Huwebes, Setyembre 30, 2021

IGAGALANG NIYA ANG ATING DESISYON

10 Oktubre 2021 
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Karunungan 7, 7-11/Salmo 89/Hebreo 4, 12-13/Marcos 10, 17-30 (o kaya: 10, 17-27) 


Sabi sa Ebanghelyo na umalis nang malungkot ang lalaking lumapit kay Hesus dahil sa dami ng kanyang kayamanan (Marcos 10, 22). Si Hesus ay tinanong ng lalaking ito kung paano makakamit ang buhay na walang hanggan. Ang sagot ni Hesus - tuparin ang nakasaad sa Kautusan. Matapos sabihin ng lalaking ito na tinutupad naman niya ito, dinagdag ni Hesus ang Kanyang sagot. Kailangang ipamigay ng lalaking ito ang kanyang kayamanan sa mga dukha at sumunod sa Kanya. Ang pangalawang sagot ni Hesus ay ang dahilan kung bakit nalungkot ang lalaking ito. Pinahalagahan niya ang kanyang kayamanan. Para sa kanya, mahirap bitawan ang kanyang mga kayamanan.

Hindi hinabol o sinubukang baguhin ni Hesus ang pasiya ng lalaking ito. Hindi pinilit ni Hesus na sumunod sa Kanya ang lalaking ito. Alam ni Hesus na labag sa kalooban ng lalaking ito ang Kanyang mga sinabi. Alam ni Hesus kung gaano kahalaga para sa lalaking ito ang kanyang mga kayamanan. Dahil dito, hindi magawa ng lalaking ito na sumunod sa Panginoon. Ginalang ng Panginoon ang desisyon ng lalaking ito na huwag sumunod sa Kanya. Kahit gusto ni Kristo na ibilang ang lalaking ito sa Kanyang mga tagasunod, wala na Siyang magagawa. Nagpasiya ang lalaking iyon na huwag sumunod kay Hesus. Ang pasiyang ito ay ginalang na lamang ng Panginoong Hesukristo. Para sa mayamang lalaki sa Ebanghelyo, sadyang mas mahalaga ang kanyang kayamanan. 

Nasusulat sa Ikalawang Pagbasa, "Walang makapagtatago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa Kanyang paningin" (Hebreo 4, 13). Isang halimbawa kung paanong nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay tungkol sa bawat tao ay ang kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Ito ang dahilan kung bakit si Hesus ay hindi humabol sa lalaking ito. Alam na Niya kung ano ang pinapahalagahan ng lalaking ito. Katulad ng mayamang lalaki sa Ebanghelyo, alam rin ni Hesus ang mga pinapahalagahan natin. 

Kung ang pinapahalagahan natin ay katulad ng inilalarawan sa Unang Pagbasa, matutuwa ang Diyos. Subalit, alam ng Diyos na hindi ganyan ang lahat ng tao sa daigdig na ito. Alam ng Panginoong Diyos na mayroong pagkakaiba sa mga pinapahalagahan ng bawat tao. Alam iyan ng Diyos dahil Siya mismo ang may likha sa atin. Wala tayong maitatago sa Diyos. 

Ang paalala sa atin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito - huwag na nating subukang ilihim sa Diyos ang tunay nating mga pinapahalagahan. Inaaksaya lamang natin ang ating panahon kung gagawin natin iyon. Katunayan, alam naman ng Panginoon ang nilalaman ng ating mga puso. Kaya, magpakatotoo tayo. Igagalang naman ng Diyos ang ating desisyon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento