Biyernes, Nobyembre 20, 2020

KAKAIBANG KATANGIAN

22 Nobyembre 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (A) 
Ezekiel 34, 11-12. 15-17/Salmo 22/1 Corinto 15, 20-26. 28/Mateo 25, 31-46 


Kapag naririnig o nababasa natin ang salitang "hari", ang karaniwang larawan na pumapasok sa ating isipan ay ang posisyon ng hari sa lipunan. Taglay ng isang hari at pati na rin ang reyna ang pinakamataas na posisyon o antas sa lipunan. Taglay niya ang lahat ng kapangyarihan at kayamanan. Maaari ring sabihin na ang agwat sa posisyon ng isang hari (at reyna) at ng karamihan ng mga taong nakatira sa mga bayang kinasasakupan niya ay malaki-laki rin. Tila nasa kanya na ang lahat, gaya ng isang linya mula sa isang masikat na awitin. 

Hindi lamang iyan. Kapag pumapasok sa ating isipan ang salitang "hari", ang mga katangiang madalas nating isipin ay ang pagiging malupit at mapagmataas ng hari. Ang hari lamang ang dapat sundin. Siya ang pinakamakapangyarihan sa buong bansa o bayan. Siya ang batas na dapat sundin. Siya lamang ang may kakayahang gumawa o lumikha ng mga batas. Anuman ang kanyang sabihin o iutos ay dapat sundin. Wala nang dapat itanong pa. Hawak ng hari ang lahat ng kapangyarihan. Taglay ng hari ang pinakamataas at pinakamakapangyarihang posisyon. 

Ang huling araw ng Linggo ng taon sa Kalendaryo ng Simbahan ay inilaan para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan na tinatawag ring Linggo ng Kristong Hari. Sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari, magandang bigyan ng pansin ang mga katangian ng Panginoon bilang isang hari. Anong uri ng hari si Kristo? Ano ba ang mga katangian ni Kristo bilang isang hari? Paano nga ba naiiba ang pagkahari ng Diyos sa pagkahari ng tao? 

Sabi ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Ezekiel sa Unang Pagbasa na Siya mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa Kanyang kawan (34, 11). Sa Ikalawang Pagbasa, sinabi ni Apostol San Pablo na dumating sa daigdig ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng isang tao na walang iba kundi si Hesus (1 Corinto 15, 22). Sa Ebanghelyo, inilahad ni Hesus ang Paghuhukom sa wakas ng panahon sa pamamagitan ng talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing. 

Malinaw na binibigyan ng pansin sa mga Pagbasa ang pagiging malapit ni Hesus sa Kanyang kawan o pinaghaharian. Kahit na isa Siyang hari, hindi Niya nilalayo ang Kanyang sarili mula sa Kanyang kawan. Hindi Niya ginagamit ang Kanyang posisyon o antas upang ilayo ang Kanyang sarili mula sa Kanyang kawan. Hindi Niya ginagamit ang Kanyang pagkahari upang ipagmalaki ang Kanyang posisyon bilang isang hari. Bagkus, pinili Niyang gamitin ito upang lalo pang mapalapit sa Kanyang mga tupa. Ginamit ni Hesus ang Kanyang antas bilang Hari ng mga Hari upang alagaan at ingatan ang lahat ng Kanyang kawan. Ang tunay at kaisa-isang Haring si Hesus ay maamo at malapit sa Kanyang kawan. 

Paano nga ba tayo makakapasok sa kaharian ng langit? Ano ang dapat nating gawin upang tayo'y makapasok sa kaharian ng Panginoon sa langit? Tularan ang Kanyang kaamuan. Maging isang lingkod. Huwag maging mapagmataas. Iyan ang nais ituro ni Kristo sa Kanyang talinghaga sa Ebanghelyo. Kapag ang mga gawang inilarawan sa Ebanghelyo ay ating gagawin, matatamasa natin ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoong Hesus sa Kanyang kaharian sa langit. Iyan ay dahil naipapahayag ng bawat isa sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na iyon ang ating katapatan sa Panginoong Hesukristo, ang tunay na Hari. Ipinapahayag natin ang ating pagtanggap at pagkilala kay Kristong Hari kung gagawin natin ang mga mabubuting gawaing inilarawan Niya sa Ebanghelyo nang taos sa puso. 

Tunay ba nating kinikilala, tinatanggap, at sinasamba si Kristong Hari nang buong puso at kaluluwa? Iyan ang tanong na dapat pagnilayan ngayong Linggo. Kakaiba ang mga katangian ni Kristo bilang tunay na hari. Hindi Siya malupit o marahas. Hindi rin Niya nilalayo ang Kanyang sarili mula sa Kanyang kawan. Bagkus, Siya'y mahinahon at malapit sa Kanyang kawan. Pinaglilingkuran rin Niya ang Kanyang kawan. Iyan rin ang Kaniyang hamon sa ating lahat. Kung kinikilala, tinatanggap, at sinasamba natin si Kristong Hari nang buong katapatan, tutularan nating lahat nang buong puso at kaluluwa ang Kanyang halimbawa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento