Lunes, Enero 2, 2023

POONG JESUS NAZARENO: ANG NAG-AANYAYA SA ATIN NA MAGBAGONG-BUHAY

4 Enero 2023 
Ika-4 ng Enero sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang 
Paggunita kay Santa Isabel Ann Seton, Namamanata sa Diyos
Ikalimang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno 
1 Juan 3, 7-10/Salmo 97/Juan 1, 35-42 

This reproduction of the painting (c. 17th century) San Giovanni che indica il Cristo a Sant'Andrea (English: Christ is being identified by Saint John the Baptist to Saint Andrew) from La chiesa dei Santi Michele e Gaetano and Becocci Editore, Firenze 2006, as well as the work of art itself by Ottavio Vannini (1585-c. 1643), are in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less due to its age.

Kapag ang araw na ito ay hindi tumapat sa araw ng Linggo sapagkat ang mga araw ng Kapaskuhan at Bagong Taon ay tumapat sa araw ng Linggo, ipinagpapatuloy ng Simbahan ang pagsasaliksik at pagninilay sa pagkakilanlan ng Poong Jesus Nazareno bilang nagkatawang-taong Salita ng Diyos na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa isang hamak na sabsaban noong gabi ng unang Pasko. Bukod pa rito, ang araw na ito ay ang ikalimang araw ng paghahanda para sa Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagdarasal ng Pagsisiyam na tinatawag ring Nobenaryo sa Kanyang karangalan. 

Tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito ang pagkakataong ibinibigay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa bawat isa sa atin, lalo na sa lahat ng mga debotong buong katapatang namimintuho at namamanata sa Kanya, na baguhin ang ating mga sarili. Sa bawat sandali ng ating buhay dito sa mundo, lagi tayong inaaanyayahan ng Panginoong Jesus Nazareno na baguhin ang ating buhay at tahakin ang landas ng kabanalan. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi magsasawa na gawin ito upang makapiling natin Siya sa langit magpakailanman sa katapusan ng ating buhay dito sa mundong ito. Nais ng Panginoong Jesus Nazareno na maligtas tayo mula sa kapahamakang walang hanggan sa impyerno at matamasa ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa Kanyang kaharian sa langit magpakailanman. Ito ang dahilan kung bakit Niya tinanggap at niyakap ang Kanyang Krus. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Juan ang pagbabagong dulot ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, sa lahat. Ang lahat ng mga tumatanggap sa biyaya ng pagbabagong kaloob ng Poong Jesus Nazareno ay hindi na mamumuhay sa kasalanan. Ang makasalanang pamumuhay ay kanilang tatalikuran at itatakwil bilang pagpahayag ng kanilang katapatan sa Kanya na dahilan ng kanilang pagbabago. Sa Ebanghelyo, matapos ituro ni San Juan Bautista, si Jesus Nazareno ay sinundan ng dalawang dating alagad ni San Juan Bautista. Ang paanyaya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa kanila: "Halikayo at tingnan ninyo" (Juan 1, 39). Hindi lamang iyan. Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, binigyan ng Panginoong Jesus Nazareno ng isang panibagong pangalan ang kapatid ni Apostol San Andres na si Simon: Cefas na ang kahulugan ay Pedro (Juan 1, 45). Ito ang dahilan kung bakit hindi na siya kilala bilang Simon na mangingisda kundi si Apostol San Pedro. Si Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, mismo ang nagbigay ng pagkakataong ito kay Apostol San Pedro na baguhin ang kanyang buhay na tinanggap naman ng nasabing apostol. 

Patuloy na inaanyayahan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang bawat isa sa atin na baguhin ang ating buhay at tahakin ang landas ng kabanalan. Naging posible ang lahat ng ito sapagkat ipinasiya Niyang harapin, tanggapin, at yakapin ang Kanyang Misteryo Paskwal nang buong kababaang-loob. Ito ang bukod tanging dahilan kung bakit Siya isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang hamak na sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko. Ito rin ang dahilan kung bakit pinili Niyang tanggapin, yakapin, at pasanin ang Kanyang Krus at bumangon mula sa pagkadapa o pagkasubasob sa daang patungong Kalbaryo. Ang Kanyang naisin ay magkaroon ng oportunidad ang bawat isa sa atin na maging banal. 

Inaanyayahan tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na magbagong-buhay. Ano ang ating tugon sa Kanyang paanyaya? Kung nais nating patunayan sa Kanya ang taos-puso nating debosyon at pamamanata sa Kanya, tanggapin natin ang Kanyang paanyaya na magbagong-buhay at maging banal. Ito ang gagawin ng mga tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento