9 Enero 2023
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno (A)
Isaias 42, 1-4. 6-7/Salmo 28/Mga Gawa 10, 34-38/Mateo 3, 13-17
This reproduction of the painting The Baptism of Christ (1510-1520) by Joachim Patinir (circa 1480-1524), as well as the painting itself from the Kunsthistorisches Museum Collection through the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less due to its age.
Bibihira rin lamang ang mga pagkakataon kung kailan magkatapat at ipinagdiriwang ng Simbahan nang magkasabay ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon at ang Kapistahan ng Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Nangyayari lamang ang mga ganitong pagkakataon kapag ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon ay tumapat sa Ika-9 ng Enero na siyang araw ng Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Subalit, bagamat bihira lamang mangyari ito, iisa lamang ang nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan ng dalawang pistang ito. Iyon ay walang iba kundi ang misyon ng ating Panginoong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Lalo lamang nagbibigyang-linaw ang pagninilay sa misteryong ito sa tuwing nangyayari ang mga bihirang pagkakataong ito kung kailan magkatapat at magkasabay ang mga maringal na selebrasyon ng Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon at ng Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kung tutuusin, malaki ang ugnayan ng dalawang selebrasyong ito dahil maaaring ituring na isang pasulyap ng pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Jesus Nazareno na sinasagisag ng Banal na Krus na Kanyang tinanggap, niyakap, at pinasan nang buong kababaang-loob at pananalig ang Pagbibinyag sa Kanya sa Ilog Jordan.
Ang tema ng pagdiriwang ng Traslacion para sa taong ito ay napapanahon. Sa tema para sa Kapistahan ng Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na ipinagdiriwang ng Simbahan nang sabay sa Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon ngayong taon, isinalungguhit ang pagiging masunurin sa kalooban ng Diyos. Katunayan, binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno mismo ang mga salitang ginamit para sa tema ng selebrasyon ng Traslacion sa kasalukuyang taon. Ang temang pinili para sa nasabing kapistahan ay ang tugon ng Mahal na Poong Nazareno sa taong nagsabi sa Kanya na mapalad ang sinapupunang nagdala sa Kanya. Bilang tugon, ang mga salitang ito ay binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno: "Higit na mapalad ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito" (Lucas 11, 28). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, itinuro ng Poong Jesus Nazareno kung paano maging mapalad sa paningin ng Diyos katulad ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, ang babaeng hinirang ng Ama sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno.
Tinalakay at pinagnilayan sa mga Pagbasa para sa napakaespesyal na araw na ito, ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoong Jesus Nazareno, ang Kanyang tapat na pagsunod sa kalooban ng Ama. Sa pamamagitan nito, muling itinuturo sa atin ng Simbahan kung paano maging mga tapat na Kristiyano. Sa pamamagitan ng Kanyang pagtalima at pagtupad sa kalooban ng Ama nang buong kababaang-loob, inihayag ng Mahal na Señor ang Kanyang taos-pusong katapatan sa Ama. Ito ang sinasagisag at ipinapaalala sa atin ng Kanyang pagpasan ng Krus. Ito rin ang kailangan nating gawin bilang mga deboto ng Poong Señor at ng Mahal na Ina.
Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang mga katangian ng ipinangakong Tagapagligtas na ipagkakaloob ng Panginoong Diyos sa Kanyang bayan. Ang pagiging mababang-loob, maamo, at masunurin ng Mesiyas, ang ipinangakong Manunubos na ipagkakaloob ng Diyos sa Kanyang bayan pagdating ng panahong itinakda Niya, ay ang pangunahing katangiang inilarawan sa pahayag na inilahad sa Unang Pagbasa. Ang pangaral ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa ay nakasentro sa pagkakilanlan ng dakilang lingkod na ito ng Diyos. Inihayag ni Apostol San Pedro na sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, natupad ang mga inilarawan sa Unang Pagbasa.
Isinalungguhit sa salaysay ng Pagbibinyag sa Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang Kanyang pagiging masunurin sa kalooban ng Ama. Bagamat higit Siyang dakila kay San Juan Bautista, ipinasiya ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na magpabinyag sa Kanya. Siya nga mismo ang nagsabi kay San Juan Bautista sa Ebanghelyo na dapat mangyari iyon bilang katuparan ng kalooban ng Diyos (Mateo 3, 15). Noong una, tumutol si San Juan Bautista; subalit, matapos bigkasin ng Poong Jesus Nazareno ang mga salitang iyon na pumanatag sa kanyang loob, pumayag na rin si San Juan Bautista na gawin ito nang buong kababaang-loob. Matapos binyagan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ipinakilala Siya ng Espiritu Santong bumaba sa Kanya sa anyo ng kalapati at ng Amang nasa langit bilang ipinangakong Mesiyas.
Katulad ng sabi sa Salmong Tugunan, "Basbas ng kapayapaa'y sa bayan ng Poong mahal" (Salmo 28, 11b). Sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang sangkatauhan ay binasbasan ng Diyos sa pinakadakilang paraan. Ang pinakadakilang biyaya na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay ipinagkaloob Niya sa lahat. Ang Panginoong Jesus Nazareno na bininyagan ni San Juan Bautista sa Ilog Jordan at nagpasan ng Krus patungong Kalbaryo ay ang pinakadakilang biyayang ibinigay ng Diyos sa atin.
Paano maging mapalad sa paningin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno? Tanggapin at sundin ang kalooban ng Ama nang buong kababaang-loob at pananalig sa Kanya. Buksan natin ang mga puso at isipan sa kalooban ng ating Panginoong Diyos. Buong kababaang-loob na pakinggan at tuparin ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan nito, ipinapakita nating tunay at tapat tayo sa ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang tunay na Diyos na ating pinupuri at sinasamba sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Eukaristiya kung saang lagi Niyang kusang-loob na ibinibigay sa atin ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inumin.
VIVA POONG JESUS NAZARENO!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento