Biyernes, Oktubre 1, 2021

DI-PANGKARANIWANG HANGARIN

17 Oktubre 2021 
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Isaias 53, 10-11/Salmo 32/Hebreo 4, 14-16/Marcos 10, 35-45 (o kaya: 10, 42-45) 


Sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito, nangaral si Hesus tungkol sa halaga ng kababaang-loob. Katunayan, sa Kanyang pangaral sa mga apostol tungkol sa paksang ito, ginamit pa nga Niya ang Kanyang sarili bilang isang halimbawa. Para sa Panginoong Hesus, hindi dapat pag-awayan ninuman kung sino ang mas magaling o dakila. Bagkus, dapat hangarin ng mga tapat na nananalig at sumunod sa Kanya na maging lingkod. Si Hesus ay naghangad na maging lingkod. Ito ang dapat maging hangarin ng Kanyang mga tagasunod. 

Kahit na Siya'y tunay na Diyos, ninais pa rin ni Hesus na maging lingkod. Isa itong hindi-pangkaraniwang hangarin sa mata ng mundong ito. Bakit hahangarin ng Diyos na makapangyarihan sa lahat na maging isang lingkod? Bakit naman pinili ng Panginoon na maging isang tao upang paglingkuran ang mga tao sa mundong ito na hindi naman Siya tatanggapin? Sa dinami-dami ng puwedeng hangarin o naisin ng Diyos, bakit iyon pa ang Kanyang napili? 

Inilarawan sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito ang sinapit ni Kristo dahil sa Kanyang pasiyang maging lingkod ng sangkatauhan na hindi naman tumanggap sa Kanya. Niloob Niyang tiisin nang buong kababaang-loob ang lahat ng hirap at sakit na kaakibat ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Tagapagligtas. Sa pamamagitan nito, ipinakita ni Hesus na ang kaisa-isang Diyos ay maaaring lapitan ng lahat ng tao. Hindi nilalayo ng Diyos ang Kanyang sarili sa sangkatauhan. Katunayan, ang Panginoong Hesukristo na ipinakilala sa Ikalawang Pagbasa bilang Dakilang Saserdote na namamagitan para sa atin ay ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Hindi nga pangkaraniwan ang hinangad ni Hesus. Kakaiba talaga ang Kanyang kalooban. Subalit, niloob Niyang gawin ito upang ipakita na hindi nagpapakalayo ang Diyos sa tao. Ito ang dahilan kung bakit ang Kanyang utos at hangarin para sa lahat ay mamuhay nang may kababaang-loob. Kapag iyon ang ating ginawa, lalong mapapalapit ang ating mga puso at kalooban sa kapwa. Ang magiging tingin natin sa ating kapwa ay kapatid at hindi kakumpetensya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento