinampok sa Ebanghelyo. 

Itinuturo sa salaysay ni San Lucas tungkol sa Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesus na itinampok sa Ebanghelyo na ang Diyos ay tapat sa Kanyang pangako. Ang Diyos, na nagbitiw ng pangako kay Abram (na mas kilala bilang si Abraham) sa Unang Pagbasa, ay hindi nakakalimot sa Kanyang mga pangako. Lagi Siyang tapat sa lahat ng mga pinangakuan Niya. Kung paanong tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako kay Abraham noong unang panahon, tinupad rin ng Diyos ang pangako Niyang pagtubos sa lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Diyos na nangakong magliligtas ng lahat ng tao ay dumating sa lupa upang tuparin ang pangakong yaon. 

Sa Ikalawang Pagbasa, ipinaliwanag ni Apostol San Pablo kung bakit napakahalaga para sa lahat ng Kristiyano ang krus ni Kristo. Ayon kay Apostol San Pablo, ang mga kaaway ng krus ni Kristo ay mapapahamak sapagkat ipinapakita nila ang pagsamba at pagpanig nila sa pita ng laman (3, 18-19). Ang tunay na sumasamba sa Diyos ay tumatanggap at pumapanig sa krus ni Kristo. Ang krus ni Kristo ang sagisag ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya naman, ang krus ni Kristo ay dapat bigyan ng halaga sapagkat sa pamamagitan nito'y tayo'y iniligtas ng Panginoon. Ang krus ni Kristo ang nagpapaalala sa atin sa katuparan ng pangakong pagtubos ng Diyos sa ating lahat. Iyan ang nais ituro ni Apostol San Pablo. 

Ang Diyos ay laging tapat sa Kanyang pangako. Kailanman ay hindi Siya nakakalimot sa mga pangakong Kanyang binitiwan. Ang pinakadakilang tanda nito ay ang krus ng Panginoong Hesukristo. 

Lunes, Marso 4, 2019

SAPAT NA ANG DIYOS

10 Marso 2019 
Unang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Deuteronomio 26, 4-10/Salmo 90/Roma 10, 8-13/Lucas 4, 1-13 


Laging itinatampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagtukso sa Panginoong Hesus sa ilang tuwing sasapit ang Unang Linggo ng Kuwaresma kada taon. Iisipin ng bawat tao na napakinggan na nila ang salaysay na ito noong nakaraang taon. Tila paulit-ulit na lamang ang ginagawa ng Simbahan. Para bang hindi na bago para sa mga tao ang salaysay na iyon. Para sa mga tao, isa lang naman ang nais ituro - tularan si Hesus sa pagtagumpay laban sa tukso ni Satanas. 

Subalit, kahit paulit-ulit na itinatampok ang salaysay na ito sa Ebanghelyo kada taon tuwing Unang Linggo ng Kuwaresma, makakapulot ng bagong aral ang bawat isa mula rito. Kahit ilang beses na napakinggan ang salaysay na ito, may bagong aral na maaaring matututunan ang bawat isa. Madadagdagan ang (mga) aral na kanilang natutunan mula sa pakikinig sa salaysay na ito. At maaari ring matutunan muli ng bawat isa ang mga aral na kanilang natutunan noong napakinggan ito dati pero bigla nilang nakalimutan. Kaya nga ito paulit-ulit na ipinapahayag at isinasalaysay sa Ebanghelyo tuwing sasapit ang Unang Linggo ng Kuwaresma. Ang bawat isa'y binibigyan ng pagkakataong makapulot ng bagong (mga) aral at muling matutunan ang (mga) aral na napulutan nila dati pero biglang nakalimutan. Para bang nagsisilbi itong paalala para sa ating lahat. 

Itinuturo ni Kristo sa Ebanghelyo na ang Diyos ay sapat na sa buhay ng bawat isa sa pamamagitan ng Kanyang tatlong tagumpay laban sa tatlong tukso ni Satanas. Nasa Diyos na ang lahat. Sapat na ang Diyos. Siya ang bahala sa atin. Hindi magkukulang ang Diyos kailanman. Laging sasapat ang Diyos. Ang tulong at kaloob ng Diyos ay sapat na para sa bawat isa. Wala na tayong dapat ikabahala o ipag-alala kapag ang Panginoong Diyos ang bahala sa ating buhay. Kapag pinahintulutan nating masunod ang kalooban ng Diyos, matitiyak nating magiging maaayos ang lahat. Aayusin at itutuwid ng Panginoon ang lahat. 

Kapag ipinakita natin na ang Diyos ay sapat na para sa atin, ipinapahayag natin ang ating pananampalataya't pananalig sa Kanya. Iyan naman talaga ang tunay na ugali ng bawat nananalig at sumasampalataya sa Panginoon. Ang tulong ng Panginoon ay sapat na para sa mga tunay na nananalig at sumasampalataya sa Kanya. Iyan ang pinagtuunan ng pansin ni Moises noong kanyang inilahad sa bayang Israel ang mga katagang kanilang sasambitin sa pagpapahayag ng kanilang pananampalataya sa Diyos sa Unang Pagbasa. Iyan din ang naging layunin ni Apostol San Pablo noong itinuro niya sa Ikalawang Pagbasa kung paanong maipapahayag ng bawat isa nang taos sa puso ang pananampalataya at pananalig nila sa Diyos. Paano nating malalaman na taos-puso ang ating pananalig at pananampalataya sa Diyos? Kapag inihayag natin na ang Diyos ay sapat na para sa ating lahat. 

Ang Diyos ay sapat na para sa mga tunay na nananalig at sumasampalataya sa Kanya nang buong puso't kaluluwa. Hindi sila magkukulang, lagi silang iingatan at papatnubayan ng Diyos. Lagi silang umaasa sa Diyos na hindi nagpapabaya. Iyan ang asal ng mga tunay na nananalig at sumasampalataya sa Kanya.