16 Hulyo 2019
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen
Zacarias 2, 14-17/Lucas 1/Mateo 12, 46-50
Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na ang mga sumusunod sa kalooban ng Ama ay ang Kanyang ina at mga kapatid (12, 50). Sabi naman ng Mahal na Birheng Maria noong ibinigay niya ang Eskapularyo kay San Simon Stock noong siya'y nagpakita sa nasabing santo na ang sinumang magsusuot nito ay maliligtas mula sa walang hanggang apoy ng impyerno.
Isang bagay lamang ang pinagtuunan ng pansin ng Panginoong Hesus sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo at ng Mahal na Birheng Maria noong ibinigay niya kay San Simon Stock ang Eskapularyo. Ang pagiging bahagi ng pamilya ng Diyos. Ang bawat isa sa atin ay itinuring ng Diyos na Kanyang mga kapamilya. Tayong lahat ay inaanyayahan ng Diyos na maging bahagi ng Kanyang pamilya. At ang Eskapularyo ay sumasagisag sa ating pasiya na maging bahagi ng pamilya ng Diyos. At kapag pinili nating maging kapamilya ng Diyos, makakaranas tayo ng tunay na kagalakan sa Kanyang piling sa langit magpakailanman.
Kung paanong ang pahayag ng Panginoong Diyos ay nagbigay ng galak sa Kanyang bayan sa Unang Pagbasa, Siya'y nagbigay ng galak sa ating lahat sa pamamagitan ng Mahal na Ina. Ang Eskapularyo ay isang biyaya mula sa Diyos. Ang Mahal na Ina ang nagbigay ng Eskapularyong ito. Sa pamamagitan ng pagsuot ng Eskpularyong ito, inihahayag ng bawat isa ang kanilang pagtatalaga ng sarili sa Panginoon at sa maka-inang pagkalinga ng Mahal na Birhen.
May paanyaya si Kristo sa bawat isa sa atin. Maging bahagi ng Kanyang pamilya. Kung tatanggapin natin ang paanyayang ito ng Panginoon at kung itatalaga natin ang ating mga sarili sa Kanya at sa Mahal na Ina, tayong lahat ay Kanyang ililigtas sa katapusan ng ating buhay dito sa lupa. Makakamit natin ang biyaya ng walang hanggan sa piling ng Panginoon sa langit kapag iyon ang ating gagawin. Sa piling ng Panginoon sa Kanyang kaharian sa langit, makakamit nating lahat ang pangako ng walang hanggang kaligayahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento