Sabado, Abril 30, 2022

PAG-IBIG NA NAGDUDULOT NG PAGBABAGO

15 Mayo 2022 
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
Mga Gawa 14, 21b-27/Salmo 144/Pahayag 21, 1-5a/Juan 13, 31-33a. 34-35 

Bartolomeo Schedoni, Ultima Cena Prima (c. 16th century), Public Domain

"Binabago Ko ang lahat ng bagay!" (Pahayag 21, 5a). Ito ang mga salitang binigkas ng nakaluklok sa trono ng kaharian ng Diyos sa pangitain ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa. Ang nakaluklok sa trono ng kaharian ng Diyos sa pangitain ni San Juan ay walang iba kundi si Kristo Hesus na Muling Nabuhay na nagpakilala bilang "Alpha at Omega" (21, 6). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inihayag ng Muling Nabuhay na si Hesus na hindi magtatagal ang lahat ng katiwalian at kasamaan. Magwawakas din ang lahat ng uri ng katiwalian, pang-aapi, at kasamaan na walang ibang dinulot kundi luha, dalamhati, sakit, hapis. at kamatayan. Dahil dito, mawawala ang "kamatayan, dalamhati, pag-iyak, at sakit" (21, 4). Iyan ang ipinangako ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa Unang Pagbasa. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Panginoon na tanging Siya lamang ang may kapangyarihang gawin ito. 

Katunayan, ipinahiwatig na ito ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo. Sabi Niya sa mga apostol sa Ebanghelyo: "Isang bagong utos ang ibinibigay Ko sa inyo: mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig Ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo" (Juan 13, 34). Sa pamamagitan ng bagong utos na ito, ipinamalas ni Hesus sa mga apostol ang kapangyarihan ng Kanyang pag-ibig. Ang pag-ibig ng Panginoong Hesukristo ay mayroong kapangyarihang magdulot ng pagbabago. Isa itong pasulyap ng Kanyang gagawin sa wakas ng panahon - ang lahat ng bagay ay Kanyang babaguhin. Sabi nga Niya sa pangitain ni San Juan sa Unang Pagbasa, pagsapit ng panahong iyon, lilipas rin "ang dating mga bagay" (Pahayag 21, 4). Ang lahat ng pang-aapi, pang-aabuso, pagsasamantala, at kasamaan ay tuluyang maglalaho na parang bula dahil paiiralin ni Hesus ang pag-ibig at habag sa Kanyang kaharian.

Ang pagbabagong dulot ng pag-ibig ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay ang paksang binigyan ng pansin sa pangaral nina Apostol San Pablo at San Bernabe sa Unang Pagbasa. Sabi nila, "Magdaranas muna tayo ng maraming kapighatian bago makapasok sa kaharian ng Diyos" (Mga Gawa 14, 22). Ibig sabihin nito, hindi iiral ang kapighatian at pagdurusang dulot ng iba't ibang uri ng pag-uusig magpakailanman sapagkat iiral ang pag-ibig at habag ng Panginoon sa Kanyang kaharian sa langit. Ang lahat ng hirap, sakit, at kapighatiang dinadanas nila ay pansamantala lamang dahil babaguhin ni Kristong Muling Nabuhay ang lahat ng iyon. 

Muling ipinapaalala sa atin sa Linggong ito na hindi mananatili magpakailanman ang iba't ibang uri ng pag-uusig, pang-aapi, pang-aabuso, katiwalian, at kasamaan dahil sa pag-ibig at habag ng Muling Nabuhay na si Hesus. Ipinangako ni Kristo Hesus na babaguhin Niya ang lahat ng bagay. Sa Kanyang kaharian, tanging pag-ibig at habag ang Kanyang paiiralin. Hindi na lalaganap ang iba't ibang uri ng pag-uusig, pang-aapi, katiwalian, at kasamaan na walang ibang idinulot kundi pighati, sakit, at hapis. 

Ipanatag natin ang ating loob! Darating ang panahong hindi na iiral ang pag-uusig, pang-aapi, katiwalian, at kasamaan. Darating din ang panahon kung kailan ang mga nagpapalaganap ng pag-uusig, pang-aapi, katiwalian, at kasamaan ay parurusahan dahil sa kanilang pasiyang ihasik ang ganitong uri ng kasamaan. Ang lahat ng bagay ay babaguhin ni Hesus. Sa Kanyang kaharian, paiiralin Niya ang Kanyang pag-ibig at habag na nagbabago sa lahat ng bagay. 

Paalala rin sa mga nagpapairal ng pang-aapi sa kapwa, nagnanakaw, at pumapatay ng mga inosente, may araw din kayo. Hindi kayo makakatakas sa pag-ibig at awa ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Kristo Hesus na pupuksa sa kasamaan at katiwaliang pinaiiral ninyo sa lipunan.

Biyernes, Abril 29, 2022

ISANG KORDERO ANG MAGPAPASTOL SA ATIN

8 Mayo 2022 
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
"Linggo ng Mabuting Pastol" 
Mga Gawa 13, 14. 43-52/Salmo 99/Pahayag 7, 9. 14b-17/Juan 10, 27-30 

Jean Baptiste de Champaigne, Good Shepherd (c. 17th century), Public Domain 

Dalawang titulo ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ang binibigyan ng pansin ng Simbahan sa Linggong ito - ang Mabuting Pastol at ang Kordero ng Diyos. Ang pag-ibig at habag ni Hesus na Muling Nabuhay ay binibigyan ng pansin ng dalawang titulong ito. Bagamat tinatawag ring Linggo ng Mabuting Pastol ang Linggong ito, ang Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, nais ring bigyan ng pansin ng Simbahan ang titulong "Kordero ng Diyos." Sa pamamagitan nito, pinagninilayan ang misteryo ng pagiging Mabuting Pastol ng Kordero ng Diyos. Ang Kordero ng Diyos na walang iba kundi si Hesus ay Siya ring Mabuting Pastol na kumakalinga sa Kanyang kawan. Ang Mabuting Pastol ay ang mismong Kordero ng Diyos. 

Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Juan na kukupkupin at kakalingain ng mismong Kordero ng Diyos ang mga Kristiyanong nagpasiyang manatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli (7, 14b-15. 17). Ang misteryong ito na pinagninilayan nang buong kataimtiman sa araw na ito ay tunay ngang kahanga-hanga. Isang maamo't payak na Kordero ang magpapastol sa kawan ng Diyos. Ang magpapastol sa kawan ng Diyos ay hindi kamay na bakal o pasikat. Bagkus, ang magpapastol sa kawan ng Diyos ay walang iba kundi ang mababang-loob at maamong Kordero na si Hesus na taga-Nazaret. Bilang Mabuting Pastol, ang Nazarenong Muling Nabuhay na si Hesus ay laging kumikilos para sa ikabubuti ng Kanyang kawan. 

Mismong si Hesus ang nagsabi sa Ebanghelyo na pinagkakalooban Niya ng buhay na walang hanggan ang Kanyang mga tupang nakikinig sa Kanyang tinig at sumusunod sa Kanya (Juan 10, 28). Iyan ang pag-ibig at habag ni Hesus para sa Kanyang kawan. Pagkakalooban Niya ng buhay na walang hanggan ang Kanyang kawan. Ang Kanyang kawan ay nakikinig sa Kanyang tinig at sumusunod sa Kanya dahil nananalig silang hindi sila mapapahamak ng Mabuting Pastol na si Hesus. Kapag napapakinggan nila ang tinig ng Kordero na Siya ring tunay na Mabuting Pastol, ang kanilang kalooban ay tunay ngang pumapanatag dahil pawang kabutihan nila ang lagi Niyang isinasaisip. 

Napuspos ng galak ang mga Hentil sa Unang Pagbasa nang ang Banal na Ebanghelyo ay ipangaral sa kanila nina Apostol San Pablo at San Bernabe. Ang Ebanghelyo na ipinangaral ng dalawang apostol na ito ay agad nilang pinakinggan at tinanggap nang buong puso. Tinanggap nila si Hesus, ang Kordero na Siya ring Mabuting Pastol, na pinatotohanan nina Apostol San Pablo at San Bernabe nang buong sigasig. Kahit na mayroong mga Hudyong naghangad na patahimikin ang dalawang apostol, hindi sila tumigil sa pagsaksi sa Korderong Mabuting Pastol na si Kristong Muling Nabuhay. 

Iminumulat tayo ng Simbahan sa isang kahanga-hangang misteryo sa Linggong ito: ang misteryo ng Kordero ng Diyos na Mabuting Pastol. Isang kordero, ang Kordero ng Diyos, ang magpapastol sa tunay na Simbahan. Bilang tunay na Mabuting Pastol, kukupkupin at kakalingain ng Kordero ang Kanyang kawan. Ang Kanyang kawan ay hindi magkukulang sa kaliga. Lagi Niya silang aarugain. Ang Mabuting Pastol na Siya ring Kordero ng Diyos ay walang iba kundi ang Panginoong Muling Nabuhay. Tunay Niyang iniibig at kinakalinga ang Kanyang kawan. 

Huwebes, Abril 28, 2022

MAY KAGALAKAN SA PAGIGING SAKSI NG PAG-IBIG AT AWA NG PANGINOONG HESUS NA MULING NABUHAY

1 Mayo 2022 
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
Mga Gawa 5, 27b-32. 40b-41/Salmo 29/Pahayag 5, 11-14/Juan 21, 1-19 (o kaya: 21, 1-14) 

Lucas Gassel (c. 1500-1568/1569), Christ with the Disciples and the Sea of Galilee, Public Domain

Habang patuloy na nagdiriwang ang Simbahan nang buong galak sa panahong ito dahil sa paggunita sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo, tinatalakay at pinagninilayan muli ng Simbahan sa Ikatlong Linggo ng Pasko ng 50 araw na ito ang galak sa pagiging saksi ng Kanyang pag-ibig at awa. Ang bawat saksi ng Panginoong Muling Nabuhay ay nagagalak dahil sa tagumpay ng Kanyang pag-ibig at awa para sa atin. Sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo na nagligtas sa sangkatauhan, ang pag-ibig at awa ng Diyos ay nagtagumpay. Ito ang laging bukambibig ng mga sumasaksi sa pag-ibig at habag ng Muling Nabuhay na si Kristo Hesus nang buong galak. 

Sa Unang Pagbasa, ang mga apostol ay napuspos ng galak dahil sa kanilang misyon bilang mga saksi ng pag-ibig at awa ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Sa gitna ng pag-uusig at panganib, hindi sila pinabayaan ng kanilang pinatotohanan. Ang Panginoong kanilang pinatotohanan ay lagi nilang kasama. Nabigo ang Sanedrin sa kanilang balak sa mga apostol. Ang Sanedrin ay hindi makahanap ng kasong maaari nilang isakdal laban sa mga apostol. Sabi nga sa wakas ng Unang Pagbasa na hindi rin nila mapagbawalan ang mga apostol na sumaksi sa Muling Nabuhay na si Kristo Hesus. Sabi nina Apostol San Pedro at ng iba pang mga apostol na sinasamahan at tinutulungan sila ng Espiritu Santo sa bawat sandali ng kanilang misyon (Mga Gawa 5, 32). Ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Ama at ng Anak sa mga apostol upang maging kanilang Patnubay at Kasama sa kanilang misyon ay hindi nagpapabaya. Ang Espiritu Santo ay lagi nilang kasama. Dahil palagi nilang kasama ang Espiritu Santo, ang Patnubay na ipinagkaloob sa kanila ng Ama at ng Anak, lagi silang nagagalak. Isa lamang ang dahilan kung bakit: ang Ikatlong Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Espiritu Santo - ang Patnubay at Gabay - ay nagsisilbing paalala ng dakilang pangako ng Panginoong Hesus na hindi Niya sila pababayaan. 

Pinatunayan ng mga apostol sa Unang Pagbasa na mayroong kagalakan sa pagiging saksi ng pag-ibig at awa ni Hesus na Muling Nabuhay. Sa gitna ng mga pag-uusig, mararamdaman ang presensya ng Panginoong Hesus sa tulong ng Espiritu Santo na hindi nagpapabaya. Pinalalakas ng Ikatlong Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Espiritu Santo ang lahat ng mga nananalig kay Kristo sa mga panahon ng pag-uusig. Dahil dito, ang mga saksi ng pag-ibig at awa ng Muling Nabuhay na si Hesus ay laging nagagalak sa gitna ng pag-uusig. Nararamdaman nila ang pag-ibig at awa ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa tulong ng Espiritu Santo na laging tumutulong at gumagabay sa kanila. 

Ang pag-ibig at awa ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay inilarawan ng awit ng mga anghel sa Ikalawang Pagbasa. Ang mga anghel ay umawit tungkol sa pag-ibig at awa ng Panginoong Hesus na namalas sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Ito ang nasaksihan ni Apostol San Juan sa kanyang pangitain na kanya namang inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Nakita't narinig niya ang koro ng mga anghel na buong galak na umaawit tungkol sa pag-ibig at habag ni Hesus. Matapos makita't marinig ang lahat ng iyon sa nasabing pangitain, inilahad niya ang mga ito sa nasabing bahagi ng aklat ng Pahayag. Sa pamamagitan nito, inilarawan ni Apostol San Juan ang dahilan kung bakit ang mga anghel ay umaawit nang buong galak sa kanyang pangitain - ang pag-ibig at awa ni Hesus. 

Naranasan ng mga apostol, lalung-lalo na si Apostol San Pedro, ang habag at pag-ibig ni Hesus na Muling Nabuhay na nagdudulot ng galak sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, naranasan nila kung paano muli silang tinulungan ng Muling Nabuhay na si Kristo Hesus sa kanilang pangingisda sa Lawa ng Tiberias. Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, naranasan ni Apostol San Pedro ang pag-ibig at awa ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay na humihilom sa hirap at sakit dulot ng kanyang tatlong ulit na pagtatwa sa Panginoon bago Siya mamatay sa krus. Dahil dito, ang mga apostol ay patuloy na nagpatotoo tungkol sa pag-ibig at awa ni Hesus sa bawat sandali ng kanilang misyon. 

Mayroong galak sa pagiging saksi ng pag-ibig at awa ni Hesus. Kapag sumaksi tayo sa Kanyang pag-ibig at awa, ipinapalaganap natin ang Kanyang pag-ibig at awa sa lahat ng dako. Hindi rin tayo pababayaan ng Panginoon sa ating pagsaksi sa Kanya. 

Sabado, Abril 23, 2022

BUHAY ANG MAAWAING PANGINOON AT MANUNUBOS NA ATING PINANANALIGAN

24 Abril 2022 
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
"Linggo ng Mabathalang Awa" 
Mga Gawa 5, 12-16/Salmo 117/Pahayag 1, 9-11a. 12-13. 17-19/Juan 20, 19-31 

Close-Up of the Original Image of the Divine Mercy (26 April 1935 - Eugeniusz Kazimirowski), Public Domain

Buhay ang Panginoon! Nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesus! Aleluya! Patuloy na tinatalakay sa mga Pagbasa para sa Linggong ito ang kagalakang kaloob ni Kristo Hesus na Muling Nabuhay. Ang dalamhati at hapis ay Kanyang pinalitan ng ngiti at galak sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Kaya naman, hindi nagtapos ang pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay noong nakaraang Linggo. Patuloy pa ring nagdiriwang ang Simbahan hanggang sa Linggo ng Pentekostes. Katunayan, lingid sa kaalaman ng marami, ang Linggong ito ay ang Ikawalong Araw ng Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon, bukod sa pagiging Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay at Linggo ng Banal na Awa. 

Inilahad ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa ang isang pangitaing tinanggap niya mula sa Diyos habang siya'y nasa Patmos. Sa nasabing pangitain, nagpakita sa kanya ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay na nagsabing namatay Siya ngunit buhay na Siya at mananatiling Siyang buhay magpakailanman (Pahayag 1, 18). Iyan ang misteryong ikinagagalak ng Simbahan. Si Hesus ay namatay sa Krus, ngunit muli Siyang nabuhay sa ikatlong araw, at hindi na Siya mamamatay kailanman. Iyan ang pinakamahalagang misteryo. Dahil sa misteryo ng pagpapakasakit, pagkamatay, at Muling Pagabuhay ni Hesus, nagkaroon ng saysay ang ating pananampalataya. 

Pinatunayan ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay na totoo ang nasasaad sa Salmo para sa Linggong ito: "Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi magmamaliw" (Salmo 117, 1). Isang Panginoon at Manunubos ay ibinigay sa atin ng Diyos dahil sa Kanyang pag-ibig at awa - ang Kanyang Bugtong na Anak na walang iba kundi si Hesus. Iyan din ang dahilan kung bakit nagpakita si Hesus kay Apostol Santo Tomas sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng Kanyang dalawang pagpapakita sa mga apostol, lalung-lalo na kay Apostol Santo Tomas, pinatunayan ni Hesus na hindi kukupas ang pag-ibig at awa ng Diyos. Bagkus, mananatili ito magpakailanman. Ang pag-ibig na ito ang umaakit sa mga makasalanan na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos. Ang pag-ibig na ito, na nahayag sa pamamagitan ng mga milagrong ginawa ng mga apostol sa Kanyang Pangalan, ang umakit sa mga tao na manalig sa Kanya. Iyan ang pag-ibig at awa ng Diyos. 

Mayroong saysay ang ating pananalig at pananampalataya dahil si Hesus ay nabuhay na mag-uli. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, nagkaroon ng saysay ang ating pananalig sa Diyos na laging nagbibigay ng pagkakataong magbalik-loob sa Kanya ang mga makasalanan. Ang Diyos na lubos nating pinananaligan bilang mga bumubuo sa Simbahang itinatag ni Kristo ay laging handang magpakita ng Kanyang habag at awa sa mga makasalanang hihingi nito sa Kanya. 

Kaya naman, buong pananalig natin sambitin ang mga salitang nakasulat sa ibabaw ng larawan ng Mabathalang Awa: "Hesus, ako ay nananalig sa Iyo!" Manalig tayo sa habag at awa ng Panginoon. Hindi Niya ito ipagdadamot sa atin. Hindi Niya isasara ang pintuan ng Kanyang awa. Ang pintuang ito ay laging bukas para sa atin habang patuloy tayong nabubuhay at naglalakbay dito sa mundo. Ang pagpasok at pagdaan sa pintuang ito ay tanda ng taos-pusong pananalig sa habag at awa ng Panginoon. 

Nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesukristo. Nagtagumpay ang Kanyang habag at awa sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Pumasok tayo sa pintuan ng Kanyang habag at awa bilang tanda ng ating buong pusong pananalig sa Kanya bilang maawain at mahabaging Panginoon at Manunubos. 

Bernardo Strozzi, Incrédulo Tomás (c. 1620), Public Domain

Huwebes, Abril 7, 2022

PAG-IBIG NA NAGHATID NG BAGONG SIMULA

17 Abril 2022 
Araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9 

David Teniers the Younger, Auferstehung Christi (c. 1610-1690), Public Domain

"It's only love." Ito ang mga titik na paulit-ulit nating maririnig sa awiting "Beautiful World" na inawit ni Utada Hikaru para sa pelikulang anime na Evangelion 1.0: You are (Not) Alone, ang unang anime na pelikula na nagsilbing reboot ng masikat na anime mula sa dekada '90 na walang iba kundi ang Neon Genesis Evangelion. Naaangkop pagnilayan ang mga Pagbasa para sa Araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay gamit ang mga salitang ito. Kung tutuusin, pag-ibig naman ang dahilan kung bakit iniligtas tayo ni Hesus sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay.  

Ang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay isang araw ng kagalakan. Ang araw na ito ay ipinagdiriwang ng Simbahan nang buong kagalakan. Matapos gunitain ang hapis at dalamhati dulot ng pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus noong Biyernes Santo, ang Simbahan ay nagdiriwang nang buong kagalakan sa paggunita sa dakilang tagumpay ng Diyos na nahayag sa Muling Pagkabuhay ni Hesus. Sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus, nakumpleto ang dakilang plano ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ang nagbigay ng kahulugan sa Kanyang Krus. Ang Krus ay sinundan ng Muling Pagkabuhay. 

Nakasentro sa misteryo ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ang mga Pagbasa para sa araw na ito. Sa Unang Pagbasa, si Apostol San Pedro ay nangaral sa Romanong si Cornelio tungkol sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Ang Muling Nabuhay na si Hesus ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipinagkaloob ng Diyos. Ang patunay nito ay ang libingang walang laman na itinampok ni San Juan sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Hindi nanatili si Hesus sa libingan matapos ang Kanyang pagkamatay sa Krus. Bagkus, nabuhay Siyang mag-uli sa ikatlong araw, gaya ng Kanyang ipinangako. 

Kaya naman, naaangkop ang mga salita ni Apostol San Pablo sa dalawang talatang itinatampok ng Simbahan sa Ikalawang Pagbasa para sa dakilang araw na ito. Hindi lamang kinamit ni Hesus ang tagumpay para sa Kanyang sarili. Bagkus, kinamit rin Niya ito para sa atin. Dahil ang tagumpay ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay tagumpay rin natin, dapat nating baguhin ang ating mga sarili. Sabi niya sa Unang Sulat sa mga taga-Corinto na dapat nating linisin o dalisayin ang ating mga sarili sa pamamagitan ng pagtanggal sa "lumang lebadura, ang kasalanan" (5, 7). Sabi pa ni Apostol San Pablo sa Sulat sa mga taga-Colosas na dapat nating isaisip "ang mga bagay na panlangit" (3, 2). Iyan ang biyaya ng bagong buhay na ipinagkakaloob ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa atin. Kasabay ng masayang pagdiriwang ng maluwalhating tagumpay ni Hesus sa Kanyang Muling Pagkabuhay, dapat nating tanggapin ang biyaya ng bagong buhay na Kanyang kaloob sa atin. 

Sabi sa Salmo: "Araw ngayon ng Maykapal, magalak tayo't magdiwang!" (118, 24). Sa araw na ito, buong galak na ipinagdiriwang ng Simbahan ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Nagagalak tayo dahil ipinagdiriwang natin ang tagumpay na kinamit ni Hesus para sa atin. Ang tagumpay ni Hesus ay tagumpay rin natin. Subalit, habang ipinagdiriwang natin nang buong galak ang dakilang tagumpay ng pag-ibig ng Diyos na tagumpay rin natin, tanggapin natin ang biyaya ng bagong buhay na kaloob nito sa atin. 

Buong galak nating ipinagdiriwang sa araw na ito ang Muling Pagkabuhay ni Hesus, ang pinakadakilang misteryo ng ating pananampalataya. Sa pamamagitan nito, ang tagumpay ng dakilang pag-ibig ng Diyos ay nahayag. Subalit, hindi lamang para sa Diyos ang tagumpay na ito kundi para rin sa atin. Kung tunay tayong nagagalak sa pagwagi ng Panginoong Hesukristo alang-alang sa atin, tanggapin nawa natin nang buong puso ang biyaya ng bagong buhay na Kanyang kaloob nang buong puso. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos na nahayag sa lahat sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus ay naghahatid sa atin ng bagong simula. 

MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY SA LAHAT! 

Lunes, Abril 4, 2022

ANG PUMASLANG SA DEMONYO

16 Abril 2022 
Sabado de Gloria: Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 103 (o kaya: Salmo 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Lucas 24, 1-12 

Samuel van Hoogstraten, Resurrection of Christ (c. 1665-1670), Public Domain 

Ang 鬼滅の刃 (Romaji: Kimetsu no Yaiba/Ingles: Demon Slayer) ay isa sa mga pinakamasikat na anime sa kasalukuyang panahon. Ang anime na ito ay tungkol sa isang binatang lalaking nagngangalang Kamado Tanjiro na naging isang tagapaslang ng mga halimaw o demonyo upang maibalik ang dating anyo ng kanyang kapatid na babaeng nagngangalang Nezuko. Si Nezuko ay naging isang halimaw dahil sa isang halimaw na si Muzan. Hinahanap at hinahabol nina Tanjiro at Nezuko si Muzan upang maibalik ang pagiging tao ni Nezuko. Habang hinahabol at hinahanap nila si Muzan, si Tanjiro ay nakikipaglaban sa mga taong naging halimaw o demonyo dahil kay Muzan. 

Matapos gunitain ang pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesukristo na nagdulot ng matinding hapis sa Mahal na Birheng Maria, ipinagdiriwang ng Simbahan sa gabing ito ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ang pagdiriwang na ito sa gabing ito ay puno ng galak. Ang kadiliman sa unang bahagi ng Bihiliyang ito ay pinalitan ng kaliwanagan. Sagisag ito ng tagumpay ng tunay na liwanag na si Hesus laban sa demonyong Satanas. Ang demonyong si Satanas ay pinaslang at tinalo ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang krus ay isang bahagi lamang ng plano ng Panginoong Hesus upang makamit ang tagumpay laban kay Satanas. Ang Muling Pagkabuhay ang nagkumpleto sa planong ito. Ang hapis at dalamhati ng Mahal na Inang si Maria dulot ng kamatayan ni Kristo Hesus noong unang Biyernes Santo ay tuluyang napawi dahil sa Muling Pagkabuhay. 

Hindi nagtapos ang lahat para kay Hesus sa Kanyang pagkamatay sa Krus. Bagamat nagtagumpay na Siya laban sa demonyo sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng sarili sa Krus, hindi iyon ang katapusan ng plano ng Diyos. Bagkus, ang Krus ni Hesus ay sinundan agad ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Kaya naman, sabi sa isa sa mga dasal sa Aklamasyon (Misteryo ng Pananampalataya) sa bawat Misa: "Sa Krus Mo at Pagkabuhay, kami'y natubos Mong tunay." Ang Krus at Muling Pagkabuhay ay hindi magkahiwalay kundi magkaugnay. Kung wala ang Krus, walang Muling Pagkabuhay. 

Iniligtas ni Hesus ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa Krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan, si Hesus ay nagtagumpay laban sa demonyong si Satanas. Subalit, ang tagumpay na ito ni Hesus laban sa demonyo ay hindi lamang para sa Kanyang sarili o para lamang sa Banal na Santatlo. Bagkus, ang tagumpay na ito ay para rin sa atin. Ang tagumpay na ito ay tagumpay ng Manunubos at ng mga tinubos. 

Sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay na naghayag ng dakilang tagumpay ng pag-ibig at awa ng Diyos, pinawi ni Hesus ang dalamhati ng Mahal na Birheng Maria. Ang dalamhating dulot ng pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus noong unang Biyernes Santo ay Kanyang pinawi sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay.  Ang hapis na dulot ng Krus ay naging kagalakan dahil nabuhay na mag-uli si Hesus. Hindi nagtagal ang pagdadalamhati ng Mahal na Birheng Maria dahil sa maluwalhating Muling Pagkabuhay ni Hesus. 

Kasama ng Mahal na Inang si Maria at ng buong Simbahan, magdiwang tayo nang buong kagalakan. Buong galak natin sambitin at awitin ang "Aleluya!" sapagkat ang ating Mesiyas at Manunubos ay nagtagumpay. Ipinaslang ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ang demonyo. Ang tagumpay ni Hesus ay hindi lamang sarili Niyang tagumpay. Bagkus, tagumpay rin natin ito. 

MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY!
ANG PANGINOON AY MULING NABUHAY, ALELUYA! 

Guercino, Apparition of Christ to the Virgin (c. 1628-1630), Public Domain

Biyernes, Abril 1, 2022

NILIKHANG AYON SA LARAWAN NG DIYOS

15 Abril 2022 
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42 

Juan de Valdes Leal, Cristo camino del Calvario (c. 1661), Public Domain

"君の姿は僕に似ている" (English: You look like me). Ang mga salitang ito ay ang unang titik ng awiting ginamit bilang pang-apat na pangwakas na awitin ng anime na pinamagatang Gundam Seed Destiny. Inilarawan sa titik na ito ang pagiging kahawig ng isang tao sa iba. Katunayan, sa nasabing anime, magkahawig sina Lacus Clyne at Meer Campbell. May ilan sa mga nanood nito na nagsabing may konting pagkahawig kay Kira Yamato si Shinn Asuka. Maaaring sabihing ang pagkakaroon ng pagkahawig sa ilang mga karakter nito ay isang mahalagang aspeto ng kuwento ng anime na ito. 

Bagamat puno ng hapis ang unang Biyernes Santo, isa itong araw ng tagumpay. Sa kabila ng mga hirap, sakit, at pagdurusang tiniis ng Panginoong Hesukristo hanggang sa tuluyan Siyang mamatay sa krus, hindi Siya nabigo. Ang pagkamatay ni Hesus sa isang kahoy na krus noong unang Biyernes Santo ay hindi isang sandali ng kabiguan o pagkatalo. Bagkus, nang malagutan Siya ng hininga sa krus, nakamit ni Hesus ang tagumpay. Ang krus ni Hesus ay tanda ng tagumpay. 

Ang tagumpay na nakamit ni Hesus sa krus ay hindi lamang para sa Kanyang sarili lamang. Bagkus, ito ay para rin sa sangkatauhan. Sabi sa propesiya ni Propeta Isaias tungkol sa misteryosong lingkod ng Diyos na tayo mismo ang dahilan kung bakit Siya nasugatan, binugbog, pinatay, at inilibing kasama ang mga masasama kahit na wala Siyang ginawang kasalanan (53, 4-6. 8-9). Tinupad ni Hesus ang propesiyang ito na inihayag ni Propeta Isaias sa bayan ng Diyos sa Unang Pagbasa. Sa pamamagitan ng pagtupad sa propesiyang ito, nakamit ni Hesus ang tagumpay para sa lahat ng tao sa buong mundo. Napakalinaw naman ang sinabi ni Propeta Isaias - tayo ang dahilan. 

Muling binigyan ng pansin sa Ikalawang Pagbasa ang katuparan ng propesiya tungkol sa lingkod ng Diyos na inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Bilang tapat na lingkod ng Diyos, buong kababaang-loob na sinunod ni Hesus ang kalooban ng Ama. Buong kababaang-loob Niyang tinanggap ang Kanyang misyon bilang pinakadakilang pari na mag-aalay ng sarili para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Sinunod ni Hesus ang dakilang plano ng Diyos na binuo dahil sa pag-ibig. Niloob ng Banal na Santatlo na ang Anak na si Hesus ay magtitiis ng maraming hirap at sakit hanggang sa Kanyang kamatayan sa krus alang-alang sa sangkatauhan. Sa pamamagitan nito, ang dakilang tagumpay ng Diyos ay makakamit. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang mga huling sandali sa buhay ni Hesus. Marami Siyang tiniis na hirap, sakit, at pagdurusa mula noong dinakip Siya sa halamanan hanggang sa malagutan Siya ng hininga sa krus. Subalit, bago Siya tuluyang mamatay sa krus, nabigkas Niya ang mga salitang ito: "Naganap na!" (Juan 19, 30). Bagamat ito ang ikaanim na wikang binigkas ni Hesus bago Siya mamatay sa krus sa tradisyunal na Pitong Huling Wika, ito ang mga huling salitang Kanyang binigkas bago mamatay sa krus sa salaysay ng Kanyang pagpapakasakit sa Ebanghelyo ni San Juan. Inihayag ni Hesus sa mga salitang ito na Kanyang binigkas bago mamatay sa krus ang tagumpay na nakamit Niya hindi lamang para sa Kanyang sarili kundi para sa sangkatauhan. Sa pamamagitan nito, muling inihayag ni Hesus na nilikha ang tao ayon sa larawan ng Diyos. Kaya naman, ang tagumpay na nakamtan ng Panginoon sa Kalbaryo ay hindi lamang para sa Banal na Santatlo kundi para sa lahat ng tao. 

Hindi lamang para sa Banal na Santatlo ang tagumpay ni Hesus sa krus. Bagkus, ang tagumpay na ito ay para sa lahat. Isa lamang ang dahilan nito - pag-ibig. Pag-ibig para sa sangkatauhang binigyan ng Diyos ng karangalang malikha ayon sa Kanyang wangis. Kaya naman, ang paghahain ni Hesus sa krus ay isang paalala para sa atin na nilikha tayo ayon sa larawan ng Diyos dahil sa Kanyang pag-ibig. Kung paanong ang bawat isa sa atin ay nilikha ng Diyos ayon sa Kanyang larawan, iniligtas rin Niya tayo mula sa kasalanan sa pamamagitan ni Kristo Hesus dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Ang tagumpay ni Hesus sa krus ay tagumpay rin natin. 

Jacob Jordaens, Crucifixion of Christ (c. Between 1617-1620), Public Domain