Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)
Baruc 5, 1-9/Salmo 125/Filipos 1, 4-6. 8-11/Lucas 3, 1-6
Habang ipinagpapatuloy natin ang ating paghihintay at paghahanda ng sarili para sa pagdating ng Panginoong Hesus ngayong panahon ng Adbiyento, itinatampok sa Ebanghelyo para sa Linggong ito si San Juan Bautista. Si San Juan Bautista na siyang kamag-anak ng Panginoong Hesukristo ay isinilang upang gampanan ang papel na ibinigay sa kanya sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan. Inilarawan sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ang papel na bigay ng Diyos kay San Juan Bautista.
Katunayan, inilarawan mismo ni San Juan Bautista sa mga tao kung ano ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Ginamit niya ang isang pahayag mula sa aklat ni Propeta Isaias upang ilarawan sa kanila ang dahilan kung bakit siya nagbibinyag at nangangaral tungkol sa pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Siya ang tinig na nananawagan sa lahat ng mga tao na dapat silang maghanda sapagkat darating na ang Mesiyas. Siya ang hudyat na ang ipinangakong Hari, ang Mesiyas, ay malapit nang dumating.
Ang misyon ni San Juan Bautista sa Ebanghelyo ay katulad rin ng misyong ibinigay ng Diyos kay Propeta Baruc sa Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, nagsalita si Propeta Baruc tungkol sa pangako ng Panginoong Diyos para sa Kanyang bayan. Ang pagdating ng Panginoon ay maghahatid ng kagalakan sa buong bayan. Dadakilain Niya ang Kanyang bayan. Ang bayan ng Diyos ay magiging tanyag dahil sa Kanya.
Gaya ng ginawa ni Propeta Baruc sa Unang Pagbasa at ni San Juan Bautista sa Ebanghelyo, si Apostol San Pablo ay nagsalita rin tungkol sa pagdating ni Kristo sa Ikalawang Pagbasa. Ang kaibahan nga lamang, sina Propeta Baruc at San Juan Bautista ay nagsalita tungkol sa Unang Pagdating ni Kristo. Ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay nakatutok naman sa Ikalawang Pagdating ni Kristo. Kaya, maituturing na isang pakiusap para sa mga Kristiyano ang kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Maging malinis bilang paghahanda para sa muling pagdating ni Hesus bilang Hukom sa wakas ng panahon. Iyan ang pakiusap ni Apostol San Pablo.
Sa pagpapatuloy ng ating paglalakbay, paghihintay, at paghahanda ng sarili ngayong panahong ito ng Adbiyento, ang panawagan ng Simbahan sa atin ay gawing malinis ang ating buhay. Ang pamumuhay nang may kalinisan ay isang napakagandang handog kay Kristo sa Kanyang pagdating.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento