Huwebes, Setyembre 23, 2021

NASA PANIG NG DIYOS ANG MGA UMIIBIG AT SUMASAKSI SA KATOTOHANAN

26 Setyembre 2021
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Bilang 11, 25-29/Salmo 18/Santiago 5, 1-6/Marcos 9, 38-43. 45. 47-48 


Magkasingtulad ang tanong ni Apostol San Juan kay Hesus sa Ebanghelyo at ang tanong ni Josue kay Moises sa Unang Pagbasa. Tulad ni Moises sa Unang Pagbasa, tinanong si Hesus kung bakit hindi nila pinoproblema ang mga taong nangangaral at gumagawa ng mga kababalaghan sa Kanyang Ngalan kahit na hindi naman sila sumasama sa ibang mga alagad. Ang sabi ni Hesus, "Ang hindi laban sa atin ay panig sa atin" (Marcos 9, 40). Ang sagot ni Moises sa tanong ni Josue sa Unang Pagbasa ay magkatunog rin sa sagot ng Panginoong Hesus sa tanong ni Apostol San Juan sa Ebanghelyo. Sabi naman ni Moises na lalo lang siya matutuwa kapag ang mga Israelita ay naging mga propeta at mapuspos ng Espiritu ng Panginoon (Bilang 11, 29). 

Inaanyayahan ng Panginoon ang lahat ng tao na pumanig sa Kanya. Iyon talaga ang nais ng Panginoon. Nais ng Panginoon na tanggapin Siya ng lahat ng mga tao at pumanig sa Kanya. Nais ng Panginoong Diyos na piliin Siya ng mga tao nang buong puso upang maipagkaloob Niya sa kanila ang Espiritu Santo. Pero, hindi Niya ipipilit ang lahat ng tao na Siya'y tanggapin kung labag naman ito sa kanilang kalooban. Anuman ang pasiya ng bawat tao, igagalang iyan ng Diyos. 

Bukas sa lahat ang paanyaya ng Diyos na pumanig sa Kanya. Iyon nga lamang, may kailangang gawin ang mga magpapasiyang pumanig sa Panginoon. Dapat ibigin ng bawat magpapasiyang pumanig sa Diyos ang katotohanan. Umiibig sa katotohanan ang mga tunay na pumapanig sa Panginoon. Ito ay dahil sa Diyos nagmumula ang katotohanan. Ang Diyos ay ang bukal ng katotohanan. Iniibig rin ng Panginoong Diyos ang katotohanan na nagmumula sa Kanya. Dahil dito, ang mga magpapasiyang pumanig sa Diyos ay dapat umibig sa katotohanan. 

Si Apostol Santo Santiago ay nagpakita ng kanyang pag-ibig sa katotohanan na nagmumula sa Diyos sa Ikalawang Pagbasa. Ang kanyang malakas at buong pusong pagsaksi sa katotohanan na ipinamalas sa Ikalawang Pagbasa ay isang katibayan nito. Ang mga salita ni Apostol Santo Santiago sa Ikalawang Pagbasa ay patunay ng kanyang pag-ibig para sa katotohanang mula sa Diyos. Isa iyang tanda ng kanyang pag-ibig para sa Panginoon na ipinasiya niyang panigan nang buong puso at nang buong katapatan. 

Nais ba nating pumanig sa Panginoong Diyos? Ibigin, tanggapin, at sumaksi sa katotohanan nang buong puso. Buksan ang sarili sa Espiritu Santo. Kapag iyan ang ating ginawa, tunay ngang matutuwa sa atin ang Panginoon. Huwag tayo mag-alala dahil hindi Niya tayo pipigilan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento