Huwebes, Marso 7, 2019

KALIGTASANG IPINANGAKO

17 Marso 2019 
Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Genesis 15, 5-12. 17-18/Salmo 26/Filipos 3, 17-4, 1 (o kaya: 3, 20-4, 1)/Lucas 9, 28b-36 


Katulad ng pagtukso kay Hesus sa ilang na laging isinasalaysay sa Ebanghelyo tuwing sasapit ang Unang Linggo ng Kuwaresma, ang Ebanghelyo tuwing sasapit ang Ikalawang Linggo ng Kuwaresma ay laging tungkol sa Pagbabagong-Anyo ni Hesus. Katunayan, dalawang beses sa isang taon mapapakinggan ang salaysay na ito sa Ebanghelyo. Ang unang beses ay tuwing Ikalawang Linggo ng Kuwaresma at ang pangalawang beses ay tuwing ika-6 ng Agosto kung saan ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon. Subalit, ilang beses mang ulitin ang salaysay na ito, makakapulot pa rin ng aral ang bawat makikinig nito. Maaaring ito'y isang bagong aral o di kaya isang aral na napulutan dati-rati pero nakalimutan. Katunayan, isang napakagandang panahon para pag-aralan muli ang mga nakalimutang aral o di kaya makapulot ng bagong aral ang panahon ng Kuwaresma. Isa itong napakagandang gawain upang maihanda natin ang ating mga sarili para sa dakilang pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. 

Ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesukristo ay isang pagsulyap sa mga importateng pangyayaring magaganap. Ipinasulyap sa sandaling ito sa buhay ng Panginoong Hesus kung paanong matutupad ang pangakong pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan Niya. Siya'y magbabata ng maraming hirap at kamatayan sa krus ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw. Ito ang mga yugtong bumubuo sa tinatawag na Misteryo Paskwal. Sa pamamagitan ng Kanyang Misteryo Paskwal, ililigtas ni Kristo ang sangkatauhan. 

Mahahanap sa mga sinotikong Ebanghelyo ang salaysay ng Pagbabagong-Anyo ni Hesus. Subalit, tanging si San Lucas lamang ang nagsulat tungkol sa pinag-usapan nina Hesus, Moises, at Elias sa mga sandaling iyon. Ayon sa salaysay ni San Lucas, ang nalalapit na Pasyon ni Hesus ang paksa ng Kanyang usapan nila Moises at Elias sa mga oras na iyon. Sa pamamagitan nito, inilarawan ni San Lucas kung gaano kahalaga ang Mahal na Pasyon. Sa pamamagitan ng Pasyong Mahal ni Hesus, ang pangakong pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan ay matutupad. Iyan ang nais bigyang-diin ni San Lucas sa kanyang salaysay ukol sa Pagbabagong-Anyo ni Hesus na itinampok sa Ebanghelyo. 

Itinuturo sa salaysay ni San Lucas tungkol sa Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesus na itinampok sa Ebanghelyo na ang Diyos ay tapat sa Kanyang pangako. Ang Diyos, na nagbitiw ng pangako kay Abram (na mas kilala bilang si Abraham) sa Unang Pagbasa, ay hindi nakakalimot sa Kanyang mga pangako. Lagi Siyang tapat sa lahat ng mga pinangakuan Niya. Kung paanong tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako kay Abraham noong unang panahon, tinupad rin ng Diyos ang pangako Niyang pagtubos sa lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Diyos na nangakong magliligtas ng lahat ng tao ay dumating sa lupa upang tuparin ang pangakong yaon. 

Sa Ikalawang Pagbasa, ipinaliwanag ni Apostol San Pablo kung bakit napakahalaga para sa lahat ng Kristiyano ang krus ni Kristo. Ayon kay Apostol San Pablo, ang mga kaaway ng krus ni Kristo ay mapapahamak sapagkat ipinapakita nila ang pagsamba at pagpanig nila sa pita ng laman (3, 18-19). Ang tunay na sumasamba sa Diyos ay tumatanggap at pumapanig sa krus ni Kristo. Ang krus ni Kristo ang sagisag ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya naman, ang krus ni Kristo ay dapat bigyan ng halaga sapagkat sa pamamagitan nito'y tayo'y iniligtas ng Panginoon. Ang krus ni Kristo ang nagpapaalala sa atin sa katuparan ng pangakong pagtubos ng Diyos sa ating lahat. Iyan ang nais ituro ni Apostol San Pablo. 

Ang Diyos ay laging tapat sa Kanyang pangako. Kailanman ay hindi Siya nakakalimot sa mga pangakong Kanyang binitiwan. Ang pinakadakilang tanda nito ay ang krus ng Panginoong Hesukristo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento