Miyerkules, Hulyo 31, 2019

PAGHAHAYAG NG HIWAGA

6 Agosto 2019 
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (K) 
Daniel 7, 9-10. 11-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Lucas 9, 28b-36 


Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Daniel ang kanyang mga nakita sa isang pangitain. Tampok sa kanyang pangitain ang isang mahiwagang hari. Ang haring ito sa pangitain ni propeta Daniel ay hindi katulad ng mga hari sa daigdig. Ang mga hari sa daigdig ay namumuno nang pansamantala lamang. Kung ang mga hari sa daigdig ay bumababa mula sa kanilang mga trono at napapalitan, ang misteryosong haring tampok sa pangitain ni propeta Daniel ay nananatili. Ang kanyang pagkahari ay walang katapusan. Mananatiling hari magpakailanman ang mahiwagang hari sa pangitain ni propeta Daniel. Walang makakapalit sa kanya. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesus sa Bundok ng Tabor. Sa pamamagitan ng Pagbabagong-Anyo ni Hesus, nahayag ang hiwaga ng Kanyang identidad. Sino nga ba talaga ang Nazarenong ito? Bakit Siya naiiba sa iba pang mga kilalang personalidad? Ano nga ba ang meron sa Kanya? Anong espesyal sa Kanya? Bakit parang hindi Siya isang simpleng guro? Ang mga tanong na ito ay binigyan ng kasagutan ni Hesus sa Kanyang Pagbabagong-Anyo. Siya ang haring walang hanggan. Siya ang ipinangakong Mesiyas. Siya ang haring puspos ng pag-ibig para sa lahat. Dahil sa Kanyang pag-ibig, Siya'y dumating sa sanlibutan upang tubusin ang sangkatauhan. Iyan si Kristo Hesus. 

Tampok sa Ikalawang Pagbasa ang patotoo ni Apostol San Pedro ukol sa kanyang mga nasaksihan sa bundok noong nagbagong-anyo ang Panginoong Hesukristo. Isa siya sa tatlong apostol na nakasaksi sa pangyayaring ito. Nasaksihan nilang tatlo ang pagningning ni Kristo Hesus. Nasaksihan rin nila kung paanong nagpakita sina Moises at Elias at kung paano nilang kinausap si Kristo tungkol sa Kanyang misyon bilang Tagapagligtas. Nasaksihan rin nila kung paanong ang Ama ay nagsalita mula sa langit upang ipakilala kung sino si Kristo. Nasaksihan nila ang paghahayag ng hiwaga tungkol kay Hesus. 

Ang Pagbabagong-Anyo ni Hesus ay isang napakahalagang pangyayari sa Kanyang buhay sa lupa. Sa kabanatang ito ng Kanyang buhay sa lupa, nahayag ang hiwaga tungkol sa Kanyang sarili. Siya ang Diyos na nagkatawang-tao upang iligtas ang tao dahil sa Kanyang walang hanggang pag-ibig at kagandahang-loob. Siya ang tunay na hari. At ang Kanyang pagkahari ay walang hanggan. 

Sa Bundok ng Tabor, nahayag ang hiwaga tungkol sa Panginoong Hesus. Nahayag ang kadakilaan ng Kanyang pagkahari. Siya ang haring walang hanggan. Siya ang hari ng lahat ng tao. At bilang hari ng lahat ng tao, Siya ay may tunay na pag-ibig at kagandahang-loob para sa lahat. Patuloy Niyang ibinubuhos ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa lahat ng tao sa iba't ibang panig ng daigdig na umiibig at sumasamba sa Kanya. 

Martes, Hulyo 30, 2019

WALANG SAYSAY ANG BUHAY KUNG WALA ANG DIYOS

4 Agosto 2019 
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Mangangaral 1, 2; 2, 21-23/Salmo 89/Colosas 3, 1-5. 9-11/Lucas 12, 13-21 



Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga ng mayamang hangal. Ang aral o puntong nais iparating ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagsalaysay ng talinghagang ito sa mga tao ay huwag isentro ang buhay sa mga kayamanan dito sa daigdig. Lalo't higit ang mga kayamanan at iba pang mga bagay dito sa daigdig ay lilipas lamang. Maglalaho ang lahat ng bagay dito sa daigdig. Kapag isinentro natin ang ating buhay sa mga bagay na iyan, mawawalan ito ng kabuluhan. Ang buhay na nakasentro sa mga bagay dito sa daigdig ay walang saysay. 

Ang aral na tinalakay ni Kristo sa Ebanghelyo ay binigyan rin ng pansin sa Unang Pagbasa. Walang kabuluhan ang lahat ng gawain ng tao para sa kanyang sarili. Ang kanyang pagsusumikap at pamumuhanan ay walang saysay. Ang lahat ng gawin ng tao ay magdudulot lamang ng sakit at hinanakit. Para bang ipinapahiwatig na ang buhay dito sa lupa ay walang saysay. 

Hindi naman pinatatamaan ng manunulat ng Unang Pagbasa ang kasipagan. Ang kasipagan ay napakahalaga. Subalit, nagiging problema lamang ito kapag ang bawat isa'y inuudyok na maging sakim. Kapag kasakiman na ang motibo ng bawat isa na maging masipag sa kanyang paghahanap-buhay at pagsusumikap, mababaluktot ang kanyang mga pananaw. Iisipin niyang kayamanan ang nagpapaikot sa daigdig. Para sa mga sakim, walang magpapakuntento sa kanila. Habang nabubuhay pa sila sa daigdig na ito, kailangan nilang paramihin ang kanilang yaman. Wala na silang ibang hinahangad kundi ang kamunduhan. 

Isang halimbawa ng isang taong sakim ay ang mayamang hangal sa talinghaga ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo. Ang tanging hangarin ng mayamang hangal na ito ay pagyamanin ang kanyang sarili. Sarili lamang ang iniisip ng mayamang hangal na ito. Iniisip ng mayamang hangal na ito na umiikot sa mga yaman dito sa daigdig ang buhay. Isinentro niya ang kanyang buhay sa kanyang mga yaman. Kaya, ang kanyang buhay sa lupa ay walang kabuluhan, tulad ng pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa. Ang kanyang pagsusumikap at paghahanap-buhay ay walang kabuluhan dahil ipinagpalit niya ang Diyos sa mga bagay dito sa daigdig na lilipas lamang. Sa halip na isentro sa Panginoon ang kanyang buhay, isinentro niya ito sa mga kayamanang lilipas rin pagdating ng panahon. 

Paano natin bibigyan ng kabuluhan ang ating buhay? Si Apostol San Pablo mismo ang sumagot sa tanong na ito sa Ikalawang Pagbasa. Sinabi niyang ang mga bagay na nauukol sa langit ang dapat nating isipin (3, 2). Isentro natin ang ating buhay sa Diyos. Isapuso't isaisip natin ang mga turo't aral ni Kristo. Talikdan at tutulan ang mga tukso't pang-aakit ng laman. Papasukin natin ang Panginoon sa ating buhay at iluklok Siya bilang hari ng ating mga buhay. Pairalin natin ang Kanyang kalooban. Kapag iyan ang ating ginawa, magiging makabuluhan ang ating buhay. 

Magiging makabuluhan ang ating buhay kung ang Diyos lamang ay nasa sentro nito. Kapag Siya ang naghari sa ating mga puso, kapag pinahintulutan natin ang Diyos na tuparin ang Kanyang kalooban sa pamamagitan natin, magkakaroon ng saysay ang ating buhay. Kapag ang mga bagay dito sa daigdig, na maglalaho lamang pagdating ng panahon, ay ginawa nating hari ng ating buhay, sinasayang natin ang bawat sandali ng ating buhay. Sayang ang buhay natin kapag ang Panginoon ay wala sa sentro nito. Siya lamang ang nagbibigay ng kabuluhan sa ating buhay. Kung ang Diyos ay wala sa sentro ng ating buhay, walang saysay ang ating buhay. 

Lunes, Hulyo 29, 2019

TINALIKURAN ANG LAHAT PARA SA DIYOS

31 Hulyo 2019 
Paggunita kay San Ignacio ng Loyola, pari 
Exodo 34, 29-35/Salmo 98/Mateo 13, 44-46 


Sa Unang Pagbasa, itinampok ang papel na ginampanan ni Moises matapos niyang tanggapin ang dalawang panibagong tapyas na bato kung saan muling isinulat ng Diyos ang Kanyang Sampung Utos. Siya ang kumausap sa Panginoong Diyos alang-alang sa mga Israelita. Sasabihin ng Panginoong Diyos kay Moises ang lahat ng mga nais Niyang iparating sa mga Israelita. Ang mga ipinasabi ng Panginoong Diyos kay Moises ay kanya namang inihayag sa mga Israelita. 

Ang Diyos na nagsalita kay Moises sa Lumang Tipan ay bumaba sa langit at naging tao pagdating ng takdang panahon sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ni Hesukristo, ang Diyos ay namuhay sa piling ng Kanyang bayan. Siya mismo ang nagsalita sa Kanyang bayan. Sa Lumang Tipan, hinirang Niya ang mga propeta upang maging Kanyang mga tagapagsalita sa Kanyang bayan. Sila ang iniatasang magsalita sa Kanyang Ngalan. Subalit, sa Bagong Tipan, mismong ang Diyos ang nagsalita sa Kanyang bayan. Siya mismo ang naglahad sa lahat ng mga bumubuo ng Kanyang bayan ang Kanyang mga aral at salita. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo ang isa sa mga pagkakataon kung saan si Hesus ay nangaral sa mga tao. Dalawang talinghaga ang isinalaysay ni Hesus sa Kanyang pangaral sa Ebanghelyo. Subalit, iisa lamang ang larawang ginamit ng Panginoong Hesus sa dalawang talinghaga na Kanyang isinalaysay sa mga tao - ang larawan ng kayamanan. Sa pamamagitan ng dalawang talinghagang ito, inihayag ng Panginoon na sa Kanya lamang matatagpuan ang tunay na kayamanan. Ang kayamanang mula sa Diyos ay hindi matutumbasan o mahihigitan ng anumang kayamanan dito sa lupa. Iyan ang aral mula sa dalawang talinghagang ito ni Kristo. Ang tunay na yaman ay masusumpungan lamang sa piling ng Diyos lamang. Ang kayamanang bigay ng Diyos sa langit ay ang tunay na kayamanan. 

Si San Ignacio de Loyola ay pinukaw ng Salita ng Diyos na baguhin ang kanyang buhay. Matapos mapinsala sa isang digmaan, nagbasa siya ng mga libro tungkol kay Kristo at sa iba pang mga santo at santa. Habang binabasa niya mga librong iyon, ang Diyos ay kumilos. Tinulungan siya ng Diyos na magbagong-buhay. At mula sa pagiging isang ambisyosong kawal na naghangad ng mga yaman at kapangyarihan dito sa daigdig, siya'y naging kawal ng Panginoon. Tinalikuran niya ang kanyang mga pangarap bilang isang kawal at inialay ang kanyang sarili sa Diyos. Nang piliin niyang tahakin ang landas ng kabanalan at ialay ang kanyang sarili sa Diyos, ang tunay na yaman ay kanyang nasumpungan.

Nahanap ni San Ignacio de Loyola ang tunay na yaman sa Diyos. Tinalikuran niya ang lahat ng bagay dito sa daigdig para sa Diyos. Inihandog niya ang buo niyang sarili sa Diyos. Katulad ni San Ignacio de Loyola, talikuran natin ang lahat ng bagay dito sa daigdig. Tutulan natin ang mga pang-aakit ng daigdig. Talikuran natin ang mga bagay na makamundo. Italaga natin ang ating mga sarili sa Diyos. Mamuhay tayo para sa Kanya. Doon lamang nating matatamasa ang tunay na kayamanan na nagmumula sa Kanya. Ang kayamanang kaloob ng Diyos ang tunay na kayamanan. Hindi ito matutumbasan ng anumang yaman dito sa daigdig. 

Biyernes, Hulyo 26, 2019

PAIRALIN ANG PANANALIG AT PAG-IBIG SA PANGINOON

29 Hulyo 2019 
Paggunita kay Santa Marta 
1 Juan 4, 7-16/Salmo 33/Juan 11, 19-27 (o kaya: Lucas 10, 38-42)


Inilahad sa Ebanghelyo ang pinag-usapan nina Hesus at Santa Marta. Ang tampok na eksenang ito ay bahagi ng mahabang salaysay ng muling pagbuhay kay Lazaro. Bago muling buhayin si San Lazaro, inihayag ni Hesus kay Santa Marta na Siya ang muling pagkabuhay at ang buhay (11, 25). At inihayag ni Santa Marta ang kanyang pananalig sa Panginoong Hesus bilang tugon sa Kanyang inihayag at ipinangako. Sa kabila ng pagdadalamhati at pagluluksa dahil sa pagpanaw ng kanyang kapatid na si San Lazaro, ipinasiya ni Santa Marta na manalig sa Panginoon. 

Sa pambungad ng Unang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Juan na ang Diyos ang pinagmulan ng pag-ibig. Kaya, nararapat lamang na tayo'y mag-ibigan. Iyan ang ipinasiya ni Santa Marta. Ipinasiya niyang manalig sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang pasiyang manalig sa Diyos, inihayag ni Santa Marta ang kanyang pag-ibig para sa Diyos. Pinairal niya sa kanyang pamumuhay ang pananalig at pagmamahal sa Diyos. Namuhay siyang may pananalig at pagmamahal sa Panginoong Diyos. 

Nakakalungkot isipin na may mga pagkakataon sa buhay natin kung saan ang pag-ibig at pananalig sa Diyos ay hindi nating pinapairal. May mga pagkakataon kung saan ibinibigay natin ang ating pananalig at pag-ibig sa mga taong nagpapairal ng mga taliwas sa mga utos at loobin ng Diyos. Ibinibigay natin ang ating pananalig at pag-ibig sa mga taong walang paggalang sa buhay at sa Diyos. Ibinigiay natin ang ating pananalig at pag-ibig sa mga taong nagsisinungaling at naninira ng iba para lamang mapagtakpan ang kanyang mga masasamang balak o intensyon na nais niyang pairalin. Nakakalungkot isipin na ginagawa natin silang mga diyus-diyusan. Ipinagpapalit natin ang Panginoon sa kanila. Nakakalungkot isipin na kaya nating gawin at pairalin ang mga iyon. 

Katulad ng iba pang mga santo't santa, itinuturo sa atin ni Santa Marta kung kanino dapat ibigay ang ating pananalig at pag-ibig. Tayong lahat ay tinuturuan ni Santa Marta na manalig at umibig sa Panginoon. Itinuturo niya sa atin na ang Panginoon ay hindi dapat ipagpalit. Bagkus, Siya lamang ang dapat sambahin nang may buong pusong pananalig at pag-ibig para sa Kanya. Iyan ang kanyang ginawa sa bawat sandali ng kanyang buhay sa lupa. Ang kanyang ginawang pamumuhay nang may pananalig at pag-ibig sa Panginoon sa bawat sandali ng kanyang paglalakbay sa lupa ay isang halimbawa na dapat nating tularan. 

Huwebes, Hulyo 25, 2019

ANG UGNAYAN NG PANANALIG AT PANALANGIN

28 Hulyo 2019 
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Genesis 18, 20-32/Salmo 137/Colosas 2, 12-14/Lucas 11, 1-13 


May dalawang bahagi na bumubuo sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, itinuro ni Hesus ang pinakamasikat na panalangin na mas kilala bilang "Ama namin". At sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, itinuro ni Hesus ang kahalagahan ng pananalig kapag nananalangin sa Diyos. Sa dalawang bahaging ito, itinuro ni Hesus ang mga katangian ng panalangin. Ipinaliwanag rin Niya kung bakit napakahalaga ang pananalig sa panalangin. Para kay Hesus, hindi maaaring paghiwalayin ang dalawang ito dahil ang panalangin ay naghahayag ng pananalig sa Diyos. Walang silbi ang panalangin ng isang tao sa Diyos kapag wala naman siyang taglay na pananalig sa kanyang puso. Sapagkat ang pananalig sa Panginoong Diyos ay nahahayag sa pamamagitan ng panalangin. 

Kapag nanalangin ang isang tao, kinikilala niya ang Diyos. Ipinapakita ng bawat tao ang kanyang pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Kaya, ang bawat isa'y nananalangin sa Diyos dahil nananalig silang tutugunan Niya ang mga ito. Sa pamamagitan ng pananalangin, kinikilala ng bawat tao ang presenya ng Diyos. Ang Diyos ay kinikilala nila. Kinikilala nila na ang Diyos ay tunay na buhay at hindi isang guni-guni o kathang-isip lamang. Ang Diyos ay tunay na buhay at patuloy na nabubuhay kailanman.  

Ang temang ito ay tinalakay sa Salmo. "Noong ako ay tumawag, tugon Mo'y aking tinanggap" (137, 3a). Tampok sa mga katagang ito ang pananalig ng mang-aawit ng Salmo. Nanalig ang mang-aawit ng Salmo na tutugunan ng Panginoong Diyos ang kanyang panalangin. Iyan ang aral na nais iparating ng mang-aawit ng Salmo. Ang bawat isa sa atin ay dapat magtaglay ng pananalig sa ating mga puso kapag tayo'y nanalangin sa Diyos. Bakit pa tayo mananalangin sa Panginoon kung wala naman tayong pananalig sa Kanya? Ano pa ba ang silbi ng pananalangin sa Diyos kung hindi naman natin Siya pananaligan? 

Tampok sa salaysay sa Unang Pagbasa ang isa sa mga pagkakataon kung saan inihayag ni Abraham ang kanyang pananalig sa Diyos. Ang kanyang pagtatanong sa Diyos ay hindi nagpapatunay ng kanyang pagdududa. Bagkus, inihayag ng kanyang mga katanungan sa Panginoon ang kanyang pananalig. Si Abraham ay nanalig na hindi pababayaan ng Panginoon na mapahamak ang mga matutuwid. Nanalig si Abraham na ililigtas ng Diyos ang kanyang kamag-anak na si Lot na noo'y nakatira sa Sodoma. Dahil sa kanyang pananalig, siya'y nanalangin nang buong kataimtiman para sa kaligtasan nina Lot at ng kanyang pamilya.

Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa kahalagahan ng pananalig sa Diyos. Ang pananalig sa Diyos ay napakahalaga para sa lahat ng mga Kristiyano sapagkat iyan naman talaga ang tunay na kadahilanan kung bakit nga ba nila tinanggap ang Kristiyanismo. Sila'y naging Kristiyano dahil ipinasiya nilang ibigay ang kanilang pananalig sa Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit nagpasiyang magpabinyag ang mga sinaunang Kristiyano. Pinili nilang tanggapin ang Panginoon at manalig sa Kanya. Pinili nilang makipag-ugnayan sa Panginoon. Ipinasiya nilang dumulog at lumapit sa Panginoong Diyos. Iyan ay dahil Siya lamang ang kanilang maaasahan at pananaligan sa lahat ng oras. Hindi Siya nambibigo kailanman. Kaya, iyan ang kanilang ipinasiya. 

Huwag nating kalimutan ang dahilan kung bakit tayo'y nananalangin. Tayong lahat ay nananalangin dahil nananalig tayo sa Panginoon. Manalig tayo na ang ating mga panalangin ay Kanyang tutugunan. Manalig tayo sa kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos. Iyan ang aral ng panalangin. Ang ating pananalig sa Diyos ay nahahayag sa pamamagitan ng panalangin. Kaya, napakahalaga ang pananalig sa panalangin. Kapag tayo'y nanalangin, inihahayag natin na ang Diyos ay ating pinanaligan. 

Kapag walang taglay na pananalig ang ating pagdulog sa Panginoong Diyos, hindi na iyan panalangin. Ngumangawa lamang tayo kapag iyon ang ating ginawa. Ang tunay na panalangin ay may kalakip na pananalig. Ang panalangin ay sumasalamin sa pananalig ng bawat Kristiyano sa Diyos. Kaya, ang pananalig ay napakahalaga sa panalangin. Sa ating pananalangin sa Diyos araw-araw, dapat nating taglayin sa ating mga puso ang ating pananalig sa Kanya. 

Biyernes, Hulyo 19, 2019

ANG PANGINOON LAMANG ANG DAPAT KASABIKAN

22 Hulyo 2019 
Kapistahan ni Santa Maria Magdalena 
Awit ni Solomon 3, 1-4a (o kaya: 2 Corinto 5, 14-17)/Salmo 62/Juan 20, 1-2. 11-18 


"Aking kinasasabikan, Panginoon, Ikaw lamang" (Salmo 62, 2b). Ang mga salitang ito sa Salmong Tugunan ay akmang-akma sa temang pinagtutuunan ng pansin sa pagdiriwang ng Kapistahan ni Santa Maria Magdalena. Kung tutuusin, iyan ang aral na nais ituro sa atin ni Santa Maria Magdalena na itinatampok ng Simbahan sa araw na ito ng pista sa kanyang karangalan. Itinuturo ni Santa Maria Magdalena na wala tayong dapat kasabikan sa ating buhay kundi ang Panginoong Hesus lamang. Siya mismo ay naging halimbawa nito. Wala siyang ibang hinangad kundi mahalin ang Panginoong Hesukristo nang buong katapatan. Kaya naman, siya'y itinampok ng Simbahan sa araw na ito ng kanyang pista. 

Hindi makamundo ang pananabik ni Santa Maria Magdalena kay Kristo. Kaya lang, sa paglipas ng panahon, nag-iba na ang kahulugan ng salitang "pananabik" at iba pang mga salitang katulad nito. Ang salitang "pananabik" at iba pang mga salitang katulad nito ay nadagdagan ng mga malalaswang kahulugan. Kaya nga, madalas gamitin sa mga pamagat o 'di kaya sa mga dialogo ng mga pelikulang bomba ang mga salitang ito. Nakakalungkot isipin na ang kahulugan ng mga salitang ito ay binabaluktot at ginagawang malaswa. 

Ang pananabik ni Santa Maria Magdalena sa Panginoong Hesus ay tunay at malinis. Ang pananabik ni Santa Maria Magdalena sa Panginoong Hesus ay walang bahid ng malisya o kalaswaan. Ni isang patak ng kamunduhan ay hindi nakita kay Santa Maria Magdalena. Wala siyang ibang kinasabikan kundi si Kristo Hesus na naghahatid ng tunay na pag-ibig para sa lahat. At ang tunay na pag-ibig ni Hesus ay walang hanggan. At para kay Santa Maria Magdalena, sapat na si Hesus na tunay na umiibig at nagmamagandang-loob. 

Sa Unang Pagbasa mula sa ikatlong kabanata ng Awit ni Solomon, inilarawan ang tunay na pag-ibig na nagmumula sa Diyos. Naranasan ni Santa Maria Magdalena kay Kristo ang tunay na pag-ibig na yaon. Kaya, walang ibang hinangad si Santa Maria Magdalena kundi ang pag-ibig na kaloob ng Panginoon. At iyon ay sapat na para sa kanya. 

Tulad ni Santa Maria Magdalena, kasabikan natin ang pag-ibig ng Diyos. Huwag nating kasabikan ang kamunduhan. Huwag tayong magpaakit sa kalaswaan o sa pita ng laman. Bagkus, kasabikan lamang natin ang Diyos. Ang Panginoon lamang ang dapat kasabikan sa lahat ng oras. At kapag iyan ang ating ipinasiyang gawin, tayong lahat ay magiging tunay na maligaya at kuntento. Sapat na ang Panginoon. Wala na tayong hahanapin o hahangarin pa. 

Huwebes, Hulyo 18, 2019

ANG DAPAT MAGING UNA SA ATING BUHAY

21 Hulyo 2019 
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Genesis 18, 1-10a/Salmo 14/Colosas 1, 24-28/Lucas 10, 38-42 


Unahin ang Diyos. Iyan ang paksang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Ang dapat maging pangunahing prioridad sa ating buhay ay ang Panginoon. Nararapat lamang na Siya'y nasa sentro ng ating buhay. Hindi dapat maagawan ninuman o anumang bagay ang puwesto ng Diyos sa ating buhay. Ang Diyos ang dapat maging sentro ng ating buhay at wala nang iba pa. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong ang Panginoong Diyos ay dumalaw kay Abraham. Noong siya'y dalawin ng Diyos, ibinigay ni Abraham ang buo niyang atensyon. Inasikaso niya ang Panginoong noong Siya'y dumalaw sa kanya. Inihayag naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang kanyang galak dahil sa mga paghihirap na kanyang dinaranas alang-alang sa Panginoong Hesus. Ang lahat ng mga tiisin sa buhay ay buong puso niyang tinanggap dahil kay Kristo. Ikinagalak ni Apostol San Pablo ang bawat tiisin na kanyang binabata dahil si Kristo ang nasa sentro ng kanyang buhay. At sa Ebanghelyo, dinalaw ni Hesus ang magkapatid na Marta, Maria, at Lazaro. Ipinagtanggol ni Hesus ang pasiya ni Maria na maupo na lamang sa Kanyang paanan upang makinig sa Kanya. Katunayan, pinuri Niya ang dalawang magkapatid na babae dahil sa kanilang mga ipinakita. Una, si Marta para sa kanyang kasipagan sa paghahanda. At pangalawa, si Maria dahil pinili niyang makinig sa Panginoong Hesukristo. 

Para kay Hesus, mas importante na maging sentro Siya ng buhay ng bawat isa. Siya ang dapat maging unang prioridad. Hindi Niya tinutulan ang kasipagang ipinakita ni Marta. Subalit, ang problema lamang kay Marta ay hindi niya alam kung ano ang dapat unahin. Para bang mas importante ang handaan kaysa kay Hesus. Naging sentro na ng kanyang atensyon ang handaan kaysa kay Hesus. Kaya, nakalimutan ni Marta sa mga sandaling iyon na sa Panginoong Hesus dapat sumentro ang kanyang oras at atensyon sa mga sandaling iyon. At lalo't higit sa bawat sandali ng kanyang buhay. Ang Panginoong Hesus ang dapat maging una. 

Nakakalungkot isipin na may mga pagkakataon kung saang nakakalimutan nating isentro ang ating buhay sa Panginoon. May mga pagkakataon kung saang nasisilaw tayo sa pera. May mga pagkakataon kung saan tayo'y nasisilaw sa relasyon. May mga pagkakataon kung saan nasisilaw tayo sa kamunduhan. Ang daming bagay na ginagawa nating sentro ng ating buhay. Mga bagay na mawawala din naman balang araw. Mga magpapaligaya sa atin nang pansamantala. Nakakalungkot, hindi na ang Diyos ang sentro ng ating buhay kundi ang mga bagay dito sa mundo. 

Wala namang problema sa pagiging mayaman. Wala ring problema sa pagkakaroon ng magandang relasyon sa mga kaibigan at pamilya. Wala rin namang problema sa pagkakaroon ng kasintahan o asawa. Magkakaroon lamang ng malaking problema kapag tao o kayamanan na ang ginawang sentro ng buhay natin. Kapag sila na ang ginawa nating sentro ng ating buhay sa halip na ang Diyos, makatitiyak tayo na isang napakalaking problema ang ating haharapin. 

Huwag nating ipagpalit ang Diyos sa sinuman o anumang bagay. Ibalik natin Siya sa sentro ng ating buhay. Ibigay sa Kanya ang nararapat. Ibigay natin sa Kanya ang buo nating puso't kaluluwa. Italaga natin ang ating mga sarili sa Kanya. Ang Diyos ang dapat maging una sa ating buhay. Sa Kanya dapat nakasentro ang buhay natin. 

Lunes, Hulyo 15, 2019

GALAK NG PAGIGING MGA KAPAMILYA NG DIYOS AT NG MAHAL NA INA

16 Hulyo 2019 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen 
Zacarias 2, 14-17/Lucas 1/Mateo 12, 46-50 


Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na ang mga sumusunod sa kalooban ng Ama ay ang Kanyang ina at mga kapatid (12, 50). Sabi naman ng Mahal na Birheng Maria noong ibinigay niya ang Eskapularyo kay San Simon Stock noong siya'y nagpakita sa nasabing santo na ang sinumang magsusuot nito ay maliligtas mula sa walang hanggang apoy ng impyerno. 

Isang bagay lamang ang pinagtuunan ng pansin ng Panginoong Hesus sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo at ng Mahal na Birheng Maria noong ibinigay niya kay San Simon Stock ang Eskapularyo. Ang pagiging bahagi ng pamilya ng Diyos. Ang bawat isa sa atin ay itinuring ng Diyos na Kanyang mga kapamilya. Tayong lahat ay inaanyayahan ng Diyos na maging bahagi ng Kanyang pamilya. At ang Eskapularyo ay sumasagisag sa ating pasiya na maging bahagi ng pamilya ng Diyos. At kapag pinili nating maging kapamilya ng Diyos, makakaranas tayo ng tunay na kagalakan sa Kanyang piling sa langit magpakailanman. 

Kung paanong ang pahayag ng Panginoong Diyos ay nagbigay ng galak sa Kanyang bayan sa Unang Pagbasa, Siya'y nagbigay ng galak sa ating lahat sa pamamagitan ng Mahal na Ina. Ang Eskapularyo ay isang biyaya mula sa Diyos. Ang Mahal na Ina ang nagbigay ng Eskapularyong ito. Sa pamamagitan ng pagsuot ng Eskpularyong ito, inihahayag ng bawat isa ang kanilang pagtatalaga ng sarili sa Panginoon at sa maka-inang pagkalinga ng Mahal na Birhen. 

May paanyaya si Kristo sa bawat isa sa atin. Maging bahagi ng Kanyang pamilya. Kung tatanggapin natin ang paanyayang ito ng Panginoon at kung itatalaga natin ang ating mga sarili sa Kanya at sa Mahal na Ina, tayong lahat ay Kanyang ililigtas sa katapusan ng ating buhay dito sa lupa. Makakamit natin ang biyaya ng walang hanggan sa piling ng Panginoon sa langit kapag iyon ang ating gagawin. Sa piling ng Panginoon sa Kanyang kaharian sa langit, makakamit nating lahat ang pangako ng walang hanggang kaligayahan. 

Huwebes, Hulyo 11, 2019

MAGING SALAMIN NG KANYANG AWA

14 Hulyo 2019 
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Deuteronomio 30, 10-14/Salmo 68 (o kaya: Salmo 18)/Colosas 1, 15-20/Lucas 10, 25-37 


Pinagtuunan ng pansin ni San Lucas ang larawan ng Panginoong Hesukristo bilang maawaing Panginoon sa kabuuan ng kanyang Ebanghelyo. Layunin ni San Lucas na ipakilala si Hesus sa mga Hentil bilang Panginoong puspos ng awa. At ang awa ni Hesus ay para sa lahat. 

Inilahad ni San Lucas sa kabuuan ng kanyang Ebanghelyo kung paanong ipinakita ni Hesus ang Kanyang awa sa pamamagitan ng Kanyang mga salita't gawa. Para kay San Lucas, ang awa ni Hesus ay nasa sentro ng Kanyang misyon bilang Mesiyas. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kanyang awa, ipinapakilala ng Panginoong Hesus ang Kanyang sarili. Siya ang Diyos na puspos ng awa para sa lahat ng tao. At ang Kanyang awa ay walang hanggan. Ang Kanyang walang hanggang awa ang tunay na dahilan kung bakit ipinasiya Niyang magkatawang-tao katulad ng bawat isa sa atin, maliban sa kasalanan, upang tayong lahat ay iligtas. Tayong lahat ay iniligtas ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Kaya, ang lahat ng mga sinabi at ginawa ng Panginoong Hesukristo mula noong magsimula ang Kanyang ministeryo hanggang sa bawat yugto ng Kanyang Misteryo Paskwal ay nakaugat sa misteryo ng Kanyang awa. Inihayag ng Panginoong Hesus ang awa ng Diyos sa Kanyang mga pangaral at mga kababalaghan. Iyan ang patunay na ang lahat ng mga kilos at salita ng Panginoon ay sumasalamin sa Kanyang awang walang hanggan. 

Hinihimok rin ni Kristo ang lahat ng mga nananalig at sumusunod sa Kanya na tularan ang Kanyang halimbawa. Maging mga salamin ng Kanyang awa. Iyan ang pangunahing aral ng Kanyang mga talinghaga. Isa sa mga talinghaga ng Panginoon na inilihad ni San Lucas sa kanyang Ebanghelyo ay ang talinghaga ng Mabuting Samaritano, ang talinghagang tampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Iisa lamang ang aral na ipinaparating ni Kristo sa talinghagang ito. Magpakita ng awa sa kapwa katulad ng ginawa Niyang pagpapakita ng awa sa lahat. Kahit tayo'y mga makasalanan, hindi ipinagkait ni Kristo ang Kanyang awa sa atin noong ipinasiya Niyang harapin at tanggapin ang bawat yugto ng Kanyang Misteryo Paskwal. Kaya, wala tayong karapatan para ipagkait sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga inaapi ng lipunan. 

Sabi ni Moises sa Unang Pagbasa na iniukit ng Diyos ang Kanyang mga utos sa puso ng bawat Israelita. Iniukit ng Panginoong Diyos ang Kanyang mga utos sa puso ng bawat Israelita upang hindi sila maligaw ng landas. Ayaw Niyang mapahamak ang Kanyang bayan dahil sa kanilang mga kasalanan. Bagkus, nais ng Panginoong Diyos na makapamuhay nang malaya at ligtas ang Kanyang bayan. Tunay silang magiging ligtas at malaya kapag ang mga utos ng Panginoon ay kanilang susundin. Iyan ang dahilan kung bakit iniukit ng Panginoon ang Kanyang mga utos sa puso ng bawat Israelita. Iyan ang naghayag ng Kanyang awa para sa kanila. 

Inihayag ni Apostol San Pablo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa na si Kristo ang larawan ng Diyos. Bilang larawan ng Diyos, inihayag ni Kristo ang Kanyang awa para sa lahat. Sa pamamagitan ni Kristo, ang awa ng Diyos ay pumasok sa daigdig. Namalas ng lahat ng tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus ang kapangyarihan at kadakilaan ng awa ng Diyos. Ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili bilang isang bathalang puspos ng awa para sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

May misyon si Hesus, ang Panginoon at Hari ng Awa, para sa bawat isa sa atin na nananalig at sumusunod sa Kanya. Maging mga Mabuting Samaritano. Maging mga salamin ng Kanyang awa. Ipakita natin sa kapwa natin ang awa ng Panginoon na para sa lahat. Kung paanong ipinakita sa atin ng Panginoong Hesus ang Kanyang awa, ipakita rin natin ito sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga inaapi. 

Huwebes, Hulyo 4, 2019

TUPA SA GITNA NG MGA ASONG-GUBAT

7 Hulyo 2019 
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Isaias 66, 10-14k/Salmo 65/Galacia 6, 14-18/Lucas 10, 1-12. 17-20 (o kaya: 10, 1-9) 


Nakatuon ang pansin ng mga Pagbasa sa misyon ng mga apostol. Ang mga apostol ay hinirang ng Panginoong Hesukristo upang ipangaral ang Mabuting Balita. Ito'y mas binibigyan ng pansin sa Ebanghelyo kung saan isinugo ni Hesus ang pitumpu't dalawang alagad nang dala-dalawa sa iba't ibang mga bayan sa kapuluan. 

Subalit, sa paghirang at pagsugo sa pitumpu't dalawa, hindi inilihim ni Hesus ang katotohanan tungkol sa kanilang misyon. Hindi Niya nilinlang ang mga apostoles tungkol sa misyong ito. Bagkus, sinabi Niya ang katotohanan tungkol sa misyong ibibigay Niya sa kanila. Tunay ngang napakahirap ng misyong ibinigay sa kanila ni Hesukristo. Iyon ang Kanyang ipinahiwatig sa kanila nang sabihin Niyang sila'y magiging parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat (10, 3). 

Kung tutuusin, hindi pa isinusugo ni Hesus ang Kanyang mga alagad sa iba't ibang panig ng daigdig. Ang pagsugo Niya sa mga apostol sa iba't ibang bahagi ng daigdig ay magaganap matapos Siyang mabuhay na mag-uli (Mateo 28, 16-20; Marcos 16, 14-18; Lucas 24, 44-49; Mga Gawa 1, 4-8). Maituturing na isang pagsasanay lamang ito para sa misyong ibibigay sa kanila ni Hesus matapos Siyang mabuhay na mag-uli. Inihahanda ni Hesus ang mga apostol para sa isang mas malaki at mas mahirap na tungkulin na Kanyang ibibigay sa kanila matapos ang Kanyang maluwalhating Muling Pagkabuhay. Subalit, hindi maipagkakaila na mahirap pa rin ang tungkuling ibinigay ni Hesus sa mga apostol sa yugtong ito ng Kanyang ministeryo. Hindi biro ang hirap ng responsibilidad na ibinigay ni Hesus sa mga apostoles sa eksenang ito sa Ebanghelyo ni San Lucas. Kung ang misyong ibinigay ni Hesus sa mga apostol ay tunay ngang mahirap, ano pa kaya ang misyong ibibigay Niya sa kanila matapos Siyang mabuhay na mag-uli? Hindi lamang isusugo ni Hesus ang mga apostol sa buong kapuluan ng Israel para sa misyong ibibigay Niya sa kanila matapos Siyang mabuhay na mag-uli kundi sa iba't ibang bahagi ng daigdig. 

Bakit mahihirapan ang mga apostol? Mabuti naman ang kanilang dala sa kanilang paglalakbay sa iba't ibang bayan? Ihahatid lamang nila ang galak at kapayapaang kaloob ni Kristo. Bakit sinabi ng Panginoon na ang mga apostol ay magiging tulad ng mga korderong sa gitna ng mga asong-gubat? 

Ang mga apostol ay magiging katulad ng mga asong-gubat dahil may mga tao o komunidad na hindi tatanggap sa kanila. Iyon ang nais iparating sa kanila ni Kristo noong ibinilin Niya ang mga dapat nilang gawin pagdating nila sa mga lugar na pupuntahan nila para sa misyong iyon (10, 8-10). Hindi nila matitiyak na sila'y tatanggapin sa mga bayang iyon. Kahit maganda at mabuti ang kanilang hatid sa mga bayang yaon, walang kasiguraduhan na sila'y tatanggapin. Sadyang may mga hindi tatanggap sa kanila o sa kapayapaan at galak ng Panginoon na kanilang dinadala sa kanilang paglalakbay. 

Hindi lamang ang mga apostol ang nakakaranas ng hindi pagtanggap dahil sa kanilang hatid. Ang mga propeta sa Matandang Tipan katulad ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa ay hindi tinanggap kahit na ang kanilang hatid ay ang mga pahayag ng Diyos. Kahit napakaganda ng ipinasabi ng Diyos kay propeta Isaias sa Kanyang bayan, tulad na lamang ng nasasaad sa Unang Pagbasa, nakaranas pa rin siya ng pag-uusig at pagtatakwil dahil hindi nila tinanggap ang mga pahayag ng Diyos. At sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na marami siyang tinitiis alang-alang sa Panginoong Hesus. Naranasan ni Apostol San Pablo kung ano ang dinanas ng mga kapwa niyang apostol sa bawat sandali ng kanyang misyon bilang saksi ni Kristo sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Ang karanasan ng mga apostol sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo ay tila isang patikim sa misyong ibibigay sa kanila ni Kristo bago Siya umakyat sa langit at sisimulan nila sa dakilang araw ng Pentekostes kung saan sila'y lulukuban ng Espiritu Santo. 

Kahit nga si Hesus ay hindi tinanggap ng karamihan. Isang halimbawa nito ay ang hindi pagtanggap sa Kanya ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Umabot pa nga iyon sa punto na kung saan ibubulid sana Siya ng Kanyang mga kababayan sa bangin (4, 28). Mula noon, hindi naging madali ang buhay ni Hesus. Kaya nga Siya namatay sa krus dahil hindi Siya tinanggap. Kung ang Anak ng Diyos na si Kristo Hesus ay inusig at pinatay dahil hindi Siya tinanggap, ano pa kaya ang Kanyang mga hinirang at isinugong lingkod sa iba't ibang panig ng daigdig? 

Ang misyon ng mga apostol ay ipinagpapatuloy ng Simbahan sa kasalukuyang panahon. Hindi tumigil ang Simbahan sa pagpapatuloy ng misyong ibinigay ni Kristo sa Kanyang mga apostol kailanman. Ang bawat Kristiyano'y inaanyayahan at hinahimok na maging kaisa ng Simbahan sa pagpapatuloy ng misyong ito. Ang bawat Kristiyano ay hinihimok na maging tagapagdala ng galak at kapayapaang nagmumula sa Panginoon. Subalit, hindi ito magiging madali. Hindi tayo magiging ligtas mula sa anumang pagsubok at pag-uusig sa buhay. 

Hindi madaling maging tagapaghatid ng kapayapaan at galak ni Kristo. Kaya, mahalaga na tanungin natin ang ating mga sarili kung handa tayong maging tapat sa Panginoon hanggang wakas. Tanungin natin ang ating mga sarili kung handa ba tayong maging mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat alang-alang kay Kristo.