15 Agosto 2020
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56
Sa awitin o kantikulo ng Mahal na Birheng Maria na tinatawag na "Magnificat" na inilahad sa Ebanghelyo para sa araw na ito, binigyan ng pansin ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos. Nahahayag sa mga gawang ito ang Kanyang kadakilaan (Lucas 1, 49). Magandang pagtuunan ng pansin sa araw na ito ang bahaging ito ng awitin ng Mahal na Birheng Maria na inilahad sa Ebanghelyo. Ito ay dahil ang araw na ito ay ipinagdiriwang ng Simbahan ang isang napaka-espesyal na pista.
Ang araw na ito ay napaka-espesyal sa Kalendaryo ng Simbahan. Sa araw na ito, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria. Sa katapusan ng kanyang buhay sa daigdig, ang Mahal na Ina ay iniakyat sa Langit. Hindi ito tulad ng Pag-Akyat ni Hesus sa Langit. May pagkakaiba ang dalawang ito. Si Hesus ay umakyat sa langit taglay ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos. Si Maria naman ay walang kapangyarihang umakyat sa Langit nang mag-isa. Kinailangan niya ang kapangyarihan ng Panginoong Diyos upang maka-akyat sa Langit. Kaya naman, nang dumating ang wakas ng buhay ng Birheng Maria sa lupa, ang kanyang katawan at kaluluwa ay iniakyat ng Diyos sa langit. Ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Inang si Maria ay iniakyat sa langit dahil sa kapangyarihan ng Diyos. Isa itong kahanga-hangang gawa ng Diyos.
Kaya naman, magandang pagtuunan ng pansin ang mga salita ng Mahal na Birhen sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang lahat ng mga nangyari sa kanya ay hindi niya ginawa. Bagkus, ang lahat ng mga nangyari kay Maria ay kalooban ng Diyos. Hindi inangkin ni Maria ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa kanya bilang mga sarili niyang gawa. Bagkus, itinuturo niya kung sino talaga ang may gawa ng lahat ng iyon - ang Diyos. Sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria, ang Diyos ay gumawa ng maraming kahanga-hangang bagay. Sa pamamagitan ng mga ito, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan.
Hindi lamang binigyan ng pansin sa Ebanghelyo ang mga kahanga-hangang gawa ng Panginoong Diyos. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang babaeng nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan na may koronang binubuo ng labindalawang bituin (Pahayag 12, 1). Inilarawan rin sa wakas ng Unang Pagbasa kung paanong ang kapangyarihan ng Diyos na nagliligtas ay Kanyang ipinamalas (Pahayag 12, 10). Sa Ikalawang Pagbasa, pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral ang Muling Pagkabuhay ni Kristo na nagpamalas ng kapangyarihan ng Diyos (1 Corinto 15, 20). Ipinakita ni Kristo Hesus ang kapangyarihan ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay.
Itinutuon ng Mahal na Inang si Maria na iniakyat sa langit ang ating atensyon sa kahanga-hangang kapangyarihan ng Panginoon. Ang kapangyarihang naghahayag ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento