15 Setyembre 2021
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35)
PABATID: Huwag po ninyong babasahin ang unang talata kapag hindi pa ninyo napanood ang "Code Geass: Lelouch of the Rebellion."
Tiyak na naging emosyonal para sa mga nakapanood ng "Code Geass: Lelouch of the Rebellion" ang nangyari sa huling kabanata nito. Sa huling kabanata ng nasabing serye, ibinunyag ang plano ni Lelouch, ang pangunahing karakter ng palabas na ito, matapos niyang sakupin ang maraming bansa sa mundo bilang Emperador ng Britannia. Nang mapagtanto ng kanyang kapatid na si Nunnally ang planong ito ni Lelouch, napaiyak siya. Napagtanto ni Nunnally na ginawa ng kanyang kuyang si Lelouch ang lahat alang-alang sa kanya. Ramdam ng mga manonood ang hapis at dalamhati ni Nunnally dahil sa pagkamatay ng kuyang inibig niyang tunay na si Lelouch. Pinlano ni Lelouch ang kanyang pagkamatay sa kamay ng bagong Zero na si Suzaku para sa kapakanan ng maraming tao. Zero Requiem ang tawag sa planong ito na buo mismo ni Lelouch.
Ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay tungkol sa pagdadalamhati at hapis. Sa araw na ito, inaanyayahan tayo ng Simbahan na pagnilayan ang hapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Isa lamang ang dahilan ng dalamhati ng Mahal na Birheng Maria - ang pagdurusa ng kanyang Anak na si Hesus.
Batid naman ng Mahal na Inang si Maria kung ano ang misyon ni Hesus bilang ipinangakong Mesiyas. Subalit, kahit batid pa niya ito dahil iyon ang kalooban ng Diyos, hindi ito nangangahulugang magiging manhid na siya sa mga hirap at sakit na titiisin at dadanasin ni Kristo. Tunay niyang inibig si Kristo na kanyang Anak. Dahil sa pag-ibig na ito, ang sakit na dinanas ni Kristo Hesus ay dinanas din niya sa kanyang puso. Ang mga pagdurusang tiniis ni Hesus ay tahimik ring tiniis ni Maria.
Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang hirap na tiniis ng Panginoong Hesus nang buong kababaang-loob bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang dalawang sandali sa buhay ng Mahal na Birhen kung saan labis na pagka-hapis ang kanyang naramdaman. Una, noong si Simeon ay nagsalita tungkol sa pagpapakasakit ni Hesus, at pangalawa, noong nasaksihan ng mga mata niya ang mga huling sandali ni Hesus na nakabayubay sa krus.
Labis pa ring nasaktan si Maria sa mga pagdurusang dinanas ni Hesus, kahit na alam niyang bahagi ito ng kalooban ng Diyos. Patunay ito na tunay niyang minamahal ang kanyang Anak na si Hesus. Dahil sa pag-ibig na ito, ang mga hirap at sakit na dinanas ni Hesus ay dinanas rin ni Maria sa katahimikan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento