Martes, Disyembre 27, 2022

POONG JESUS NAZARENO: ANG SALITA NG DIYOS NA NAGKATAWANG-TAO DAHIL SA PAG-IBIG

31 Disyembre 2022 
Ikapitong Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang 
Unang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno 
1 Juan 2, 18-21/Salmo 95/Juan 1, 1-18 

Screenshot: Quiapo Church Live Mass (December 23, 2022 - 6:00 AM Mass)

Kapag ang araw na ito, ang ika-31 ng Disyembre na siya ring huling araw ng taon sa sekular na kalendaryo, ay hindi tumapat sa araw ng Linggo, ang ating mga pansin ay itinutuon sa katangian at misteryo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang Banal na Sanggol na isinilang sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko ay ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Noong gabing iyon, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao ay dumating sa mundong ito bilang isang munting sanggol na lalaki na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Subalit, hindi isang karaniwang sanggol na lalaki ang isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen dahil ang nasabing sanggol ay ang mismong Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na dumating sa mundong ito upang iligtas ang sangkatauhan - ang Panginoong Jesus Nazareno. Dahil dito, ang Panginoong Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang regalong ipinagkaloob ng Diyos sa lahat. 

Ang pagkakilanlan ng Poong Jesus Nazareno bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao ay tinalakay at pinagnilayan sa Ebanghelyo. Ang mga salita sa Ebanghelyo para sa araw na ito ay ang mga unang salita ng Ebanghelyo ni San Juan. Pinagnilayan nang buong kataimtiman ng Manunulat ng Mabuting Balitang si Apostol San Juan sa mga unang bahagi ng kanyang salaysay tungkol sa Mabuting Balita ang pinakadakilang misteryong naganap noong gabi ng unang Pasko. Ang Salita ng Diyos na Diyos rin ay dumating sa mundong ito sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sabi pa ni Apostol San Juan sa Ebanghelyo, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Jesus Nazareno ay dumating upang makapiling ang sangkatauhan (Juan 1, 14). 

Inilarawan rin ni Apostol San Juan sa huling bahagi ng kanyang pagninilay tungkol sa pagkakilanlan na ito ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang dahilan kung bakit Niya ito ginawa. Sabi ni Apostol San Juan na pag-ibig ang dahilan kung bakit tayo tumanggap ng abut-abot na kaloob mula sa Kanya (Juan 1, 16). Sa lahat ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin, ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob Niya sa atin ay ang Kanyang sarili bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Inilarawan pa nga ni Apostol San Juan sa Ebanghelyo kung paanong hindi tinanggap ang nagkatawang-taong Salita ng Diyos o Verbo na si Jesus Nazareno noong una Siyang dumating sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Kung tutuusin, hindi naman kinailangan ng Poong Jesus Nazareno na gawin ito, lalo't higit alam Niyang maraming hindi tatanggap sa Kanya bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Likas nga sa tao bilang mga makasalanan na hindi magpakita ng utang na loob kahit ginawaran sila ng mabuti. Batid naman ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang katotohanang ito tungkol sa atin bilang mga makasalanang tao. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na ipakita sa atin ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagbigay sa atin ng pinakadakilang regalo - Siya mismo. 

Sa Unang Pagbasa, si Apostol San Juan ay nagbigay ng babala tungkol sa mga anti-Kristo. Inilarawan ni Apostol San Juan kung ano ang pakay ng mga anti-Kristo. Ang mga anti-Kristo ay tumututol at lumalaban sa katotohanan. Pawang kasinungalingan lamang ang kanilang pinapairal at ipinapalaganap saan man sila magtungo. Walang ibang hangad ang mga anti-Kristo kundi linlangin ang mga tao. Kaya nga, "anti-" ang tawag sa kanila. Tutol sila sa mga aral, utos, at gawain ni Kristo. Hindi sila pumapanig o kumakampi kay Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Mga peke o huwad sila. 

Nakakalungkot nga lamang, maraming tao sa kasalukuyan ang nagpapaniwala sa mga panlilinlang at panloloko na ginagawa ng mga anti-Kristo. Ito ang gusto ng mga anti-Kristo, ang mahulog sa kanilang mga bitag ang marami. Ang kanilang taglay na talino ay ginagamit nila sa panlilinlang at pagmaninipula ng mga tao, lalung-lalo na yaong mga inosente at walang kalaban-laban. Minamanipula nila ang katotohanan upang sila ang magmukhang mabuti. Dahil dito, marami ang nagtatanggol sa kanila. Tinuturing pa nga silang Mesiyas o Tagapagligtas ng marami. Ang tunay na Diyos na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay kanilang ipinagpalit sa mga huwad at pekeng sugo at pati na rin ang ilang mga taong may kapangyarihan sa lipunan. 

Panlilinlang at peke ang ipinapalaganap ng mga anti-Kristo. Subalit, ang pag-ibig ng tunay at walang hanggang Diyos na si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay hindi peke. Bagkus, ang pag-ibig ng Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Jesus Nazareno ay tunay at walang hanggan. Pinatunayan Niya ito noong ipinasiya Niyang dumating sa mundo sa kabila ng hindi pagtanggap sa Kanya ng marami upang iligtas ang sangkatauhan. Iyan ang tunay na Diyos. Iyan si Jesus Nazareno. 

Tayong lahat ay ipinaalala sa atin sa araw na ito, ang ika-31 ng Disyembre, ang huling araw ng taong ito sa sekular na kalendaryo na siya ring unang araw ng Pagsisiyam o Nobenaryo sa Karangalan ng Poong Jesus Nazareno, na isa lamang ang tunay at walang hanggang Diyos. Ang tunay at walang hanggang Diyos na buong puso nating pinananaligan, sinasampalatayanan, pinupuri, pinasasalamatan, at sinasamba bilang Simbahan ay tunay ngang mahabagin at mapagmahal. Pinatunayan Niya ito noong ipinasiya Niyang ipagkaloob ang pinakadakilang biyaya o regalo. Ang pinakadakilang regalong kaloob ng Diyos sa atin ay dumating noong gabi ng unang Pasko. Ito ay ang biyaya ng kaligtasan sa pamamagitan ng nagkatawang-taong Salita na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng nagkatawang-taong Salita ng Diyos na si Jesus Nazareno, ang Diyos ay dumating sa mundong ito upang ihayag sa lahat ang Kanyang tunay at walang hanggang dakilang pag-ibig para sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento