Biyernes, Hulyo 26, 2019

PAIRALIN ANG PANANALIG AT PAG-IBIG SA PANGINOON

29 Hulyo 2019 
Paggunita kay Santa Marta 
1 Juan 4, 7-16/Salmo 33/Juan 11, 19-27 (o kaya: Lucas 10, 38-42)


Inilahad sa Ebanghelyo ang pinag-usapan nina Hesus at Santa Marta. Ang tampok na eksenang ito ay bahagi ng mahabang salaysay ng muling pagbuhay kay Lazaro. Bago muling buhayin si San Lazaro, inihayag ni Hesus kay Santa Marta na Siya ang muling pagkabuhay at ang buhay (11, 25). At inihayag ni Santa Marta ang kanyang pananalig sa Panginoong Hesus bilang tugon sa Kanyang inihayag at ipinangako. Sa kabila ng pagdadalamhati at pagluluksa dahil sa pagpanaw ng kanyang kapatid na si San Lazaro, ipinasiya ni Santa Marta na manalig sa Panginoon. 

Sa pambungad ng Unang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Juan na ang Diyos ang pinagmulan ng pag-ibig. Kaya, nararapat lamang na tayo'y mag-ibigan. Iyan ang ipinasiya ni Santa Marta. Ipinasiya niyang manalig sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang pasiyang manalig sa Diyos, inihayag ni Santa Marta ang kanyang pag-ibig para sa Diyos. Pinairal niya sa kanyang pamumuhay ang pananalig at pagmamahal sa Diyos. Namuhay siyang may pananalig at pagmamahal sa Panginoong Diyos. 

Nakakalungkot isipin na may mga pagkakataon sa buhay natin kung saan ang pag-ibig at pananalig sa Diyos ay hindi nating pinapairal. May mga pagkakataon kung saan ibinibigay natin ang ating pananalig at pag-ibig sa mga taong nagpapairal ng mga taliwas sa mga utos at loobin ng Diyos. Ibinibigay natin ang ating pananalig at pag-ibig sa mga taong walang paggalang sa buhay at sa Diyos. Ibinigiay natin ang ating pananalig at pag-ibig sa mga taong nagsisinungaling at naninira ng iba para lamang mapagtakpan ang kanyang mga masasamang balak o intensyon na nais niyang pairalin. Nakakalungkot isipin na ginagawa natin silang mga diyus-diyusan. Ipinagpapalit natin ang Panginoon sa kanila. Nakakalungkot isipin na kaya nating gawin at pairalin ang mga iyon. 

Katulad ng iba pang mga santo't santa, itinuturo sa atin ni Santa Marta kung kanino dapat ibigay ang ating pananalig at pag-ibig. Tayong lahat ay tinuturuan ni Santa Marta na manalig at umibig sa Panginoon. Itinuturo niya sa atin na ang Panginoon ay hindi dapat ipagpalit. Bagkus, Siya lamang ang dapat sambahin nang may buong pusong pananalig at pag-ibig para sa Kanya. Iyan ang kanyang ginawa sa bawat sandali ng kanyang buhay sa lupa. Ang kanyang ginawang pamumuhay nang may pananalig at pag-ibig sa Panginoon sa bawat sandali ng kanyang paglalakbay sa lupa ay isang halimbawa na dapat nating tularan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento