2 Nobyembre 2021
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano
[Ang mga Pagbasa ay isang pangkat ng mga Pagbasa mula sa Mga Pagdiriwang ng Misa para sa Yumao]
2 Macabeo 12, 43-46/Salmo 115; 116/1 Corinto 15, 51-57/Juan 6, 37-40
Ang panahon ng Undas ay isang espesyal na panahong inilaan ng Simbahan sa pag-aalay ng mga panalangin para sa mga yumao. Katunayan, hindi nililimita ng Simbahan ang pananalangin para sa mga yumao sa panahon ng Undas lamang kundi araw-araw. Sa pamamagitan ng pananalangin para sa mga kapatid nating yumao, tinutulungan natin sila sa pagkamit ng buhay na walang hanggan.
Hinahangad ng bawat mananampalataya na makapiling ang Panginoong Diyos sa langit sa katapusan ng kanilang buhay sa lupa. Iyan ang dahilan kung bakit pinagsisikapan nating mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos habang namumuhay pa tayo dito sa daigdig. Tulad natin, hinahangad ng mga kaluluwang nasa Purgatoryo na makapiling ang Panginoon sa langit. Iyon lamang ang kanilang minimithi. Matapos ang pagdalisay sa kanila sa Purgatoryo upang makapiling na rin nila magpakailanman ang Panginoon.
Walang sinuman ang makapagsasabi kung gaano katagal ang pagdalisay sa mga kaluluwang nasa Purgatoryo. Subalit, natitiyak nating makakapiling nila sa langit ang Panginoon balang araw. Dinadalisay lamang sila. Habang dinadalisay ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo, hinihintay nilang sumapit ang panahon kung kailan nila matatamasa ang biyaya ng pangako ni Hesus sa Ebanghelyo. Inihayag ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo na magkakaroon ng buhay na walang hanggan ang lahat ng mga mananalig sa Kanya (Juan 6, 40).
Sa Ikalawang Pagbasa, nangaral si Apostol San Pablo tungkol sa tagumpay ng Panginoong Hesus. Si Hesus na nangakong magkakaroon ng buhay na walang hanggan ang lahat ng mga nananalig sa Kanya sa Ebanghelyo ay nagtagumpay laban sa kamatayan. Hangad rin Niyang makibahagi sa galak dulot ng Kanyang tagumpay laban sa kamatayan ang lahat ng mga nananalig sa Kanya. Iyan rin ang hangarin ng mga kaluluwang nasa Purgatoryo at ng bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahan dito sa lupa.
May panawagan ang Simbahan sa atin ngayong panahon ng Undas. Mag-alay ng mga panalangin para sa mga kapatid nating yumao, lalo na ang mga nasa Purgatoryo. Hindi sila naiiba sa atin. Hangad rin nilang matamasa ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa langit. Iyan rin ang ating hangarin. Kaya, huwag nating ipagkait sa kanila ang pagkakataong matamasa ang biyayang ito mula sa Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento