21 Nobyembre 2021
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon) [B]
Daniel 7, 13-14/Salmo 92/Pahayag 1, 5-8/Juan 18, 33b-37
Inilaan ng Simbahan ang Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon na siya ring Huling Linggo sa Liturhikal na Taon para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan na tinatawag ring Linggo ng Kristong Hari. Sa pamamagitan ng Pistang ito, ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahan ay pinapaalalahanan na tanging si Kristo Hesus lamang ang mananatiling hari magpakailanman. Walang sinumang naging hari o pinuno sa daigdig na ito ang nanatili sa puwesto magpakailanman. Katunayan, walang manananatili sa mundong ito magpakailanman.
Bukod sa pagiging isang maringal na pagdiriwang, ang Pistang ito ay maaaring ituring na isang babala para sa mga sakim sa kapangyarihan. Walang bagay sa mundong ito ang manananatili magpakailanman, lalung-lalo na ang posisyon o estado sa lipunan. Iyon nga lamang, hindi sila mulat sa katotohanang ito. Kaya, nagiging ganid at sakim sa kapangyarihan ang mga taong ito. Ang masaklap pa dito, marami sa mga ito ay mga pinuno. Sa sobrang ganid sa kapangyarihang kalakip ng kanilang posisyon, gusto nilang kumapit at ayaw nilang bumitaw mula sa mga ito. Nais nilang mapasakanila ang lahat ng kapangyarihan.
Ang problema, sa halip na manindigan laban sa mga kasakimang ito na tunay ngang nakakasuka, kinukunsinti pa ng marami ang mga ito. Nagpapabulag sila sa mga katiwaliang ito. Sa halip na gamitin ang posisyon upang kumilos para sa ikabubuti ng marami, ginagamit nila ito para sa sarili nilang interes. Ang masakit dito, marami ang nagbubulag-bulagan at nagpapauto. Pinapalakpakan nila ang garapalang kasakiman at katiwalian.
Ganyan ba ang pagkahari ni Kristo? HINDI. Hindi Siya ganyan bilang Hari. Hindi paiiralin ni Kristo ang kasakiman sa kapangyarihan sa Kanyang kaharian. Wala ni isang patak ng kasakiman ang makikita sa pagkahari ni Kristo. Bagkus, bilang Hari, tapat, totoo, at mapagmahal si Kristo. Dahil ang Kanyang pag-ibig para sa lahat ng Kanyang mga nasasakupan ay tunay, Siya'y tapat at totoo. Umiiral ang katarungan sa Kanyang kaharian sa pamamagitan ng Kanyang pagiging tapat, totoo, at mapagmahal sa Kanyang mga nasasakupan.
Inilarawan sa Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo kung paanong ipinakita mismo ni Hesus ang mga katangiang pinapairal Niya sa Kanyang kaharian. Nagsalita si Hesus kay Poncio Pilato sa Ebanghelyo tungkol sa Kanyang misyon. Sabi Niya sa gobernador na si Pilato na dumating Siya sa daigdig upang magpatotoo sa katotohanan (Juan 18, 37). Sa halip na pumarito upang lokohin at siluin ang tao, pinili Niyang magsalita sa kanila tungkol sa katotohanang mula sa langit. Hindi ginamit ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Hari upang manlinlang ng tao kundi upang maging tapat at totoo. Inilarawan naman sa Ikalawang Pagbasa ang pinakadakilang gawa ni Hesus na nagpakita ng Kanyang katapatan at pag-ibig sa lahat. Pinili Niyang mamamatay upang palayain tayo mula sa ating mga kasalanan dahil sa Kanyang pag-ibig (Pahayag 1, 5). Iyan si Kristong Hari.
Sa Unang Pagbasa, nakita ni Propeta Daniel sa isang pangitain ang kaisa-isang haring manananatili magpakailanman (7, 14). Si Hesus na ipinakilala bilang Hari ng mga hari sa Ikalawang Pagbasa ay maghahari magpakailanman. Mananatili ang Kanyang kaharian magpakailanman. Paiiralin ng Panginoong Hesukristo sa Kanyang kahariang walang hanggan ang katapatan, katotohanan, at pag-ibig na galing sa Kanya. Iyan ang pagkahari ng Panginoong Hesus.
Ang Panginoong Hesus ay hindi ganid o sakim sa kapangyarihan. Siya'y tapat, totoo, at mapagmahal. Sa pamamagitan ng Kanyang katapatan at pag-ibig, ang katarungan at katotohanan ay pinapairal Niya sa Kanyang kaharian. Mayroong isang tanong para sa atin ang pagdiriwang sa Linggong ito - tatanggapin ba natin Siya bilang Hari? Suriin at pagnilayan natin nang maigi ang tanong na ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento