7 Hulyo 2019
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Isaias 66, 10-14k/Salmo 65/Galacia 6, 14-18/Lucas 10, 1-12. 17-20 (o kaya: 10, 1-9)
Nakatuon ang pansin ng mga Pagbasa sa misyon ng mga apostol. Ang mga apostol ay hinirang ng Panginoong Hesukristo upang ipangaral ang Mabuting Balita. Ito'y mas binibigyan ng pansin sa Ebanghelyo kung saan isinugo ni Hesus ang pitumpu't dalawang alagad nang dala-dalawa sa iba't ibang mga bayan sa kapuluan.
Subalit, sa paghirang at pagsugo sa pitumpu't dalawa, hindi inilihim ni Hesus ang katotohanan tungkol sa kanilang misyon. Hindi Niya nilinlang ang mga apostoles tungkol sa misyong ito. Bagkus, sinabi Niya ang katotohanan tungkol sa misyong ibibigay Niya sa kanila. Tunay ngang napakahirap ng misyong ibinigay sa kanila ni Hesukristo. Iyon ang Kanyang ipinahiwatig sa kanila nang sabihin Niyang sila'y magiging parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat (10, 3).
Kung tutuusin, hindi pa isinusugo ni Hesus ang Kanyang mga alagad sa iba't ibang panig ng daigdig. Ang pagsugo Niya sa mga apostol sa iba't ibang bahagi ng daigdig ay magaganap matapos Siyang mabuhay na mag-uli (Mateo 28, 16-20; Marcos 16, 14-18; Lucas 24, 44-49; Mga Gawa 1, 4-8). Maituturing na isang pagsasanay lamang ito para sa misyong ibibigay sa kanila ni Hesus matapos Siyang mabuhay na mag-uli. Inihahanda ni Hesus ang mga apostol para sa isang mas malaki at mas mahirap na tungkulin na Kanyang ibibigay sa kanila matapos ang Kanyang maluwalhating Muling Pagkabuhay. Subalit, hindi maipagkakaila na mahirap pa rin ang tungkuling ibinigay ni Hesus sa mga apostol sa yugtong ito ng Kanyang ministeryo. Hindi biro ang hirap ng responsibilidad na ibinigay ni Hesus sa mga apostoles sa eksenang ito sa Ebanghelyo ni San Lucas. Kung ang misyong ibinigay ni Hesus sa mga apostol ay tunay ngang mahirap, ano pa kaya ang misyong ibibigay Niya sa kanila matapos Siyang mabuhay na mag-uli? Hindi lamang isusugo ni Hesus ang mga apostol sa buong kapuluan ng Israel para sa misyong ibibigay Niya sa kanila matapos Siyang mabuhay na mag-uli kundi sa iba't ibang bahagi ng daigdig.
Bakit mahihirapan ang mga apostol? Mabuti naman ang kanilang dala sa kanilang paglalakbay sa iba't ibang bayan? Ihahatid lamang nila ang galak at kapayapaang kaloob ni Kristo. Bakit sinabi ng Panginoon na ang mga apostol ay magiging tulad ng mga korderong sa gitna ng mga asong-gubat?
Ang mga apostol ay magiging katulad ng mga asong-gubat dahil may mga tao o komunidad na hindi tatanggap sa kanila. Iyon ang nais iparating sa kanila ni Kristo noong ibinilin Niya ang mga dapat nilang gawin pagdating nila sa mga lugar na pupuntahan nila para sa misyong iyon (10, 8-10). Hindi nila matitiyak na sila'y tatanggapin sa mga bayang iyon. Kahit maganda at mabuti ang kanilang hatid sa mga bayang yaon, walang kasiguraduhan na sila'y tatanggapin. Sadyang may mga hindi tatanggap sa kanila o sa kapayapaan at galak ng Panginoon na kanilang dinadala sa kanilang paglalakbay.
Hindi lamang ang mga apostol ang nakakaranas ng hindi pagtanggap dahil sa kanilang hatid. Ang mga propeta sa Matandang Tipan katulad ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa ay hindi tinanggap kahit na ang kanilang hatid ay ang mga pahayag ng Diyos. Kahit napakaganda ng ipinasabi ng Diyos kay propeta Isaias sa Kanyang bayan, tulad na lamang ng nasasaad sa Unang Pagbasa, nakaranas pa rin siya ng pag-uusig at pagtatakwil dahil hindi nila tinanggap ang mga pahayag ng Diyos. At sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na marami siyang tinitiis alang-alang sa Panginoong Hesus. Naranasan ni Apostol San Pablo kung ano ang dinanas ng mga kapwa niyang apostol sa bawat sandali ng kanyang misyon bilang saksi ni Kristo sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Ang karanasan ng mga apostol sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo ay tila isang patikim sa misyong ibibigay sa kanila ni Kristo bago Siya umakyat sa langit at sisimulan nila sa dakilang araw ng Pentekostes kung saan sila'y lulukuban ng Espiritu Santo.
Kahit nga si Hesus ay hindi tinanggap ng karamihan. Isang halimbawa nito ay ang hindi pagtanggap sa Kanya ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Umabot pa nga iyon sa punto na kung saan ibubulid sana Siya ng Kanyang mga kababayan sa bangin (4, 28). Mula noon, hindi naging madali ang buhay ni Hesus. Kaya nga Siya namatay sa krus dahil hindi Siya tinanggap. Kung ang Anak ng Diyos na si Kristo Hesus ay inusig at pinatay dahil hindi Siya tinanggap, ano pa kaya ang Kanyang mga hinirang at isinugong lingkod sa iba't ibang panig ng daigdig?
Ang misyon ng mga apostol ay ipinagpapatuloy ng Simbahan sa kasalukuyang panahon. Hindi tumigil ang Simbahan sa pagpapatuloy ng misyong ibinigay ni Kristo sa Kanyang mga apostol kailanman. Ang bawat Kristiyano'y inaanyayahan at hinahimok na maging kaisa ng Simbahan sa pagpapatuloy ng misyong ito. Ang bawat Kristiyano ay hinihimok na maging tagapagdala ng galak at kapayapaang nagmumula sa Panginoon. Subalit, hindi ito magiging madali. Hindi tayo magiging ligtas mula sa anumang pagsubok at pag-uusig sa buhay.
Hindi madaling maging tagapaghatid ng kapayapaan at galak ni Kristo. Kaya, mahalaga na tanungin natin ang ating mga sarili kung handa tayong maging tapat sa Panginoon hanggang wakas. Tanungin natin ang ating mga sarili kung handa ba tayong maging mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat alang-alang kay Kristo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento