16 Abril 2022
Sabado de Gloria: Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 103 (o kaya: Salmo 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Lucas 24, 1-12
Samuel van Hoogstraten, Resurrection of Christ (c. 1665-1670), Public Domain
Matapos gunitain ang pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesukristo na nagdulot ng matinding hapis sa Mahal na Birheng Maria, ipinagdiriwang ng Simbahan sa gabing ito ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ang pagdiriwang na ito sa gabing ito ay puno ng galak. Ang kadiliman sa unang bahagi ng Bihiliyang ito ay pinalitan ng kaliwanagan. Sagisag ito ng tagumpay ng tunay na liwanag na si Hesus laban sa demonyong Satanas. Ang demonyong si Satanas ay pinaslang at tinalo ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang krus ay isang bahagi lamang ng plano ng Panginoong Hesus upang makamit ang tagumpay laban kay Satanas. Ang Muling Pagkabuhay ang nagkumpleto sa planong ito. Ang hapis at dalamhati ng Mahal na Inang si Maria dulot ng kamatayan ni Kristo Hesus noong unang Biyernes Santo ay tuluyang napawi dahil sa Muling Pagkabuhay.
Hindi nagtapos ang lahat para kay Hesus sa Kanyang pagkamatay sa Krus. Bagamat nagtagumpay na Siya laban sa demonyo sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng sarili sa Krus, hindi iyon ang katapusan ng plano ng Diyos. Bagkus, ang Krus ni Hesus ay sinundan agad ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Kaya naman, sabi sa isa sa mga dasal sa Aklamasyon (Misteryo ng Pananampalataya) sa bawat Misa: "Sa Krus Mo at Pagkabuhay, kami'y natubos Mong tunay." Ang Krus at Muling Pagkabuhay ay hindi magkahiwalay kundi magkaugnay. Kung wala ang Krus, walang Muling Pagkabuhay.
Iniligtas ni Hesus ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa Krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan, si Hesus ay nagtagumpay laban sa demonyong si Satanas. Subalit, ang tagumpay na ito ni Hesus laban sa demonyo ay hindi lamang para sa Kanyang sarili o para lamang sa Banal na Santatlo. Bagkus, ang tagumpay na ito ay para rin sa atin. Ang tagumpay na ito ay tagumpay ng Manunubos at ng mga tinubos.
Sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay na naghayag ng dakilang tagumpay ng pag-ibig at awa ng Diyos, pinawi ni Hesus ang dalamhati ng Mahal na Birheng Maria. Ang dalamhating dulot ng pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus noong unang Biyernes Santo ay Kanyang pinawi sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Ang hapis na dulot ng Krus ay naging kagalakan dahil nabuhay na mag-uli si Hesus. Hindi nagtagal ang pagdadalamhati ng Mahal na Birheng Maria dahil sa maluwalhating Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Kasama ng Mahal na Inang si Maria at ng buong Simbahan, magdiwang tayo nang buong kagalakan. Buong galak natin sambitin at awitin ang "Aleluya!" sapagkat ang ating Mesiyas at Manunubos ay nagtagumpay. Ipinaslang ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ang demonyo. Ang tagumpay ni Hesus ay hindi lamang sarili Niyang tagumpay. Bagkus, tagumpay rin natin ito.
MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY!
ANG PANGINOON AY MULING NABUHAY, ALELUYA!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento