8 Setyembre 2021
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria
Mikas 5, 1-4a (o kaya: Roma 8, 28-30)/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-23 (o kaya: 1, 18-23)
Sabi sa Pambungad na Antipona para sa Banal na Misa sa napakaespesyal na araw na ito: "Halina't ipagdiwang ang maligayang pagsilang ni Mariang Birheng Mahal na siyang nagluwal sa araw na si Kristong Diyos ng tanan." Napakalinaw kung gaano kahalaga para sa Simbahan ang araw ng Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria. Maaari nating ituring ang mga salitang ito bilang isang maikling paliwanag tungkol sa halaga ng araw na ito.
Ang araw na ito ay napakaespesyal para sa Simbahan dahil sa misyong ibinigay ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria. Ang Mahal na Birhen ay hinirang ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Hindi pangkaraniwan ang misyong ibinigay ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria. Ang Sanggol na dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan ay walang iba kundi ang mismong Bugtong na Anak ng Diyos. Sa kabila ng hirap ng kalooban ng Diyos, tinupad at sinunod pa rin ito ng Mahal na Birhen. Ang misyong ito ng Mahal na Ina, na binanggit sa Ebanghelyo, ay ang dahilan kung bakit ang araw na ito ay buong galak na ipinagdiriwang ng Simbahan.
Tampok sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ang isang propesiya tungkol sa pagdating ng isang dakilang hari. Ang katuparan ng pangakong ito ng Diyos ay isinasalaysay sa Ebanghelyo. Si Maria na anak nina Santa Ana at San Joaquin ay binigyan ng papel ng Diyos sa katuparan ng propesiyang ito. Inatasan siya upang maging ina ng ipinangakong dakilang hari na walang iba kundi si Kristo.
Hindi nagbuo ng sariling misyon ang Mahal na Inang si Maria. Iisa lamang ang pinanggalingan ng kanyang misyon. Ang kanyang misyon ay nagmula sa Diyos. Kahit na mahirap itong gawin, tinupad pa rin niya ang misyong bigay sa kanya ng Diyos. Sa pamamagitan nito, itinuturo sa atin ng Mahal na Birheng Maria na ang misyong ibinibigay ng Diyos ay nagbibigay ng saysay sa ating buhay. Ang misyong ibinibigay ng Diyos ay hindi pasakit na walang kabuluhan. Bagkus, ang Diyos ay nagbibigay ng misyon upang bigyan ng saysay ang buhay ng tao.
Oo, hindi madali ang kalooban ng Diyos para sa atin. Subalit, mayroon pa ring saysay ang pagtupad sa misyong ibinibigay sa atin ng Diyos. Sa mata ng Diyos, ang Kanyang plano para sa bawat isa sa atin ay may mabuting idudulot. Hindi magbibigay ng anumang bagay na walang kuwenta ang Panginoong Diyos. Ang lahat ng mga kaloob ng Diyos ay mayroong saysay.
Katulad ng Mahal na Inang si Maria, mamulat nawa tayo sa saysay ng misyong ibinibigay sa atin ng Diyos. Maibigay rin nawa natin ang ating matamis na "oo" sa misyong bigay sa atin ng Diyos. Tandaan, may saysay ang mga bigay ng Diyos sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento