Biyernes, Disyembre 9, 2022

ANG LAYUNIN NG MGA PAGPAPALA NG DIYOS

23 Disyembre 2022 
Misa de Gallo/Simbang Gabi: Ikawalong Araw
Malakias 3, 1-4. 23-24/Salmo 24/Lucas 1, 57-66 

Nacimiento de San Juan Bautista (Birth of John the Baptist) (c. 1620s) by Andrea Sacchi (1599-1661) from the Museo del Prado Collection is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and other areas where the copyright term is the author's life plus 70 years or fewer due to its age. This work is also in the public domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1927.

Bakit tayo pinagpapala ng Panginoong Diyos? Karapat-dapat ba tayong tumanggap at makinabang sa mga pagpapala ng Panginoong Diyos? Ang mga tanong na ito ang pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa araw na ito, ang ikawalong araw ng ating tradisyunal na Pagsisiyam o Nobenaryo bilang paghahanda ng sarili para sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno. Bakit ba tayo tumatanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Ano nga ba ang dahilan at layunin ng mga pagpapala ng Diyos? Ano nga ba ang mensaheng ipinaparating sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng mga pagpapalang ipinagkakaloob Niya sa atin? 

Walang sinuman sa atin dito sa mundong ito ang karapat-dapat na tumanggap at makinabang sa mga pagpapalang ipinagkakaloob sa atin ng Panginoong Diyos. Dahil sa ating likas na kalagayan bilang mga marurupok na makasalanan, hindi maaaring ipahayag at ipagmalaki ng sinuman sa atin dito sa mundo na karapat-dapat siyang tumanggap ng mga biyaya o pagpapala ng Panginoon. Walang karapatang sabihin ninuman na mayroon siyang karapatang tanggapin ang pagpapala ng Diyos. Tayong lahat, dahil sa ating mga kasalanan, ay hindi karapat-dapat sa pagpapala ng Diyos. 

Subalit, sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan, ipinagkakaloob pa rin sa atin ng Diyos ang Kanyang pagpapala. Bakit? Ito ang tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Malakias ang dalawang biyayang ipagkakaloob Niya sa tanan. Ang unang biyayang binanggit ng Panginoong Diyos sa Kanyang pahayag na inilahad ni Propeta Malakias sa Unang Pagbasa ay walang iba kundi ang ipinangakong Tagapagligtas na walang iba kundi si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. Subalit, hindi lamang isa kundi dalawang biyayang ipagkakaloob ng Diyos. Ang ikalawang biyayang ipagkakaloob sa tanan ng Diyos ay si Propeta Elias. Subalit, bago dumating ang unang biyaya na siya ring pangunahing biyaya, ipagkakaloob muna Niya ang ikalawang biyaya na walang iba kundi si Propeta Elias upang ihanda ang daraanan ng Mesiyas (Malakias 3, 1. 23).

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagsilang ng ikalawang biyayang ipinagkaloob sa tao ng Diyos na naganap bago ang pagdating ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang ikalawang biyayang tinukoy sa pahayag ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay si San Juan Bautista. Ang kanyang pagsilang at pagpapangalan sa kanya ng kanyang mga magulang na sina Elisabet at Zacarias ay itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Hindi siya pinangalanang "Zacarias" katulad ng kanyang ama. Bagkus, ang pangalang inihayag Arkanghel na si San Gabriel kay Zacarias ay ibinigay sa kanya ng kanyang mga magulang (Lucas 1, 60. 63). Hindi siya si Propeta Elias na iniakyat ng Diyos sa langit sa pamamagitan ng isang karwaheng apoy na hinihila ng mga kabayong apoy (2 Hari 2, 10). Bagkus, "ang espiritu at kapangyarihan ni Elias" ay kanyang tataglayin (Lucas 1, 17). Sa pamamagitan ng pagkakaloob Niya kay San Juan Bautista at sa Poong Jesus Nazareno, tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako. 

Ang kahulugan ng pangalang "Juan" ay "Ang Diyos ay mapagpala." Ito ang dahilan kung bakit ipinagkaloob at isinugo ng Panginoong Diyos si San Juan Bautista bago ipagkaloob ang pinakadakilang pagpapala na walang iba kundi ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Isang maikling buod at paliwanag nito ang kahulugan ng pangalang "Juan". Hindi ito tungkol sa atin. Katunayan, wala tayong ginawa upang patunayan na karapat-dapat tayo sa mga pagpapala ng Diyos. Bagkus, ito ay tungkol sa kabutihan, pag-ibig, at awa ng Panginoong Diyos. Dahil sa habag, kabutihan, at pag-ibig ng Diyos, sa kabila ng mga nagawa nating kasalanan laban sa Kanya, patuloy tayong binibiyayaan at pinagpapala ng Diyos. Isinasalamin ng mga pagpapala ng Diyos sa atin ang Kanyang pag-ibig, kabutihan, at awa. Iyan ang dahilan kung bakit tayo pinagpapala ng Diyos. 

Mayroong dahilan at layunin ang mga pagpapalang ipinagkakaloob sa atin ng Diyos sa kabila ng ating mga kasalanan. Ito ay upang maging salamin at paalala para sa atin na patuloy tayong kinahahabagan at iniibig ng Diyos. Maaakit nawa tayo ng pag-ibig at awa ng Panginoong Diyos na baguhin ang ating mga sarili at ihandog ang buo nating sarili sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento