Huwebes, Marso 14, 2019

PALATANDAANG BIGAY NG DIYOS

25 Marso 2019 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38 


Sa Unang Pagbasa, inilahad ang ipinangakong palatandaang ibibigay ng Diyos. Ang palatandaang ito ay ibibigay ng Diyos pagdating ng takdang panahon. Isang sanggol na lalaki, na tatawaging Emmanuel, ang ipaglilihi't iluluwal ng isang dalaga mula sa kanyang sinapupunan (7, 14). Tinupad ng Diyos ang pangakong ito noong sumapit ang panahong Kanyang itinakda sa pamamagitan ni Kristo Hesus. At ang Mahal na Birheng Maria ang dalagang nagluwal sa Kanya.

Inilarawan sa Salmo at Ikalawang Pagbasa ang misyon ni Kristo. Siya'y naparito sa daigdig upang tuparin ang kalooban ng Ama. Ang kaligtasan ng sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo ay niloob ng Ama. Kahit hindi naman Niya kinailangang gawin iyan, ipinasiya pa rin ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Bugtong na Anak Niyang si Hesukristo. Ang Pangalawang Persona ng Kabanal-banalang Santatlo ay pumanaog sa sanlibutan bilang tao tulad natin, maliban sa kasalanan, upang tubusin ang sangkatauhan. 

Ang kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo, ang pagbabalita ng Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria, ay isang napakahalagang sandali sa kasaysayan ng kaligtasan ng sangkatauhan. Inihayag ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang pagsang-ayon at pagtalima sa kalooban ng Diyos sa sandaling iyon. Kahit hindi niya lubusang maunawaan ang kalooban ng Diyos, tinanggap pa rin niya ito nang buong kababaang-loob at pananalig sa Diyos. Ito ang nagsilbing daan para sa katuparan ng pangakong pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesus. 

Kaya naman, isang napakahalagang araw sa Kalendaryo ng Simbahan ang maringal na pistang ito. Ang pagtanggap ni Maria sa kalooban ng Diyos ay nagsilbing daan para sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Si Maria ay hinirang ng Diyos upang maging ina ni Hesus. Bagamat isa itong napakahirap na responsibilidad para sa kanya na hindi rin niya maunawaan nang lubusan, ito'y tinanggap niya pa rin. At sa pamamagitan ng kanyang pagtalima, ang Mahal na Birheng Maria ay nagbigay ng daan para sa katuparan ng kalooban ng Diyos. 

Sa pamamagitan ng kanyang pagtanggap at pagtalima sa kalooban ng Diyos, nagbigay ng daan ang Mahal na Birheng Maria para sa katuparan nito. Ang pangakong pagtubos ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo ay natuloy rin sa wakas dahil sa pagsang-ayon at pagtalima ng Mahal na Inang si Maria. Si Maria ay pumayag na gumawa ng daan para sa Diyos na darating upang tuparin ang Kanyang pangakong pagtubos sa lahat sa kanyang sinapupunan. At ang ipinangakong Tagapagligtas at Emmanuel na si Hesus ay kaniyang iniluwal mula sa kanyang sinapupunan pagdating ng takdang panahon. 

Ang katuparan ng ipinangakong palatandaang ibinigay ng Diyos ang ginugunita sa espesyal na araw na ito. Ang Panginoong Hesus ang palatandaang ibinigay ng Diyos noong dumating ang takdang panahon. At Siya'y ipinaglihi mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria. Sa pamamagitan nina Hesus at Maria, natupad ang pangakong inihayag ng Diyos sa Lumang Tipan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento