16 Agosto 2020
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 56, 1. 6-7/Salmo 66/Roma 11, 13-15. 29-32/Mateo 15, 21-28
Itinutuon ng mga Pagbasa para sa Linggong ito ang ating mga pansin sa larawan ng Panginoon bilang Tagapagligtas ng lahat. Ang kaligtasang hatid ng Panginoong Diyos ay para sa lahat. Ang biyayang ito ng Panginoon ay hindi ekslusibo sa isang lahi o bansa lamang. Bagkus, kusang ipinagkakaloob ng Panginoong Diyos ang biyayang ito sa lahat ng tao sa daigdig. Ang kaligtasan ng lahat ng tao ay niloob ng Panginoon sa simula pa lamang. Hindi lamang isang lahi, bansa, o pangkat ng mga tao ang nais Niyang iligtas. Bagkus, ninais ng Diyos na iligtas ang lahat ng tao sa daigdig. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ni Kristo Hesus.
Maliwanag naman na ito ang hangarin ng Diyos. Malinaw naman na ang kaligtasan ng lahat ng tao mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig ay kalooban ng Diyos. Kung hindi naman iyon niloob ng Diyos, bakit isinugo ng Panginoong Hesukristo ang mga apostol sa iba't ibang bahagi ng daigdig upang ipangaral at sumaksi sa Mabuting Balita matapos na Siya'y mabuhay na mag-uli?
Ang biyaya ng kaligtasan ay hindi inilaan ng Diyos para sa isang pangkat ng mga tao, lahi, lipi, o bansa lamang. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay hindi lamang limitado sa isang pangkat ng mga tao, bayan, lahi, lipi, o bansa lamang. Hindi nais ng Diyos na solohin ng isang bayan o bansa ang biyayang ito. Hindi ninanais ng Diyos na mapahamak ang iba't ibang tao sa daigdig sapagkat hindi sila kabilang sa pangkat ng mga inilaan na makinabang sa biyayang ito. Bagkus, nais ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao sa buong daigdig.
Sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, binanggit ni Apostol San Pablo ang kanyang papel bilang apostol sa mga Hentil (Roma 11, 13). Kung tutuusin, iyan ang dahilan kung bakit si Apostol San Pablo ay pinili't hinirang ng Panginoon. Kahit na inusig niya noon ang mga sinaunang Kristiyano, pinili pa rin siya ng Panginoon upang magpatotoo tungkol sa Kanya sa mga Hentil (Gawa 9, 15). Napakalinaw na hindi nililimita ng Panginoon ang biyaya ng kaligtasan sa isang pangkat ng mga tao, lipi, lahi, o bansa. Bagkus, ang biyayang ito ay para sa lahat.
Pinagtuunan rin ng pansin sa Salmo para sa Linggong ito ang kalooban ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao sa buong daigdig. Sabi sa Salmo, "Nawa'y magpuri sa Iyo ang lahat ng tao" (Salmo 66, 4). Ipinapahiwatig nito na ang Diyos ay Diyos ng bawat tao. Anuman ang lahi, lipi, bayan, o bansang kinabibilangan, iisa lamang ang Diyos na naghahatid ng kaligtasan sa lahat. Ang biyaya ng Kanyang pagliligtas ay kusa Niyang iniaaalok at ipinagkakaloob sa lahat ng tao sa daigdig.
Katunayan, ang Diyos rin mismo ang nagpahiwatig sa Unang Pagbasa na Siya'y hindi limitado o ekslusibo sa isang bayan o bansa lamang. Bagkus, Siya ang Diyos ng bawat tao sa daigdig. Sabi Niya sa wakas ng Unang Pagbasa na ang Kanyang Templo ay tatawaging bahay dalanginan ng lahat ng bansa (Isaias 56, 7). Hindi lamang isang lahi, lipi, o bansa lamang ang may karapatang sumamba sa Diyos. Bagkus, ang pagsamba sa Diyos ay para sa lahat. Tatanggapin ng Panginoon ang pagsamba ng bawat tao mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Pakikinggan Niya ang mga panalangin at pagsamba sa Kanya. Sa Kanyang paningin, ang bawat tao sa daigdig na ito ay pantay-pantay. Walang pinapaburan ang Panginoong Diyos. Walang nakatataas o nakahihigit sa isa't isa. Ang lahat ay pantay-pantay.
Noong una, tila tinanggihan o binasura ng Panginoon ang kahilingan ng Cananea sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Kung tutuusin, hindi nga Niya pinansin ang kahilingan ng Cananea sa Kanya. Kahit anong pagsusumamo at pakikiusap ng Cananea sa Kanya noong una, ipinakita ni Kristo na tila wala Siyang pakialam sa hinihiling ng Cananea. Subalit, hindi ito nangangahulugang may pinapaborang lahi, lipi, o bansa si Kristo. Bagkus, ginawa Niya ito upang subukin kung gaano kalaki at katibay ang pananalig ng Cananea. Kaya naman, sa kahuli-hulihan, pinagbigyan ni Hesus ang kahilingan ng Cananea dahil sa kanyang pananalig. Ang Cananea ay ginantimpalaan ni Hesus dahil sa kanyang pananalig. Ipinakita ng Cananea ang kanyang pananalig sa pamamagitan ng kanyang paninikluhod at pagsusumamo. Dahil sa kanyang pananalig, hindi siya tumigil sa paninikluhod, pagsusumamo, at pakikiusap sa Panginoong Hesus. Bagkus, patuloy siyang nanikluhod, nakiusap, at nagsumamo kay Hesus hanggang sa mapagbigyan ang kanyang kahilingan.
Walang lahi, lipi, o bansa sa daigdig na pinapaboran ng Panginoon. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay hindi limitado o ekslusibo sa isang lahi, lipi, o bansa lamang. Bagkus, ang biyayang ito ay para sa lahat. Ipinagkakaloob Niya ito sa lahat ng tao sa daigdig. Isa lamang ang dahilan nito - Siya ang Tagapagligtas ng lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento