8 Disyembre 2021
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-Linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38
Tiyak na nauunawaan ng maraming Katoliko kung ano ang kahulugan ng Inmaculada Concepcion o ang Kalinis-Linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria. Ang dogmang ito ay tumutukoy sa pagligtas ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria mula sa bahid ng kasalanang mana bago pa man siya isilang ni Santa Ana. Sa sandaling ipinaglihi siya ng kanyang inang si Santa Ana, tinanggap ng Mahal na Birheng Maria ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos. Dahil dito, isinilang siyang walang bahid ng salang orihinal.
Sa lahat ng mga babae sa kasaysayan, pinili ng Panginoong Diyos ang isang babaeng taga-Nazaret na walang iba kundi si Maria upang maging ina ng Manunubos, gaya ng nasasaad sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang ibinalita ng Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria sa Ebanghelyo para sa araw na ito ay ang dahilan kung bakit ang Inmaculada Concepcion ay nangyari. Sa pamamagitan ng pagtubos sa Mahal na Birheng Maria bago pa man isilang sa daigdig na ito, sinimulan na ng Diyos ang paghahanda para sa pagdating ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus bilang ipinangakong Mesiyas. Sa pamamagitan ni Hesus na Kanyang Bugtong na Anak, ang pangakong pagligtas ng Diyos ay matutupad.
Ilang ulit na nahayag sa Lumang Tipan ang pangakong pagligtas ng Diyos. Ang Diyos ay humirang ng mga propeta upang ihayag sa Kanyang bayan ang pangakong ito na tunay ngang maghahatid ng galak. Subalit, ang Diyos mismo ang unang naghayag ng pangakong ito. Ang unang pagkakataon kung kailan ang pangakong ito ng Diyos ay nahayag ay isinalaysay sa Unang Pagbasa. Ang pangakong ito ay inihayag mismo ng Diyos sa unang pagkakataon sa Halamanan ng Eden matapos suwayin ng una nating mga magulang na sina Adan at Eba ang Kanyang utos.
Hindi naman kinailangan ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. Maaari na lamang Niya tayo pabayaang mapahamak. Subalit, pinili pa rin Niyang ipagkaloob sa atin ang biyaya ng Kanyang pagligtas. Kaya naman, nararapat lamang na gawin natin ang iniutos ni Apostol San Pablo sa pambungad ng kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa na walang iba kundi ang magpasalamat "sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo" (Efeso 1, 3). Pasalamatan natin Siya sapagkat ipinagkaloob Niya sa atin ang biyaya ng Kanyang pagliligtas. Gaya ng sabi sa Salmo, tunay ngang kahanga-hanga ang gawang ito ng Diyos (Salmo 97, 1).
Ang Inmaculada Concepcion ay isang pagpapala mula sa Diyos. Sa pamamagitan nito, sinimulan ng Diyos na tuparin ang Kanyang pangakong pagligtas sa lahat. Iniligtas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria bago pa siya isilang ni Santa Ana alang-alang sa bawat isa sa atin. Sa pamamagitan nito, inumpisahan ng Diyos ang Kanyang planong pagtubos sa atin. Ang Inmaculada Concepcion ay isang biyaya mula sa Diyos dahil sa ugnayan nito sa pinakadakilang biyayang ipinagkaloob Niya sa sangkatauhan - ang kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento