Biyernes, Agosto 28, 2020

MAGPASIYA NANG MABUTI

30 Agosto 2020 
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Jeremias 20, 7-9/Salmo 62/Roma 12, 1-2/Mateo 16, 21-27 



Inilarawan sa mga Pagbasa ang katotohanan tungkol sa pagsunod sa Panginoon nang buong katapatan. Hindi madaling maging isang matapat na lingkod ng Diyos dahil sa mga matitinding hamon ng buhay. Hindi ligtas mula sa mga pagsubok at pag-uusig sa buhay ang lahat ng mga nagpasiyang maging tapat sa Kanya. Kung tutuusin, hindi naman ipinangako ng Panginoong Diyos na magiging maginhawa ang buhay ng mga nananalig at sumusunod sa Kanya nang buong katapatan dito sa daigdig kailanman. 

Sabi na nga mismo ni Hesus sa Ebanghelyo na ang mga nais sumunod sa Kanya nang buong katapatan ay dapat magpasan ng krus at sumunod sa Kanya (Mateo 16, 24). Inihahayag natin sa pamamagitan nito ang ating katapatan sa Kanya. Kung paanong inihayag ni Kristo ang Kanyang katapatan sa Ama at sa sangkatauhan, kailangan nating ipakita ang ating katapatan sa Kanya, gaano mang kahirap itong gawin. Kung ang ating pag-ibig, pananalig, at pananampalataya sa Diyos ay tunay, handa tayong tuparin ang Kanyang mga utos at loobin, gaano pa man ito kahirap. 

Tulad ni propeta Jeremias na nakaranas ng paglilibak at pangungutya ng mga tao dahil sa kanyang pagiging propeta ng Diyos sa Unang Pagbasa, at tulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, tutuparin natin ang kalooban ng Diyos kung ang ating pagmamahal sa Kanya ay tunay. Iyan ang patunay na tayo'y nasa panig ng Panginoong Diyos. Ang pakiusap ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa: ialay ang buhay sa Diyos (Roma 12, 1). Ang mga propeta katulad ni Jeremias sa Unang Pagbasa at mga apostol tulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay hindi naging ligtas mula sa mga pagsubok at pag-uusig sa buhay sa daigdig na ito. Subalit, sa kabila nito, pinili nilang maging tapat sa Diyos. Gaano mang kahirap iyon, lalo na sa mga sitwasyon kung saan nahaharap sila sa matinding panganib, pinili pa rin nilang pumanig sa Diyos. Inihayag nila ang kanilang pasiya na maging tapat sa Panginoong Diyos hanggang sa huli sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang kalooban. Iyan ang kailangan nating gawin kung tunay nating minamahal, sinasamba, pinananaligan, at sinasampalatayanan ang Diyos. 

Kailangan nating magpasiya nang mabuti kung handa ba tayong manatiling tapat sa Diyos hanggang sa huli. Tandaan, hindi ito madaling gawin kaya kailangang pagpasiyahan natin ito nang mabuti. 

Huwebes, Agosto 27, 2020

HINDI PARA SA NAGHAHANAP NG KAGINHAWAAN NG BUHAY DITO SA LUPA

29 Agosto 2020  
Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan, ang Tagapagbinyag, martir 
Jeremias 1, 17-19/Salmo 70/Marcos 6, 17-29 


Ang pagpanig sa Diyos ay hindi madaling gawin. Hindi maginhawa ang buhay ng mga taong sumusunod sa Diyos. Ang Panginoong Diyos ay hindi nangako na hindi haharap o dadanas ng mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig ang mga nagpasiyang pumanig sa Kanya nang buong katapatan. Wala Siyang ipinangakong ganyan. Kahit nga Siya, hindi naging ligtas mula sa mga pagsubok at panganib sa buhay nang Siya'y magkatawang-tao at mamuhay sa mundo sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. Kung si Kristo na tunay na Diyos at tunay na tao ay hindi naging ligtas mula sa panganib at pagsubok sa daigdig na ito, ano pa kaya ang mga nananalig at sumusunod sa Kanya nang buong katapatan? 

Isang halimbawa ng mga nanatiling tapat sa Panginoong Diyos hanggang sa huli ay si San Juan Bautista. Ang araw na ito ay inilaan sa paggunita sa pagkamartir ni San Juan Bautista. Namatay si San Juan Bautista bilang isang martir. Ang kanyang pagkamartir ay isinalaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Kung tutuusin, maaari namang bawiin ni San Juan Bautista ang mga salitang binitiwan niya laban kay Haring Herodes noong siya'y nangaral sa Ilog Jordan. Maaari naman niyang bawiin ang mga tila maanghang na salita na kanyang binitiwan laban kay Haring Herodes. Maaari na lang siyang magsalita tungkol sa matamis na pag-ibig ng Diyos upang wala siyang makabangga. Subalit, sa halip na gawin iyon, ipinagpatuloy ni Juan Bautista ang pangangaral tungkol sa katotohanan, kahit sino pa ang matamaan. 

Tulad ni Jeremias sa Unang Pagbasa, si San Juan Bautista ay hinirang ng Diyos hindi upang magpatawa ng mga tao. Bagkus, hinirang siya upang magpatotoo ukol sa katotohanan. Iyon ang ginawa ni San Juan Bautista. Kahit alam niyang siya'y uusigin at papatayin dahil sa kanyang pangangaral at pagsaksi tungkol sa katotohanan, hindi siya tumigil sa paggawa nito. Bagkus, patuloy niya itong ginawa ito, kahit katumbas nito ang sarili niyang buhay dito sa lupa. 

Hindi tiniyak ng Diyos na magiging maginhawa ang buhay ng mga tapat sa Kanya dito sa daigdig. Bagkus, ang kaganapan ng Kanyang pagpapala ay makakamit sa langit. Ito ang aral at mensahe ng pagkamartir ni San Juan Bautista. Ang tanong para sa atin - handa ba tayong manatiling tapat sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok at pag-uusig? 

Huwebes, Agosto 20, 2020

ANG IBINAGSAK AT ITINAAS NG DIYOS

23 Agosto 2020 
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 22, 19-23/Salmo 137/Roma 11, 33-36/Mateo 16, 13-20 


Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang pagbagsak kay Sabna. Sabi pa rito na siya'y isang katiwala sa palasyo. Subalit, ginalit niya ang Panginoong Diyos. Dahil ginalit niya ang Panginoon si Sabna ay ibinagsak mula sa kanyang kinatatayuan. Dahil sa kanyang ginawa, hindi na siya magtatagal sa kanyang kalagayan. Hindi na siya magtatagal sa kanyang posisyon. Tatangalin at babawiin ng Diyos mula kay Sabna ang kanyang posisyon. Hindi na tataglayin o mapapakinabangan ni Sabna ang lahat ng kapangyarihan, kayamanan, at karangalang kalakip ng kanyang posisyon dahil binawi ng Panginoon mula sa kanya ang lahat ng iyon.

Ano nga ba ang ginawa ng katiwalang ito na nangangalang Sabna? Paano ba niya ginalit ang Panginoong Diyos? Ang mga talata sa Unang Pagbasa ay bahagi ng pahayag ng Diyos laban kay Sabna. Nasasaad sa unang bahagi ng pahayag ng Diyos laban kay Sabna na humukay siya ng kanyang sariling libingan sa gilid ng bundok (Isaias 22, 16). Wala namang masama sa paghukay ng libingan. Subalit, sa kaso ni Sabna, ipinapahiwatig nito ang kanyang pagiging sakim at abusado. Sa halip na gamitin ang kanyang kapangyarihan bilang katiwala ng palasyo para sa mabuti, ginamit niya ito para sa sariling kapakanan. Inabuso niya ang kanyang kapangyarihan. Parang diyos na ang tingin niya sa kanyang sarili. Pinairal niya ang pagka-abuso niya. Nakalimutan niya na isa lamang siyang tao. Dahil diyos na ang tingin ni Sabna sa kanyang sarili, inabuso niya ang kanyang kapangyarihan. 

Isinalaysay naman sa Ebanghelyo ang kabaligtaran nito. Ibinigay ni Hesus ang mga susi sa kaharian ng langit kay Apostol San Pedro. Ang mga susi sa kahrian ng langit ay tanda ng kapangyarihang ibinigay ni Hesus kay Apostol San Pedro. Mula sa sandaling ito, si Apostol San Pedro ay naging unang Santo Papa ng tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo sa lupa. Matapos ipahayag ni Apostol San Pedro na si Hesus ay ang ipinangakong Mesiyas na isinugo ng Diyos, siya'y ginawang unang Santo Papa ng Simbahan. Katunayan, bago pa man siya tawagin at hirangin ng Panginoong Hesus upang maging Kanyang alagad, at kalauna'y itinalaga bilang unang Santo Papa ng Kanyang Simbahan, si Apostol San Pedro ay namuhay bilang isang mangingisda lamang. Mababa lamang ang kanyang kalagayan o estado sa lipunan. Subalit, nagbago ang lahat para sa kanya nang siya'y pinili't hinirang ni Kristo upang maging Kanyang apostol at kalauna'y itinalaga bilang unang Santo Papa ng Simbahan. Mula sa kanyang abang kalagayan bilang isang simpleng mangingisda, si Apostol San Pedro ay itinampok at itinaas ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus. 

Sa huling bahagi ng Ikalawang Pagbasa, sinabi ni Apostol San Pablo na ang Diyos ang pinagmulan ng lahat ng bagay (Roma 11, 36). Ang lahat ng bagay ay mula sa Diyos. Ang Diyos ay may-ari ng lahat ng bagay. Dahil pagmamay-ari ng Diyos ang lahat ng bagay, mayroon Siyang karapatang ibigay at bawiin ang mga iyon. Ang mga salitang ito ay katulad ng mga salita ni Job kung saan inihayag niya na ang Panginoong Diyos ang nagbigay at Siya rin ang babawi (Job 1, 21). Ito rin ang binigyan ng pansin ng Mahal na Birheng Maria sa isang bahagi ng kanyang awitin o kantikulo na kilala bilang "Magnificat": "Pinangalat Niya ang mga palalo ang isipan./Ibinagsak Niya ang mga hari mula sa kanilang trono,/at itinaas ang mga nasa abang kalagayan" (Lucas 1, 51-52). Ang Panginoon ay may kapangyarihang magbigay at bumawi. Ang Diyos ay may kapangyarihan magtaas o magpabagsak sa bawat tao. Iyan ay dahil Siya ang pinagmumulan ng lahat ng bagay. 

Ang bawat isa sa atin ay ipinapaalala ng mga Pagbasa ngayong Linggo na hindi mula sa atin ang lahat ng bagay. Sa Diyos lamang nagmumula ang lahat ng bagay. Kaya, huwag tayong magmamataas dahil wala tayong karapatan gawin iyon. Kung paiiralin natin ang pagmamataas, ibabagsak tayo ng Panginoon pagdating ng araw bilang ganti sa atin dahil ang tingin ng mga mapagmataas sa kanilang mga sarili ay isang diyos. Subalit, kung paiiralin natin ang kababaang-loob, itataas tayo ng Diyos dahil hindi natin Siya nakakalimutan kapag iyon ang pinairal natin. 

Martes, Agosto 18, 2020

SI HESUS ANG DAHILAN NG KANYANG PAGKA-REYNA

22 Agosto 2020 
Paggunita sa Pagka-Reyna ng Mahal na Birheng Maria 

Isaias 9, 1-6/Salmo 112/Lucas 1, 26-38 


Marahil ay nasanay ang karamihan sa atin sa larawan ng reyna bilang asawa ng hari. Kaya, marami sa atin ay siguradong magtataka at magtatanong kung paanong ang Mahal na Birheng Maria ay naging reyna ng Panginoong Hesukristo. Sa totoo lamang, hindi na kataka-taka kung bakit marami ang magtatanong nang ganito dahil siguro nasanay sila sa reyna bilang asawa ng hari. Paano naging reyna ng Panginoong Hesus ang Mahal na Birheng Maria gayong siya ang Kanyang Ina at hindi kabiyak o asawa?  

Sa Banal na Bibliya, lalung-lalo na sa Lumang Tipan, ang ina ng hari ay ang reyna dahil ang hari ay may maraming asawa. Kaya naman, ang ina ng hari ay kinikilala bilang reyna dahil isa lamang ang kanyang ina. Si Haring Solomon ay isang halimbawa nito. Marami siyang asawa, tulad ng nasasaad sa ika-11 kabanata ng Unang Aklat ng mga Hari. Subalit, sa ikalawang kabanata ng nasabing aklat, siya'y nagbigay pugay sa kanyang inang si Bat-seba. Lumuhod siya nang pumasok ang kanyang ina at pinaupo sa kanyang kanan (1 Hari 2, 19). Inilalarawan nito kung paanong ang ina ng hari ay ang reyna. 

Ito rin ang inilalarawan sa mga Pagbasa, lalo na sa Ebanghelyo. Si Maria ay binati ng Arkanghel San Gabriel sa isang napakagandang paraan: "Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos . . . Sumasaiyo ang Panginoon!" (Lucas 1, 28) Isa itong paglalarawan kung paanong siya'y pinakitaan ng galang ng anghel. Si Maria ay ginalang ng anghel dahil siya ang pinili upang maging ina ni Kristo (Lucas 1, 31). Siya ang magiging ina ng Banal na Sanggol na tinukoy propeta Isaias sa kanyang hula o propesiya sa Unang Pagbasa. Siya ang magiging ina ni Kristo Hesus, ang tunay na hari. Si Kristo ang tunay na hari. Ang Mahal na Birhen ay ang Kanyang Reyna. Ang tunay na Hari na si Hesus ay ipinaglihi't ipinanganak ng Birheng Maria, ang Reynang Ina. Si Maria ay Reyna dahil si Hesus na kanyang Anak ay Hari. 

Paano naging Reyna ng Langit at Lupa ang Mahal na Birheng Maria? Isa lamang ang dahilan. Ang Panginoong Hesus ay ang tunay na Hari. Siya ang kumupkop at umaruga sa tunay na Haring si Hesus. Sinamahan rin niya si Hesus sa bawat sandali ng Kanyang buhay dito sa daigdig. Higit sa lahat, siya'y nanatiling tapat sa kalooban ng Diyos hanggang sa huli. Nanatili siyang tapat sa Panginoong Hesus hanggang sa huli. 

Ang paaalala sa atin sa araw na ito - mayroon tayong Reynang Ina sa langit. Siya'y walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Mahalin at igalang natin siya, tulad ng ginagawa ng tunay na Hari na si Hesus. 

Huwebes, Agosto 13, 2020

TAGAPAGLIGTAS NG LAHAT

16 Agosto 2020 
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 

Isaias 56, 1. 6-7/Salmo 66/Roma 11, 13-15. 29-32/Mateo 15, 21-28 


Itinutuon ng mga Pagbasa para sa Linggong ito ang ating mga pansin sa larawan ng Panginoon bilang Tagapagligtas ng lahat. Ang kaligtasang hatid ng Panginoong Diyos ay para sa lahat. Ang biyayang ito ng Panginoon ay hindi ekslusibo sa isang lahi o bansa lamang. Bagkus, kusang ipinagkakaloob ng Panginoong Diyos ang biyayang ito sa lahat ng tao sa daigdig. Ang kaligtasan ng lahat ng tao ay niloob ng Panginoon sa simula pa lamang. Hindi lamang isang lahi, bansa, o pangkat ng mga tao ang nais Niyang iligtas. Bagkus, ninais ng Diyos na iligtas ang lahat ng tao sa daigdig. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Maliwanag naman na ito ang hangarin ng Diyos. Malinaw naman na ang kaligtasan ng lahat ng tao mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig ay kalooban ng Diyos. Kung hindi naman iyon niloob ng Diyos, bakit isinugo ng Panginoong Hesukristo ang mga apostol sa iba't ibang bahagi ng daigdig upang ipangaral at sumaksi sa Mabuting Balita matapos na Siya'y mabuhay na mag-uli? 

Ang biyaya ng kaligtasan ay hindi inilaan ng Diyos para sa isang pangkat ng mga tao, lahi, lipi, o bansa lamang. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay hindi lamang limitado sa isang pangkat ng mga tao, bayan, lahi, lipi, o bansa lamang. Hindi nais ng Diyos na solohin ng isang bayan o bansa ang biyayang ito. Hindi ninanais ng Diyos na mapahamak ang iba't ibang tao sa daigdig sapagkat hindi sila kabilang sa pangkat ng mga inilaan na makinabang sa biyayang ito. Bagkus, nais ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao sa buong daigdig. 

Sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, binanggit ni Apostol San Pablo ang kanyang papel bilang apostol sa mga Hentil (Roma 11, 13). Kung tutuusin, iyan ang dahilan kung bakit si Apostol San Pablo ay pinili't hinirang ng Panginoon. Kahit na inusig niya noon ang mga sinaunang Kristiyano, pinili pa rin siya ng Panginoon upang magpatotoo tungkol sa Kanya sa mga Hentil (Gawa 9, 15). Napakalinaw na hindi nililimita ng Panginoon ang biyaya ng kaligtasan sa isang pangkat ng mga tao, lipi, lahi, o bansa. Bagkus, ang biyayang ito ay para sa lahat. 

Pinagtuunan rin ng pansin sa Salmo para sa Linggong ito ang kalooban ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao sa buong daigdig. Sabi sa Salmo, "Nawa'y magpuri sa Iyo ang lahat ng tao" (Salmo 66, 4). Ipinapahiwatig nito na ang Diyos ay Diyos ng bawat tao. Anuman ang lahi, lipi, bayan, o bansang kinabibilangan, iisa lamang ang Diyos na naghahatid ng kaligtasan sa lahat. Ang biyaya ng Kanyang pagliligtas ay kusa Niyang iniaaalok at ipinagkakaloob sa lahat ng tao sa daigdig. 

Katunayan, ang Diyos rin mismo ang nagpahiwatig sa Unang Pagbasa na Siya'y hindi limitado o ekslusibo sa isang bayan o bansa lamang. Bagkus, Siya ang Diyos ng bawat tao sa daigdig. Sabi Niya sa wakas ng Unang Pagbasa na ang Kanyang Templo ay tatawaging bahay dalanginan ng lahat ng bansa (Isaias 56, 7). Hindi lamang isang lahi, lipi, o bansa lamang ang may karapatang sumamba sa Diyos. Bagkus, ang pagsamba sa Diyos ay para sa lahat. Tatanggapin ng Panginoon ang pagsamba ng bawat tao mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Pakikinggan Niya ang mga panalangin at pagsamba sa Kanya. Sa Kanyang paningin, ang bawat tao sa daigdig na ito ay pantay-pantay. Walang pinapaburan ang Panginoong Diyos. Walang nakatataas o nakahihigit sa isa't isa. Ang lahat ay pantay-pantay. 

Noong una, tila tinanggihan o binasura ng Panginoon ang kahilingan ng Cananea sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Kung tutuusin, hindi nga Niya pinansin ang kahilingan ng Cananea sa Kanya. Kahit anong pagsusumamo at pakikiusap ng Cananea sa Kanya noong una, ipinakita ni Kristo na tila wala Siyang pakialam sa hinihiling ng Cananea. Subalit, hindi ito nangangahulugang may pinapaborang lahi, lipi, o bansa si Kristo. Bagkus, ginawa Niya ito upang subukin kung gaano kalaki at katibay ang pananalig ng Cananea. Kaya naman, sa kahuli-hulihan, pinagbigyan ni Hesus ang kahilingan ng Cananea dahil sa kanyang pananalig. Ang Cananea ay ginantimpalaan ni Hesus dahil sa kanyang pananalig. Ipinakita ng Cananea ang kanyang pananalig sa pamamagitan ng kanyang paninikluhod at pagsusumamo. Dahil sa kanyang pananalig, hindi siya tumigil sa paninikluhod, pagsusumamo, at pakikiusap sa Panginoong Hesus. Bagkus, patuloy siyang nanikluhod, nakiusap, at nagsumamo kay Hesus hanggang sa mapagbigyan ang kanyang kahilingan. 

Walang lahi, lipi, o bansa sa daigdig na pinapaboran ng Panginoon. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay hindi limitado o ekslusibo sa isang lahi, lipi, o bansa lamang. Bagkus, ang biyayang ito ay para sa lahat. Ipinagkakaloob Niya ito sa lahat ng tao sa daigdig. Isa lamang ang dahilan nito - Siya ang Tagapagligtas ng lahat. 

Lunes, Agosto 10, 2020

KAHANGA-HANGANG GAWA NG DIYOS

15 Agosto 2020
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria

Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56 


Sa awitin o kantikulo ng Mahal na Birheng Maria na tinatawag na "Magnificat" na inilahad sa Ebanghelyo para sa araw na ito, binigyan ng pansin ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos. Nahahayag sa mga gawang ito ang Kanyang kadakilaan (Lucas 1, 49). Magandang pagtuunan ng pansin sa araw na ito ang bahaging ito ng awitin ng Mahal na Birheng Maria na inilahad sa Ebanghelyo. Ito ay dahil ang araw na ito ay ipinagdiriwang ng Simbahan ang isang napaka-espesyal na pista. 

Ang araw na ito ay napaka-espesyal sa Kalendaryo ng Simbahan. Sa araw na ito, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria. Sa katapusan ng kanyang buhay sa daigdig, ang Mahal na Ina ay iniakyat sa Langit. Hindi ito tulad ng Pag-Akyat ni Hesus sa Langit. May pagkakaiba ang dalawang ito. Si Hesus ay umakyat sa langit taglay ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos. Si Maria naman ay walang kapangyarihang umakyat sa Langit nang mag-isa. Kinailangan niya ang kapangyarihan ng Panginoong Diyos upang maka-akyat sa Langit. Kaya naman, nang dumating ang wakas ng buhay ng Birheng Maria sa lupa, ang kanyang katawan at kaluluwa ay iniakyat ng Diyos sa langit. Ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Inang si Maria ay iniakyat sa langit dahil sa kapangyarihan ng Diyos. Isa itong kahanga-hangang gawa ng Diyos.

Kaya naman, magandang pagtuunan ng pansin ang mga salita ng Mahal na Birhen sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang lahat ng mga nangyari sa kanya ay hindi niya ginawa. Bagkus, ang lahat ng mga nangyari kay Maria ay kalooban ng Diyos. Hindi inangkin ni Maria ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa kanya bilang mga sarili niyang gawa. Bagkus, itinuturo niya kung sino talaga ang may gawa ng lahat ng iyon - ang Diyos. Sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria, ang Diyos ay gumawa ng maraming kahanga-hangang bagay. Sa pamamagitan ng mga ito, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan. 

Hindi lamang binigyan ng pansin sa Ebanghelyo ang mga kahanga-hangang gawa ng Panginoong Diyos. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang babaeng nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan na may koronang binubuo ng labindalawang bituin (Pahayag 12, 1). Inilarawan rin sa wakas ng Unang Pagbasa kung paanong ang kapangyarihan ng Diyos na nagliligtas ay Kanyang ipinamalas (Pahayag 12, 10). Sa Ikalawang Pagbasa, pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral ang Muling Pagkabuhay ni Kristo na nagpamalas ng kapangyarihan ng Diyos (1 Corinto 15, 20). Ipinakita ni Kristo Hesus ang kapangyarihan ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Itinutuon ng Mahal na Inang si Maria na iniakyat sa langit ang ating atensyon sa kahanga-hangang kapangyarihan ng Panginoon. Ang kapangyarihang naghahayag ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. 

Biyernes, Agosto 7, 2020

ANG BANAYAD NA TAGAPAGLIGTAS

9 Agosto 2020 
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
1 Hari 19, 9a. 11-13a/Salmo 84/Roma 9, 1-5/Mateo 14, 22-33 



Sa mga Pagbasa para sa Linggong ito, binibigyan ng pansin ang pagkabanayad ng Panginoong Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang pagkabanayad, ang Panginoong Diyos ay naghahatid ng kapanatagan ng loob sa ating lahat. Tanging Siya lamang ang makakapawi sa ating takot at pangamba. Ang Panginoong Diyos lamang ang makakapagpanatag sa ating lahat. Ang Kanyang banayad na tinig ay nagbibigay ng kapanatagan sa bawat isa sa atin. 

Takot ang naramdaman ni propeta Elias sa Unang Pagbasa. Iyan ang dahilan kung bakit siya tumungo sa bundok ng Horeb, ang bundok ng Panginoong Diyos. Noong una pa nga, hinangad na niyang mamatay. Ano ang kanyang kinatakutan? Nais siyang ipapatay ni Reyna Jezebel matapos ang nangyari sa Bundok ng Carmelo kung saan ipinamalas ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan laban sa diyus-diyusang si Baal. Subalit, sa halip na hayaang mamatay si propeta Elias, ipinadala ng Diyos ang Kanyang anghel upang siya'y pakainin at painumin (1 Hari 19, 1-8). Matapos nito, siya'y nakarating sa bundok ng Horeb kung saan ang nakatagpo niya ang Panginoong Diyos. Sabi pa nga sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay hindi niya natagpuan sa napakalakas na hangin, sa lindol, o kaya sa kidlat. Bagkus, lumabas mula sa yungib si propeta Elias matapos makarinig ng isang banayad na tinig. Saan nagmumula ang banayad na tinig? Sa Diyos. Ang tinig ng Panginoon ay napakabanayad. Ang tinig ng Diyos na napakabanayad ang nagpagaan sa loob ni propeta Elias. Si propeta Elias ay nakaramdam ng kapanatagan dahil ang tinig ng Diyos na napakabanayad ay kanyang narinig. 

Ito rin ang naranasan ng mga apostol sa Ebanghelyo. Isinalaysay sa Ebanghelyo ang paglalakad ng Panginoong Hesus sa ibabaw ng tubig. Ang mga apostol ay nakaramdam ng matinding takot. Natakot sila dahil sa napakalakas na hangin na umiihip nang pasalungat. Malapit nang malubog ang kanilang bangka. Dumagdag pa rito ang tila isang multo na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Subalit, hindi isang multo ang kanilang nakita kundi ang Panginong Hesus. Nagpakilala pa nga Siya sa kanila sa isang banayad na paraan, "Huwag kayong matakot; si Hesus ito!" (Mateo 14, 27). Sa kabila ng unos, si Hesus ay nanatiling banayad at mahinahon. 

Bagamat hindi naniwala agad ang ilan sa mga apostol na nakasakay sa bangka, tulad na lamang ni Apostol San Pedro, ipinakita pa rin ng Panginoong Hesus ang Kanyang kahinahunan at pagkabanayad. Kahit na Siya'y hindi pinaniwalaan ng ilan sa mga apostol noong una Siyang nagpakilala sa kanila, hindi Siya nagpakita ng galit o init ng ulo. Kahit na si Apostol San Pedro ay unti-unting nalunod habang naglalakad sa ibabaw ng tubig upang makalapit sa Kanya dahil sa tindi ng takot at kakulangan ng pananalig, hindi nawala ang pagkabanayad ni Hesus. Nanatili pa ring mahinahon at banayad ang Panginoon. Oo, pinagsabihan ni Kristo si Apostol San Pedro habang inililigtas Niya ang alagad Niyang ito (Mateo 14, 31). Subalit, sa kabila nito, si Hesus ay hindi nagalit o nainis. Bagkus, ipinakita Niya ang Kanyang pagkabanayad habang Kanyang pinagsasabihan at inililigtas si Apostol San Pedro. Dahil diyan, ang sabi ng mga apostol sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo, "Tunay na Kayo ang Anak ng Diyos!" (Mateo 14, 32). 

Hindi lalayo pa si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. May mga sandali sa kanyang buhay bilang apostol sa mga Hentil kung saan siya'y labis na natakot dahil sa pag-uusig. Kahit na siya'y isang misyonero ni Kristo, hindi nawala sa kanya ang takot sa pag-uusig. Natatakot siyang makaranas ng matinding pag-uusig. Subalit, ang pagkabanayad ng Panginoon ang pumanatag sa kanya. Iyan ang dahilan kung bakit niya nasabi sa Ikalawang Pagbasa na siya ay nagpapatotoo sa katotohanan (Roma 9, 1). Ang banayad na Panginoon ay naghatid sa kanya ng kapanatagan. Dahil diyan, si Apostol San Pablo ay patuloy na nangaral at nagpatotoo sa lahat ng tao tungkol sa katotohanan na nagmumula kay Kristo hanggang sa huli. 

Ang Panginoon ay banayad at mahinahon. Kapanatagan ang Kanyang kaloob sa bawat isa sa atin. Sa tuwing tayo'y nakakaramdam ng takot, lumapit lamang tayo sa Kanya. Ang bawat isa sa atin ay bibigyan Niya ng kapanatagan. 

Sabado, Agosto 1, 2020

MAKIKINIG BA TAYO SA KANYA?

6 Agosto 2020 
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (A)
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Mateo 17, 1-9 


Nang si Hesus ay magbagong-anyo sa Bundok ng Tabor, nagsalita ang Diyos Ama mula sa kalangitan. Ang sabi ng Ama: "Ito ang minamahal Kong Anak na lubos Kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo Siya!" (Mateo 17, 5) Ang mga salitang ito ay patuloy na umalingawngaw sa kasalukuyang panahon. Tayong lahat ay patuloy na inuutusan ng Ama na makinig kay Hesus. Si Hesus ay dapat nating pakinggan. 

Matapos magbagong-anyo, habang bumababa sa bundok, si Hesus ay nagbigay ng isang utos sa tatlong apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan na nakasaksi sa pangyayaring ito. Mahigpit Niyang inutusan ang mga apostol na manatiling tahimik tungkol sa nakita nila hanggang sa Muling Pagkabuhay ng Anak ng Tao (Mateo 17, 9). Kung tutuusin, iyon nga ang ginawa ng mga apostol. Nagsalita sila tungkol kay Hesus sa bawat lugar na kanilang pinuntahan sa kanilang misyon bilang Kanyang mga saksi matapos ang Kanyang Muling Pagkabuhay. Katunayan, si Apostol San Pedro ay nagsalita tungkol sa Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesukristo sa bundok sa Ikalawang Pagbasa. Binigyan rin niya ng pansin ang tinig ng Amang nasa langit. Ang tinig ng Amang nasa langit na nagpakilala sa Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo. Ang tinig ng Amang nasa langit na nag-utos sa mga apostol na pakinggan si Kristo. 

Ang utos ng Amang nasa langit ay hindi lamang para sa tatlong apostol na kasama ni Hesus sa bundok noong Siya'y nagbagong-anyo. Ang utos na ito ng Amang nasa langit ay para rin sa bawat Kristiyano mula noon hanggang ngayon. Binibigyan ng pansin sa espesyal na araw na ito na inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon ang utos ng Ama. Ang bawat isa sa atin ay inuutusan ng Amang nasa langit na makinig kay Hesus. 

Sabi ni Daniel sa wakas ng Unang Pagbasa na ang Nabubuhay Magpakailanaman ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa, at wika, at ang Kanyang kaharian ay hindi magwawakas at mawawasak (7, 14). Sabi ng Panginoong Hesukristo sa wakas ng ika-28 kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo na ibinigay sa Kanya ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa (28, 18). Si Hesus ay ibinigay sa atin ng Ama upang maging ating hari. Si Hesus ang haring nakaluklok sa kanan ng Ama. Hindi dumating sa lupa ang tunay na Hari na si Hesus taglay ang buo Niyang kadakilaan. Bagkus, buong kababaang-loob Siyang dumating bilang isang payak na tao katulad nating lahat, maliban na lamang sa kasalanan. Nang Siya'y magbagong-anyo, ang Kanyang kaluwalhatian bilang Diyos at Hari ay Kanyang ipinasulyap. Nang Siya'y magbagong-anyo, ipinakilala Siya ng Amang nasa langit at inutusan ang lahat na Siya'y pakinggan. 

Hindi lamang para sa tatlong apostol ang utos ng Amang nasa langit. Ang utos na ito ay para sa lahat ng mga Kristiyano. Patuloy na umaalingawngaw ang utos na ito sa kasalukuyang panahon. Ang bawat isa sa atin ay patuloy na inuutusan ng Ama na makinig sa Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. 

Inuutusan tayo ng Ama na makinig kay Kristo. Makikinig ba tayo sa Kanya?