Sabado, Nobyembre 6, 2021

KUSANG-LOOB NA PAGBIGAY

7 Nobyembre 2021 
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
1 Hari 17, 10-16/Salmo 145/Hebreo 9, 24. 28/Marcos 12, 38-44 (o kaya: 12, 41-44) 


Habang papalapit ang wakas ng Liturhikal na Taon ng Simbahan, pinagtutuunan ng pansin ang kusang-loob na pagbibigay. Tila itinuturo sa atin ng Simbahan na dapat maging kusang-loob ang ating pagkakawanggawa. Ang ating pagtulong at pagbigay sa kapwa, lalung-lalo na sa mga nangangailangan, ay dapat maging kusang-loob. Pansamantala lamang ang ating buhay dito sa mundo. Kaya, ang mga limitadong sandali ng ating buhay dito sa mundo ay dapat ilaan sa kusang-loob na paggawa ng mabuti sa kapwa, lalo na sa mga maralita. 

Nangaral ang manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa ukol sa kusang-loob na pag-aalay ng sarili ni Hesus bilang Dakilang Saserdote. Hindi naging sapilitan ang paghahandog ng sarili ng Panginoon alang-alang sa atin. Bagkus, kusang-loob Niya itong ginawa. Kusang-loob na nag-alay ng buhay sa krus si Hesus upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Minsan Niya itong ginawa alang-alang sa atin. 

Bukod sa kusang-loob na pag-aalay ng sarili ng Dakilang Saserdoteng si Hesus, ang manunulat ng Sulat sa mga Hebreo ay nagsalita rin tungkol sa gagawin ni Hesus sa muli Niyang pagdating sa huling bahagi ng Ikalawang Pagbasa. Ang lahat ng mga naghihintay sa Kanya ay Kanyang ililigtas (Hebreo 9, 28). Ililigtas ng Panginoong Hesus ang lahat ng mga tapat na nananabik sa Kanyang muling pagdating sa katapusan ng panahon bilang Dakilang Hukom mula sa walang hanggang kapahamakan sa impyerno. Kusang-loob Niya itong gagawin para sa mga tapat na nananalig at nananabik sa Kanyang pagbabalik bilang Hukom sa wakas ng panahon. Hindi ipagkakait ni Hesus ang biyaya ng walang hanggang buhay at kaligtasan sa Kanyang kaharian sa langit sa mga tapat sa Kanya. Ang pagpapalang ito ay kusang-loob Niyang ibibigay sa kanila. 

Kaya naman, ang turo sa atin ngayong Linggo, tularan ang kabutihang ipinakita ng babaeng nagbahagi ng tinapay kay Propeta Elias sa Unang Pagbasa at ng babaeng naghulog ng dalawang kusing sa Ebanghelyo. Ang dalawang babaeng ito ay nagbigay nang kusang-loob. Hindi sila napilitang gawin iyon. Bagkus, ang dalawang babaeng ito ay nagpasiyang magbigay nang kusang-loob. Hangad ni Hesus na maging kusang-loob ang ating pagbibigay at pagbabahagi. Kung iyan ang ating gagawin, malulugod ang Panginoon sa atin. 

Ipinapaalala sa atin na minsan lamang tayo nabubuhay sa lupa. Kaya naman, habang nabubuhay pa tayo dito sa daigdig, huwag nating sayangin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin upang magbahagi sa kapwa, lalung-lalo na ang mga nangangailangan, nang kusang-loob. Sulitin natin ang bawat pagkakataon upang gumawa ng mabuti. Kapag gumawa tayo ng mabuti, gawin natin ito nang kusang-loob. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento