Biyernes, Hulyo 19, 2019

ANG PANGINOON LAMANG ANG DAPAT KASABIKAN

22 Hulyo 2019 
Kapistahan ni Santa Maria Magdalena 
Awit ni Solomon 3, 1-4a (o kaya: 2 Corinto 5, 14-17)/Salmo 62/Juan 20, 1-2. 11-18 


"Aking kinasasabikan, Panginoon, Ikaw lamang" (Salmo 62, 2b). Ang mga salitang ito sa Salmong Tugunan ay akmang-akma sa temang pinagtutuunan ng pansin sa pagdiriwang ng Kapistahan ni Santa Maria Magdalena. Kung tutuusin, iyan ang aral na nais ituro sa atin ni Santa Maria Magdalena na itinatampok ng Simbahan sa araw na ito ng pista sa kanyang karangalan. Itinuturo ni Santa Maria Magdalena na wala tayong dapat kasabikan sa ating buhay kundi ang Panginoong Hesus lamang. Siya mismo ay naging halimbawa nito. Wala siyang ibang hinangad kundi mahalin ang Panginoong Hesukristo nang buong katapatan. Kaya naman, siya'y itinampok ng Simbahan sa araw na ito ng kanyang pista. 

Hindi makamundo ang pananabik ni Santa Maria Magdalena kay Kristo. Kaya lang, sa paglipas ng panahon, nag-iba na ang kahulugan ng salitang "pananabik" at iba pang mga salitang katulad nito. Ang salitang "pananabik" at iba pang mga salitang katulad nito ay nadagdagan ng mga malalaswang kahulugan. Kaya nga, madalas gamitin sa mga pamagat o 'di kaya sa mga dialogo ng mga pelikulang bomba ang mga salitang ito. Nakakalungkot isipin na ang kahulugan ng mga salitang ito ay binabaluktot at ginagawang malaswa. 

Ang pananabik ni Santa Maria Magdalena sa Panginoong Hesus ay tunay at malinis. Ang pananabik ni Santa Maria Magdalena sa Panginoong Hesus ay walang bahid ng malisya o kalaswaan. Ni isang patak ng kamunduhan ay hindi nakita kay Santa Maria Magdalena. Wala siyang ibang kinasabikan kundi si Kristo Hesus na naghahatid ng tunay na pag-ibig para sa lahat. At ang tunay na pag-ibig ni Hesus ay walang hanggan. At para kay Santa Maria Magdalena, sapat na si Hesus na tunay na umiibig at nagmamagandang-loob. 

Sa Unang Pagbasa mula sa ikatlong kabanata ng Awit ni Solomon, inilarawan ang tunay na pag-ibig na nagmumula sa Diyos. Naranasan ni Santa Maria Magdalena kay Kristo ang tunay na pag-ibig na yaon. Kaya, walang ibang hinangad si Santa Maria Magdalena kundi ang pag-ibig na kaloob ng Panginoon. At iyon ay sapat na para sa kanya. 

Tulad ni Santa Maria Magdalena, kasabikan natin ang pag-ibig ng Diyos. Huwag nating kasabikan ang kamunduhan. Huwag tayong magpaakit sa kalaswaan o sa pita ng laman. Bagkus, kasabikan lamang natin ang Diyos. Ang Panginoon lamang ang dapat kasabikan sa lahat ng oras. At kapag iyan ang ating ipinasiyang gawin, tayong lahat ay magiging tunay na maligaya at kuntento. Sapat na ang Panginoon. Wala na tayong hahanapin o hahangarin pa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento