Huwebes, Nobyembre 26, 2020

SIYA BA ANG ATING HINIHINTAY AT PINAGHAHANDAAN?

29 Nobyembre 2020 
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B) 
Isaias 63, 16b-17. 19b; 64, 2b-7/Salmo 79/1 Corinto 1, 3-9/Marcos 13, 33-37 



Isang panibagong taon ang sinisimulan ng Simbahan sa Linggong ito. Sa unang araw at unang Linggo ng bagong taon sa Kalendaryo ng Simbahan, binibigyan ng pansin ang kahalagahan ng paghihintay. Katunayan, ang isang panibagong taon sa Kalendaryo ng Simbahan ay nagsisimula sa pamamagitan ng pagpasok sa isang panahong inilaan sa paghihintay at paghahanda. Ang panahong iyon ay walang iba kundi ang Panahon ng Pagdating ng Panginoon na tinatawag ring panahon ng Adbiyento. 

Sa pangalan pa lamang ng panahong ito sa Kalendaryo ng Simbahan, agad nating malalaman kung sino o ano ang hinihintay natin. Ang Panginoon ay ating hinihintay. Siya ang nagbibigay ng kabuluhan sa ating paghihintay. Katunayan, dalawang ulit na nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa paghihintay sa Panginoong Hesukristo sa Ikalawang Pagbasa. Ang Panginoong Hesukristo lamang ang nagbibigay ng kabuluhan sa ating paghihintay. Sa ating buhay-espirituwal, mahalaga ang paghihintay dahil darating si Kristo. 

Habang tayo'y naghihintay para sa pagdating ng Panginoon, hindi tayo dapat nagtutunganga lamang. Sabi ni Hesus sa Ebanghelyo para sa Linggong ito na dapat maging maingat at handa sa lahat ng oras (Marcos 13, 33). Kailangang paghandaan ang pagdating ng Panginoong Hesus. Hindi tayo dapat magpaloko sa mga mapagpanggap at mga nagnanais na tayo'y ilayo mula sa landas ng kabanalan. Kailangan nating mag-ingat mula sa mga huwad na tagasunod at tagapangaral na walang ibang hangad kundi linlangin at ipahamak ang bawat isa sa atin. Kailangan nating ituon ang ating pansin sa Panginoon sa lahat ng oras. Huwag tayong magpaloko o magpasilo. Manatiling tapat kay Kristo. 

Kapag pinaghandaan natin nang mabuti ang ating mga sarili para sa pagdating ng Panginoon, inihahayag natin ang ating katapatan sa Kanya. Kapag nanatiling tapat ang bawat isa sa atin kay Kristo, nahahayag ang ating pag-asa sa Kanya. Umaasa sa Panginoong Diyos ang mga tapat sa Kanya, katulad na lamang ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Ang mga tunay na matapat sa Panginoon ay ang mga tunay na umaasa sa Kanya. 

Magagawa natin ang iniuutos ni Hesus sa Ebanghelyo kung Siya talaga ang ating hinihintay. Kaya, mahalagang pagnilayan at pag-isipang mabuti kung sino o ano ba talaga ang sentro ng ating paghihintay at paghahanda. Ngayong Unang Linggo ng Adbiyento, tanungin natin ang ating mga sarili kung si Hesus ba talaga ang ating hinihintay at pinaghahandaan. Tayo ba ay tapat sa Kanya? Tayo ba ay umaasa sa Kanya? 

Biyernes, Nobyembre 20, 2020

KAKAIBANG KATANGIAN

22 Nobyembre 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (A) 
Ezekiel 34, 11-12. 15-17/Salmo 22/1 Corinto 15, 20-26. 28/Mateo 25, 31-46 


Kapag naririnig o nababasa natin ang salitang "hari", ang karaniwang larawan na pumapasok sa ating isipan ay ang posisyon ng hari sa lipunan. Taglay ng isang hari at pati na rin ang reyna ang pinakamataas na posisyon o antas sa lipunan. Taglay niya ang lahat ng kapangyarihan at kayamanan. Maaari ring sabihin na ang agwat sa posisyon ng isang hari (at reyna) at ng karamihan ng mga taong nakatira sa mga bayang kinasasakupan niya ay malaki-laki rin. Tila nasa kanya na ang lahat, gaya ng isang linya mula sa isang masikat na awitin. 

Hindi lamang iyan. Kapag pumapasok sa ating isipan ang salitang "hari", ang mga katangiang madalas nating isipin ay ang pagiging malupit at mapagmataas ng hari. Ang hari lamang ang dapat sundin. Siya ang pinakamakapangyarihan sa buong bansa o bayan. Siya ang batas na dapat sundin. Siya lamang ang may kakayahang gumawa o lumikha ng mga batas. Anuman ang kanyang sabihin o iutos ay dapat sundin. Wala nang dapat itanong pa. Hawak ng hari ang lahat ng kapangyarihan. Taglay ng hari ang pinakamataas at pinakamakapangyarihang posisyon. 

Ang huling araw ng Linggo ng taon sa Kalendaryo ng Simbahan ay inilaan para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan na tinatawag ring Linggo ng Kristong Hari. Sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari, magandang bigyan ng pansin ang mga katangian ng Panginoon bilang isang hari. Anong uri ng hari si Kristo? Ano ba ang mga katangian ni Kristo bilang isang hari? Paano nga ba naiiba ang pagkahari ng Diyos sa pagkahari ng tao? 

Sabi ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Ezekiel sa Unang Pagbasa na Siya mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa Kanyang kawan (34, 11). Sa Ikalawang Pagbasa, sinabi ni Apostol San Pablo na dumating sa daigdig ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng isang tao na walang iba kundi si Hesus (1 Corinto 15, 22). Sa Ebanghelyo, inilahad ni Hesus ang Paghuhukom sa wakas ng panahon sa pamamagitan ng talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing. 

Malinaw na binibigyan ng pansin sa mga Pagbasa ang pagiging malapit ni Hesus sa Kanyang kawan o pinaghaharian. Kahit na isa Siyang hari, hindi Niya nilalayo ang Kanyang sarili mula sa Kanyang kawan. Hindi Niya ginagamit ang Kanyang posisyon o antas upang ilayo ang Kanyang sarili mula sa Kanyang kawan. Hindi Niya ginagamit ang Kanyang pagkahari upang ipagmalaki ang Kanyang posisyon bilang isang hari. Bagkus, pinili Niyang gamitin ito upang lalo pang mapalapit sa Kanyang mga tupa. Ginamit ni Hesus ang Kanyang antas bilang Hari ng mga Hari upang alagaan at ingatan ang lahat ng Kanyang kawan. Ang tunay at kaisa-isang Haring si Hesus ay maamo at malapit sa Kanyang kawan. 

Paano nga ba tayo makakapasok sa kaharian ng langit? Ano ang dapat nating gawin upang tayo'y makapasok sa kaharian ng Panginoon sa langit? Tularan ang Kanyang kaamuan. Maging isang lingkod. Huwag maging mapagmataas. Iyan ang nais ituro ni Kristo sa Kanyang talinghaga sa Ebanghelyo. Kapag ang mga gawang inilarawan sa Ebanghelyo ay ating gagawin, matatamasa natin ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoong Hesus sa Kanyang kaharian sa langit. Iyan ay dahil naipapahayag ng bawat isa sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na iyon ang ating katapatan sa Panginoong Hesukristo, ang tunay na Hari. Ipinapahayag natin ang ating pagtanggap at pagkilala kay Kristong Hari kung gagawin natin ang mga mabubuting gawaing inilarawan Niya sa Ebanghelyo nang taos sa puso. 

Tunay ba nating kinikilala, tinatanggap, at sinasamba si Kristong Hari nang buong puso at kaluluwa? Iyan ang tanong na dapat pagnilayan ngayong Linggo. Kakaiba ang mga katangian ni Kristo bilang tunay na hari. Hindi Siya malupit o marahas. Hindi rin Niya nilalayo ang Kanyang sarili mula sa Kanyang kawan. Bagkus, Siya'y mahinahon at malapit sa Kanyang kawan. Pinaglilingkuran rin Niya ang Kanyang kawan. Iyan rin ang Kaniyang hamon sa ating lahat. Kung kinikilala, tinatanggap, at sinasamba natin si Kristong Hari nang buong katapatan, tutularan nating lahat nang buong puso at kaluluwa ang Kanyang halimbawa. 

Biyernes, Nobyembre 6, 2020

ANG KASAGRADUHAN NG BAHAY-DALANGINAN

9 Nobyembre 2020
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17//Juan 2, 13-22 


Inilalarawan sa mga Pagbasa ang kahalagahan ng Simbahan. Ano ba talaga ang kahalagahan ng Simbahan? Bakit nga ba sagrado ang Simbahan? Iyan ang nais bigyan ng pansin ng mga Pagbasa para sa pagdiriwang para sa espesyal na araw na ito, ang Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma o ang Basilika ni San Juan Laterano. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni propeta Ezekiel ang mga nakita niya sa kanyang pangitain. Sa kanyang pangitain, nakita ni propeta Ezekiel ang templo at ang tubig na dumadaloy mula rito. Paano natin maiuugnay ang nakita ni propeta Ezekiel sa kanyang pangitain sa larawan ng Simbahan? Ano nga ba ang koneksyon o ugnayan ng pangitain ni propeta Ezekiel sa larawan ng Simbahan? Ang Simbahan ay daluyan ng grasya ng Diyos. Ang pagpapala at biyaya ng Panginoong Diyos ay dumadaloy sa Simbahan. Kung saan nananahan ang Panginoong Diyos, ang awa't biyaya Niya ay dumadaloy. 

Ang Templo o Simbahan bilang daluyan ng pagpapala ng Diyos ang binigyan ng pansin ni Hesus sa Ebanghelyo. Nilinis ni Hesus ang templo upang ilarawan ang kasagraduhan ng templo. Ang templo ay ang tahanan ng Diyos. Ang Panginoong Diyos ay nananahan sa templo. Dahil sa katotohanang ito, ang templo ay daluyan ng awa at biyaya ng Diyos. 

Hindi lamang limitado sa mga gusaling Simbahan ang pagdaloy ng awa at biyaya ng Diyos. Sabi ni Apostol San Pablo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa na ang bawat isa'y templo ng Diyos (3, 16). Ang Simbahan ay hindi lamang tumutukoy sa mga gusaling itinalaga upang maging bahay-dalanginan kundi ang bawat isa sa atin. Tayong lahat ang bumubuo sa Simbahan. Tayo ang Simbahan. Ang ating mga katawan ay templo ng Panginoon. Nananahan sa atin ang Panginoon. Ang bawat isa sa atin ay daluyan ng biyaya at awa ng Diyos. Kaya, tayo ay sagrado. Dahil tayo ay sagrado, dapat nating ingatan ang ating mga katawan sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kabanalan. 

Ang Simbahan ay sagrado dahil sa presensya ng Panginoong Diyos. Ang awa at biyaya ng Diyos ay dumadaloy sa Simbahan. Hindi lamang ito tumutukoy sa mga gusaling bahay-dalanginan kundi sa bawat isa sa atin. Tayong lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan ni Kristo ay daluyan ng Kanyang biyaya at awa.