2 Pebrero 2023
Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus Nazareno na Panginoon sa Templo
Malakias 3, 1-4/Salmo 23/Hebreo 2, 14-18/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22-32)
This reproduction of the painting De opdracht in de tempel (English: The Presentation in the Temple; 17th century) by Jacob Jordaens (1593-1678) from Rubenshuis is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Nakasentro sa pagkakilanlan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang tunay na liwanag ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Binibigyan ng pansin at pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito nang buong kataimtiman ang titulo at pagkakilanlang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bukod sa pagiging Diyos na totoo at tunay na Haring walang hanggan, ang Panginoong Jesus Nazareno ay ang tunay na liwanag na nagniningning sa buong santinakpan at pumapawi sa kadiliman. Ang Diyos na tunay na Hari at Manunubos ay ang tunay na liwanag. Siya'y walang iba kundi si Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa pagkakilanlan o titulong ito ng ating Poong Jesus Nazareno. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Malakias na darating Siya bilang Manunubos at Hukom na magdadalisay sa mga naglilingkod sa Kanya nang buong katapatan at pananalig. Ang Diyos ay darating sa pamamagitan ng ipinangakong Manunubos upang maghatid ng kalinisan at kadalisayan sa mga magpapasiyang maging tapat sa Kanya hanggang sa huli. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan kung paano ito ginawa ng Panginoong Diyos. Tinupad ng Diyos ang pangakong ito sa pamamagitan ni Kristo, ang Tagapagligtas na ipinangako. Sa Ebanghelyo, isinalaysaysay ang pagdadala ng Birheng Maria at ni San Jose sa Banal na Sanggol na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno sa Templo upang ihandog sa Diyos. Ang walang maliw na katapatan ng Diyos na tunay ngang dakila ay nahayag sa pamamagitan ng gawang ito. Ito ang pinatotohanan ni Simeon sa kanyang kantikulo na inilahad sa Ebanghelyo nang makita at mahawakan niya ang Banal na Sanggol na si Kristo Hesus, ang Mahal na Poong Nazareno.
Katulad ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito: "D'yos na makapangyariha'y dakilang Hari magpakailanman" (Salmo 23, 10b). Sa pamamagitan ng mga salitang ito sa Salmong Tugunan, ipinapakilala ng Simbahan sa atin kung saan nagmumula ang tunay na liwanag. Ang tunay na liwanag na papawi sa dilim ay nagmumula sa Panginoon mismo. Katunayan, mismong ang Panginoon ang liwanag na ito. Dumating sa mundong ito ang tunay na liwanag na nagmula sa langit sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bilang tunay na liwanag, tunay ngang naiiba ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sapagkat tanging Siya mismo ang tunay na Haring walang hanggan na nagpasiyang maging liwanag na nagliligtas. Ang mga salitang ito ay naglalarawan sa tunay na Hari na tunay ring liwanag ng lahat.
Mapalad tayo sapagkat ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang tunay na liwanag na tunay ngang natatangi at naiiba. Ang Panginoong Jesus Nazareno ay hindi lamang Diyos na totoo, Haring totoo, at Tagapagligtas na totoo. Siya rin ay ang tunay na liwanag. Ito ang pasiya ng Panginoong Jesus Nazareno. Kahit na hindi naman Niya kinailangang gawin ito, ipinasiya pa rin Niya itong gawin alang-alang sa atin. Ang tunay na Hari na Siya ring ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na bigay ng Diyos sa atin na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay ang tunay na liwanag na nagliligtas. Ito ang dakilang gawa ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga.
Inaanyayahan tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na lumakad sa ilalim ng tunay na liwanag na walang iba kundi Siya. Bilang mga tapat Niyang deboto, dapat nating tanggapin nang buong tuwa, pananalig, at kababaang-loob ang paanyayang ito. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa paanyayang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang landas ng kabanalan ay sinisimulan nating tahakin. Ang landas na ito ang aakay sa bawat isa sa atin patungo sa Kanyang walang hanggang kaharian sa langit. Kung gagawin natin ito, maipapahayag nating tunay at tapat nga tayo sa ating taimtim na debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Tinatanong tayo ng Simbahan sa araw na ito kung tatanggapin ba natin nang buong pananalig, kababaang-loob, at tuwa ang paanyaya ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na lumakad sa ilalim ng tunay na liwanag na na nagliligtas walang iba kundi Siya. Ano ang ating magiging pasiya?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento