Linggo, Nobyembre 28, 2021

DAPAT IKAGALAK

12 Disyembre 2021 
Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K) 
Sofonias 3, 14-18a/Isaias 12/Filipos 4, 4-7/Lucas 3, 10-18 


May panawagan ang Simbahan para sa atin ngayong Ikatlong Linggo ng Adbiyento. Ang panawagan ng Simbahan para sa bawat isa sa atin ay magalak. Kaya naman, kilala rin bilang Linggo ng Gaudete o Linggo ng Kagalakan ang Ikatlong Linggo ng Adbiyento. "Kagalakan" ang kahulugan ng salitang "Gaudete."  Magalak. Matuwa. Magsaya. Iyan ang dahilan kung bakit maaaring magsuot ng kulay Rosas ang mga pari sa mga liturhikal na pagdiriwang para sa Linggong ito. Ang kulay Rosas ay sagisag ng galak at tuwa. 

Habang ipinagpapatuloy natin ang paghihintay at paghahanda ng sarili para sa maringal na pagdating ng Panginoon sa panahong ito ng Adbiyento, nanawagan ang Simbahan sa bawat isa sa atin na magalak. Katunayan, ang panawagang ito ay may isang malalim na ugnayan sa temang pinagninilayan sa panahong ito ng Adbiyento. Dapat nating paghandaan nang may galak at tuwa ang pagdating ng Panginoon. Katunayan, sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento, dapat lalo pa tayong mapuno ng galak at tuwa sapagkat malapit nang dumating si Kristo. Ang ating paghahanda para sa pagdating ng Panginoong Hesus ay dapat nating seryosohin, subalit hindi iyon nangangahulugang hindi na tayo dapat magalak at matuwa. 

Kapag nabalitaan nating malapit nang dumating ang isa nating kaibigan o kapamilya, hindi ba tayo napupuno ng tuwa? Sino naman ang hindi? Dahil natutuwa tayo sa balitang malapit nang dumating ang nasabing kaibigan o kapamilya, pinaghahandaan natin nang mabuti ang araw ng kanilang pagdating. Habang pinaghahandaan natin ang kanilang pagdating, lalo tayong napapangiti at natutuwa sa tuwing iniisip natin iyon. Buong galak at tuwa nating pinaghahandaan ang kanilang pagdating. 

Itinuturo sa atin ng Simbahan na dapat tayong magalak kapag pinaghahandaan natin ang pagdating ng Panginoon. Kung natutuwa tayo habang pinaghahandaan natin nang mabuti ang pagdating ng kaibigan o kapamilya, dapat matuwa rin tayo habang pinaghahandaan natin ang pagdating ng Tagapagligtas. Sabi nga ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa: "Magalak kayong lagi sa Panginoon" (Filipos 4, 4). Iyan rin ang panawagan sa bayang Israel sa Unang Pagbasa. Iyan rin ang panawagan sa Salmo. Sa Ebanghelyo, nangaral si San Juan Bautista sa mga tao na nagtungo sa Ilog Jordan upang makinig at magpabinyag sa kanya tungkol sa pagdating ni Kristo Hesus. Isang bagay lamang ang nais ituro sa atin ngayong Linggo - dapat matuwa tayo sapagkat darating si Hesus. 

Darating ang Panginoong Hesukristo. Masaya ba tayo kapag naririnig ang balitang ito? 

Sabado, Nobyembre 27, 2021

INMACULADA CONCEPCION: ISANG BIYAYA MULA SA DIYOS

8 Disyembre 2021 
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-Linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38 


Tiyak na nauunawaan ng maraming Katoliko kung ano ang kahulugan ng Inmaculada Concepcion o ang Kalinis-Linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria. Ang dogmang ito ay tumutukoy sa pagligtas ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria mula sa bahid ng kasalanang mana bago pa man siya isilang ni Santa Ana. Sa sandaling ipinaglihi siya ng kanyang inang si Santa Ana, tinanggap ng Mahal na Birheng Maria ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos. Dahil dito, isinilang siyang walang bahid ng salang orihinal. 

Sa lahat ng mga babae sa kasaysayan, pinili ng Panginoong Diyos ang isang babaeng taga-Nazaret na walang iba kundi si Maria upang maging ina ng Manunubos, gaya ng nasasaad sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang ibinalita ng Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria sa Ebanghelyo para sa araw na ito ay ang dahilan kung bakit ang Inmaculada Concepcion ay nangyari. Sa pamamagitan ng pagtubos sa Mahal na Birheng Maria bago pa man isilang sa daigdig na ito, sinimulan na ng Diyos ang paghahanda para sa pagdating ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus bilang ipinangakong Mesiyas. Sa pamamagitan ni Hesus na Kanyang Bugtong na Anak, ang pangakong pagligtas ng Diyos ay matutupad. 

Ilang ulit na nahayag sa Lumang Tipan ang pangakong pagligtas ng Diyos. Ang Diyos ay humirang ng mga propeta upang ihayag sa Kanyang bayan ang pangakong ito na tunay ngang maghahatid ng galak. Subalit, ang Diyos mismo ang unang naghayag ng pangakong ito. Ang unang pagkakataon kung kailan ang pangakong ito ng Diyos ay nahayag ay isinalaysay sa Unang Pagbasa. Ang pangakong ito ay inihayag mismo ng Diyos sa unang pagkakataon sa Halamanan ng Eden matapos suwayin ng una nating mga magulang na sina Adan at Eba ang Kanyang utos.

Hindi naman kinailangan ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. Maaari na lamang Niya tayo pabayaang mapahamak. Subalit, pinili pa rin Niyang ipagkaloob sa atin ang biyaya ng Kanyang pagligtas. Kaya naman, nararapat lamang na gawin natin ang iniutos ni Apostol San Pablo sa pambungad ng kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa na walang iba kundi ang magpasalamat "sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo" (Efeso 1, 3). Pasalamatan natin Siya sapagkat ipinagkaloob Niya sa atin ang biyaya ng Kanyang pagliligtas. Gaya ng sabi sa Salmo, tunay ngang kahanga-hanga ang gawang ito ng Diyos (Salmo 97, 1). 

Ang Inmaculada Concepcion ay isang pagpapala mula sa Diyos. Sa pamamagitan nito, sinimulan ng Diyos na tuparin ang Kanyang pangakong pagligtas sa lahat. Iniligtas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria bago pa siya isilang ni Santa Ana alang-alang sa bawat isa sa atin. Sa pamamagitan nito, inumpisahan ng Diyos ang Kanyang planong pagtubos sa atin. Ang Inmaculada Concepcion ay isang biyaya mula sa Diyos dahil sa ugnayan nito sa pinakadakilang biyayang ipinagkaloob Niya sa sangkatauhan - ang kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Biyernes, Nobyembre 26, 2021

ISANG HANDOG KAY KRISTONG DARATING

5 Disyembre 2021 
Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K) 
Baruc 5, 1-9/Salmo 125/Filipos 1, 4-6. 8-11/Lucas 3, 1-6


Habang ipinagpapatuloy natin ang ating paghihintay at paghahanda ng sarili para sa pagdating ng Panginoong Hesus ngayong panahon ng Adbiyento, itinatampok sa Ebanghelyo para sa Linggong ito si San Juan Bautista. Si San Juan Bautista na siyang kamag-anak ng Panginoong Hesukristo ay isinilang upang gampanan ang papel na ibinigay sa kanya sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan. Inilarawan sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ang papel na bigay ng Diyos kay San Juan Bautista. 

Katunayan, inilarawan mismo ni San Juan Bautista sa mga tao kung ano ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Ginamit niya ang isang pahayag mula sa aklat ni Propeta Isaias upang ilarawan sa kanila ang dahilan kung bakit siya nagbibinyag at nangangaral tungkol sa pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Siya ang tinig na nananawagan sa lahat ng mga tao na dapat silang maghanda sapagkat darating na ang Mesiyas. Siya ang hudyat na ang ipinangakong Hari, ang Mesiyas, ay malapit nang dumating. 

Ang misyon ni San Juan Bautista sa Ebanghelyo ay katulad rin ng misyong ibinigay ng Diyos kay Propeta Baruc sa Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, nagsalita si Propeta Baruc tungkol sa pangako ng Panginoong Diyos para sa Kanyang bayan. Ang pagdating ng Panginoon ay maghahatid ng kagalakan sa buong bayan. Dadakilain Niya ang Kanyang bayan. Ang bayan ng Diyos ay magiging tanyag dahil sa Kanya. 

Gaya ng ginawa ni Propeta Baruc sa Unang Pagbasa at ni San Juan Bautista sa Ebanghelyo, si Apostol San Pablo ay nagsalita rin tungkol sa pagdating ni Kristo sa Ikalawang Pagbasa. Ang kaibahan nga lamang, sina Propeta Baruc at San Juan Bautista ay nagsalita tungkol sa Unang Pagdating ni Kristo. Ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay nakatutok naman sa Ikalawang Pagdating ni Kristo. Kaya, maituturing na isang pakiusap para sa mga Kristiyano ang kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Maging malinis bilang paghahanda para sa muling pagdating ni Hesus bilang Hukom sa wakas ng panahon. Iyan ang pakiusap ni Apostol San Pablo. 

Sa pagpapatuloy ng ating paglalakbay, paghihintay, at paghahanda ng sarili ngayong panahong ito ng Adbiyento, ang panawagan ng Simbahan sa atin ay gawing malinis ang ating buhay. Ang pamumuhay nang may kalinisan ay isang napakagandang handog kay Kristo sa Kanyang pagdating. 

Huwebes, Nobyembre 25, 2021

NA NAMAN?!

27 Nobyembre 2021
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K) 
Jeremias 33, 14-16/Salmo 24/1 Tesalonica 3, 12-4, 2/Lucas 21, 25-28. 34-36 


Tuwing papasok ang Simbahan sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon na tinatawag ring Adbiyento sa simula ng isang panibagong Liturhikal na Taon, ang temang laging binibigyan ng pansin ay ang pagdating ni Kristo. Kaunayan, hindi lamang nakatuon ang pansin ng Simbahan sa Unang Pagdating ni Kristo Hesus bilang Panginoon at Manunubos sa panahong ito. Pinagtutuunan rin ng pansin ang Ikalawang Pagdating ni Kristo bilang Hukom sa wakas ng panahon. Dahil diyan, binibigyan ng pansin ang halaga ng paghihintay at paghahanda sa panahong ito. 

Laging sinisimulan ng Simbahan ang isang bagong Taong Liturhiko sa pamamagitan ng pagpasok sa panahon ng Adbiyento. Lagi ring binibigyan ng pansin sa panahong ito ang halaga ng pananabik at paghahanda ng sarili. Lagi ring binibigyan ng pansin sa panahong ito ang Una at Ikalawang Pagdating ng Panginoon. Tiyak na marami ang mapapatanong kung bakit tila paulit-ulit na lamang ang ginagawa ng Simbahan kada taon. Wala na bang bago? Paulit-ulit? Na naman? 

Bakit tila paulit-ulit ang ginagawa ng Simbahan taun-taon, lalung-lalo na sa simula ng isang panibagong Taong Liturhiko? Dahil isa itong siklo. Kaya nga, ang larawan o hugis na madalas gamitin upang ilarawan ang isang siklo ay isang bilog. Katunayan, ginagamit rin ang larawang ito upag ipaliwanag ang Kalendaryo sa Simbahan. Kung titingnan natin nang mabuti ang larawan ng isang bilog, mapapansin nating walang dulo ang nasabing hugis. Ganyan rin ang Kalendaryo ng Simbahan. Nagbabago man ang taon, hindi nagbabago ang mga panahong ipinagdiriwang ng Simbahan sa Taong Liturhikal. Sa bawat panahong ipinagdiriwang ng Simbahan sa Taong Liturhikal, may mga aral na laging binibigyan ng pansin upang hindi natin makalimutan. 

Ang halaga ng paghihintay at paghahanda ng sarili ay laging binibigyan ng pansin sa pagpasok ng Simbahan sa panahon ng Adbiyento taun-taon. Isa lamang ang dahilan kung bakit lagi itong ginagawa ng Simbahan taun-taon sa pagpasok sa isang bagong Liturhikal na Taon - paalalahanan tayo tungkol sa pagdating ng ating Panginoon. Ang butihing Panginoon ay darating upang iligtas ang lahat ng mga tapat na nananalig at sumusunod sa Kanya. Gaya nga ng sabi sa Salmo para sa Linggong ito, "Sa 'Yo ako'y tumatawag, Poong D'yos na nagliligtas" (Salmo 24, 1). Iyan ang dahilan ng pagdating ng Panginoon. Darating Siya upang magligtas. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus sa mga apostol na darating Siya muli. Tulad ito ng pangako ng Panginoong Diyos sa Kanyang bayan sa Unang Pagbasa. Ang pangakong ito na nahayag sa Unang Pagbasa ay natupad sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Si Hesus, ang Diyos na tumupad sa Kanyang pangako sa Unang Pagbasa, ay nagsalita tungkol sa Kanyang muling pagdating sa wakas ng panahon bilang Hukom. Ito ang dahilan kung bakit Niya nasabing dapat maging handa sa lahat ng oras ang Kanyang mga alagad at ang lahat ng mga sumusunod sa Kanya nang buong katapatan. Ito ang binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Kaya nga, nagbigay ng mga payo si Apostol San Pablo tungkol sa paghahanda ng sarili habang hinihintay ang muling pagdating ni Hesus. 

Muli tayong pinaalalahanan ng Simbahan tungkol sa pagdating ng Panginoon. Hindi titigil ang Simbahan sa pagpapaalala sa atin tungkol sa katotohanang ito. Habang ang siklo ng buhay ay patuloy na umiikot, lagi tayong paaalalahanan ng Simbahan na darating si Kristo. Darating si Kristo upang iligtas ang mga tapat sa Kanya. Katulad noong una Siyang dumating, muli Siyang darating hatid ang kaloob Niyang kaligtasan para sa lahat ng mga tapat sa Kanya hanggang sa huli. 

Huwebes, Nobyembre 18, 2021

HINDI SAKIM SA KAPANGYARIHAN SI KRISTONG HARI

21 Nobyembre 2021 
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon) [B] 
Daniel 7, 13-14/Salmo 92/Pahayag 1, 5-8/Juan 18, 33b-37 



Inilaan ng Simbahan ang Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon na siya ring Huling Linggo sa Liturhikal na Taon para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan na tinatawag ring Linggo ng Kristong Hari. Sa pamamagitan ng Pistang ito, ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahan ay pinapaalalahanan na tanging si Kristo Hesus lamang ang mananatiling hari magpakailanman. Walang sinumang naging hari o pinuno sa daigdig na ito ang nanatili sa puwesto magpakailanman. Katunayan, walang manananatili sa mundong ito magpakailanman. 

Bukod sa pagiging isang maringal na pagdiriwang, ang Pistang ito ay maaaring ituring na isang babala para sa mga sakim sa kapangyarihan. Walang bagay sa mundong ito ang manananatili magpakailanman, lalung-lalo na ang posisyon o estado sa lipunan. Iyon nga lamang, hindi sila mulat sa katotohanang ito. Kaya, nagiging ganid at sakim sa kapangyarihan ang mga taong ito. Ang masaklap pa dito, marami sa mga ito ay mga pinuno. Sa sobrang ganid sa kapangyarihang kalakip ng kanilang posisyon, gusto nilang kumapit at ayaw nilang bumitaw mula sa mga ito. Nais nilang mapasakanila ang lahat ng kapangyarihan. 

Ang problema, sa halip na manindigan laban sa mga kasakimang ito na tunay ngang nakakasuka, kinukunsinti pa ng marami ang mga ito. Nagpapabulag sila sa mga katiwaliang ito. Sa halip na gamitin ang posisyon upang kumilos para sa ikabubuti ng marami, ginagamit nila ito para sa sarili nilang interes. Ang masakit dito, marami ang nagbubulag-bulagan at nagpapauto. Pinapalakpakan nila ang garapalang kasakiman at katiwalian. 

Ganyan ba ang pagkahari ni Kristo? HINDI. Hindi Siya ganyan bilang Hari. Hindi paiiralin ni Kristo ang kasakiman sa kapangyarihan sa Kanyang kaharian. Wala ni isang patak ng kasakiman ang makikita sa pagkahari ni Kristo. Bagkus, bilang Hari, tapat, totoo, at mapagmahal si Kristo. Dahil ang Kanyang pag-ibig para sa lahat ng Kanyang mga nasasakupan ay tunay, Siya'y tapat at totoo. Umiiral ang katarungan sa Kanyang kaharian sa pamamagitan ng Kanyang pagiging tapat, totoo, at mapagmahal sa Kanyang mga nasasakupan. 

Inilarawan sa Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo kung paanong ipinakita mismo ni Hesus ang mga katangiang pinapairal Niya sa Kanyang kaharian. Nagsalita si Hesus kay Poncio Pilato sa Ebanghelyo tungkol sa Kanyang misyon. Sabi Niya sa gobernador na si Pilato na dumating Siya sa daigdig upang magpatotoo sa katotohanan (Juan 18, 37). Sa halip na pumarito upang lokohin at siluin ang tao, pinili Niyang magsalita sa kanila tungkol sa katotohanang mula sa langit. Hindi ginamit ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Hari upang manlinlang ng tao kundi upang maging tapat at totoo. Inilarawan naman sa Ikalawang Pagbasa ang pinakadakilang gawa ni Hesus na nagpakita ng Kanyang katapatan at pag-ibig sa lahat. Pinili Niyang mamamatay upang palayain tayo mula sa ating mga kasalanan dahil sa Kanyang pag-ibig (Pahayag 1, 5). Iyan si Kristong Hari. 

Sa Unang Pagbasa, nakita ni Propeta Daniel sa isang pangitain ang kaisa-isang haring manananatili magpakailanman (7, 14). Si Hesus na ipinakilala bilang Hari ng mga hari sa Ikalawang Pagbasa ay maghahari magpakailanman. Mananatili ang Kanyang kaharian magpakailanman. Paiiralin ng Panginoong Hesukristo sa Kanyang kahariang walang hanggan ang katapatan, katotohanan, at pag-ibig na galing sa Kanya. Iyan ang pagkahari ng Panginoong Hesus. 

Ang Panginoong Hesus ay hindi ganid o sakim sa kapangyarihan. Siya'y tapat, totoo, at mapagmahal. Sa pamamagitan ng Kanyang katapatan at pag-ibig, ang katarungan at katotohanan ay pinapairal Niya sa Kanyang kaharian. Mayroong isang tanong para sa atin ang pagdiriwang sa Linggong ito - tatanggapin ba natin Siya bilang Hari? Suriin at pagnilayan natin nang maigi ang tanong na ito. 

Biyernes, Nobyembre 12, 2021

NGAYON PA LANG

14 Nobyembre 2021 
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Daniel 12, 1-3/Salmo 15/Hebreo 10, 11-14. 18/Marcos 13, 24-32 


Bahagi ng ating pananampalataya bilang Simbahan ay ang katotohanan tungkol sa ikalawang pagdating ng Panginoong Hesukristo sa wakas ng panahon. Iyan ang ating sinasampalatayanan bilang mga Katoliko. Si Hesus ay babalik muli sa wakas ng panahon upang maging hukom ng nangabubuhay at nangamatay na tao. Hindi natin alam kung kailan babalik ang Panginoong Hesus, subalit hindi iyon hadlang o dahilan upang hindi paniwalaan ito. Talagang babalik Siya. 

Kung tutuusin, ang muling pagbalik ng Panginoong Hesukristo bilang Hukom ng mga nangabubuhay at nangamatay na tao ay dalawang beses na binibigyan ng pansin ng Simbahan sa buong taon. Ang unang pagkakataon ay sa simula ng taon sa panahon ng Adbiyento at ang pangalawang pagkakataon naman ay sa wakas ng taon. Sa simula at wakas ng Liturhikal na Taon, binibigyan ng pansin ng Simbahan ang maluwalhating pagbabalik ng Panginoong Hesukristo bilang Dakilang Hukom sa wakas ng panahon. 

Mismong si Hesus ang nagsabi sa wakas ng Ebanghelyo tungkol sa Kanyang pagbabalik bilang Dakilang Hukom ng nangabubuhay at nangamatay na tao sa wakas ng panahon: "[W]alang nakaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak man - ang Ama lamang ang nakakaalam nito" (Marcos 13, 32). Tanging ang Ama lamang ang nakakaalam kung kailan si Hesus ay babalik bilang Hukom. Ang mga inilarawan ng Mesiyas sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo ay magaganap sa wakas ng panahon na tanging ang Diyos Ama lamang ang nakakaalam. 

Ang mga kaganapang inilarawan sa Unang Pagbasa ay mayroong malalim na ugnayan sa mga kaganapang inilarawan ni Kristo sa Ebanghelyo. Katunayan, iisa lamang ang inilarawan sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo - ang wakas ng panahon. Sabi sa pahayag tungkol sa mga kaganapan sa wakas ng panahon sa Unang Pagbasa: "Mabubuhay ang marami sa mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba'y sa buhay na walang hanggan, at ang [iba naman ay] sa kaparusahang walang hanggan" (Daniel 12, 2). 

Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo ang ginawa ni Kristo noong una Siyang dumating sa mundo. Inihandog Niya ang buo Niyang sarili para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ito ang muli Niyang gagawin bilang Dakilang Hukom sa wakas ng panahon. Tutubusin Niya ang mga naging tapat sa Kanya. Ang mga nagpasiyang maging tapat sa Kanya ay ililigtas Niya mula sa walang hanggang kapahamakan sa mga apoy ng impyerno. 

Ipinapaalala sa atin ngayong Linggo na mayroong katapusan ang panahon. May hangganan ang buhay sa mundong ito. May katapusan rin ang mundong ito. Sa mundong ito, hindi matatagpuan ang walang hanggan. Mayroong hangganan ang lahat dito sa mundo. Katunayan, magugunaw ang mundo balang araw. Isa lamang ang walang hanggan - ang Diyos sa langit. Kung nais natin Siyang makapiling sa Kanyang kaharian sa langit magpakailanman, maging tapat tayo sa Kanya ngayon pa lamang. 

Linggo, Nobyembre 7, 2021

ANG BUMUBUO SA SIMBAHAN

9 Nobyembre 2021
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22 


Sabi ni Hesus sa mga Hudyo matapos Niyang linisin ang templo, "Gibain ninyo ang templong ito at muli Kong itatayo sa loob ng tatlong araw" (Juan 2, 19). Ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay tungkol sa pagtalaga sa isa sa mga Basilika o Palasyong Simbahan sa mundo. Kaya, tiyak na mapapataas ang kilay ng marami at magugulat kung bakit ang bahaging ito ng Banal na Kasulatan ang gagamitin bilang Ebanghelyo para sa Banal na Misa sa araw na ito. 

Kung tutuusin, hindi naman tumigil si Hesus sa pagsasalita tungkol sa paggiba sa isang templo. Katunayan, sabi pa sa Ebanghelyo na hindi tinutukoy ni Hesus ang literal na templo na itinayo sa loob ng 46 na taon. Bagkus, ang tinutukoy ni Hesus nang sabihin Niya ang mga salitang ito ay ang sarili Niyang katawang inalay Niya para sa sangkatauhan. Itinatag ni Hesus ang tunay na Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Sabi naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay ang templo ng Panginoong Diyos. Sa pamamagitan nito, itinuro ni Apostol San Pablo na hindi mga gusali lamang ang Simbahan. Bagkus, ang tunay na Simbahan na itinatag ng Panginoon ay binubuo ng mga nanananalig at sumasampalataya sa Kanya. Kung gusali lamang ito, matagal nang gumuho at naglaho iyon. Iyan ang dahilan kung bakit si Kristo ay hindi nagtayo ng isang gusali noong itinatag Niya ang Kanyang Simbahan.  

Kung gayon, bakit may mga gusaling Simbahan? Ang mga gusaling Simbahan ay itinayo at itinalaga upang maging sagisag ng mangyayari sa katapusan ng panahon. Ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahan ni Kristo ay muling magkakatipon sa Kanyang harapan upang magpuri at sumamba sa Kanya nang walang humpay. Habang nabubuhay pa tayo sa lupa, malalaman na natin agad sa pamamagitan ng mga gusaling Simbahan kung ano nga ba talaga ang dapat nating paghandaan. 

Tayong lahat ang bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo. Ang mga gusaling Simbahan tulad ng Basilika ng Laterano ay isang paalala sa bawat isa sa atin ng dapat nating paghandaan sa wakas ng panahon. Kaya naman, dapat nating tahakin ang landas ng kabanalan upang mapanatili ang pagkadalisay ng ating mga katawan na siyang templo ng Panginoon.

Sabado, Nobyembre 6, 2021

KUSANG-LOOB NA PAGBIGAY

7 Nobyembre 2021 
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
1 Hari 17, 10-16/Salmo 145/Hebreo 9, 24. 28/Marcos 12, 38-44 (o kaya: 12, 41-44) 


Habang papalapit ang wakas ng Liturhikal na Taon ng Simbahan, pinagtutuunan ng pansin ang kusang-loob na pagbibigay. Tila itinuturo sa atin ng Simbahan na dapat maging kusang-loob ang ating pagkakawanggawa. Ang ating pagtulong at pagbigay sa kapwa, lalung-lalo na sa mga nangangailangan, ay dapat maging kusang-loob. Pansamantala lamang ang ating buhay dito sa mundo. Kaya, ang mga limitadong sandali ng ating buhay dito sa mundo ay dapat ilaan sa kusang-loob na paggawa ng mabuti sa kapwa, lalo na sa mga maralita. 

Nangaral ang manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa ukol sa kusang-loob na pag-aalay ng sarili ni Hesus bilang Dakilang Saserdote. Hindi naging sapilitan ang paghahandog ng sarili ng Panginoon alang-alang sa atin. Bagkus, kusang-loob Niya itong ginawa. Kusang-loob na nag-alay ng buhay sa krus si Hesus upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Minsan Niya itong ginawa alang-alang sa atin. 

Bukod sa kusang-loob na pag-aalay ng sarili ng Dakilang Saserdoteng si Hesus, ang manunulat ng Sulat sa mga Hebreo ay nagsalita rin tungkol sa gagawin ni Hesus sa muli Niyang pagdating sa huling bahagi ng Ikalawang Pagbasa. Ang lahat ng mga naghihintay sa Kanya ay Kanyang ililigtas (Hebreo 9, 28). Ililigtas ng Panginoong Hesus ang lahat ng mga tapat na nananabik sa Kanyang muling pagdating sa katapusan ng panahon bilang Dakilang Hukom mula sa walang hanggang kapahamakan sa impyerno. Kusang-loob Niya itong gagawin para sa mga tapat na nananalig at nananabik sa Kanyang pagbabalik bilang Hukom sa wakas ng panahon. Hindi ipagkakait ni Hesus ang biyaya ng walang hanggang buhay at kaligtasan sa Kanyang kaharian sa langit sa mga tapat sa Kanya. Ang pagpapalang ito ay kusang-loob Niyang ibibigay sa kanila. 

Kaya naman, ang turo sa atin ngayong Linggo, tularan ang kabutihang ipinakita ng babaeng nagbahagi ng tinapay kay Propeta Elias sa Unang Pagbasa at ng babaeng naghulog ng dalawang kusing sa Ebanghelyo. Ang dalawang babaeng ito ay nagbigay nang kusang-loob. Hindi sila napilitang gawin iyon. Bagkus, ang dalawang babaeng ito ay nagpasiyang magbigay nang kusang-loob. Hangad ni Hesus na maging kusang-loob ang ating pagbibigay at pagbabahagi. Kung iyan ang ating gagawin, malulugod ang Panginoon sa atin. 

Ipinapaalala sa atin na minsan lamang tayo nabubuhay sa lupa. Kaya naman, habang nabubuhay pa tayo dito sa daigdig, huwag nating sayangin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin upang magbahagi sa kapwa, lalung-lalo na ang mga nangangailangan, nang kusang-loob. Sulitin natin ang bawat pagkakataon upang gumawa ng mabuti. Kapag gumawa tayo ng mabuti, gawin natin ito nang kusang-loob.