Martes, Enero 3, 2023

POONG JESUS NAZARENO: ANG TUNAY AT DAKILANG HARI MAGPAKAILANMAN

5 Enero 2023 
Ika-5 ng Enero sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang 
Paggunita kay San Juan Neumann, Obispo 
Ikaanim na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno 
1 Juan 3, 11-21/Salmo 99/Juan 1, 43-51 

Screenshot: 12.16.2022 (FRIDAY) 2PM #OnlineMass - Quiapo Church Facebook and YouTube Live Stream

Kapag ang araw na ito sa loob ng panahon ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon ay hindi tumapat sa araw ng Linggo dahil tumapat ang mga araw ng Pasko at Bagong Taon sa araw ng Linggo, ipinagpapatuloy ng Simbahan ang taimtim na pagsaliksik at pagninilay sa misteryo ng pagkakatawang-tao ng Salita ng Diyos na walang iba kundi ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong gabi ng unang Pasko. Bukod pa rito, ang araw ring ito ay ang ikaanim na araw ng paghahanda para sa Kapistahan ng Traslacion ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Pagsisiyam o Pagnonobena sa Kanyang karangalan. 

Sa araw na ito sa loob ng panahon ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon na siya ring ikaanim na araw ng Pagsisiyam sa karangalan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang paghahanda ng sarili para sa Kanyang Kapistahan, itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa Kanyang pagiging hari. Tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito kung anong uri ng Hari ang Panginoong Jesus Nazareno. Ang mga hari o pinuno sa mundong ito ay hindi mananatili magpakailanman. Isa lamang ang mananatili bilang hari magpakailanman - si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. 

Inilarawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo kung sino nga ba Siya talaga. Ang misteryo ng Kanyang pagkahari ay malinaw Niyang inihayag sa mga una Niyang alagad. Bilang tunay at dakilang Hari magpakailanman, si Jesus Nazareno ay mayroong maringal na trono na kinaluluklukan. Habang nakaluklok sa Kanyang trono sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit, ang lahat ng mga anghel at hukbo sa langit ay naghahandog ng walang humpay na papuri at pagsamba sa Kanya. Ito ang tunay na pagkakilanlan ng Banal na Sanggol na isinilang sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko. Kung tutuusin, ipinahiwatig ito ng mga anghel na nagsiawitan noong gabing iyon. Pagdating ng takdang panahon, ang hinandugan ng mga awit ng papuri, pagbubunyi, at pagsamba ng mga anghel sa langit ay magpapasan ng Krus alang-alang sa atin. Ang lahat ng pagbubunyi, papuri, at pagsamba sa Kanya sa langit ay iniwan at tinalikuran ng Mahal na Poong Jesus Nazareno nang pansamantala upang harapin, tanggapin, at yakapin ang Kanyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na sinasagisag ng Krus na Kanyang pinapasan. 

Bakit Niya ito ipinasiyang gawin? Inilarawan ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa ang tunay na dahilan nito. Ang Krus ay pinili Niyang harapin, tanggapin, yakapin, at pasanin sa kabila ng bigat nito dahil sa Kanyang pag-ibig. Sa pamamagitan ng buong kababaang-loob na pagtanggap at pagtupad sa Kanyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, na sinasagisag ng Krus na Kanyang pinasan, kahit tatlong ulit Siyang nasubasob habang ginagawa ito patungong Kalbaryo dahil sa bigat nito, inihayag ni Jesus Nazareno ang Kanyang tunay at dakilang pag-ibig na walang maliw (1 Juan 3, 16). Iyan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang tunay at dakilang Hari na mapagmahal magpakailanman. Kahit hindi naman mandatoryo para sa Kanya na gawin iyon, pinili pa rin Niya itong gawin dahil sa Kanyang pag-ibig. 

Dahil dito, ipinapaalala sa atin ni Apostol San Juan sa simula ng kanyang pangaral o pagtuturo sa Unang Pagbasa na dapat tayong mag-ibigan (3, 11). Sa pamamagitan nito, ipinapakita nating ang ating debosyon, pamamanata, pananalig, at pagsamba sa Mahal na Poong Jesus Nazareno na nakaluklok bilang tunay na Hari magpakailanman sa Kanyang trono sa langit ay tunay. Ipinapalaganap natin sa pamamagitan nito ang tunay na pag-ibig na nagmumula sa Kanya. Sa pamamagitan rin nito, pinapatunayan rin natin na tunay nating pinapanigan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Umiibig sa kapwa ang mga tunay na deboto ng Poong Jesus Nazareno sapagkat Siya mismo ang unang umibig sa lahat. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa, ipinapalaganap ng mga tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang tunay at dakilang Hari magpakailanman, ang tunay na pag-ibig na nagmumula lamang sa Kanya. Ang tunay at dakilang Hari magpakailanman na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay nagpasiyang ibigin tayo. Kaya naman, dapat rin tayong umibig bilang pagpahayag at pagpatunay ng ating debosyon, pamamanata, pananalig, at pagsamba sa Kanya.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento