3 Oktubre 2021
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Genesis 2, 18-24/Salmo 127/Hebreo 2, 9-11/Marcos 10, 2-16 (o kaya: 10, 2-12)
Maraming biro tungkol sa buhay mag-asawa. Sa mga birong iyon, binibigyan ng pansin ang iba't ibang aspeto ng buhay ng mga mag-asawa katulad na lamang ng kung sino kina mister at misis ang nakatoka sa paglilinis ng bahay o sa pag-aalaga ng mga anak. Isinasalungguhit sa mga birong ito kung paanong gaano nga ba talaga kalaki ang pagkakaiba ng buhay na may asawa at ang buhay na walang asawa. Madalas itong gawing katatawanan.
Wala namang masama kung mayroong mga mag-asawang magbibiro tungkol sa kanilang buhay bilang magkabiyak ng puso. Hindi naman mali iyon. Ang mali ay ang hindi pagseryoso sa kanilang mga asawa. Ang mali ay ang ituring na ang pag-aasawa bilang isang laro. Hindi naman laro ang pag-aasawa na maaari na lamang umayaw ang isa kapag nagsawa na siya sa kaniyang kabiyak. Dapat maging taos-puso at seryoso sa kanilang mga pangako ang mga mag-asawa. Dapat seryosohin ang buhay mag-asawa dahil hindi ito isang biro o laro.
Bakit kinakailangang maging seryoso sa isa't isa ang mga mag-asawa? Dahil ito ay isang biyaya ng Diyos. Ang pag-iisang-dibdib ay isang biyaya mula sa Diyos. Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Linggong ito ang katotohang ito tungkol sa napakagandang pagpapalang ito mula sa Panginoong Diyos. Isinalaysay kung paanong nilikha ng Panginoon ang babaeng si Eba para sa lalaking si Adan sa Unang Pagbasa. Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na sa simula pa lamang ay niloob ng Diyos na magsama ang isang babae at isang lalaki bilang mga mag-asawa. Sa Ikalawang Pagbasa, binigyan ng pansin ang pag-ibig ng Panginoong Hesukristo para sa sangkatauhan.
Kung paanong naging seryoso ang Diyos sa Kanyang pag-ibig para sa lahat ng tao, gaya ng inilarawan sa Ikalawang Pagbasa, kinakailangang maging seryoso sa isa't isa ang mga magkabiyak ng puso. Huwag nating kakalimutan na isang napakagandang biyaya mula sa Panginoong Diyos ang pag-iisang-dibdib. Iyan ang dahilan kung bakit kailangang maging seryoso at tapat sa pagtanggap sa biyayang ito ang mga mag-asawa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento