Martes, Agosto 18, 2020

SI HESUS ANG DAHILAN NG KANYANG PAGKA-REYNA

22 Agosto 2020 
Paggunita sa Pagka-Reyna ng Mahal na Birheng Maria 

Isaias 9, 1-6/Salmo 112/Lucas 1, 26-38 


Marahil ay nasanay ang karamihan sa atin sa larawan ng reyna bilang asawa ng hari. Kaya, marami sa atin ay siguradong magtataka at magtatanong kung paanong ang Mahal na Birheng Maria ay naging reyna ng Panginoong Hesukristo. Sa totoo lamang, hindi na kataka-taka kung bakit marami ang magtatanong nang ganito dahil siguro nasanay sila sa reyna bilang asawa ng hari. Paano naging reyna ng Panginoong Hesus ang Mahal na Birheng Maria gayong siya ang Kanyang Ina at hindi kabiyak o asawa?  

Sa Banal na Bibliya, lalung-lalo na sa Lumang Tipan, ang ina ng hari ay ang reyna dahil ang hari ay may maraming asawa. Kaya naman, ang ina ng hari ay kinikilala bilang reyna dahil isa lamang ang kanyang ina. Si Haring Solomon ay isang halimbawa nito. Marami siyang asawa, tulad ng nasasaad sa ika-11 kabanata ng Unang Aklat ng mga Hari. Subalit, sa ikalawang kabanata ng nasabing aklat, siya'y nagbigay pugay sa kanyang inang si Bat-seba. Lumuhod siya nang pumasok ang kanyang ina at pinaupo sa kanyang kanan (1 Hari 2, 19). Inilalarawan nito kung paanong ang ina ng hari ay ang reyna. 

Ito rin ang inilalarawan sa mga Pagbasa, lalo na sa Ebanghelyo. Si Maria ay binati ng Arkanghel San Gabriel sa isang napakagandang paraan: "Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos . . . Sumasaiyo ang Panginoon!" (Lucas 1, 28) Isa itong paglalarawan kung paanong siya'y pinakitaan ng galang ng anghel. Si Maria ay ginalang ng anghel dahil siya ang pinili upang maging ina ni Kristo (Lucas 1, 31). Siya ang magiging ina ng Banal na Sanggol na tinukoy propeta Isaias sa kanyang hula o propesiya sa Unang Pagbasa. Siya ang magiging ina ni Kristo Hesus, ang tunay na hari. Si Kristo ang tunay na hari. Ang Mahal na Birhen ay ang Kanyang Reyna. Ang tunay na Hari na si Hesus ay ipinaglihi't ipinanganak ng Birheng Maria, ang Reynang Ina. Si Maria ay Reyna dahil si Hesus na kanyang Anak ay Hari. 

Paano naging Reyna ng Langit at Lupa ang Mahal na Birheng Maria? Isa lamang ang dahilan. Ang Panginoong Hesus ay ang tunay na Hari. Siya ang kumupkop at umaruga sa tunay na Haring si Hesus. Sinamahan rin niya si Hesus sa bawat sandali ng Kanyang buhay dito sa daigdig. Higit sa lahat, siya'y nanatiling tapat sa kalooban ng Diyos hanggang sa huli. Nanatili siyang tapat sa Panginoong Hesus hanggang sa huli. 

Ang paaalala sa atin sa araw na ito - mayroon tayong Reynang Ina sa langit. Siya'y walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Mahalin at igalang natin siya, tulad ng ginagawa ng tunay na Hari na si Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento