Huwebes, Hulyo 11, 2019

MAGING SALAMIN NG KANYANG AWA

14 Hulyo 2019 
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Deuteronomio 30, 10-14/Salmo 68 (o kaya: Salmo 18)/Colosas 1, 15-20/Lucas 10, 25-37 


Pinagtuunan ng pansin ni San Lucas ang larawan ng Panginoong Hesukristo bilang maawaing Panginoon sa kabuuan ng kanyang Ebanghelyo. Layunin ni San Lucas na ipakilala si Hesus sa mga Hentil bilang Panginoong puspos ng awa. At ang awa ni Hesus ay para sa lahat. 

Inilahad ni San Lucas sa kabuuan ng kanyang Ebanghelyo kung paanong ipinakita ni Hesus ang Kanyang awa sa pamamagitan ng Kanyang mga salita't gawa. Para kay San Lucas, ang awa ni Hesus ay nasa sentro ng Kanyang misyon bilang Mesiyas. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kanyang awa, ipinapakilala ng Panginoong Hesus ang Kanyang sarili. Siya ang Diyos na puspos ng awa para sa lahat ng tao. At ang Kanyang awa ay walang hanggan. Ang Kanyang walang hanggang awa ang tunay na dahilan kung bakit ipinasiya Niyang magkatawang-tao katulad ng bawat isa sa atin, maliban sa kasalanan, upang tayong lahat ay iligtas. Tayong lahat ay iniligtas ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Kaya, ang lahat ng mga sinabi at ginawa ng Panginoong Hesukristo mula noong magsimula ang Kanyang ministeryo hanggang sa bawat yugto ng Kanyang Misteryo Paskwal ay nakaugat sa misteryo ng Kanyang awa. Inihayag ng Panginoong Hesus ang awa ng Diyos sa Kanyang mga pangaral at mga kababalaghan. Iyan ang patunay na ang lahat ng mga kilos at salita ng Panginoon ay sumasalamin sa Kanyang awang walang hanggan. 

Hinihimok rin ni Kristo ang lahat ng mga nananalig at sumusunod sa Kanya na tularan ang Kanyang halimbawa. Maging mga salamin ng Kanyang awa. Iyan ang pangunahing aral ng Kanyang mga talinghaga. Isa sa mga talinghaga ng Panginoon na inilihad ni San Lucas sa kanyang Ebanghelyo ay ang talinghaga ng Mabuting Samaritano, ang talinghagang tampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Iisa lamang ang aral na ipinaparating ni Kristo sa talinghagang ito. Magpakita ng awa sa kapwa katulad ng ginawa Niyang pagpapakita ng awa sa lahat. Kahit tayo'y mga makasalanan, hindi ipinagkait ni Kristo ang Kanyang awa sa atin noong ipinasiya Niyang harapin at tanggapin ang bawat yugto ng Kanyang Misteryo Paskwal. Kaya, wala tayong karapatan para ipagkait sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga inaapi ng lipunan. 

Sabi ni Moises sa Unang Pagbasa na iniukit ng Diyos ang Kanyang mga utos sa puso ng bawat Israelita. Iniukit ng Panginoong Diyos ang Kanyang mga utos sa puso ng bawat Israelita upang hindi sila maligaw ng landas. Ayaw Niyang mapahamak ang Kanyang bayan dahil sa kanilang mga kasalanan. Bagkus, nais ng Panginoong Diyos na makapamuhay nang malaya at ligtas ang Kanyang bayan. Tunay silang magiging ligtas at malaya kapag ang mga utos ng Panginoon ay kanilang susundin. Iyan ang dahilan kung bakit iniukit ng Panginoon ang Kanyang mga utos sa puso ng bawat Israelita. Iyan ang naghayag ng Kanyang awa para sa kanila. 

Inihayag ni Apostol San Pablo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa na si Kristo ang larawan ng Diyos. Bilang larawan ng Diyos, inihayag ni Kristo ang Kanyang awa para sa lahat. Sa pamamagitan ni Kristo, ang awa ng Diyos ay pumasok sa daigdig. Namalas ng lahat ng tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus ang kapangyarihan at kadakilaan ng awa ng Diyos. Ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili bilang isang bathalang puspos ng awa para sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

May misyon si Hesus, ang Panginoon at Hari ng Awa, para sa bawat isa sa atin na nananalig at sumusunod sa Kanya. Maging mga Mabuting Samaritano. Maging mga salamin ng Kanyang awa. Ipakita natin sa kapwa natin ang awa ng Panginoon na para sa lahat. Kung paanong ipinakita sa atin ng Panginoong Hesus ang Kanyang awa, ipakita rin natin ito sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga inaapi. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento