Huwebes, Oktubre 28, 2021

MAGIGING TAPAT BA TAYO SA KANYA?

31 Oktubre 2021 
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Deuteronomio 6, 2-6/Salmo 17/Hebreo 7, 23-28/Marcos 12, 28b-34


Ang pinakamahalagang utos na inihayag ni Hesus bilang tugon sa tanong ng isang eskriba sa Ebanghelyo ay nahayag rin sa Unang Pagbasa. Ang utos na ito na inihayag ni Moises sa mga tao sa Unang Pagbasa ay tungkol sa pag-ibig na dapat ilaan para sa Panginoon. Ang Panginoong Diyos ay dapat mahalin nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Kailangang maging tapat ang bawat isa sa kanilang pag-ibig para sa Panginoon. 

Ipinaliwanag ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa ang dahilan kung bakit ang katapatan ay isang napakahalagang katangian na dapat makita sa mga umiibig sa Panginoon. Dapat maging tapat sa Panginoong Diyos ang bawat isa upang maging tunay ang kanilang pag-ibig para sa Kanya. Ang katapatan ang magpapatunay kung tunay nga ba ang pag-ibig ng bawat isa para sa Panginoon. Ang Dakilang Saserdoteng Walang Hanggang si Hesus ay nag-alay ng Kanyang sarili alang-alang sa atin. Ang paghahain ng buo Niyang sarili ay hindi mawawalan ng saysay kailanman dahil pangmagpakailanman ang buo Niyang paghahandog ng sarili alang-alang sa atin (Hebreo 7, 27). 

Sa pamamagitan ng Kanyang kusang-loob na pag-aalay ng sarili alang-alang sa atin, ipinakita ni Kristo ang Kanyang katapatan at pag-ibig. Katunayan, ang pag-ibig ng Panginoong Hesus para sa atin ay Kanyang ipinakita sa pamamagitan ng Kanyang katapatan. Ang katapatan ng Panginoong Hesus ay naghayag ng tunay Niyang pag-ibig na walang hanggan. Ang sagisag nito ay ang Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Tayong lahat ay minsanang iniligtas ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Iyan ay isa lamang patunay ng Kanyang katapatan na tanda ng Kanyang pag-ibig. 

Naging tapat ang Diyos sa atin. Dahil dito, ipinagkaloob sa atin si Kristo upang maging ating Tagapagligtas. Magiging tapat ba tayo sa Kanya? Iibigin ba natin ang Panginoon at ang kapwa-tao natin nang buong katapatan gaya ng Kanyang iniuutos sa atin? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento