29 Enero 2022
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Sofonias 2, 3; 3, 12-13/Salmo 145/1 Corinto 1, 26-31/Mateo 5, 1-12a
This image from Good News Productions International and College Press Publishing through Free Bible Images (https://www.freebibleimages.org/) is under an Attribution-NonCommercial-NoDerivatives 4.0 International (CC BY-NC-ND 4.0).
Sabi sa Salmong Tugunan: "Mga aba ay mapalad, D'yos ang hari nilang lahat" (Mateo 5, 3). Bagamat ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito ay hango sa isa sa mga pangaral ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo, ang unang pangaral tungkol sa mga taong itinuturing na mapapalad sa paningin ng Diyos, ang mga talata o taludtod ng Salmo ay nakasentro sa katangiang ito ng Diyos. Ito ang ating Diyos. Hindi Siya dumidistansya o lumalayo mula sa mga aba. Bagkus, kusang-loob Siyang lumalapit sa mga aba. Katunayan, naging bahagi Siya ng mga itinuturing ng lipunan na mahihina, katulad ng mga dukha, sa pamamagitan ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. Ang Diyos ay malapit sa mga isinasatabi at binabalewala ng lipunan dahil itinuturing silang mahihina.
Ipinakilala ni Propeta Sofonias ang Panginoong Diyos bilang bathalang malapit sa mga aba sa simula pa lamang ng kanyang pahayag sa Unang Pagbasa. Ang Diyos ay hindi katulad ng marami sa lipunan dito sa mundo. Kung ang marami sa lipunan dito sa mundong ito ay pilit na umiiwas sa mga taong itinuturing na mahina katulad na lamang ng mga aba, ang Diyos ay lumalapit sa kanila. Nais ng Panginoong Diyos na bigyan ang mga iniiwasan at isinasantabi ng lipunan katulad na lamang ng mga aba ng pagkakataong maranasan ang Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob. Sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, ang katangiang ito ng Diyos ay kanya ring tinalakay. Sabi ni Apostol San Pablo na pinili at hinirang ng Diyos ang mga taong itinuturing na "hamak, walang halaga, at walang kabuluhan sa sanlibutang ito upang pawalang-halaga ang mga itinuturing na dakila ng sanlibutan" (1 Corinto 1, 28). Nakasentro sa mismong paksang ito ang pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Sa mga pahayag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno tungkol sa mga taong itinuturing na mapalad sa paningin ng Diyos, isinalungguhit rin Niya ang pagiging malapit ng Diyos sa mga isinasantabi at iniiwasan ng marami sa lipunan dito sa mundong ito sapagkat itinuturing silang mahihina tulad ng mga aba.
Hindi iniiwasan ng Diyos ang mga itinuturing na mahihina katulad na lamang ng mga aba. Bagkus, kusang-loob Siyang lumalapit sa kanila. Katunayan, ginawa na Niya ito noong dumating Siya sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno. Dahil dito, batid Niya ang karanasan at kalagayan ng lahat ng mga itinuturing na mahihina sa lipunan.
Mabuti pa ang Diyos, kusang-loob na lumalapit sa mga itinuturing na mahihina gaya ng mga aba. Nakakalungkot, hindi lamang iniiwasan ang mga itinuturing na mahihina katulad na lamang ng mga aba. Pilit pa silang isinasantabi at binubudol. Maraming tao ang magpapanggap na mabuti, lalung-lalo na ang mga nasa kapangyarihan. Sa unang tingin, mukha silang mabuti. Iyon nga lamang, mayroon pala silang binabalak laban sa mga itinuturing na mahihina. Aapihin sila. Sasamantalahin sila. Gagawin nila ang lahat para lamang manlinlang at apihin ang mga taong itinuturing na mahihina. Gagamitin nila ang kanilang kapangyarihan upang mang-api at mang-abuso ng mga itinuturing na mahina ng lipunan. Ang nakakalungkot, pinapanigan pa ng karamihan sa lipunan ang mga umaabuso at umaapi sa mga itinuturing na mahihina. Ang mga pinipilit na isantabi ay hindi papansinin. Ang masaklap, idadamay pa ng mga taong umaapi at umaabuso sa mga itinuturing na mahihina ang Diyos.
Bilang mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, mayroon tayong tungkulin na maging mga salamin at tagapagpalaganap ng Kanyang kagandahang-loob, pag-ibig, at habag para sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga itinuturing na mahihina gaya na lamang ng mga aba. Hindi tayo dapat pumanig sa mga nanlilinlang, umaabuso, at umaapi sa kanila, kahit na mga masisikat pa sila. Dapat nating tutulan at labanan ang panibagong uri ng katiwaliang ito. Kung magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan na lamang tayo sa pagpapalaganap ng kawalan ng hustisyang ito, walang saysay o silbi ang ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno dahil hindi Siya papabor sa ganitong uri ng katiwalian.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento