Biyernes, Enero 13, 2023

KABABAANG-LOOB AT KAGANDAHANG-LOOB

15 Enero 2023 
Kapistahan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol (A) 
Isaias 9, 1-6/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 15-18/Mateo 18, 1-5. 10 

This reproduction of the painting The Infant Christ with a Floral Wreath (1663) by Carlo Dolci (1616-1686), as well as the work of art itself from the Thyssen-Bornemisza Museum Collection, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This painting is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928

Isang natatanging taunang Kapistahan ang ipinagdiriwang ng Simbahan sa Pilipinas tuwing sasapit ang Ikatlong Linggo ng Enero. Ang Ikatlong Linggo ng Enero ay inilaan ng Simbahan sa Pilipinas para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol, na kilala rin bilang Santo Niño. Sa pagdiriwang ng espesyal na Kapistahang ito tuwing Ikatlong Linggo ng Enero, itinatampok at pinagninilayan ang larawan ng Panginoong Jesus Nazareno bilang Banal na Sanggol. Ipinapaalala muli ng Simbahan sa atin sa pamamagitan ng larawan at titulo ng Mahal na Poong Nazareno bilang Banal na Sanggol ang Kanyang kababaang-loob. Ang mga sagradong larawan o imahen ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Banal na Sanggol ay nagsisilbing mga paalala o sagisag ng Kanyang kababaang-loob para sa atin. 

Ang mga Pagbasa para sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa Pilipinas sa espesyal na araw na ito ay nakasentro sa kababaang-loob na ipinakita ng Mahal na Poong Santo Niño na si Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, ginamit ng Poong Señor ang larawan ng mga bata bilang halimbawa sa Kanyang pangaral sa mga apostol tungkol sa kababaang-loob. Upang lalong maunawaan kung paanong makakapamuhay nang may kababaang-loob, ginamit ni Kristo ang larawan ng mga bata. Ang mga bata ay umaaasa sa tulong ng kanilang mga magulang. Gayon din naman, itinuturo ni Kristo na dapat rin tayong umasa sa Diyos katulad ng mga bata sapagkat tayong lahat ay Kanyang inangkin bilang Kanya ring mga anak. Ang dahilan kung bakit ang Señor ay nangaral tungkol sa kababaang-loob sa Ebanghelyo ay inilarawan sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa para sa Kapistahang ito. Sa Unang Pagbasa, inihayag na isang sanggol na lalaki ang ipagkakaloob ng Diyos bilang ipinangakong Tagapagligtas. Ang mga salita sa propesiyang ito ay tinupad ng Poong Jesus Nazareno. Nakasentro sa kagandahang-loob ng Poon ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa para sa Kapistahang ito. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang Panginoong Jesus Nazareno. 

Katulad ng imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ipinapaalala ng bawat imahen o larawan ng Santo Niño ang kababaang-loob ng Mahal na Señor. Ipinasiya ng Poong Señor na magpakita ng kababaang-loob alang-alang sa atin. Dahil sa kagandahang-loob ng Panginoong Jesus Nazareno, ipinasiya Niyang mamuhay bilang tao katulad natin, maliban sa kasalanan, at pagdaanan ang bawat yugto ng buhay ng bawat tao upang iligtas tayo mula sa kasalanan. Ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay dumaan rin sa pagiging isang bata katulad natin dahil sa Kanyang kagandahang-loob. Kahit na hindi naman Niya kailangang gawin iyon, ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na talikuran at hubarin ang Kanyang kadakilaan at karangalan bilang tunay na Diyos at buong kababaang-loob na maging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, alang-alang sa atin. Ginawa Niya ito dahil sa Kanyang kagandahang-loob. 

Maituturing na isang pasulyap ng pagpapakasakit ng Panginoong Jesus Nazareno na inilalarawan ng bawat imahen ng Mahal na Poon na nagpapasan ng Krus ang lahat ng mga imahen ng Santo Niño. Katunayan, inilalarawan ng bawat banal na imahen o larawan ng Santo Niño ang unang hakbang o yugto ng misyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ng tanan. Bago Niya pinasan ang Krus, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dumaan sa pagiging isang sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong gabi ng unang Pasko at isang bata na namuhay sa bayan ng Nazaret kasama ni San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. 

Bilang mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, na Siya ring Santo Niño, dapat nating tularan ang Kanyang halimbawa. Katulad ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Santo Niño, dapat tayong mamuhay nang may kababaang-loob. Ang pagiging mababang-loob ay pagtahak sa landas ng kabanalan na itinuturo sa atin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Santo Niño. Sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob, katulad ng Banal na Sanggol na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno, ang landas ng kabanalan ay ating tinatahak. Kapag ito ang ating gagawin, kalulugdan tayo ng Amang nasa langit dahil pinatutunayan nating tunay tayong nananalig, sumasampalataya, nagpupuri, at sumasamba sa tunay na Diyos na walang iba kundi ang Banal na Santatlo na binubuo ng Ama, Anak, at Espiritu Santo. 

Gusto ba nating maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos? Tahakin ang landas ng kabanalan. Paano natin ito magagawa? Mamuhay nang may kababaang-loob katulad ng Diyos na nagkatawang-tao na si Jesus Nazareno, ang nagpakita ng kababaang-loob dahil sa Kanyang kagandahang-loob. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento