15 Mayo 2022
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
Mga Gawa 14, 21b-27/Salmo 144/Pahayag 21, 1-5a/Juan 13, 31-33a. 34-35
Bartolomeo Schedoni, Ultima Cena Prima (c. 16th century), Public Domain
Katunayan, ipinahiwatig na ito ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo. Sabi Niya sa mga apostol sa Ebanghelyo: "Isang bagong utos ang ibinibigay Ko sa inyo: mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig Ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo" (Juan 13, 34). Sa pamamagitan ng bagong utos na ito, ipinamalas ni Hesus sa mga apostol ang kapangyarihan ng Kanyang pag-ibig. Ang pag-ibig ng Panginoong Hesukristo ay mayroong kapangyarihang magdulot ng pagbabago. Isa itong pasulyap ng Kanyang gagawin sa wakas ng panahon - ang lahat ng bagay ay Kanyang babaguhin. Sabi nga Niya sa pangitain ni San Juan sa Unang Pagbasa, pagsapit ng panahong iyon, lilipas rin "ang dating mga bagay" (Pahayag 21, 4). Ang lahat ng pang-aapi, pang-aabuso, pagsasamantala, at kasamaan ay tuluyang maglalaho na parang bula dahil paiiralin ni Hesus ang pag-ibig at habag sa Kanyang kaharian.
Ang pagbabagong dulot ng pag-ibig ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay ang paksang binigyan ng pansin sa pangaral nina Apostol San Pablo at San Bernabe sa Unang Pagbasa. Sabi nila, "Magdaranas muna tayo ng maraming kapighatian bago makapasok sa kaharian ng Diyos" (Mga Gawa 14, 22). Ibig sabihin nito, hindi iiral ang kapighatian at pagdurusang dulot ng iba't ibang uri ng pag-uusig magpakailanman sapagkat iiral ang pag-ibig at habag ng Panginoon sa Kanyang kaharian sa langit. Ang lahat ng hirap, sakit, at kapighatiang dinadanas nila ay pansamantala lamang dahil babaguhin ni Kristong Muling Nabuhay ang lahat ng iyon.
Muling ipinapaalala sa atin sa Linggong ito na hindi mananatili magpakailanman ang iba't ibang uri ng pag-uusig, pang-aapi, pang-aabuso, katiwalian, at kasamaan dahil sa pag-ibig at habag ng Muling Nabuhay na si Hesus. Ipinangako ni Kristo Hesus na babaguhin Niya ang lahat ng bagay. Sa Kanyang kaharian, tanging pag-ibig at habag ang Kanyang paiiralin. Hindi na lalaganap ang iba't ibang uri ng pag-uusig, pang-aapi, katiwalian, at kasamaan na walang ibang idinulot kundi pighati, sakit, at hapis.
Ipanatag natin ang ating loob! Darating ang panahong hindi na iiral ang pag-uusig, pang-aapi, katiwalian, at kasamaan. Darating din ang panahon kung kailan ang mga nagpapalaganap ng pag-uusig, pang-aapi, katiwalian, at kasamaan ay parurusahan dahil sa kanilang pasiyang ihasik ang ganitong uri ng kasamaan. Ang lahat ng bagay ay babaguhin ni Hesus. Sa Kanyang kaharian, paiiralin Niya ang Kanyang pag-ibig at habag na nagbabago sa lahat ng bagay.
Paalala rin sa mga nagpapairal ng pang-aapi sa kapwa, nagnanakaw, at pumapatay ng mga inosente, may araw din kayo. Hindi kayo makakatakas sa pag-ibig at awa ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Kristo Hesus na pupuksa sa kasamaan at katiwaliang pinaiiral ninyo sa lipunan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento