Linggo, Enero 29, 2023

SA PILING LAMANG NG POONG JESUS NAZARENO

3 Pebrero 2023 
Biyernes ng Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon I) 
Hebreo 13, 1-8/Salmo 26/Marcos 6, 14-29 

Screenshot: 01.04.2023 (WEDNESDAY) 10AM #OnlineMass #Nazareno2023 - Weekday of #Christmas Season (Quiapo Church Facebook and YouTube Live Streaming)

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay nakatuon sa Kanyang pagiging walang hanggan. Tanging si Kristo lamang ang walang hanggan. Matatagpuan lamang sa Kanya ang tunay na walang hanggan. Ang mundong ito ay lilipas at magwawakas rin pagdating ng panahon. Subalit, si Kristo, ang Panginoong Jesus Nazareno, ay walang hanggan. Hindi magbabago ang katotohanang ito kahit kailan. Ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay ang simula at ang katapusan. 

Sa wakas ng Unang Pagbasa, inilarawan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang tunay na Diyos na walang hanggan. Mananatili si Jesus Nazareno magpakailanman. Gaya ng sabi ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo, ang Panginoong Jesus Nazareno "noong nakaraan ay Siya rin sa kasalukuyan at Siya rin magpakailanman" (13, 8). Isa lamang ang nais ilarawan ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa mga salitang ito. Hindi magbabago si Jesus Nazareno. Magbago man ang panahon, mananatili pa rin bilang tunay na Diyos at Panginoon ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Siya lamang ang mananatili bilang Diyos at Hari magpakailanman. Sa Salmong Tugunan, muling isinalungguhit at ipinaalala sa lahat ang pagiging tunay na Tagapagligtas ng butihing Panginoon. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang kamatayan ni San Juan Bautista sa mga kamay ni Haring Herodes Antipas bilang isang martir. Iniutos ni Haring Herodes na si Juan Bautista ay patayin ng kanyang mga tauhan sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo niya sapagkat ito ang hiniling ni Salome na hiniling rin ni Herodias na nag-utos sa dalaga na gawin iyon at hilingin iyon. 

Kung tutuusin, maaari namang takasan at iligtas ni San Juan Bautista ang kanyang sarili mula sa kamatayan kung binawi lamang niya ang mga maaanghang na salitang binitiwan niya laban kay Haring Herodes Antipas at Herodias. Subalit, ipinasiya pa rin niyang harapin ang kanyang kamatayan bilang martir nang buong kababaang-loob at pananalig. Hindi niya binawi ang kanyang mga sinabi o humingi ng tawad mula kina Herodes at Herodias. Bagkus, nanindigan pa rin siya para sa Diyos hanggang wakas dahil batid naman niyang may hangganan ang mundong ito. Nasa piling ng Diyos sa langit ang tunay na magpakailanman. 

Ipinapaalala sa atin sa araw na ito na sa piling ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa langit lamang matatagpuan ang tunay na walang hanggan. Hindi ito matatagpuan sa mundong ito. Kung hahanapin natin ito sa mundo, nag-aaksaya lamang tayo ng oras, panahon, at lakas. Sa halip na hanapin ang walang hanggan sa mundong ito, lumapit tayo sa Mahal na Poong Jesus Nazareno at hilingin natin sa Kanya na tulungan tayo sa pagiging banal upang maihanda natin ang ating sarili para sa biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit. 

Tunay nga ba tayong mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno? Ihanda natin ang ating mga sarili para sa tunay na buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit habang nabubuhay tayo dito sa lupa. Pagsikapan nating tahakin ang landas ng kabanalan katulad ng mga taong kabilang sa kasamahan ng mga banal sa langit. 

Sabado, Enero 28, 2023

ANG HARING NAGLILIGTAS AY ANG TUNAY NA LIWANAG

2 Pebrero 2023 
Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus Nazareno na Panginoon sa Templo 
Malakias 3, 1-4/Salmo 23/Hebreo 2, 14-18/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22-32)

This reproduction of the painting De opdracht in de tempel (English: The Presentation in the Temple; 17th century) by Jacob Jordaens (1593-1678) from Rubenshuis is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Nakasentro sa pagkakilanlan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang tunay na liwanag ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Binibigyan ng pansin at pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito nang buong kataimtiman ang titulo at pagkakilanlang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bukod sa pagiging Diyos na totoo at tunay na Haring walang hanggan, ang Panginoong Jesus Nazareno ay ang tunay na liwanag na nagniningning sa buong santinakpan at pumapawi sa kadiliman. Ang Diyos na tunay na Hari at Manunubos ay ang tunay na liwanag. Siya'y walang iba kundi si Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa pagkakilanlan o titulong ito ng ating Poong Jesus Nazareno. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Malakias na darating Siya bilang Manunubos at Hukom na magdadalisay sa mga naglilingkod sa Kanya nang buong katapatan at pananalig. Ang Diyos ay darating sa pamamagitan ng ipinangakong Manunubos upang maghatid ng kalinisan at kadalisayan sa mga magpapasiyang maging tapat sa Kanya hanggang sa huli. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan kung paano ito ginawa ng Panginoong Diyos. Tinupad ng Diyos ang pangakong ito sa pamamagitan ni Kristo, ang Tagapagligtas na ipinangako. Sa Ebanghelyo, isinalaysaysay ang pagdadala ng Birheng Maria at ni San Jose sa Banal na Sanggol na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno sa Templo upang ihandog sa Diyos. Ang walang maliw na katapatan ng Diyos na tunay ngang dakila ay nahayag sa pamamagitan ng gawang ito. Ito ang pinatotohanan ni Simeon sa kanyang kantikulo na inilahad sa Ebanghelyo nang makita at mahawakan niya ang Banal na Sanggol na si Kristo Hesus, ang Mahal na Poong Nazareno. 

Katulad ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito: "D'yos na makapangyariha'y dakilang Hari magpakailanman" (Salmo 23, 10b). Sa pamamagitan ng mga salitang ito sa Salmong Tugunan, ipinapakilala ng Simbahan sa atin kung saan nagmumula ang tunay na liwanag. Ang tunay na liwanag na papawi sa dilim ay nagmumula sa Panginoon mismo. Katunayan, mismong ang Panginoon ang liwanag na ito. Dumating sa mundong ito ang tunay na liwanag na nagmula sa langit sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bilang tunay na liwanag, tunay ngang naiiba ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sapagkat tanging Siya mismo ang tunay na Haring walang hanggan na nagpasiyang maging liwanag na nagliligtas. Ang mga salitang ito ay naglalarawan sa tunay na Hari na tunay ring liwanag ng lahat. 

Mapalad tayo sapagkat ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang tunay na liwanag na tunay ngang natatangi at naiiba. Ang Panginoong Jesus Nazareno ay hindi lamang Diyos na totoo, Haring totoo, at Tagapagligtas na totoo. Siya rin ay ang tunay na liwanag. Ito ang pasiya ng Panginoong Jesus Nazareno. Kahit na hindi naman Niya kinailangang gawin ito, ipinasiya pa rin Niya itong gawin alang-alang sa atin. Ang tunay na Hari na Siya ring ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na bigay ng Diyos sa atin na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay ang tunay na liwanag na nagliligtas. Ito ang dakilang gawa ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga. 

Inaanyayahan tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na lumakad sa ilalim ng tunay na liwanag na walang iba kundi Siya. Bilang mga tapat Niyang deboto, dapat nating tanggapin nang buong tuwa, pananalig, at kababaang-loob ang paanyayang ito. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa paanyayang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang landas ng kabanalan ay sinisimulan nating tahakin. Ang landas na ito ang aakay sa bawat isa sa atin patungo sa Kanyang walang hanggang kaharian sa langit. Kung gagawin natin ito, maipapahayag nating tunay at tapat nga tayo sa ating taimtim na debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Tinatanong tayo ng Simbahan sa araw na ito kung tatanggapin ba natin nang buong pananalig, kababaang-loob, at tuwa ang paanyaya ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na lumakad sa ilalim ng tunay na liwanag na na nagliligtas walang iba kundi Siya. Ano ang ating magiging pasiya? 

Biyernes, Enero 27, 2023

PAKIKIPAGTAGPO SA BUKAL NG BIYAYA

1 Pebrero 2023 
Ika-35 Anibersaryo ng Pagpasinaya at Pagtatalaga sa Simbahan ng Quiapo (Parokya ni San Juan Bautista) bilang Basilika Menor ng Itim na Nazareno 
Ezekiel 34, 11-16/Salmo 123/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13/Mateo 18, 15-20 
[Ang mga Pagbasang ito ay mula sa pangkat ng mga Pagbasang maaaring pagpilian na matatagpuan sa Mga Pagdiriwang ng Misa para sa Iba't Ibang Pangangailangan: Para sa Simbahan]



Ang araw na ito ay napakaespesyal para sa pamayanan ng Simbahan ng Quiapo, ang tahanan ng Poong Jesus Nazareno, sapagkat sa araw na ito noong 1988, pormal na idineklara at itinalaga ang Simbahan ng Quiapo bilang isang Basilika Menor. Bagamat noon pa mang 11 Disyembre 1987 iginawad ng Santo Papa noon na si Papa San Juan Pablo II ang titulong Basilika Menor ng Itim na Nazareno sa Simbahan ng Quiapo, sa mismong araw na ito noong taong 1988, pormal na pinasinayaan ang pagiging isang ganap na Basilika Menor ng nasabing Simbahan sa pamamagitan ng pagtatalaga nito bilang isang ganap na Basilika Menor. Sa pamamagitan ng titulong ito, kinikilala ng Simbahan ang taimtim na debosyon sa Mahal na Poong Jesus Nazareno.

Isang biyaya para sa lahat ng mga bumubuo sa Simbahan ng Quiapo at maging ang mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno saan man sila nagmula ang paggawad sa Simbahang ito ng titulong Basilika Menor. Subalit, ang karangalan at titulong ito ay hindi dapat maging sanhi ng payabangan o pagmamataas. Bagkus, ang karangalan at titulong ito ay dapat na ituring na isang biyaya mula sa Poong Jesus Nazareno. Kaya, dapat lalo pa natin Siyang ipakilala sa lahat at ipalaganap ang debosyon kay Kristo na nagpasan ng Krus alang-alang sa atin. Ang taimtim na debosyon at pamamanata kay Kristo na nagpasan ng Krus alang-alang sa atin ay dapat pumakaw sa bawat isa sa atin na maging mga salamin at tagapagpalaganap ng Kanyang habag, kagandahang-loob, at pag-ibig para sa atin. 

Sa mga Pagbasa para sa espesyal na pagdiriwang sa araw na ito, itinutuon ang ating pansin sa pagiging mahabagin ng Panginoong Diyos. Katunayan, ito ang sinasagisag ng imahen ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob, ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na harapin at tiisin ang Kanyang pagpapakasakit na sinasagisag ng Banal na Krus na Kanyang pinasan upang tayo ay iligtas. Ganyan ang ating Diyos. Tunay Siyang mahabagin. 

Nagpakilala ang ating Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa bilang isang mahabaging pastol. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Panginoong Diyos na tunay ang Kanyang habag para sa lahat. Dahil tunay nga Siyang mahabagin at nagmamagandang-loob, ipinasiya ng Panginoong Diyos na hanapin ang mga nawawalang tupa. Gaano mang kalala o kabigat ang kasalanang nagawa ng bawat tao, hahanapin pa rin sila ng Diyos at ibabalik sa Kanyang kawan. Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag at itinuro ni Apostol San Pablo na tayong lahat ang bumubuo sa Katawan ni Kristo dito sa lupa. Kahit na hindi tayo karapat-dapat dahil sa dami ng ating mga sala laban sa Diyos na hindi na mabilang, niloob pa rin Niyang maging bahagi tayo ng tunay na Simbahang itinayo ni Jesus Nazareno. Niloob pa rin ng Panginoong Jesus Nazareno na maging mga bahagi tayo ng Kanyang Katawan dito sa lupa. Inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na nasa piling Siya ng mga taong nagkakatipon sa Banal Niyang Ngalan upang magpuri, magpasalamat, at sumamba sa Kanya. Sa tuwing nagaganap ito, ang dakilang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob ng Panginong Jesus Nazareno ay lalo lamang Niya ipinapakita sa lahat ng mga debotong nagkakatipon sa Kanyang Ngalan. Ganyan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Tunay nga Siyang mahabagin. 

Tuwing papasok tayo sa mga Simbahan katulad na lamang ng Simbahan ng Quiapo, ang Basilika Menor ng Nazareno, nakikipagtagpo tayo sa Mahal na Poon. Ibinubuhos Niya sa atin ang Kanyang biyaya, habag, pag-ibig, at kagandahang-loob. Subalit, hindi ito dapat manatili lamang sa loob ng Basilika ng Nazareno o kaya sa mga paligid sa distrito ng Quiapo lamang. Bagkus, ang pagpapala, pag-ibig, habag, at kagandahang-loob na ibinuhos sa atin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dapat nating ibahagi saan man tayo magtungo. 

Bilang mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, mayroon tayong misyon na dapat gampanan. Ang misyong ito ay ibinibigay sa atin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dapat tayong maging mga salamin at tagapagpalaganap ng Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob. Sa pamamagitan nito, pinatutunayan nating tapat tayo sa ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Huwebes, Enero 26, 2023

MGA SALAMIN NG DIYOS NA MALAPIT SA MGA ABA

29 Enero 2022 
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Sofonias 2, 3; 3, 12-13/Salmo 145/1 Corinto 1, 26-31/Mateo 5, 1-12a 

This image from Good News Productions International and College Press Publishing through Free Bible Images (https://www.freebibleimages.org/) is under an Attribution-NonCommercial-NoDerivatives 4.0 International (CC BY-NC-ND 4.0). 

Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay tungkol sa pagiging malapit ng Panginoon sa mga mahihina. Bagamat ang Panginoon ay Diyos ng lahat, ang Kanyang Puso ay malapit sa mga itinuturing ng lipunan na mahina katulad na lamang ng mga aba. Ang Diyos ay hindi pumapabor sa mga pang-aapi at pang-aabusong ginagawa laban sa lahat ng mga taong itinuturing na mahina katulad na lamang ng mga aba. Katunayan, isang patunay nito ay ang Panginoong Jesus Nazareno na dumating sa mundong ito hindi bilang bahagi ng isang pamilyang maharlika, marangya, o elitista kundi bilang bahagi ng isang pamilya mula sa sektor ng mga maralita. 

Sabi sa Salmong Tugunan: "Mga aba ay mapalad, D'yos ang hari nilang lahat" (Mateo 5, 3). Bagamat ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito ay hango sa isa sa mga pangaral ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo, ang unang pangaral tungkol sa mga taong itinuturing na mapapalad sa paningin ng Diyos, ang mga talata o taludtod ng Salmo ay nakasentro sa katangiang ito ng Diyos. Ito ang ating Diyos. Hindi Siya dumidistansya o lumalayo mula sa mga aba. Bagkus, kusang-loob Siyang lumalapit sa mga aba. Katunayan, naging bahagi Siya ng mga itinuturing ng lipunan na mahihina, katulad ng mga dukha, sa pamamagitan ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. Ang Diyos ay malapit sa mga isinasatabi at binabalewala ng lipunan dahil itinuturing silang mahihina. 

Ipinakilala ni Propeta Sofonias ang Panginoong Diyos bilang bathalang malapit sa mga aba sa simula pa lamang ng kanyang pahayag sa Unang Pagbasa. Ang Diyos ay hindi katulad ng marami sa lipunan dito sa mundo. Kung ang marami sa lipunan dito sa mundong ito ay pilit na umiiwas sa mga taong itinuturing na mahina katulad na lamang ng mga aba, ang Diyos ay lumalapit sa kanila. Nais ng Panginoong Diyos na bigyan ang mga iniiwasan at isinasantabi ng lipunan katulad na lamang ng mga aba ng pagkakataong maranasan ang Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob. Sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, ang katangiang ito ng Diyos ay kanya ring tinalakay. Sabi ni Apostol San Pablo na pinili at hinirang ng Diyos ang mga taong itinuturing na "hamak, walang halaga, at walang kabuluhan sa sanlibutang ito upang pawalang-halaga ang mga itinuturing na dakila ng sanlibutan" (1 Corinto 1, 28). Nakasentro sa mismong paksang ito ang pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Sa mga pahayag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno tungkol sa mga taong itinuturing na mapalad sa paningin ng Diyos, isinalungguhit rin Niya ang pagiging malapit ng Diyos sa mga isinasantabi at iniiwasan ng marami sa lipunan dito sa mundong ito sapagkat itinuturing silang mahihina tulad ng mga aba. 

Hindi iniiwasan ng Diyos ang mga itinuturing na mahihina katulad na lamang ng mga aba. Bagkus, kusang-loob Siyang lumalapit sa kanila. Katunayan, ginawa na Niya ito noong dumating Siya sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno. Dahil dito, batid Niya ang karanasan at kalagayan ng lahat ng mga itinuturing na mahihina sa lipunan. 

Mabuti pa ang Diyos, kusang-loob na lumalapit sa mga itinuturing na mahihina gaya ng mga aba. Nakakalungkot, hindi lamang iniiwasan ang mga itinuturing na mahihina katulad na lamang ng mga aba. Pilit pa silang isinasantabi at binubudol. Maraming tao ang magpapanggap na mabuti, lalung-lalo na ang mga nasa kapangyarihan. Sa unang tingin, mukha silang mabuti. Iyon nga lamang, mayroon pala silang binabalak laban sa mga itinuturing na mahihina. Aapihin sila. Sasamantalahin sila. Gagawin nila ang lahat para lamang manlinlang at apihin ang mga taong itinuturing na mahihina. Gagamitin nila ang kanilang kapangyarihan upang mang-api at mang-abuso ng mga itinuturing na mahina ng lipunan. Ang nakakalungkot, pinapanigan pa ng karamihan sa lipunan ang mga umaabuso at umaapi sa mga itinuturing na mahihina. Ang mga pinipilit na isantabi ay hindi papansinin. Ang masaklap, idadamay pa ng mga taong umaapi at umaabuso sa mga itinuturing na mahihina ang Diyos. 

Bilang mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, mayroon tayong tungkulin na maging mga salamin at tagapagpalaganap ng Kanyang kagandahang-loob, pag-ibig, at habag para sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga itinuturing na mahihina gaya na lamang ng mga aba. Hindi tayo dapat pumanig sa mga nanlilinlang, umaabuso, at umaapi sa kanila, kahit na mga masisikat pa sila. Dapat nating tutulan at labanan ang panibagong uri ng katiwaliang ito. Kung magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan na lamang tayo sa pagpapalaganap ng kawalan ng hustisyang ito, walang saysay o silbi ang ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno dahil hindi Siya papabor sa ganitong uri ng katiwalian. 

Linggo, Enero 22, 2023

ANG BINHI NG KALIGTASAN

27 Enero 2023 
Biyernes ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon I) 
Hebreo 10, 32-39/Salmo 36/Marcos 4, 26-34  

Screenshot: 01.04.2023 (WEDNESDAY) 5AM #OnlineMass #Nazareno2023
(Quiapo Church Facebook and YouTube Live Streaming) 

"Nasa D'yos ang kaligtasan ng mga mat'wid at banal" (Salmo 36, 39a). Ito ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ng Biyernes na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Malinaw na isinasalungguhit ng mga salitang ito sa Salmong Tugunan ang paksa o temang nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan sa araw na ito. Ito ay walang iba kundi ang biyaya ng kaligtasang ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ng ating Nuestro Padre Jesus Nazareno. Kaya naman, lagi nating pinasasalamatan ang Diyos dahil sa biyaya ng kaligtasan na laging ipinapaalala sa atin ng banal na larawan o imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Ang kaligtasang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng ating Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang pangunahing tema o paksang pinagnilayan sa mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang iba't ibang uri ng pag-uusig na dinanas ng mga sinaunang Kristiyano. Ang manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Unang Pagbasa ay manatiling tapat upang ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, sa langit na inilaan para sa mga iniligtas ay matamasa. Kaya lamang inilaan para sa mga taong iniligtas ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa langit dahil sa Panginoong Jesus Nazareno. Dahil sa Nuestro Padre Jesus Nazareno, mayroong pagkakataon ang lahat ng mga tao na mapabilang sa mga iniligtas ng Kabanal-banalan Niyang Dugong Kanyang ibinubo sa Banal na Krus sa Kalbaryo alang-alang sa atin. Sa Ebanghelyo, dalawang talinghaga ang isinalaysay ng Poong Señor. Sa dalawang talinghagang ito, ginamit ang larawan ng binhing inihahasik at tumutubo upang ituro ang pagsibol. Sa pamamagitan ng dalawang talinghagang ito, ipinahiwatig ng Mahal na Poong Jesus Nazareno kung paano Niya ililigtas ang sangkatauhan. Ihahasik ng Poong Señor ang binhi ng kaligtasan sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay. Ang biyaya ng kaligtasan ay sisibol mula sa Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Dahil sa Krus at Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno, ang bawat isa sa atin ay mayroong pagkakataong matamasa ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit. Ibinukas ng Panginoong Jesus Nazareno ang mga pintuan ng langit sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng gawang ito na tunay ngang kahanga-hanga, inaanyayahan tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na matamasa ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit. Kung hindi dahil sa ating Nuestro Padre Jesus Nazareno, wala tayong oportunidad na mapabilang sa Kanyang mga iniligtas na magtatamasa ng walang hanggang biyaya sa langit. Nangyari lamang iyon dahil kay Jesus Nazareno. 

Bilang mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, dapat tayong magsumikap na mapabilang sa mga iniligtas ng Kanyang Kabanal-Banalang Dugo na ibinubo Niya mula sa Krus sa Kalbaryo. Ang ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay pumukaw nawa sa atin na tanggapin ang biyayang ito na Kanyang kaloob sa ating lahat. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa biyayang ito, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay binibigyan natin ng pahintulot na baguhin ang ating buhay at gawing banal upang makatahak tayo sa landas ng kabanalan. 

Tayong lahat ay patuloy na inaaanyayahan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging banal. Patuloy Niyang tayong binibigyan ng pagkakataong tanggapin ang biyaya ng kaligtasang Kanyang kaloob sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. Ano ang ating tugon sa paanyayang ito ng minamahal nating Nuestro Padre Jesus Nazareno? 

Sabado, Enero 21, 2023

ANG TANGING MAKAPAGPABAGO SA ATIN

25 Enero 2023 
Kapistahan ng Pagbabagong-Buhay ni Apostol San Pablo 
Mga Gawa 22, 3-16 (o kaya: 9, 1-22)/Salmo 116/Marcos 16, 15-18 

This reproduction of the painting Conversion of Saint Paul (fourth quarter of the 17th century) of the Workshop of Michael Willmann (1603-1706) from the Kozłówka Palace Collection is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Bagamat ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan upang gunitain at ipagdiwang ang isang napakahalagang sandali sa buhay ni Apostol San Pablo na walang iba kundi ang kanyang pagbabagong-buhay, hindi tungkol sa kanya ang araw na ito. Ang sentro ng pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay hindi si Apostol San Pablo. Bagkus, ang sentro ng Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay ang tanging dahilan kung bakit siya nagbagong-buhay. Isa lamang naman ang dahilan kung bakit nagbagong-buhay si Apostol San Pablo - ang grasya ng Diyos. 

Tanging ang Diyos lamang ang may kapangyarihang baguhin ang isang tao. Ang lahat ng mga banal sa langit na kinabibilangan ni Apostol San Pablo ay patunay nito. Kung hindi dahil sa Panginoong Diyos, hindi sila makakapagbagong-buhay at makakatahak sa landas ng kabanalan. Nagbagong-buhay at naging banal lamang ang lahat ng mga kabilang sa kasamahan ng mga banal sa langit dahil sa biyaya ng Diyos.  Hindi nila ito ginawa gamit ang sarili nilang kapangyarihan. Bagkus, tinulungan sila ng Diyos. 

Isinalungguhit sa salaysay ng pagbabagong-buhay ni Apostol San Pablo sa dalawang bersyon ng Unang Pagbasa para sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito ang kapangyarihan ng biyaya ng Diyos. Katunayan, sa isang bersyon ng Unang Pagbasa, si Apostol San Pablo mismo ang nagpatotoo tungkol sa pagpapala ng Panginoon na naging dahilan ng kanyang pagbabagong-buhay. Dahil sa pagpapala ng Panginoong Diyos, mula sa pagiging tagausig ng mga sinaunang Kristiyano, si Apostol San Pablo ay naging isang apostol at misyonero sa mga Hentil. Ang habilin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay kanyang tinupad bilang apostol at misyonero. 

Subalit, bagamat ang Diyos lamang ang tanging makapagpabago sa atin, nasa atin pa rin ang pasiya kung tatanggapin natin ang biyayang ito. Habang nabubuhay pa tayo dito sa mundong ito, patuloy tayong binibigyan ng pagkakataon ng Panginoong Diyos na magbagong-buhay at maging banal. Hindi Siya tumitigil sa pag-anyaya sa atin na baguhin ang ating buhay at tahakin ang landas ng kabanalan. Kahit kailan, ang Diyos ay hindi Siya nagsasawa. Subalit, nasa atin pa rin ang pasiya kung ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Panginoon ay tatanggapin natin. Tayo mismo ang magpapasiya kung pahihintulutan natin ang Panginoong Diyos na baguhin ang ating buhay. 

Ang tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay bukas sa pagbabagong kaloob Niya sa lahat. Pahihintulutan niyang kumilos sa kanyang buhay ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang tunay at walang hanggang Hari at Diyos. Buong tuwa niyang tatanggapin ang biyaya ng pagbabagong kaloob ng Mahal na Poon nang sa gayo'y makasunod siya sa mga yapak ng Mahal na Poon patungo sa Kanyang walang hanggang kaharian sa langit. Sa pamamagitan nito, nahahayag ang kanyang tunay at tapat na debosyon, pananalig, pananampalataya, pagpupuri, at pagsamba sa Poong Jesus Nazareno. 

Patuloy tayong binibigyan ng pagkakataon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na magbagong-buhay at maging banal. Ano ang ating pasiya? 

Biyernes, Enero 20, 2023

TAWAG NG TAGAPAGLIGTAS: TAHAKIN ANG BANAL NA LANDAS

22 Enero 2023 
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 8, 23b-9, 3/Salmo 26/1 Corinto 1, 10-13. 17/Mateo 4, 12-23 (o kaya: 4, 12-17)

This reproduction of the painting Calling of the First Apostles (1481) by Domenico Ghirlandaio (1448-1494), as well as the work of art itself from the Sistine Chapel, republished in the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Nakasentro sa tawag ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno ang mga Pagbasa para sa Linggong ito. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ipinakilala sa mga Pagbasa para sa Linggong ito bilang tunay na liwanag at ipinangakong Tagapagligtas na nag-aanyaya sa lahat ng tao na magbagong-buhay at lumakad sa landas ng kabanalan na Kanyang nililiwanagan. Sa pamamagitan ng pagbibigay sa bawat tao ng pagkakataong maging banal at kalugud-lugod sa Diyos, inihahayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kanyang habag, pag-ibig, at kagandahang-loob para sa atin. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag na darating ang isang malaking liwanag na papawi sa kadiliman. Ang bayang binabalutan ng dilim ay liliwanagan ng maningning na ilaw na ito. Dahil sa maningning na dakilang liwanag na ito, ang lahat ng mga taong nasa bayang binabalutan ng kadiliman ay mapupuspos ng tuwa (Isaias 9, 1-2). Sa Salmong Tugunan, ipinakilala kung sino ang tunay na liwanag. Ang tunay na maningning na dakilang liwanag  na inilarawan sa propesiya sa Unang Pagbasa ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo kung paanong ipinagkaloob ng Diyos ang tunay na liwanag. Ang tunay at dakilang liwanag na magningning sa buong santinakpan ay dumating sa mundo sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang naghandog ng Kanyang sarili sa Banal na Krus upang maligtas ang sangkatauhan (1 Corinto 1, 17). Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Jesus Nazareno ay nagpaabot ng Kanyang paanyaya para sa tanan na tahakin ang landas ng kabanalan. Ang paanyayang ito ni Kristo ay patuloy na umaalingawngaw hanggang sa kasalukuyang panahon sapagkat hindi lamang ito para sa mga tao noon o kaya sa Kanyang mga apostol kundi para sa lahat ng mga tao.

Gaya na lamang ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Panginoo'y aking tanglaw, Siya'y aking kaligtasan" (Samo 26, 1a). Ito ang ating Panginoong Diyos. Sa halip na pabayaan na lamang tayong mamuhay sa ilalim ng kadiliman hanggang sa mapahamak tayo nang tuluyan dahil dito, ipinasiya ng Panginoon na ipagkaloob sa ating lahat ang Kanyang liwanag, ang tunay at dakilang na liwanag, na naghahatid ng kaligtasan. Dumating sa mundong ito ang biyayang ito ng Diyos sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Ang panawagan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay para sa lahat. Hindi lamang ito para sa mga taong namumuhay noong dumating Siya sa mundong ito bilang ating Mesiyas at Manunubos. Bagkus, ito ay para sa lahat ng mga tao. Hanggang ngayon, patuloy Niya tayong binibigyan ng pagkakataong maging banal. Ang mga tunay na deboto ng Poong Jesus Nazareno ay tatanggap at susunod sa paanyayang ito mula sa Kanya. Kung ang ating debosyon at pamamanata sa ating minamahal na Poong Jesus Nazareno ay tunay at tapat, ang ating tugon sa Kanyang paanyayang maging banal ay tanggapin ang pagbabagong hatid Niya sa atin at sumunod sa Kanyang mga yapak sa landas ng kabanalan na siyang daan patungong langit. 

Tayong lahat ay patuloy na binibigyan ng pagkakataon ng Poong Jesus Nazareno na magbagong-buhay at maging banal. Ano ang ating tugon sa paanyayang ito? 

Huwebes, Enero 19, 2023

ANG POONG TUMATAWAG AY SIYA RING DAKILANG LINGKOD

20 Enero 2023 
Biyernes ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon I) 
Hebreo 8, 6-13/Salmo 84/Marcos 3, 13-19 

Screenshot: 12.30.2022 (FRIDAY) 6AM #OnlineMass #QuiapoDay
(Quiapo Church Facebook and YouTube Live Streaming) 

Tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan para sa taimtim na pagdedebosyon at pamimintuho sa Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang pamumuhay bilang mga lingkod katulad Niya. Bilang mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang bawat isa sa atin ay tinatawag na maglingkod sa Kanya bilang Kanyang mga tagasunod at saksi. Ang ating misyon bilang mga deboto ng Mahal na Poong Nazareno ay maging mga salamin at tagapagpalaganap ng Kanyang kagandahang-loob, pag-ibig, at habag.

Nakasentro sa larawan ng Panginoong Jesus Nazareno bilang lingkod ang pangaral sa Unang Pagbasa para sa araw na ito. Ang Panginoong Jesus Nazareno ay dumating bilang isang lingkod. Dumating Siya sa mundong ito upang paglingkuran ang Ama sa pamamagitan ng Kanyang misyon bilang Tagapamagitan ng Bagong Tipan (Hebreo 8, 6). Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay inatasan ng Ama bilang Tagapamagitan ng Bagong Tipan. Dahil sa habag at kagandahang-loob ng Diyos, gumawa Siya ng Bagong Tipan. Ang dakilang tanda nito ay ang Krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno.

Sa Ebanghelyo, hinirang ng Poong Jesus Nazareno ang labindalawang apostol. Ang paghirang sa labindalawang apostol ay isang pasulyap sa tungkulin ng Poong Jesus Nazareno bilang Dakilang Saserdote. Ang Dakilang Paring si Jesus Nazareno na Siya ring Tagapamagitan ng Bagong Tipan ay naghandog ng Kanyang sarili alang-alang sa atin dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob. Gaya ng sabi ng Poong Jesus Nazareno, dumating Siya sa mundo hindi upang paglingkuran kundi upang Siya mismo ang maglingkod at maghain ng buhay para sa marami (Mateo 20, 28; Marcos 10, 45). Sa pamamagitan ng pagtupad sa Kanyang misyon bilang Tagapamagitan ng Bagong Tipan at Dakilang Saserdote, pinaglingkuran ni Jesus Nazareno ang Ama sa langit at ang sangkatauhang tunay Niyang inibig at kinahabagan. Ito ang natatanging dahilan kung bakit Niya ipinasiyang pasanin ang Krus, gaya ng inilalarawan sa atin ng imahen ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Ang mga tunay na deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay tatanggap at tutupad sa misyong ibinibigay Niya sa kanila bilang Kanyang mga lingkod. Bubuksan nila ang kanilang mga sarili sa paanyaya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging mga lingkod katulad Niya. Sa pamamagitan ng kanilang paglilingkod bilang mga salamin ng pag-ibig, kagandahang-loob, at habag ng Poong Jesus Nazareno, lalo pa nilang ipinagbubunyi at dinadakila ang Kanyang Kabanal-Banalang Pangalan. 

Biyernes, Enero 13, 2023

KABABAANG-LOOB AT KAGANDAHANG-LOOB

15 Enero 2023 
Kapistahan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol (A) 
Isaias 9, 1-6/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 15-18/Mateo 18, 1-5. 10 

This reproduction of the painting The Infant Christ with a Floral Wreath (1663) by Carlo Dolci (1616-1686), as well as the work of art itself from the Thyssen-Bornemisza Museum Collection, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This painting is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928

Isang natatanging taunang Kapistahan ang ipinagdiriwang ng Simbahan sa Pilipinas tuwing sasapit ang Ikatlong Linggo ng Enero. Ang Ikatlong Linggo ng Enero ay inilaan ng Simbahan sa Pilipinas para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol, na kilala rin bilang Santo Niño. Sa pagdiriwang ng espesyal na Kapistahang ito tuwing Ikatlong Linggo ng Enero, itinatampok at pinagninilayan ang larawan ng Panginoong Jesus Nazareno bilang Banal na Sanggol. Ipinapaalala muli ng Simbahan sa atin sa pamamagitan ng larawan at titulo ng Mahal na Poong Nazareno bilang Banal na Sanggol ang Kanyang kababaang-loob. Ang mga sagradong larawan o imahen ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Banal na Sanggol ay nagsisilbing mga paalala o sagisag ng Kanyang kababaang-loob para sa atin. 

Ang mga Pagbasa para sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa Pilipinas sa espesyal na araw na ito ay nakasentro sa kababaang-loob na ipinakita ng Mahal na Poong Santo Niño na si Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, ginamit ng Poong Señor ang larawan ng mga bata bilang halimbawa sa Kanyang pangaral sa mga apostol tungkol sa kababaang-loob. Upang lalong maunawaan kung paanong makakapamuhay nang may kababaang-loob, ginamit ni Kristo ang larawan ng mga bata. Ang mga bata ay umaaasa sa tulong ng kanilang mga magulang. Gayon din naman, itinuturo ni Kristo na dapat rin tayong umasa sa Diyos katulad ng mga bata sapagkat tayong lahat ay Kanyang inangkin bilang Kanya ring mga anak. Ang dahilan kung bakit ang Señor ay nangaral tungkol sa kababaang-loob sa Ebanghelyo ay inilarawan sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa para sa Kapistahang ito. Sa Unang Pagbasa, inihayag na isang sanggol na lalaki ang ipagkakaloob ng Diyos bilang ipinangakong Tagapagligtas. Ang mga salita sa propesiyang ito ay tinupad ng Poong Jesus Nazareno. Nakasentro sa kagandahang-loob ng Poon ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa para sa Kapistahang ito. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang Panginoong Jesus Nazareno. 

Katulad ng imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ipinapaalala ng bawat imahen o larawan ng Santo Niño ang kababaang-loob ng Mahal na Señor. Ipinasiya ng Poong Señor na magpakita ng kababaang-loob alang-alang sa atin. Dahil sa kagandahang-loob ng Panginoong Jesus Nazareno, ipinasiya Niyang mamuhay bilang tao katulad natin, maliban sa kasalanan, at pagdaanan ang bawat yugto ng buhay ng bawat tao upang iligtas tayo mula sa kasalanan. Ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay dumaan rin sa pagiging isang bata katulad natin dahil sa Kanyang kagandahang-loob. Kahit na hindi naman Niya kailangang gawin iyon, ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na talikuran at hubarin ang Kanyang kadakilaan at karangalan bilang tunay na Diyos at buong kababaang-loob na maging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, alang-alang sa atin. Ginawa Niya ito dahil sa Kanyang kagandahang-loob. 

Maituturing na isang pasulyap ng pagpapakasakit ng Panginoong Jesus Nazareno na inilalarawan ng bawat imahen ng Mahal na Poon na nagpapasan ng Krus ang lahat ng mga imahen ng Santo Niño. Katunayan, inilalarawan ng bawat banal na imahen o larawan ng Santo Niño ang unang hakbang o yugto ng misyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ng tanan. Bago Niya pinasan ang Krus, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dumaan sa pagiging isang sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong gabi ng unang Pasko at isang bata na namuhay sa bayan ng Nazaret kasama ni San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. 

Bilang mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, na Siya ring Santo Niño, dapat nating tularan ang Kanyang halimbawa. Katulad ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Santo Niño, dapat tayong mamuhay nang may kababaang-loob. Ang pagiging mababang-loob ay pagtahak sa landas ng kabanalan na itinuturo sa atin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Santo Niño. Sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob, katulad ng Banal na Sanggol na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno, ang landas ng kabanalan ay ating tinatahak. Kapag ito ang ating gagawin, kalulugdan tayo ng Amang nasa langit dahil pinatutunayan nating tunay tayong nananalig, sumasampalataya, nagpupuri, at sumasamba sa tunay na Diyos na walang iba kundi ang Banal na Santatlo na binubuo ng Ama, Anak, at Espiritu Santo. 

Gusto ba nating maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos? Tahakin ang landas ng kabanalan. Paano natin ito magagawa? Mamuhay nang may kababaang-loob katulad ng Diyos na nagkatawang-tao na si Jesus Nazareno, ang nagpakita ng kababaang-loob dahil sa Kanyang kagandahang-loob. 

Huwebes, Enero 12, 2023

ANG MGA DAKILANG GAWA NG POONG SEÑOR

13 Enero 2023 
Biyernes ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon I) 
Hebreo 4, 1-5. 11/Salmo 77/Marcos 2, 1-12 

Screenshot: 01.02.2023 (MONDAY) 5PM #OnlineMass
(Quiapo Church Facebook and YouTube Live Stream)

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ay nakasentro sa tema ng mga dakila't kahanga-hangang gawa ng Diyos. Kung tutuusin, ipinahiwatig na ng Salmong Tugunan para sa araw na ito ang tema o paksang ito. Muli tayong pinaalalahanan ng Simbahan sa pamamagitan ng pagninilay sa paksa o temang ito na ang kadakilaan ng Panginoong Diyos na nahahayag sa Kaniyang mga kahanga-hangang gawa ay hindi mapapantayan kailanman. Sa pamamagitan ng mga gawang ito ng Panginoong Diyos na tunay ngang kahanga-hanga't dakila, nahahayag rin ang Kanyang pag-ibig, kagandahang-loob, at habag. 

Sabi nga sa Salmong Tugunan para sa araw na ito: "Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng Diyos" (Salmo 77, 7k). Napakalinaw kung ano ang nais isalungguhit at ituro ng mga salitang ito. Ang lahat ng mga kahanga-hangang gawa ng Diyos ay tunay na dakila. Isinasalamin ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa na tunay ngang kahanga-hanga ang Kanyang kadakilaan. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang ilan sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na naghayag ng Kanyang kaluwalhatian. Sa Unang Pagbasa, ang paglikha ng Diyos sa sanlibutan ay binanggit sa pangaral tungkol sa pagkakataong ibinibigay Niya sa tanan na makapiling Siya sa Kanyang kaharian sa langit. Bagamat nabanggit rin sa pangaral na ito kung paanong nagalit ang Diyos sa pagkakasala ng sangkatauhan na naging dahilan rin para sa Kanya na pagbawalan silang makasama Siya sa langit, ang sangkatauhan ay patuloy Niya pa ring binibigyan ng pagkakataon na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay gumawa ng isang himala. Pinagaling ni Kristo ang isang paralitiko sa Ebanghelyo. Ito ay isa lamang sa napakaraming mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Panginoon. Subalit, ang pinakadakila sa lahat ng mga gawang ito ay ang pagligtas sa atin ng ating minamahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Maraming ulit na inihayag at ipinamalas ng Panginoong Diyos ang Kanyang walang hanggang kadakilaan sa pamamagitan ng Kanyang mga kahanga-hangang gawa para sa atin. Subalit, sa lahat ng mga gawang ito, isa lamang ang natatangi at higit na dakila sa lahat - ang pagtubos sa atin sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dumating ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa mundong ito upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Dahil sa Panginoong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, mayroong pagkakataon ang bawat isa sa atin na makapasok sa maringal at maluwalhating kaharian ng Diyos sa langit kung saan makakapiling natin Siya magpakailanman. 

Bilang mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, hindi tayo dapat mamangha na lamang sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na tunay ngang dakila. Ang ating pagkamangha sa mga kahanga-hangang gawa ng Poong Señor na tunay ngang dakila talaga ay dapat pumukaw sa atin na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Sa gayon, matatamasa natin ang kaganapan ng biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Mahal na Señor sa Kanyang maluwalhating kaharian, ang langit, sa katapusan ng ating paglalakbay dito sa lupa. Kapag ginawa natin ito, ipinapahayag natin na hindi natin kinakalimutan ang Mahal na Señor. 

Sabado, Enero 7, 2023

MAPALAD ANG MGA TUNAY NA DEBOTO NG NUESTRO PADRE JESUS NAZARENO NA BUONG KATAIMTIMANG NAKIKINIG AT TUMUTUPAD SA SALITA NG DIYOS NANG MAY KABABAANG-LOOB AT PANANALIG

9 Enero 2023 
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno (A) 
Isaias 42, 1-4. 6-7/Salmo 28/Mga Gawa 10, 34-38/Mateo 3, 13-17

This reproduction of the painting The Baptism of Christ (1510-1520) by Joachim Patinir (circa 1480-1524), as well as the painting itself from the Kunsthistorisches Museum Collection through the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less due to its age. 

Madalas ipagdiwang ng Simbahan ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon sa araw ng Linggo. Ang mga pagkakataong ito katulad nito kung kailan ang Kapistahang ito ay ipinagdiriwang sa isang araw ng Lunes ay bihira lamang mangyari. Nangyayari lamang ito kapag ang mga araw ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon (Ika-25 ng Disyembre) at Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos na kilala rin sa tawag na Araw ng Bagong Taon sa sekular na kalendaryo (Unang Araw ng Enero) ay tumapat sa araw ng Linggo at kapag ang Dakilang Kapistahan ng Epipanya na kilala rin bilang Pagpapakita ng Panginoon ay ipinagdiriwang sa Ika-7 ng Enero. 

Bibihira rin lamang ang mga pagkakataon kung kailan magkatapat at ipinagdiriwang ng Simbahan nang magkasabay ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon at ang Kapistahan ng Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Nangyayari lamang ang mga ganitong pagkakataon kapag ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon ay tumapat sa Ika-9 ng Enero na siyang araw ng Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Subalit, bagamat bihira lamang mangyari ito, iisa lamang ang nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan ng dalawang pistang ito. Iyon ay walang iba kundi ang misyon ng ating Panginoong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Lalo lamang nagbibigyang-linaw ang pagninilay sa misteryong ito sa tuwing nangyayari ang mga bihirang pagkakataong ito kung kailan magkatapat at magkasabay ang mga maringal na selebrasyon ng Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon at ng Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kung tutuusin, malaki ang ugnayan ng dalawang selebrasyong ito dahil maaaring ituring na isang pasulyap ng pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Jesus Nazareno na sinasagisag ng Banal na Krus na Kanyang tinanggap, niyakap, at pinasan nang buong kababaang-loob at pananalig ang Pagbibinyag sa Kanya sa Ilog Jordan. 

Ang tema ng pagdiriwang ng Traslacion para sa taong ito ay napapanahon. Sa tema para sa Kapistahan ng Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na ipinagdiriwang ng Simbahan nang sabay sa Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon ngayong taon, isinalungguhit ang pagiging masunurin sa kalooban ng Diyos. Katunayan, binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno mismo ang mga salitang ginamit para sa tema ng selebrasyon ng Traslacion sa kasalukuyang taon. Ang temang pinili para sa nasabing kapistahan ay ang tugon ng Mahal na Poong Nazareno sa taong nagsabi sa Kanya na mapalad ang sinapupunang nagdala sa Kanya. Bilang tugon, ang mga salitang ito ay binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno: "Higit na mapalad ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito" (Lucas 11, 28). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, itinuro ng Poong Jesus Nazareno kung paano maging mapalad sa paningin ng Diyos katulad ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, ang babaeng hinirang ng Ama sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. 

Tinalakay at pinagnilayan sa mga Pagbasa para sa napakaespesyal na araw na ito, ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoong Jesus Nazareno, ang Kanyang tapat na pagsunod sa kalooban ng Ama. Sa pamamagitan nito, muling itinuturo sa atin ng Simbahan kung paano maging mga tapat na Kristiyano. Sa pamamagitan ng Kanyang pagtalima at pagtupad sa kalooban ng Ama nang buong kababaang-loob, inihayag ng Mahal na Señor ang Kanyang taos-pusong katapatan sa Ama. Ito ang sinasagisag at ipinapaalala sa atin ng Kanyang pagpasan ng Krus. Ito rin ang kailangan nating gawin bilang mga deboto ng Poong Señor at ng Mahal na Ina. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang mga katangian ng ipinangakong Tagapagligtas na ipagkakaloob ng Panginoong Diyos sa Kanyang bayan. Ang pagiging mababang-loob, maamo, at masunurin ng Mesiyas, ang ipinangakong Manunubos na ipagkakaloob ng Diyos sa Kanyang bayan pagdating ng panahong itinakda Niya, ay ang pangunahing katangiang inilarawan sa pahayag na inilahad sa Unang Pagbasa. Ang pangaral ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa ay nakasentro sa pagkakilanlan ng dakilang lingkod na ito ng Diyos. Inihayag ni Apostol San Pedro na sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, natupad ang mga inilarawan sa Unang Pagbasa. 

Isinalungguhit sa salaysay ng Pagbibinyag sa Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang Kanyang pagiging masunurin sa kalooban ng Ama. Bagamat higit Siyang dakila kay San Juan Bautista, ipinasiya ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na magpabinyag sa Kanya. Siya nga mismo ang nagsabi kay San Juan Bautista sa Ebanghelyo na dapat mangyari iyon bilang katuparan ng kalooban ng Diyos (Mateo 3, 15). Noong una, tumutol si San Juan Bautista; subalit, matapos bigkasin ng Poong Jesus Nazareno ang mga salitang iyon na pumanatag sa kanyang loob, pumayag na rin si San Juan Bautista na gawin ito nang buong kababaang-loob. Matapos binyagan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ipinakilala Siya ng Espiritu Santong bumaba sa Kanya sa anyo ng kalapati at ng Amang nasa langit bilang ipinangakong Mesiyas. 

Katulad ng sabi sa Salmong Tugunan, "Basbas ng kapayapaa'y sa bayan ng Poong mahal" (Salmo 28, 11b). Sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang sangkatauhan ay binasbasan ng Diyos sa pinakadakilang paraan. Ang pinakadakilang biyaya na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay ipinagkaloob Niya sa lahat. Ang Panginoong Jesus Nazareno na bininyagan ni San Juan Bautista sa Ilog Jordan at nagpasan ng Krus patungong Kalbaryo ay ang pinakadakilang biyayang ibinigay ng Diyos sa atin. 

Paano maging mapalad sa paningin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno? Tanggapin at sundin ang kalooban ng Ama nang buong kababaang-loob at pananalig sa Kanya. Buksan natin ang mga puso at isipan sa kalooban ng ating Panginoong Diyos. Buong kababaang-loob na pakinggan at tuparin ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan nito, ipinapakita nating tunay at tapat tayo sa ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang tunay na Diyos na ating pinupuri at sinasamba sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Eukaristiya kung saang lagi Niyang kusang-loob na ibinibigay sa atin ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inumin. 

VIVA POONG JESUS NAZARENO!

Screenshot: Ang Opisyal na Logo at Tema Para sa Traslacion 2023 (Video), Social Communications Ministry (Minor Basilica of the Black Nazarene, Saint John the Baptist Parish, Quiapo, Manila), Quiapo Church Facebook Page

Biyernes, Enero 6, 2023

POONG JESUS NAZARENO: DUMATING PARA SA LAHAT NG MGA TAO

8 Enero 2023 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon 
Ikasiyam at Huling Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno
Isaias 60, 1-6/Salmo 71/Efeso 3, 2-3a. 5-6/Mateo 2, 1-12  

This reproduction of the painting The Adoration of the Magi by Luca Giordano, called Fa Presto, as well as the work of art itself from Sotheby's, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Bihira lamang ipagdiwang ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon sa ikalawang Linggo ng buwan ng Enero. Kadalasan, ang nasabing Dakilang Kapistahan ay madalas na ipinagdiriwang ng Simbahan pagsapit ng unang Linggo ng buwan ng Enero. Katunayan, mayroong mga lugar kung saan ipinagdiriwang sa tradisyunal na petsa nito, ang ika-6 ng Enero, ang nasabing Dakilang Kapistahan. Subalit, may isang importanteng dahilan kung bakit ang mga bihirang pagkakataong ito ay nangyayari. Kapag tumapat ang mga araw ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon at Bagong Taon sa araw ng Linggo, ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon na kilala rin sa tawag na "Epipanya" (Epifania) ay inililipat ng Simbahan sa ikalawang Linggo ng buwan ng Enero. 

Kasabay ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon, ang araw ring ito ay ang ikasiyam at huling araw ng Pagsisiyam sa karangalan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang paghahanda para sa Kapistahan ng Traslacion. Sa tuwing ipinagdiriwang ang nasabing Kapistahan, ginugunita natin ang maringal na paglipat ng banal na imahen ng Poong Señor Jesus Nazareno mula sa Bagumbayan (Luneta) patungo sa Simbahan ng Quiapo. Sa mga araw bago sumapit ang araw ng maringal na pagdiriwang ng Kapistahan ng Traslacion ng Poong Jesus Nazareno, na napapaloob sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang, binibigyan ng pansin at taimtim na pinagninilayan ng Simbahan ang tunay na pagkakilanlan ni Kristo bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao at isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong gabi ng unang Pasko. Sa araw na ito, ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon na siya ring Bisperas ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Traslacion ng ating minamahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno, isinasalungguhit ang Kanyang misyon bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Ang biyaya ng Kanyang pagliligtas ay para sa lahat ng tao sa mundong ito. 

Isinasalungguhit sa mga Pagbasa para sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang nang buong ringal ng Simbahan sa Linggong ito ang katotohanan ng misyon ng Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Hindi Siya pumarito sa mundong ito para lamang sa isang angkan, lahi, o lipi. Bagkus, ang kaloob Niyang kaligtasan ay para sa lahat ng mga tao sa mundong ito. Ang biyayang ito na kaloob ng Panginoong Jesus Nazareno ay hindi ekslusibo kundi ito ay para sa lahat ng tao sa daigdig. Katunayan, ito ang ipinapaalala sa atin ng banal na imahen ng ating Nuestro Padre Jesus Nazareno. Inilalarawan si Kristo ng imaheng ito bilang itim, kayumanggi, o moreno katulad nating mga karaniwang Pilipino. Naiiba ang imaheng ito sa ibang larawan o imahen ng Panginoon na kung saang kulay puti ang Kanyang balat. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Propeta Isaias na ipapamalas ng Diyos sa lahat ng mga bansa sa daigdig ang Kanyang liwanag. Magniningning ang Kanyang liwanag sa bayang Israel at masasaksihan ng lahat ng mga bansa sa mundong ito ang kahanga-hangang gawang ito ng Panginoong Diyos. Sa pamamagitan nito, inihayag ni Propeta Isaias na hindi ikinukubli ng Panginoon sa lahat ang Kanyang mga pagpapala. Hindi ekslusibo ang Panginoon. Ang Panginoon ay hindi namimili ng mga taong aalukin na tanggapin ang Kanyang biyaya. Bagkus, inaanyayahan Niya ang lahat na tanggapin at pakinabangan ang mga biyayang Kanyang kaloob. Para sa lahat. 

Ang pagiging unibersal o pangkalahatan ng Panginoon ay isinalungguhit rin sa Salmo, sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, at maging sa salaysay ng pagdalaw at pagsamba ng mga Pantas mula sa Silangan sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno sa Banal na Ebanghelyo. Isinalungguhit nang buong diin ang pagiging unibersal o pangkalahatan ng Panginoong Diyos sa Salmong Tugunan. Iyan rin ang tema ng pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa mga biyaya ng Diyos. Sabi nga ni Apostol San Pablo na pati ang mga Hentil ay may bahagi rin sa lahat ng mga biyaya ng Diyos (Efeso 3, 6). Sa Ebanghelyo, ang mga Pantas o Mago mula sa Silangan ay binigyan ng pagkakataon ng Diyos na dalawin at sambahin ang Banal na Sanggol na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno, ang tunay at dakilang Haring walang hanggan. Sa kabila ng kanilang pagiging dayuhan, niloob pa rin ng Diyos na makadalaw at makasamba sila kay Kristo. Ito ang dahilan kung bakit ginabayan ng tala sa langit ang mga Pantas na ito patungo kay Jesus Nazareno. 

Tingnan natin nang mabuti ang imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Naiiba ang kulay ng sagradong imahen ng ating minamahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno dahil si Kristo ay inilarawang may maitim, moreno, o kayumangging balat. Kakulay rin natin ang Panginoon, gaya ng inilalarawan sa nasabing sagradong imahen. Isa itong patunay na hindi ekslusibo sa isang angkan, lahi, o lipi lamang ang biyaya ng Diyos. Bagkus, ang biyaya ng Diyos ay para sa lahat. Ito ang aral at mensaheng ipinapaalala sa atin ng imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Mapalad tayo sapagkat mayroon tayong Diyos na patuloy na nagbibigay sa atin ng pagkakataong tanggapin at makinabang sa Kanyang mga biyaya. Ang patunay nito ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dumating Siya sa mundong ito upang iligtas ang lahat ng tao sa mundong ito. Hindi Siya ekslusibo. Bagkus, ang ating minamahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno ay para sa lahat. Ito ang aral na laging ipinapaalala sa atin ng imahen ng Poong Señor na ating ginagalang. Hindi natin sinasamba ang imahen ng Nazareno. Bagkus, ang imaheng ito ay ating ginagalang dahil ito ay sagisag ng pagiging pangkalahatan ng Diyos na tunay na mapagmahal. 

Screenshot: 28 Disyembre 2022 ● PABIHIS sa Nuestro Padre Jesus Nazareno (Quiapo Church Facebook and YouTube Live Stream) 

Huwebes, Enero 5, 2023

POONG JESUS NAZARENO: ANG TUNAY NA MAKAPANGYARIHAN SA LAHAT

7 Enero 2023 
Ika-7 ng Enero sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang 
Ikawalong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno 
1 Juan 5, 14-21/Salmo 149/Juan 2, 1-11

This faithful reproduction of the painting The Wedding at Cana by Denys Calvaert (circa 1540-1619) and the work of art itself is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years because the author died in 1619 and because of its age. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1927.

Kapag ang araw na ito ay hindi tumapat sa araw ng Linggo sapagkat tumapat sa araw ng Linggo ang mga araw ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon at Bagong Taon, ipinagpapatuloy ng Simbahan ang pagsaliksik at taimtim na pagninilay sa misteryo ng pagkakatawang-tao ng Salita ng Diyos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Maria sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko. Ito ay dahil ang araw na ito ay napapaloob pa rin sa panahon ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno. Ang panahong ito ay inilaan ng Simbahan sa pagninilay sa misteryong ito. Kasabay nito, patuloy na pinaghahandaan ng Simbahan ang lahat ng mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno para sa nalalapit na maringal na pagdiriwang ng Kapistahan ng Traslacion sa pamamagitan ng Pagsisiyam sa karangalan ng Mahal na Poon. Ang araw na ito ay ang ikawalong araw ng nasabing Pagsisiyam o Nobenaryo. 

Sa araw na ito, itinatampok ng Simbahan ang isang napakahalagang katangian ng tunay na pagkakilanlan ng nagkatawang-taong Salita ng Diyos na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang sabsaban noong gabi ng unang Pasko. Taglay ng Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong gabi ng unang Pasko, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang tunay na kapangyarihan sa lahat ng mga nilalang. Tanging Siya lamang ang tunay na may kapangyarihan. Ang kapangyarihang taglay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay hindi mapapantayan o mahihigitan ninuman sapagkat Siya mismo ay ang Diyos na dumating sa mundong ito upang tayo ay iligtas sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Ito ang dahilan kung bakit Siya isinilang sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang unang himalang ginawa ni Kristo sa isang kasalan sa Cana. Matapos iparating sa kanyang Anak na si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, na malaki ang posibilidad na mapahiya ang bagong kasal sapagkat mauubusan na sila ng alak sa nasabing kasalan, ang mga naglilingkod sa nasabing kasalan ay sinabihan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na sundin ang anumang utos sa kanila ng kanyang Anak na si Jesus Nazareno (Juan 2, 5). Ang mga salitang ito na binigkas ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa tampok na salaysay sa Banal na Ebanghelyo para sa araw na ito ay patuloy pa ring umaalingawgaw sa kasalukuyang panahon. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, itinuro ng Mahal na Inang si Mariang Birhen kung sino ang dapat sundin ng lahat - ang tunay na may kapangyarihan na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Katulad ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa Ebanghelyo para sa araw na ito sa loob ng panahon ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, itinuro at ipinaalala sa atin ni Apostol San Juan sa kanyang pangaral sa Unang Pagbasa para sa araw na ito kung sino nga ba talaga ang nagtataglay ng tunay na kapangyarihan sa lahat. Ang tunay na makapangyarihan sa lahat ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Gaya ng sabi ni Apostol San Juan, ang mga tunay na anak ng Diyos ay hindi aanhin ng demonyo sapagkat ang mga tunay na anak ng Diyos ay nasa ilalim ng Panginoong Jesus Nazareno (1 Juan 5, 18). Oo, makapangyarihan ang demonyo, subalit hinding-hindi niya mapapantayan o mahihigitan ang kapangyarihan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno kailanman. Iyan ang ating minamahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito kung ano ang dapat nating gawin bilang mga tunay na deboto ng minamahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dapat maging masunurin tayo sa Kanya. Tanggapin at sundin natin ang Kanyang mga utos at loobin nang buong kababaang-loob. Magpasakop tayo sa Kanya. Sa pamamagitan nito, pinapahintulutan nating maghari ang Kanyang kalooban at nagpapahayag ng taos-puso nating pagpanig sa Kanya, ang tunay na makapangyarihan sa lahat. Tayo rin ay nagpapasailalim sa Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan nito. Iyan ang kalooban ng ating minamahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno para sa atin. 

Ang panawagan sa atin sa araw na ito ay magpasailalim sa kapangyarihan ng tunay na makapangyarihan sa lahat, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kung tunay nga tayong mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, buong kababaang-loob at pananalig tayong magpapasakop sa Kanya at pahihintulutan nating mangyari ang Kanyang kalooban. Iyan ang magpapatunay na tunay nga tayong matapat sa ating debosyon, pananalig, pananampalataya, pamamanata, at pagsamba sa Kanya. 

Miyerkules, Enero 4, 2023

POONG JESUS NAZARENO: ANG KUSANG-LOOB NA NAGPASIYANG IBIGAY ANG BUO NIYANG SARILI BILANG REGALO

6 Enero 2023 
Ika-6 ng Enero sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang 
Ikapitong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno 
1 Juan 5, 5-13/Salmo 147/Lucas 3, 23-38 (o kaya: 3, 23. 31-34. 36. 38; o kaya: Marcos 1, 7-11) 

Screenshot: 28 Disyembre 2022 • PABIHIS sa Nuestro Padre Jesus Nazareno (Quiapo Church Facebook and YouTube Live Stream)

Kapag hindi tumapat sa araw ng Linggo ang araw na ito sapagkat tumapat sa araw ng Linggo ang mga araw ng Kapaskuhan at Bagong Taon, ipinagpapatuloy pa rin ng Simbahan ang taimtim na pagsaliksik at pagninilay sa misteryo ng pagkakatawang-tao at pagsilang ng Salita ng Diyos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno sa isang sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko. Sino nga ba talaga ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong gabi ng unang Pasko? Ano nga ba ang tunay Niyang pagkakilanlan? Ito ang mga tanong na pinagtuunan ng pansin ng Simbahan sa panahong ito ng Pasko ng Pagsilang. 

Bukod sa pagiging araw sa loob ng panahon ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang araw ring ito ay ang ikapitong araw ng taimtim na paghahanda para sa nalalapit na Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagdarasal ng Pagsisiyam o Pagnonobena sa karangalan ng Poong Señor. Marapat lamang na pagnilayan ang pagkakilanlan ng nagkatawang-taong Salita ng Diyos na si Jesus Nazareno at ang dahilan kung bakit Siya isinilang sa mundo noong gabi ng unang Pasko na siya ring dahilan kung bakit Niya ipinasiyang pasanin ang Krus. Ang Sanggol na isinilang sa sabsaban ay ang Nazarenong nagpasan ng Krus upang tayo'y maligtas. Ito ang misteryo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Maraming tao ang nagsasabing ang Pilipinas raw ang bansang may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko sapagkat Setyembre pa lamang ay nagpapatugtog na ng mga awiting Pamasko sa iba't ibang mga pampublikong lugar, katulad na lamang ng mga liwasan at mga mall sa bansa. Sa Kalendaryo naman ng Simbahan, ang panahon ng Kapaskuhan ay nagwawakas sa araw ng Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon na siya ring Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (maliban na lamang kung hindi ito tumapat sa araw ng Linggo). Subalit, mayroong isang natatanging lugar sa Pilipinas na kung saang tila maagang nagtatapos ang pagdiriwang ng Kapaskuhan: Quiapo. Bakit? Sapagkat may ilang nakakapansin na tila tapos na ang Pasko tuwing sasapit ang Bisperas ng Kapistahan ng Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Maaari rin nating sabihing tila spoiler ang Quiapo, kung ihahalintulad ito sa mga pelikula o mga seryeng pinapanood sa telebisyon. Isipin lamang ninyo, parang kailan lamang, ang imahen ni Kristo bilang Banal na Sanggol na isinilang sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko ay itinampok sa paggunita sa Kanyang Pagsilang pagsapit ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ay ipinagdiriwang. Tapos, mga higit-kumulang ng dalawa't kalahating linggo pagkalipas ng nasabing Dakilang Pista, itinatampok ang imahen o larawan ng ating Panginoon na nagpapasan ng Krus patungong Kalbaryo sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Kung tutuusin, kasisimula pa lamang ng isang panibagong taon sa sekular na kalendaryo, na napapaloob pa rin ng panahon ng Pasko ng Pagsilang sa Kalendaryo ng Simbahan, itinatampok na ang banal na larawan o imahen ng nagpakasakit na Kristo. 

Subalit, isang napakagandang paalala para sa bawat mananampalatayang Katoliko ang nalalapit na pagdiriwang ng Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ipinapaalala ng nalalapit na pagdiriwang ng Kapistahan ng Traslacion ang tunay na dahilan ng Kanyang pagparito sa mundo. Noong gabi ng unang Pasko, sa isang hamak na sabsaban sa lungsod ng Betlehem, isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang Banal na Sanggol na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno bilang katuparan ng pangako ng Diyos na maghahatid Siya ng kaligtasan sa lahat. Si Jesus Nazareno, ang nagkatawang-taong Salita ng Diyos, ay isinilang noong banal na gabi ng unang Pasko upang ipagkaloob sa atin ang biyaya ng Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay, ang Misteryo Paskwal. Iyan lamang ang dahilan ng Kanyang pagparito sa mundo. Ang paksang ito, ang tunay na dahilan ng Kanyang pagparito, ay tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito. 

Inilarawan ni Apostol San Juan sa kanyang pangaral sa Unang Pagbasa tungkol sa pagkamit ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Bugtong na Anak ng Diyos na si Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, kung paano Niya iniligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagbubo ng Kanyang Dugo, iniligtas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang sangkatauhan (1 Juan 5, 6). Sa Ebanghelyo, itinampok ang bersyon ni San Lucas ng talaan ng angkang kinabilangan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Isang bagay lamang ang nais isalungguhit at ituro ng mga Pagbasa para sa araw na ito. Ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na dumating sa mundong ito at pasanin ang Kanyang Krus alang-alang sa atin. Ito ang dahilan kung bakit Siya bumangon nang tatlong ulit matapos ang tatlong ulit na pagkasubasob dahil sa bigat ng Krus sa makipot at masikip na daan patungo sa bundok ng Kalbaryo. Hindi naman mandatoryo para sa Mahal na Poon na gawin iyon. Subalit, ginawa Niya ito alang-alang sa atin dahil ninais at niloob Niyang iligtas tayo. 

Upang tayo ay magkaroon ng kaligtasan at buhay na walang hanggan, kusang-loob na ipinasiya ng ating Mahal na Poong Jesus Nazareno na ibigay sa atin ang Kanyang sarili bilang pinakadakilang regalo. Ipinagkaloob Niya sa atin ang Kanyang sarili bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kaya naman, dumating Siya sa mundo bilang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa sabsaban sa gabi ng unang Pasko. Gayon din naman, noong sumapit ang takdang panahon, ang Krus ay Kanyang hinarap, tinanggap, niyakap, at pinasan. Isa lamang ang dahilan ng lahat ng ito: nais Niya tayong iligtas at pagkalooban ng buhay na walang hanggan.