12 Setyembre 2021
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Isaias 50, 5-9a/Salmo 114/Santiago 2, 14-18/Marcos 8, 27-35
Tila pang-Kuwaresma ang tono ng Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Misa sa Linggong ito. Sa Unang Pagbasa, narinig ang mga salita ng isang lingkod ng Diyos na dumaranas ng pag-uusig sa kamay ng kanyang mga kaaway. Labis-labis at napakatindi ng pagdurusang dinanas ng lingkod na ito ng Panginoon sa kamay ng kanyang mga kaaway. Subalit, ang kanyang katapatan sa Panginoon ay nanatili pa rin. Sa Ebanghelyo, matapos ihayag ni Apostol San Pedro na si Hesus ay ang ipinangakong Mesiyas, inilarawan Niya sa mga apostol kung ano nga ba talaga Siya bilang Mesiyas. Bilang Mesiyas, tutuparin ni Hesus ang mga salita tungkol sa lingkod ng Diyos na nagdurusa sa aklat ni propeta Isaias na itinampok sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito. Katunayan, si Hesus mismo ang tinutukoy sa propesiyang ito na narinig sa Unang Pagbasa.
Bakit nga ba nating binabalikan at pinagninilayan muli gayong ang Simbahan ay napapaloob sa Karaniwang Panahon? Tiyak na ilang ulit na natin itong narinig at pinagnilayan, lalung-lalo na kapag Kuwaresma at Mahal na Araw. Ito ay dahil sa Misteryo Paskwal ni Kristo nakasentro ang ating pananampalataya. Kung hindi dahil sa Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesus, walang Simbahan. Dahil dito, ang Misteryo Paskwal ni Kristo ay pinapahalagahan ng Simbahan. Hindi lamang ito isang aspeto ng ating pananampalataya. Ito ang ugat nito.
Sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo, nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Ang Misteryo Paskwal ay patunay na hindi malayo ang Diyos sa tao. Kahit na Siya'y nasa langit, nasa piling pa rin Siya ng tao. Tunay ang Kanyang pagpapahalaga para sa sangkatauhan. Patunay ito na ang pag-ibig ng Diyos ay totoo talaga at hindi gawa-gawa lamang.
Ang pangaral ni Apostol Santo Santiago ay para naman sa atin. Inilarawan sa pangaral ni Apostol Santo Santiago sa Ikalawang Pagbasa ang halaga ng mga gawa. Hindi sapat ang mga salita lamang. Kinakailangang may mga gawang magpapatunay sa mga salitang iyon. Kailangang patunayan ang mga salitang binigkas sa pamamagitan ng mga gawa. Kaya, sabi ni Apostol Santo Santiago sa Ikalawang Pagbasa, patay ang pananampalatayang walang gawa (2, 17).
Isa lamang ang nais ituro sa atin ngayong Linggo: "Patunayan mo!" Kailangan nating magpakatotoo. Kailangan nating patunayan na nagpapakatotoo tayo at hindi peke. Pinatunayan ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ni Hesus. Kaya naman, kung ang ating pag-ibig at pananampalataya sa Diyos ay tunay, kailangan nating patunayan ito gamit ang ating mga gawa. Hindi sapat ang mga salita lamang.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento