Huwebes, Setyembre 9, 2021

KALIGTASAN AT BUHAY ANG KANYANG HANGAD

14 Setyembre 2021 
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 


Ang pangalan ng pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay "Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal." Tiyak na nababatid natin ang halaga ng krus ni Kristo sa ating pananampalataya bilang isang Simbahan. Ang krus ni Kristo ay sumasagisag sa Kanyang pagligtas sa atin. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ang bawat isa sa atin ay iniligtas ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang krus. Pag-ibig rin ang dahilan kung bakit binigyan tayo ng buhay ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Kanyang krus. Sa pamamagitan ng Banal na Krus ni Hesus na sagisag ng Kanyang pag-ibig para sa ating lahat, binigyan Niya ng kaligtasan at buhay ang bawat isa sa atin. 

Itinatampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang isa sa mga pinakamasikat na talata sa Banal na Bibliya. Sabi roon na hinangad ng Diyos na maligtas ang bawat tao dahil sa Kanyang pag-ibig. Ito ang dahilan kung bakit dumating sa mundong ito si Hesus. Si Hesus ay isinugo sa daigdig na ito upang iligtas ang sangkatauhan at bigyan sila ng isang bagong buhay bilang mga anak ng Diyos. Ang mga iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus ay binigyan Niya ng bagong buhay at kaligtasan. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, nagpamalas si Hesus ng kababaang-loob sa pamamagitan ng gawang ito. Ang kababaang-loob ni Kristo Hesus sa krus ay naghatid ng kaligtasan at bagong buhay sa lahat. Dahil sa Kanyang pag-ibig, buong kababaang-loob ipinasiya ni Hesus na ihandog ang sarili sa krus upang maligtas ang sangkatauhan. 

Sa Unang Pagbasa, inutusan ng Diyos si Moises na gumawa ng ahas na tanso upang mabuhay ang mga Israelitang Kanyang pinarusahan sa ilang. Katulad ng ginawa Niya para sa mga Israelita sa ilang, mayroon Siyang ibinigay para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ang Kanyang ibinigay para sa kaligtasan ng lahat ay walang iba kundi ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. 

Muli tayong pinaaalalahanan sa araw na ito na hindi hinahangad ng Diyos ang kapahamakan ng sangkatauhan. Bagkus, ang hangad ng Diyos ay magkaroon ng buhay ang sangkatauhan. Nais Niyang maligtas ang sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit si Hesus ay namatay sa krus at nabuhay na mag-uli. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento