3 Enero 2023
Ika-3 ng Enero sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
Paggunita sa Kabanal-Banalang Ngalan ng Ating Panginoong Jesus Nazareno
Ikaapat na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno
1 Juan 2, 29-3, 6/Salmo 97/Juan 1, 29-34
Screenshot: 12.17.2022 (SATURDAY) 5:00 PM #AnticipatedMass - Quiapo Church Facebook and YouTube Live Stream
Ang Kabanal-Banalang Ngalan ng Panginoong Jesus Nazareno ay mayroong sagisag na tinatawag na monogram o sa kasong ito ay Christogram. Ang mga monogram katulad na lamang ng mga Christogram ay mga simbolo na binubuo ng mga letra o titik. Sa wikang Latin, ang kahulugan ng sagisag na ito ng Pangalan ng Panginoong Jesus Nazareno ay "Iesus Hominem Salvator." Kung isasalin ito sa Tagalog, ang ibig sabihin nito ay "Hesus, Tagapagligtas ng Sangkatauhan." Sa sagisag ito ng Kabanal-Banalang Ngalan ng ating Panginoong Jesus Nazareno, malinaw na inilalarawan at ipinapaalala sa atin ang dahilan kung bakit Siya pumarito sa sanlibutan. Ipinapaalala rin sa atin ng sagisag na ito ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang tanggapin at yakapin ang Kanyang Krus, gaya ng inilalarawan ng imahen ng Poong Nazareno sa Quiapo man o sa ibang mga Simbahan sa Pilipinas at sa ibang mga bansa kung saang mayroong debosyon kay Kristo sa ilalim ng titulong Poong Jesus Nazareno.
Nakasentro sa tunay na dahilan kung bakit ang Poong Jesus Nazareno ay naparito sa mundo ang pangaral ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa. Ang misyon ng Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ay binigyan ng pansin at tinalakay ni Apostol San Juan sa kanyang pangaral sa Unang Pagbasa. Ito ang tanging dahilan kung bakit ang Poong Jesus Nazareno ay dumating sa mundo. Ang Poong Jesus Nazareno ay nagpasiyang dumating sa mundong ito upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Bagamat hindi naman Niya kinailangang gawin iyon, ginawa pa rin Niya ito alang-alang sa atin. Dahil dito, ipinasiya ni Apostol San Juan na isalungguhit at itampok ang tungkulin at larawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Mesiyas at Tagapagligtas na siya ring dahilan kung bakit Niya ipinasiyang tanggapin, yakapin, at pasanin ang Krus.
Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Jesus Nazareno ay ipinakilala ni San Juan Bautista sa lahat ng mga nakikinig sa kanya bilang Kordero ng Diyos (Juan 1, 29). Inilarawan rin ng mga salitang ito ni San Juan Bautista sa Ebanghelyo ang misyon ng Panginoong Jesus Nazareno. Bilang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng mundo, ihahandog ng Panginoong Jesus Nazareno ang Kanyang sarili. Sa pamamagitan nito, masasaksihan ng lahat ang pagliligtas ng Diyos. Niloob ng Ama na si Jesus Nazareno ay magbibigay ng sarili bilang handog para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Sinunod at tinupad ng Poong Jesus Nazareno ang misyong bigay sa Kanya ng Ama nang buong kababaang-loob at pananalig. Ito ang inilalarawan ng bawat larawan o imahen ng Poong Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento