24 Oktubre 2021
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Jeremias 31, 7-9/Salmo 125/Hebreo 5, 1-6/Marcos 10, 46-52
Isa sa mga madalas na sabihin ni Hesus sa tuwing nagpapagaling Siya ng isang taong maysakit, "Pinagaling ka ng iyong pananalig." Muli Niyang sinabi ang mga katagang ito sa Ebanghelyo para sa Linggong ito habang pinapagaling Niya ang bulag na si Bartimeo. Sabi Niya sa bulag, "Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig" (Marcos 10, 52). Binigkas ng Panginoon ang mga salitang ito habang pinapagaling Niya ang bulag. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang kapangyarihan ng pananalig ay binigyan ng pansin ni Hesus. Makapangyarihan ang pananalig sa Panginoon.
Sa kabila ng kanyang pagiging bulag, si Bartimeo ay nanalig pa rin na si Hesus ang tangi niyang pag-asang makakita. Kaya, kung mapapansin natin ang bawat detalye ng salaysay sa Ebanghelyo, makikita nating hindi tumigil sa pagtawag at pagsamo si Bartimeo kay Hesus nang sabihin sa kanya na naroroon sa lugar na iyon ang Nazareno. Hindi tumigil ang bulag sa pagmamakaawa at pagsamo kay Hesus kahit na pinagsasabihan siya ng iba na manahimik na lamang.
Pinili ni Bartimeo na manalig sa kapangyarihan ni Hesus, ang Anak ni David, at, gaya ng inilarawan sa Ikalawang Pagbasa - ang Dakilang Saserdoteng hinirang ng Diyos. Kahit na marahil ay nairita sa kanya ang ibang mga tao na naroon na sumusunod kay Kristo, hindi siya tumigil sa pagmamakaawa at pagsamo. Ang kanyang pananalig ay nagbunga nang pagalingin siya ni Kristo.
Ang pananalig sa Panginoon ay hindi isang pasaporte o daan patungo sa isang palagiang maginhawang buhay dito sa daigdig sa lahat ng oras. Katunayan, ang mga nauna sa atin na nanalig sa Panginoong Diyos ay hindi naging ligtas mula sa iba't ibang mga pagsubok sa buhay sa mundo. Ang mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig na ito ay kanilang pinagdaanan, hinarap, at tiniis. Pero, sa kabila ng lahat ng mga pagsubok na ito sa buhay dito sa daigdig, nanatili pa rin ang kanilang pananalig sa Panginoon.
Kung nananalig tayo sa Panginoon dahil sa pag-aakalang magiging ligtas na tayo mula sa mga pagsubok sa buhay dito sa mundo, nag-aaksaya lamang tayo ng oras. Huwag nating iisiping magiging ligtas na tayo mula sa iba't ibang mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig dahil sa ating pananalig sa Panginoon. Ang dapat nating isipin, mabuti ang idudulot ng ating pananalig sa Panginoon sa atin. Kung buong katapatan tayong mananalig sa Panginoon hanggang sa huli, magiging katulad tayo ni Bartimeo na pinagaling ni Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento